Ikalawang Liham kay Timoteo
2 Kaya anak ko,+ patuloy mong palakasin ang sarili mo sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ipinapakita ni Kristo Jesus; 2 at kung tungkol sa mga bagay na narinig mo sa akin na sinusuportahan ng maraming saksi,+ ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat, na magiging lubusan ding kuwalipikado na magturo sa iba. 3 Bilang isang mahusay na sundalo+ ni Kristo Jesus, maging handa ka sa pagdurusa.+ 4 Hindi magnenegosyo ang sinumang sundalo kung gusto niyang makuha ang pabor ng nagpasok sa kaniya bilang sundalo. 5 At kahit sa mga palaro, hindi ginagantimpalaan* ang isang manlalaro kung hindi siya naglaro ayon sa mga alituntunin.+ 6 Ang masipag na magsasaka ang dapat na unang makinabang sa mga bunga. 7 Lagi mong pag-isipan ang sinasabi ko; ipauunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng bagay.
8 Alalahanin mong si Jesu-Kristo ay binuhay-muli+ at supling ni David+ ayon sa mabuting balita na ipinangangaral ko,+ 9 na dahilan kung bakit ako naghihirap at nakabilanggo bilang kriminal.+ Pero ang salita ng Diyos ay hindi nakagapos.+ 10 Kaya tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili,+ para maligtas din sila sa pamamagitan ni Kristo Jesus at makatanggap ng walang-hanggang kaluwalhatian. 11 Mapananaligan ito: Kung mamatay tayong magkakasama, mabubuhay rin tayong magkakasama;+ 12 kung patuloy tayong magtitiis, maghahari din tayong magkakasama;+ kung ikakaila natin siya, ikakaila rin niya tayo;+ 13 kung tayo ay maging di-tapat, mananatili pa rin siyang tapat, dahil hindi niya kayang ikaila ang sarili niya.
14 Lagi mong ipaalaala sa kanila ang mga ito; sabihan mo sila sa harap ng Diyos na huwag pag-awayan ang mga salita, dahil wala itong pakinabang at nakasasama ito sa mga nakikinig. 15 Gawin mo ang iyong buong makakaya para maging kalugod-lugod ka sa harap ng Diyos, isang manggagawa na walang ikinahihiya at ginagamit nang tama ang salita ng katotohanan.+ 16 Pero iwasan mo ang walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal,+ dahil ang mga ito ay aakay sa mas marami at mas masamang di-makadiyos na paggawi 17 at kakalat na tulad ng ganggrena. Kasama sa mga nagpapakalat nito sina Himeneo at Fileto.+ 18 Lumihis sa katotohanan ang mga taong ito dahil sinasabi nilang nangyari na ang pagkabuhay-muli,+ at sinisira nila ang pananampalataya ng ilan. 19 Sa kabila nito, nananatiling matatag ang matibay na pundasyon ng Diyos, kung saan nakasulat, “Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya,”+ at, “Talikuran ng lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova+ ang kasamaan.”
20 Ngayon, sa isang malaking bahay ay may mga kagamitang* ginto at pilak at mayroon ding gawa sa kahoy at luwad; ang ilan ay ginagamit sa marangal na paraan, pero ang iba ay sa di-marangal na paraan. 21 Kaya kung lalayuan ng isang tao ang mga huling nabanggit,+ magagamit siya sa marangal na paraan, at siya ay magiging banal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, at handa para sa bawat mabuting gawa. 22 Kaya tumakas ka mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan; itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso.+
23 Iwasan mo rin ang walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate,+ dahil alam mong nauuwi lang sa away ang mga ito. 24 Dahil ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat,+ kuwalipikadong magturo, nagpipigil kapag nagawan ng mali,+ 25 at mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.+ Baka sakaling bigyan sila ng pagkakataon ng Diyos na magsisi at sa gayon ay makakuha sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan,+ 26 at matauhan sila at makatakas sa bitag ng Diyablo, dahil nahuli na niya silang buháy at puwede na niyang magamit para gawin ang kagustuhan niya.+