A2
Mga Pagbabago sa Rebisyong Ito
Sa wikang Ingles, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay inilabas noong 1950 at ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan na isinalin mula sa orihinal na mga wika ay inilathala noong 1961. Mula noon, milyon-milyong mambabasa sa mahigit 210 wika ang nakinabang sa saling ito ng Banal na Kasulatan na tumpak at masarap basahin.
Pero sa nakalipas na mahigit 50 taon, nagbago na ang mga wika. Nakita ng kasalukuyang New World Bible Translation Committee na kailangang sumabay sa mga pagbabagong iyon para maabot ang puso ng mga mambabasa. Kaya sa rebisyong ito, gumawa ng mga pagbabago sa salita at paraan ng pagsulat. Narito ang ilang pagbabago:
Gumamit ng wikang moderno at mas naiintindihan. Halimbawa, kapag sinabing “mahabang pagtitiis,” baka ang pumasok sa isip ng mambabasa ay ang tagal ng panahon na kailangang magtiis ng isa. Pero ang idiniriin nito ay ang determinasyon ng isang tao na magtiis, kaya sapat nang sabihin na “pagtitiis.” (Galacia 5:22) Ang salitang “balakyot” na halos wala nang nakakaintindi ay pinalitan ng “masama” o “napakasama.” (Ezekiel 33:19; Mateo 12:39) Ang terminong “patutot” ay pinalitan ng “babaeng bayaran” o “lalaking bayaran.” (Genesis 38:15; Deuteronomio 23:17) Ang “pakikiapid” ay kadalasan nang tinutumbasan ng “seksuwal na imoralidad.” (Galacia 5:19) At ang “tabak” ay pinalitan ng “espada.” (Kawikaan 12:18) Ang “panahong walang takda” ay pinapalitan kung minsan ng “magpakailanman,” “permanente,” “panahong walang wakas,” o “napakatagal nang panahon” depende sa kahulugan nito sa bawat konteksto.—Genesis 3:22; 2 Hari 21:7; Awit 90:2; Eclesiastes 1:4; Mikas 5:2.
Ang terminong “binhi” sa sinaunang Hebreo at Griego ay puwedeng tumukoy sa buto ng halaman o sa semilya, pati na sa supling, o inapo, ng tao. Dahil hindi karaniwang ginagamit sa Tagalog ang salitang “binhi” para tumukoy sa tao, pinalitan ito ng mga salitang angkop sa bawat konteksto. (Genesis 1:11; 22:17; 48:4; Mateo 22:24; Juan 8:37) Sa ngayon, “supling” ang kadalasang ginagamit kapag tinutukoy ang pangako sa Eden, na nasa Genesis 3:15.
Ginagamit noon ang salitang “kinasihan” bilang panumbas sa salitang Ingles na inspired. Pero dahil hindi na maintindihan ang salitang ito, nahihirapan ang mga mambabasa na makuha ang tamang ideya. Kaya sa rebisyong ito, gumamit ng pananalitang angkop sa bawat konteksto. Halimbawa, ang pariralang “kinasihang pasiya” ay isinalin nang “pasiya ng Diyos.” (Kawikaan 16:10) Ang dating salin na “mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo” ay pinalitan ng “mga mensaheng galing sa mga demonyo.” (Apocalipsis 16:14) Ang pananalitang “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos” ay ginawa nang “ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos.”—2 Timoteo 3:16.
Pinalinaw ang mga termino sa Bibliya. May ilang termino sa unang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin na kailangan pang ipaliwanag para maintindihan nang tama. Halimbawa, ang terminong Hebreo na “Sheol” at terminong Griego na “Hades” ay ginagamit sa Bibliya para tumukoy sa libingan ng mga tao sa pangkalahatan. Marami ang hindi nakakaintindi sa mga salitang ito, at ang “Hades” ay nagkaroon ng isa pang kahulugan dahil sa pagkakagamit nito sa mitolohiyang Griego. Kaya ang dalawang terminong ito ay pinalitan ng “Libingan,” ang talagang tinutukoy ng mga manunulat ng Bibliya. Inilagay na lang sa talababa ang “Sheol” at “Hades.”—Awit 16:10; Gawa 2:27.
Sa unang edisyon, ang salitang Hebreo na neʹphesh at salitang Griego na psy·kheʹ ay laging isinasalin na “kaluluwa.” Ang mga salitang iyon sa orihinal na wika ay puwedeng tumukoy sa (1) tao, (2) buhay ng tao, (3) buháy na mga nilalang, (4) pagnanasa ng isang tao o kagustuhan niyang kumain, o sa ilang pagkakataon, (5) kahit sa mga patay. Pero hindi saklaw ng salitang “kaluluwa” sa Tagalog ang lahat ng kahulugan ng neʹphesh at psy·kheʹ. Kaya sa rebisyong ito, isinalin ang mga terminong iyon batay sa konteksto at kung minsan ay nilalagyan ng talababa na “Tingnan sa Glosari, ‘Nephesh; Psykhe.’ ” (Tingnan ang Genesis 1:20; 2:7; 12:13; Levitico 19:28; Kawikaan 23:2; Mateo 6:25.) Ginagamit lang ang “kaluluwa” kung naitatawid nito ang tamang kahulugan, gaya sa Mateo 22:37.
Isa pang halimbawa ang salitang “bato” (kidney). Isinasalin ito nang literal kapag ang tinutukoy ay ang mismong laman-loob. Pero kapag makasagisag ang gamit, gaya sa Awit 7:9 at 26:2 at Apocalipsis 2:23, ang mismong kahulugan na “kaibuturan ng damdamin” o “kaloob-looban ng isip” ang nakalagay sa teksto at ang literal na ideya ay nasa talababa.
Gaya sa wikang Hebreo at Griego, ang salitang “puso” sa Tagalog ay may literal at makasagisag na kahulugan, kaya kadalasan nang pinananatili ang salitang ito sa mismong teksto o sa talababa. Isinasalin ang kahulugan nito sa mga kontekstong hindi gaanong malinaw ang literal na salin. Halimbawa, sa aklat ng Kawikaan, ang pariralang “kapos ang puso” ay pinalitan ng “kulang sa unawa,” at inilagay sa talababa ang literal na ideya. (Kawikaan 6:32; 7:7) Isinalin din ayon sa konteksto ang iba pang salita, gaya ng “katabaan,” “laman,” at “sungay.” (Awit 73:7; Eclesiastes 5:6; Job 16:15) Ang ilan sa mga salitang ito ay ipinaliwanag sa “Glosari ng mga Termino sa Bibliya.”
Mas masarap nang basahin. Sa unang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin, gumamit ng karagdagang mga salita para ipakita kung ang pandiwang Hebreo ay nasa imperfect o perfect state. Halimbawa, idinagdag ang salitang gaya ng “pinasimulan” para ipakita ang patuluyang kilos na ipinahihiwatig ng imperfect state. Para naman maipakita ang pagdiriin na ipinahihiwatig ng perfect state, gumamit ng mga salitang gaya ng “tiyak,” “talaga,” at iba pa. Dahil diyan, lumitaw nang libo-libong ulit ang mga salitang ito sa unang edisyon. Sa rebisyong ito, gumamit ng karagdagang mga salita, gaya ng “paulit-ulit,” “lagi,” at “patuloy” sa mga konteksto na mahalagang ipakita ang patuluyang kilos. (Genesis 3:9; 34:1; Kawikaan 2:4) Pero para mas masarap basahin ang salin, inalis na ang mga salitang hindi naman kailangan para maitawid ang tamang kahulugan.
Itinawid ang tamang ideya ng mga salitang may kasarian. Makikita sa Hebreo at Griegong pangngalan (noun) kung ito ay panlalaki o pambabae. At sa Griego, makikita rin kung walang kasarian (neuter) ang pangngalan. Pero kung minsan, lumalabo ang ideya kapag ipinapakita pa sa salin ang kasarian ng salita. Sa wikang Hebreo at Griego, karaniwan nang panlalaki ang pangngalang pangmaramihan, kahit na tumutukoy ito sa mga lalaki at babae. Halimbawa, ang literal na terminong madalas na ginagamit sa wikang Hebreo para sa bayang Israel ay “mga anak na lalaki ni Israel.” Pero dahil may kasamang mga babae sa bayan, isinalin itong “mga Israelita” sa rebisyong ito. (Exodo 35:29) Gayundin, ang “batang lalaking walang ama” ay ginawang “batang walang ama” o “ulila” para ipakitang puwede itong tumukoy sa batang lalaki o babae. Sa kabilang banda, dahil ginagamit ng Bibliya ang kasariang panlalaki para tumukoy sa Diyos at sa kaniyang Anak, pati na sa mga anghel at demonyo, walang dahilan para gayahin ang ibang makabagong salin na gumamit ng pangngalang walang kasarian para sa mga terminong ito.
Ipinanalangin ang lahat ng pagbabago sa rebisyong ito ng Bibliya, at ginawa ito nang maingat at may malaking paggalang sa napakahusay na salin ng orihinal na New World Bible Translation Committee.
Mga idinagdag sa rebisyong ito:
Ang rebisyong ito ng Bibliya ay may mga talababa. Nahahati ang mga ito sa sumusunod na kategorya:
“O” Ibang salin ng salita o parirala mula sa wikang Hebreo, Aramaiko, o Griego pero hindi nag-iba ang ideya.—Genesis 1:2, talababa sa “aktibong puwersa”; Josue 1:8, “pabulong.”
“O posibleng” Ibang salin ng salita o parirala na may basehan din pero ibang-iba ang ideya.—Genesis 21:6, “tatawang kasama ko ang”; Zacarias 14:21, “Canaanita.”
“Lit.” Salita-por-salitang salin mula sa wikang Hebreo, Aramaiko, o Griego o ang literal na kahulugan ng salita o parirala sa orihinal na wika.—Genesis 30:22, “magdalang-tao”; Exodo 32:9, “matigas ang ulo.”
Kahulugan at karagdagang impormasyon Ibig sabihin ng pangalan (Genesis 3:17, “Adan”; Exodo 15:23, “Marah”); timbang at sukat (Genesis 6:15, “siko”); ang tinutukoy ng panghalip (Genesis 38:5, “siya”); iba pang impormasyon mula sa Apendise at Glosari.—Eclesiastes 9:10, “Libingan”; Mateo 5:22, “Gehenna.”
Sa unang seksiyon na “Introduksiyon sa Salita ng Diyos,” makikita ang pangunahing mga turo sa Bibliya. Kasunod ng mga aklat sa Bibliya ay ang “Talaan ng mga Aklat sa Bibliya” at “Glosari ng mga Termino sa Bibliya.” Ang Glosari ay makatutulong sa mambabasa na maintindihan ang ilang termino ayon sa pagkakagamit nito sa Bibliya. Makikita sa Apendise A ang mga seksiyong ito: “Pamantayan sa Pagsasalin ng Bibliya,” “Mga Pagbabago sa Rebisyong Ito,” “Kung Paano Naingatan ang Bibliya Hanggang sa Panahon Natin,” “Ang Pangalan ng Diyos sa Hebreong Kasulatan,” “Ang Pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan,” “Chart: Mga Propeta at mga Hari ng Juda at ng Israel,” at “Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Jesus sa Lupa.” Nasa Apendise B naman ang mga mapa, chart, at iba pang impormasyon na magagamit ng mga masipag mag-aral ng Bibliya.
Sa pasimula ng bawat aklat sa Bibliya, may maikling impormasyon sa nilalaman ng mga kabanata at makikita rin kung saang talata ito mababasa. Makatutulong ito sa mambabasa na makita ang buod ng buong aklat.Makikita sa bawat pahina ang piling mga marginal reference mula sa unang edisyon ng Bibliya.