KUWENTO 41
Ang Tansong Ahas
MUKHA bang tunay na ahas ang nakapulupot sa tulos? Hindi iyon ahas. Iyon ay isang tansong ahas. Sinabi ni Jehova kay Moises na ilagay ito sa tulos para makita ng mga tao at mabuhay. Pero ang ibang mga ahas na nasa lupa ay tunay. Tinuka nila ang mga tao kaya nagkasakit ang mga ito. Alam mo ba kung bakit?
Kasi nagsalita ang mga Israelita laban sa Diyos at kay Moises. Nagrereklamo sila dahil sa walang tubig sa ilang at sawang-sawa na sila sa kakakain ng manna.
Pero ang manna ay masarap na pagkain. Ibinigay ito ni Jehova sa kanila sa pamamagitan ng isang himala. Binigyan din niya sila ng tubig sa pamamagitan ng isang himala. Pero hindi sila marunong magpasalamat sa Diyos sa pag-aalaga niya sa kanila. Kaya nagpadala si Jehova ng makamandag na mga ahas para parusahan ang mga Israelita. Tinuka sila ng mga ahas, at marami sa kanila ang namatay.
Sa wakas, inamin ng mga Israelita ang kanilang pagkakamali. Nakiusap sila na alisin na ang mga ahas.
Kaya sinabi ni Jehova kay Moises na gawin ang tansong ahas na ito at ilagay iyon sa isang tulos. Sinomang matutuka ay dapat tumingin dito. Ginawa ni Moises ang utos ng Diyos. Ang mga natuka ay tumingin sa tansong ahas kaya gumaling uli sila.
May leksiyon tayong matututuhan dito. Lahat tayo, sa isang paraan, ay gaya ng mga Israelita na tinuka ng ahas. Ang mga tao ay tumatanda, nagkakasakit at namamatay. Kasi sina Adan at Eba ay tumalikod kay Jehova, at tayong lahat ay mga anak nila.
Pero isinugo ni Jehova sa lupa ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, para iligtas tayo. Si Jesus ay ibinitin sa isang tulos alang-alang sa atin. Kung titingin tayo sa kaniya, magtatamo tayo ng buhay na walang-hanggan. Pero malalaman pa natin ang higit tungkol dito.