C3
Mga Talata sa 2 Timoteo Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi
2 TIMOTEO 1:18 “Kaawaan . . . ng Panginoong Jehova”
Kingdom Interlinear: “awa mula sa Panginoon”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Sa 2 Timoteo 1:18, dalawang beses lumitaw ang salitang Griego para sa “Panginoon” (Kyʹri·os). Sa unang paglitaw, may kasama itong tiyak na pantukoy. (Tingnan ang study note sa 2 Timoteo 1:18.) Pero sa ikalawang paglitaw, walang tiyak na pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan, at posibleng ipinapahiwatig nito na pantanging pangalan ang orihinal na lumitaw sa tekstong Griego. Maraming iskolar ang naniniwala na dahil walang tiyak na pantukoy sa ikalawang paglitaw ng Kyʹri·os, tumutukoy ito sa pangalan ng Diyos.
REPERENSIYA:
Ito ang sinabi ng isang komentarista tungkol sa dalawang paglitaw ng “Panginoon” sa 2 Timoteo 1:18: “Ang [unang paglitaw ng] pangalang Panginoon dito ay puwedeng tumukoy kay Kristo at ang sumunod ay sa Diyos; pero ang dalawang bahagi ng panalanging ito ay mas malamang na patungkol sa Diyos.”—The Moffatt New Testament Commentary, na inedit ni James Moffatt, “The Pastoral Epistles,” ni E. F. Scott, pahina 99.
Sa A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, na nirebisa at inedit ni F. W. Danker, 2000, (p. 576-577), nakalista ang 2 Timoteo 1:18 sa ilalim ng depinisyon ng “panginoon” na “katawagan para sa Diyos.”
Ginamit sa Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ng iskolar na German na si Franz Delitzsch, 1892, ang Tetragrammaton sa mismong teksto ng talatang ito.
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16-18, 22-24, 32, 41, 65, 94-96, 101, 106, 115, 117, 138, 144, 145, 147, 163, 310, 322-324
2 TIMOTEO 2:19b “tumatawag sa pangalan ni Jehova”
Kingdom Interlinear: “nagsasabi ng pangalan ng Panginoon”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Makikita sa pagkakasulat ni Pablo ng ekspresyong “talikuran ng lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kasamaan” na sinipi ito mula sa Hebreong Kasulatan. Pero hindi makikita ang eksaktong pananalitang ito sa Hebreong Kasulatan. (Tingnan ang study note sa 2 Timoteo 2:19.) Ang ekspresyong “tumatawag sa pangalan ni Jehova” ay posibleng galing sa salin ng Septuagint sa Isaias 26:13. Malinaw na ipinapakita sa orihinal na tekstong Hebreo na ang “pangalan” sa talatang iyon ay tumutukoy sa pangalan ng Diyos. Ayon sa ilang iskolar, may iba pang teksto na puwedeng pagkunan ng siniping bahaging ito, gaya ng salin ng Septuagint sa Levitico 24:16. Isa pa, napansin ng ilang komentarista sa Bibliya na kahawig ito ng pariralang “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova” na ginamit sa Joel 2:32 at sinipi sa Gawa 2:21 at Roma 10:13. (Tingnan ang study note sa Gawa 2:21; Roma 10:13.) Gayundin, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os (Panginoon), na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan, at posibleng ipinapahiwatig nito na pantanging pangalan ang orihinal na lumitaw sa tekstong Griego.
REPERENSIYA:
Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 2 Timoteo 2:19b kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”
“Hindi malinaw kung sino ang tinutukoy dito na Panginoon, pero dahil makikita sa pagkakasulat na galing sa Lumang Tipan ang dalawang pagsiping ito, maliwanag na ang Panginoon ay tumutukoy sa Diyos. . . . Ang isang bahagi nito (na nagsasabi ng pangalan ng Panginoon) ay galing sa Levitico 24:16.”—A Handbook on Paul’s Letters to Timothy and to Titus, nina Daniel C. Arichea at Howard A. Hatton, 1995, pahina 211.
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J17, 18, 22-24, 28, 29, 33-35, 41, 46, 51, 65, 90, 93-96, 100, 101, 122, 133, 145, 147, 154, 310, 322
2 TIMOTEO 4:14 “Gagantihan siya ni Jehova ayon sa mga ginawa niya”
Kingdom Interlinear: “ibabalik sa kaniya ng Panginoon ang ayon sa mga ginagawa niya”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang sinabi ni Pablo ay kaayon ng maraming talata sa Hebreong Kasulatan na nagpapakitang ang Diyos na Jehova ang gumaganti sa mga tao, mabuti man o masama ang ginawa nila. Ang isang halimbawa ay ang Awit 62:12, kung saan sinabi ng salmista: “O Jehova, . . . ginagantihan mo ang bawat isa ayon sa mga ginagawa niya.” (Tingnan din ang Awit 28:1, 4; Kawikaan 24:12; Panaghoy 3:64.) Ganito rin ang punto ni Pablo sa Roma 2:6, kung saan sinabi niya tungkol sa Diyos: “Ibibigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa.” Sinipi din niya ang sinabi ni Jehova sa Deuteronomio 32:35 nang sabihin niya sa Roma 12:19: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.” Kahit na may tiyak na Griegong pantukoy dito bago ang salitang “Panginoon,” makikita sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan na angkop lang na gamitin ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto. Binanggit din ng isang reperensiya na sa 2 Timoteo 4:14, kung saan ginamit ang pandiwang Griego para sa “gagantihan,” ang Diyos ang simuno ng pangungusap, gaya sa Mateo 6:4, 6, 18 at Roma 2:6.—Exegetical Dictionary of the New Testament, na inedit nina Horst Balz at Gerhard Schneider, 1990, Tomo 1, pahina 127-128.
REPERENSIYA:
“Halaw ito sa pamilyar na mga salita sa Awit 62:12 (ihambing din sa Kawikaan 24:12]), at nangangahulugan lang itong ‘Bahala na ang Diyos sa kaniya.’”—Cambridge Greek Testament for Schools and Colleges, na inedit ni J. Armitage Robinson, “The Pastoral Epistles With Introduction and Notes,” ni J. H. Bernard, 1899, pahina 147.
“Ang ekspresyong gagantihan siya ng Panginoon sa ginawa niya ay galing sa pampatibay sa Lumang Tipan para sa mga matuwid na nagdurusa habang gumaganda ang buhay ng masasama (Awit 28:4; 62:12; Kawikaan 24:12; Roma 12:17-21). Anuman ang gawin ng mga kaaway ng Diyos para hadlangan ang ebanghelyo o saktan tayo, hindi sila magtatagumpay laban sa Diyos. Hindi tayo dapat huminto dahil sa takot.”—1-2 Timothy & Titus (The IVP New Testament Commentary Series), ni Philip H. Towner, 1994, pahina 211.
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 16-18, 22, 23, 32, 41, 65, 95, 100, 101, 106, 115, 146, 236, 310, 322-324