KUWENTO 36
Ang Gintong Guya
ABA, ABA! Ano naman ngayon ang ginagawa ng bayan? Nananalangin sila sa isang guya! Bakit nila ginagawa ito?
Nang matagalan si Moises sa itaas ng bundok, ang bayan ay nagsabi: ‘Hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises. Kaya gumawa tayo ng isang diyos na aakay sa atin mula sa lupaing ito.’
Sumang-ayon si Aaron na kapatid ni Moises. Inipon niya ang lahat ng kanilang gintong hikaw, tinunaw ito at ginawang isang gintong guya. Sinabi ng bayan: ‘Ito ang ating Diyos, na naglabas sa atin sa Ehipto.’ Nagdaos sila ng malaking salu-salo at sinamba ang gintong guya.
Galit-na-galit ang Diyos nang makita ito, kaya sinabi niya kay Moises kung ano ang nangyayari.
Nagmamadaling nanaog si Moises mula sa bundok. Nang malapit na siya, nakita niya ang bayan na kumakanta at nagsasayaw sa paligid ng gintong guya! Galit-na-galit si Moises kaya’t inihagis niya ang dalawang malapad na bato na may mga utos, kaya nagkadurug-durog ito. Pagkatapos ay tinunaw niya ang gintong guya at giniling ito hanggang sa maging pulbos.
Sinabi ni Moises sa ilang mga lalaki na kunin ang kanilang mga espada. ‘Ang masasamang tao na sumamba sa gintong guya ay dapat mamatay,’ sabi niya. Kaya pinatay ng mga lalaki ang 3,000 tao. Hindi ba ipinakikita nito na si Jehova lamang ang dapat sambahin at hindi ang alinmang huwad na diyos?