C3
Mga Talata sa Bibliya Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi
Makikita rito ang iba pang talata kung saan lumitaw ang pangalan ni Jehova sa mismong teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ng Bagong Sanlibutang Salin. Ang mga talatang ito ay hindi sumipi nang tuwiran o di-tuwiran sa mga teksto sa “Lumang Tipan” kung saan lumitaw ang Tetragrammaton. Pero ang pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa mga talatang ito ay may matibay na basehan batay sa konteksto at gramatika. Kasunod ng bawat talata, ipapaliwanag kung bakit ibinalik doon ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang seksiyong “Sumaryo ng mga Dahilan Kung Bakit Ibinalik ang Pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.”
Sa ilalim ng “Reperensiya,” makikita ang ilang diksyunaryo, komentaryo, o iba pang sekular na reperensiya na sumusuporta sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa isang partikular na talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (mas kilala sa tawag na Bagong Tipan) o nagpapaliwanag na ang tinutukoy sa tekstong iyon ay ang pangalan ng Diyos. Ang ilan sa mga publikasyong ito ay sumusuporta sa di-makakasulatang turo ng Trinidad, pero pinapatunayan ng mga ito na lumitaw talaga ang pangalan ng Diyos sa ilang partikular na talata sa Bibliya.
Makikita rin dito ang ilang salin ng Bibliya sa iba’t ibang wika na gumamit ng saling gaya ng Jehovah, Yahveh, Yahweh, יהוה (YHWH, o Tetragrammaton), LORD, at ADONAI sa mismong teksto o kaya ay nagpaliwanag sa mga talababa at marginal note na ang tinutukoy sa teksto ay ang Diyos na Jehova. Sa ilalim ng “Sumusuportang Reperensiya,” nakalista ang ilang salin ng Bibliya na nagbalik ng pangalan ng Diyos sa isang partikular na teksto o nagpaliwanag na ang Diyos na Jehova ang tinutukoy sa tekstong iyon. Hindi laging magkapareho ang paglitaw ng pangalan ng Diyos sa mga saling ito at sa Bagong Sanlibutang Salin, pero gumamit ang mga saling ito ng anyo ng pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang bawat saling ito ay may code na letrang J na sinusundan ng isang numero. (Ang J ay para sa pangalang Jehova.) Makikita ang kumpletong listahan ng mga reperensiyang ito sa Apendise C4.
Pero dapat tandaan na hindi ang mga saling ito ang ginamit na basehan ng New World Bible Translation Committee sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang mga reperensiyang ito ay patunay lang na may ibang tagapagsalin na nagdesisyon ding ibalik ang pangalan ng Diyos sa mga bersiyon nila ng “Bagong Tipan.” Para sa higit na impormasyon, tingnan ang Apendise C1.
SUMARYO NG MGA DAHILAN KUNG BAKIT IBINALIK ANG PANGALAN NG DIYOS SA KRISTIYANONG GRIEGONG KASULATAN
MGA DAPAT PAG-ISIPAN:
Ito ba ay sinipi mula sa isang talata sa Hebreong Kasulatan na naglalaman ng pangalan ng Diyos? (Tingnan ang Apendise C2.)
Isa ba itong idyomang Hebreo o ekspresyon na karaniwan nang may kasamang pangalan ng Diyos? (Halimbawa, “anghel ni Jehova,” Mat 1:20)
Ang pangalan ba ng Diyos ay nasa konteksto ng sinipi mula sa Hebreong Kasulatan? (Halimbawa, “sinabi ni Jehova,” Mat 1:22; 2:15)
Sa Griego, wala bang tiyak na pantukoy bago ang Kyʹri·os (Panginoon), na dapat sana ay mayroon ayon sa gramatika—isang palatandaan na posibleng pantanging pangalan ang orihinal na lumitaw sa tekstong Griego? (Halimbawa, Mar 13:20)
Ginamit kaya ang pangalan ng Diyos sa tekstong ito para maiwasan ang kalituhan? (Halimbawa, “ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo,” Mar 5:19)