Ayon kay Mateo
22 Muling naglahad si Jesus ng mga ilustrasyon sa kanila: 2 “Ang Kaharian ng langit ay katulad ng isang hari na nagsaayos ng handaan para sa kasal+ ng anak niyang lalaki. 3 At inutusan niya ang mga alipin niya na tawagin ang mga imbitado sa handaan, pero ayaw magpunta ng mga imbitado.+ 4 Inutusan niya ang iba pang alipin, ‘Sabihin ninyo sa mga imbitado: “Inihanda ko na ang tanghalian, ang aking mga baka at mga pinatabang hayop ay nakatay na, at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa handaan.”’ 5 Pero hindi nila pinansin ang imbitasyon. Ang ilan sa kanila ay pumunta sa bukid, at ang iba ay sa negosyo nila;+ 6 sinunggaban naman ng iba pa ang mga alipin ng hari, ininsulto ang mga ito, binugbog, at pinatay.
7 “Dahil dito, galit na galit ang hari, at isinugo niya ang mga hukbo niya para puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang lunsod nila.+ 8 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alipin niya, ‘Ang handaan sa kasal ay nakaayos na, pero ang mga inimbitahan ay hindi karapat-dapat.+ 9 Kaya pumunta kayo sa mga daan na palabas ng lunsod, at imbitahan ninyo sa handaan sa kasal ang sinumang makita ninyo.’*+ 10 Kaya pumunta sa mga daan ang mga aliping iyon at inimbitahan ang sinumang makita nila, masamang tao man o mabuti; at ang bulwagan para sa seremonya ng kasal ay napuno ng mga bisita.*
11 “Nang dumating ang hari para tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaki na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan. 12 Kaya sinabi niya rito, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan?’ Hindi ito nakapagsalita. 13 Kaya sinabi ng hari sa mga lingkod niya, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at ihagis siya sa kadiliman sa labas. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.’
14 “Marami ang inimbitahan, pero kakaunti ang pinili.”
15 Pagkatapos, ang mga Pariseo ay umalis at nagsabuwatan para hulihin siya sa pananalita niya.+ 16 Kaya isinugo nila sa kaniya ang mga tagasunod nila, kasama ang mga tagasuporta ni Herodes,+ para sabihin sa kaniya: “Guro, alam naming lagi kang nagsasabi ng totoo at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos, at hindi mo hinahangad ang pabor ng mga tao, dahil hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo. 17 Kaya ano sa tingin mo? Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” 18 Alam ni Jesus na masama ang motibo nila kaya sinabi niya: “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari? 19 Ipakita ninyo sa akin ang baryang pambayad ng buwis.” Dinalhan nila siya ng isang denario. 20 Sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at pangalan ito?” 21 Sinabi nila: “Kay Cesar.” Kaya sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ 22 Nang marinig nila iyon, namangha sila. Umalis sila at iniwan na si Jesus.
23 Nang araw na iyon, ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli,+ ay lumapit sa kaniya at nagtanong:+ 24 “Guro, sinabi ni Moises: ‘Kung mamatay ang isang lalaki nang walang anak, ang asawa niya ay pakakasalan ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.’+ 25 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki dito sa amin. Ang una ay nag-asawa at namatay, at dahil hindi siya nagkaroon ng anak, naiwan ang asawa niya sa kapatid niyang lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. 27 Bandang huli, namatay rin ang babae. 28 Ngayon, dahil siya ay napangasawa nilang lahat, sino sa pito ang magiging asawa ng babae kapag binuhay silang muli?”
29 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Mali ang iniisip ninyo, dahil hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos;+ 30 sa pagkabuhay-muli, hindi mag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, kundi sila ay magiging gaya ng mga anghel sa langit.+ 31 Tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos: 32 ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’?+ Siya ang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.”+ 33 Nang marinig ito ng mga tao, humanga sila sa turo niya.+
34 Nang marinig ng mga Pariseo na napatahimik niya ang mga Saduceo, sama-sama nila siyang pinuntahan. 35 At ang isa sa kanila, na eksperto sa Kautusan, ay nagtanong para subukin siya: 36 “Guro, ano ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”+ 37 Sinabi niya rito: “‘Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.’+ 38 Ito ang pinakamahalaga at unang utos. 39 Ang ikalawa na gaya nito ay ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’+ 40 Ang dalawang utos na ito ang saligan ng buong Kautusan at mga Propeta.”+
41 Ngayon habang magkakasama ang mga Pariseo, tinanong sila ni Jesus:+ 42 “Ano ang tingin ninyo sa Kristo? Kaninong anak siya?” Sumagot sila: “Kay David.”+ 43 Tinanong niya sila: “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na Panginoon? Sinabi ni David udyok ng banal na espiritu:+ 44 ‘Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ilagay ko ang mga kaaway mo sa ilalim ng iyong mga paa.”’+ 45 Ngayon, kung tinatawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak ni David?”+ 46 Walang isa mang nakasagot sa kaniya, at mula nang araw na iyon, wala nang naglakas-loob na magtanong pa sa kaniya.