Kamatayan
Kahulugan: Ang paghinto ng lahat ng gawain ng buhay. Makaraang huminto ang paghinga, pulso, at pagkilos ng utak, ay unti-unting tumitigil sa pag-andar ang puwersa ng buhay sa mga selula ng katawan. Ang kamatayan ay siyang kabaligtaran ng buhay.
Nilalang ba ng Diyos ang tao para mamatay?
Sa kabaligtaran, binalaan ni Jehova si Adan laban sa pagsuway, na aakay sa kamatayan. (Gen. 2:17) Nang maglaon, ang Israel ay binalaan ng Diyos laban sa paggawi na aakay sa di-napapanahong kamatayan para sa kanila. (Ezek. 18:31) Nang dakong huli isinugo niya ang kaniyang Anak para mamatay alang-alang sa sangkatauhan upang yaong mga sasampalataya sa paglalaang ito ay makapagkamit ng buhay na walang-hanggan.—Juan 3:16, 36.
Sinasabi ng Awit 90:10 na ang karaniwang lawig ng buhay ng tao ay 70 o 80 taon. Totoo ito nang ito ay sulatin ni Moises, subali’t hindi ito ang kalagayan mula sa pasimula. (Ihambing ang Genesis 5:3-32.) Sinasabi ng Hebreo 9:27, “Ang tao ay nakatakdang mamatay minsan magpakailanman.” Ito rin ay totoo nang ito ay sulatin. Subali’t hindi ganito ang kalagayan bago hatulan ng Diyos ang makasalanang si Adan.
Bakit tayo tumatanda at namamatay?
Sakdal ang pagkalalang ni Jehova sa unang mag-asawang tao, taglay ang pag-asa na mabuhay magpakailanman. Sinangkapan sila ng malayang pagpapasiya. Susundin ba nila ang kanilang Maylikha udyok ng pag-ibig at pagpapahalaga sa lahat ng ginawa niya para sa kanila? Sila’y may lubos na kakayahan para gawin ito. Sinabi ng Diyos kay Adan: “Datapuwa’t sa punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain mula roon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Sa pamamagitan ng isang ahas na nagsasalita, hinikayat ni Satanas si Eba upang labagin ang utos ni Jehova. Hindi sinaway ni Adan ang kaniyang asawa bagkus ay nakisama sa kaniya sa pagkain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy. Tapat sa kaniyang salita, ipinataw ni Jehova ang hatol na kamatayan kay Adan, subali’t bago niya pinuksa ang makasalanang mag-asawa, buong-awang pinahintulutan ni Jehova na sila’y makapagluwal ng supling.—Gen. 2:17; 3:1-19; 5:3-5; ihambing ang Deuteronomio 32:4 at Apocalipsis 12:9.
Roma 5:12, 17, 19: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan dahil sa kasalanan, kaya’t ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng tao sapagka’t silang lahat ay nagkasala—. . . . Sa pagsuway ng isa ay naghari ang kamatayan . . . Sa pamamagitan ng pagsuway ng isa ang marami ay naging mga makasalanan.”
1 Cor. 15:22: “Kay Adan ang lahat ay nangamamatay.”
Tingnan din ang paksang “Tadhana.”
Bakit namamatay ang mga sanggol?
Awit 51:5, JB: “Batid mong isinilang ako na may-sala, isang makasalanan mula pa nang ipaglihi.” (Tingnan din ang Job 14:4; Genesis 8:21.)
Roma 3:23; 6:23: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos . . . Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.”
Hindi “kinukuha” ng Diyos ang mga bata mula sa kanilang mga magulang, gaya ng sinasabi ng iba. Bagaman ang lupa ay naglalaan ng sapat na pagkain, madalas na ang mapag-imbot na maka-politika at maka-komersiyong mga elemento ay humahadlang sa pamamahagi nito sa mga nangangailangan, na umaakay sa kamatayan bunga ng malnutrisyon. Gaya din ng mga matatanda, ang ibang mga bata ay namamatay sa aksidente. Subali’t tayong lahat ay nagmana ng kasalanan; tayong lahat ay di-sakdal. Isinilang tayo sa isang kaayusan na kung saan ang lahat—kapuwa mabubuti at masasama—sa malao’t-madali ay namamatay. (Ecles. 9:5) Subali’t “nasasabik” si Jehova na muling magkasama ang mga magulang at mga anak sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, at siya’y maibiging gumawa ng paglalaan ukol dito.—Juan 5:28, 29; Job 14:14, 15; ihambing ang Jeremias 31:15, 16; Marcos 5:40-42.
Saan naroroon ang mga patay?
Gen. 3:19: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa, sapagka’t diyan ka kinuha. Sapagka’t ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.”
Ecles. 9:10: “Anomang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagka’t walang gawa ni katha ni kaalaman ni karunungan man sa Sheol [“ang libingan,” KJ, Kx; “daigdig ng patay,” TEV], ang dakong iyong paroroonan.”
Ano ang kalagayan ng mga patay?
Ecles. 9:5: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mangamamatay; nguni’t kung tungkol sa mga patay, sila’y walang nalalamang ano pa man.”
Awit 146:4: “Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya’y nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip [“pag-iisip,” KJ, 145:4 sa Dy; “lahat ng kaniyang pag-iisip,” NE; “mga plano,” RS, NAB].”
Juan 11:11-14: “ ‘Si Lazaro na ating kaibigan ay nagpahinga na, subali’t ako’y paroroon upang gisingin siya sa pagkakatulog.’ . . . Sinabi ni Jesus sa kanila nang buong-linaw: ‘Si Lazaro ay namatay.’ ” (Gayon din ang Awit 13:3)
May bahagi ba ng tao na patuluyang nabubuhay pagkamatay ng katawan?
Ezek. 18:4: “Ang kaluluwa [“kaluluwa,” RS, NE, KJ, Dy, Kx; “tao,” JB; “persona,” TEV] na nagkakasala ay mamamatay.”
Isa. 53:12: “Kaniyang idinulot ang kaniyang kaluluwa [“kaluluwa,” RS, KJ, Dy; “buhay,” TEV; “sarili,” JB, Kx, NAB] hanggang kamatayan.” (Ihambing ang Mateo 26:38.)
Tingnan din ang mga paksang “Kaluluwa” at “Espiritu.”
Ang mga patay ba’y maaaring makatulong o makapanakit sa mga buháy?
Ecles. 9:6: “Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang pananaghili ay nawala na, at wala na silang anomang bahagi magpakailanman sa anomang bagay na dapat gawin sa ilalim ng araw.”
Isa. 26:14: “Sila’y patay; sila’y hindi mabubuhay. Palibhasa’y mga patay na walang kapangyarihan, sila’y hindi babangon.”
Kumusta ang di-umano’y kabilang buhay na iniulat ng mga taong pinagbalikan ng malay makaraang ituring na sila’y namatay?
Karaniwan na, kapag ang isang tao ay huminto sa paghinga at tumigil ang tibok ng kaniyang puso, lumilipas pa ang ilang minuto bago maganap ang unti-unting paghinto ng puwersa ng buhay sa mga selula ng katawan. Kung ang katawan ay palalamigin nang husto, ang paghintong ito ay maaaring maipagpaliban ng ilang oras. Dahil dito, kung minsan ay posible na papanauliin ang malay ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapaandar muli sa kanilang puso at baga (cardiopulmonary resuscitation). Dinanas nila ang tinatawag na “klinikal na kamatayan,” nguni’t buháy pa rin ang mga selula ng kanilang katawan.
Maraming tao na muling nagkakamalay ang walang anomang naaalaala matapos dumanas ng “klinikal na kamatayan”. Ang iba ay nag-uulat na nadama nilang waring sila’y lumulutang. Ang iba’y nagbabalita na nakakita sila ng magagandang bagay; ang iba nama’y nahintakutan sa kanilang karanasan.
Mayroon bang medikal na paliwanag sa alinman sa mga karanasang ito?
Ang medikal na patnugot ng The Arizona Republic ay sumulat: “Kapag ang pisikal na kalakasan ay nasa pinakamababang antas, gaya ng kung may pampamanhid, o bunga ng karamdaman o pagkasugat, mayroon itong kaalinsabay na pagbagal sa kusang pagsupil sa pagkilos ng katawan. Kaya, ang mga neurohormone at catecholamine ng sistema sa nerbiyos ay napakakawalan at lumalabas sa di-mapigilang dami. Ang resulta nito, bukod pa sa ibang palatandaan, ay na sa pagbabalik ng malay, ay inaakala ng isa na siya’y aktuwal na namatay at muling nabuhay.”—Mayo 28, 1977, p. C-1; ganoon din ang medikal na babasahing Aleman na Fortschritte der Medizin, No. 41, 1979; Psychology Today, Enero 1981.
Subali’t hindi ba totoo na ang ulat niyaong mga pinagbalikan ng malay ay pinatunayan ng mga tao na pinagpakitaan at nakausap ng mga mahal nila sa buhay na nangamatay?
Pakisuyo, basahin uli ang mga kasulatan na sinipi kanina hinggil sa kalagayan ng mga patay. Ano ba ang sinasabi ng katotohanan ng Salita ng Diyos hinggil sa kalagayan ng mga patay?
Sino ang may nais na ang kabaligtaran ay siyang paniwalaan ng tao? Pagkatapos magbabala si Jehova sa ating unang mga magulang na ang kanilang pagsuway ay magdudulot ng kamatayan, sino ba ang sumalungat dito? “Sinabi ng ahas [na ginamit ni Satanas; tingnan ang Apocalipsis 12:9] sa babae: ‘Tunay na hindi kayo mamamatay.’ ” (Gen. 3:4) Sabihin pa, di nagtagal at namatay nga sina Adan at Eba. Sino, kung gayon, ang pinagmulan ng paniwala na may bahaging espiritu ang tao na nakakaligtas sa pagkamatay ng katawan? Gaya ng nakita na natin, hindi ganito ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Sa batas ng Diyos sa sinaunang Israel, ang pagsangguni sa mga patay ay isang kaugalian na hinatulan bilang “marumi” at “karumaldumal.” (Lev. 19:31; Deut. 18:10-12; Isa. 8:19) Hahatulan kaya ng isang Diyos ng pag-ibig ang gawaing ito kung ang mga nabubuhay ay basta nakikipagtalastasan lamang sa kanilang mahal sa buhay na pumanaw na? Sa kabilang dako, kung nagkukunwari ang mga espiritung demonyo na sila ang namatay at dinadaya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paglalagay sa kanilang isipan ng mga ideya na nagtataguyod sa isang kasinungalingan, hindi ba magiging maibigin sa bahagi ng Diyos na ipagsanggalang ang kaniyang mga lingkod laban sa ganitong pandaraya?—Efe. 6:11, 12.
Bakit hindi nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa tradisyonal na mga kaugalian sa pagluluksa?
Normal ang magdalamhati sa pagkamatay ng mahal sa buhay at wastong ipahayag ito
Nang mamatay ang matalik niyang kaibigan na si Lazaro, ay “tumangis si Jesus.” (Juan 11:35) Kung minsan ay matindi ang dalamhati na nararanasan ng mga lingkod ng Diyos kapag may namamatay.—2 Sam. 1:11, 12.
Subali’t dahil sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, ang mga Kristiyano ay sinasabihan: “Hindi namin ibig na kayo’y hindi makaalam tungkol sa mga nangatutulog sa kamatayan; upang kayo’y huwag mangalumbay na gaya ng mga iba na walang pag-asa.”—1 Tes. 4:13.
Hindi tinatanggihan ng mga lingkod ni Jehova ang lahat ng kaugaliang kaugnay ng kamatayan
Gen. 50:2, 3: “Iniutos ni Jose sa kaniyang mga lingkod, ang mga manggagamot, na embalsamahin ang kaniyang ama . . . at apatnapung araw ang ginanap sa kaniya, sapagka’t gayon ang nakaugalian sa mga araw ng pag-eembalsama.”
Juan 19:40: “Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at binalot nila ng mga kayong lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.”
Ang mga kaugalian na salungat sa Salita ng Diyos ay iniiwasan niyaong mga naghahangad na makalugod sa kaniya
Ang ilang kaugalian ay hayagang nagtatanghal sa pagdadalamhati ng isa. Subali’t sinabi ni Jesus: “Pagka kayo’y nangag-aayuno [dahil sa kalumbayan], huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw na may mapapanglaw na mukha, sapagka’t kanilang pinasasamâ ang kanilang mga mukha upang makita ng mga tao na sila’y nangag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti. Datapuwa’t kayo, sa pag-aayuno ninyo, ay langisan ninyo ang inyong ulo at hilamusan ninyo ang inyong mukha upang huwag makita ng mga tao na kayo ay nag-aayuno, kundi ng Ama ninyo na nasa lihim; at ang Ama ninyo na nakakakita sa lihim ay siyang gaganti sa inyo.”—Mat. 6:16-18.
Ang ilang kaugalian ay nasasalig sa paniwala na ang tao ay may kaluluwang di-namamatay na nakakaligtas sa pagkamatay ng katawan kung kaya’t namamalayan nila kung ano ang ginagawa ng mga naulila. Subali’t sinasabi ng Bibliya: “Ang mga patay . . . ay walang nalalamang ano pa man.” (Ecles. 9:5) At, “Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.”—Ezek. 18:4.
Maraming kaugalian ang lumitaw dahil sa paniwala na kailangan ng mga patay ang tulong ng mga buháy o dahil sa takot na baka nila saktan ang mga buháy kung hindi sila bibigyang-kasiyahan. Subali’t ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang mga patay ay walang nararanasang hirap o ginhawa. “Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya’y nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4; tingnan din ang 2 Samuel 12:22, 23.) “Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang pananaghili ay nawala na, at wala na silang anomang bahagi magpakailanman sa anomang bagay na dapat gawin sa ilalim ng araw.”—Ecles. 9:6.
Kung May Magsasabi—
‘Kalooban ito ng Diyos’
Maaari kayong sumagot: ‘Iyan ang karaniwang paniwala. Nguni’t natuklasan ko na nakakatulong ang pagsasaliksik kung ano ang sinasabi mismo ng Diyos tungkol dito.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘(Basahin ang Genesis 2:17.) Kung bibigyang-babala ng isang ama ang kaniyang anak laban sa paggawa ng isang bagay na maaaring ikamatay nito, sasabihin ba ninyo na gusto ng ama na ganoon ang gawin ng kaniyang anak?’ (2) ‘Ano kung gayon ang kalooban ng Diyos para sa tao? Sinabi ni Jesus: “Ito ang kalooban ng aking Ama, na bawa’t nakakakita sa Anak [alalaong baga’y, nakakaunawa at kumikilala na si Jesus ay tunay ngang Anak ng Diyos] at sa kaniya’y sumasampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at akin siyang ibabangon sa huling araw.” (Juan 6:40)’
‘Walang hindi mamamatay’
Maaari kayong sumagot: ‘Ganiyan nga ang nangyayari sa tao magpahanggang sa ating kaarawan, hindi po ba?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Nguni’t pansinin ang kamanghamanghang pangako na binitiwan ng Diyos sa Apocalipsis 21:3, 4 (o Isaias 25:8).’
‘Darating iyon kapag oras mo na’
Maaari kayong sumagot: ‘Marami ang nakakadama ng ganito. Alam ba ninyo na marami sa mga sinaunang Griyego ang may ganito ring paniwala? Naniwala sila na may tatlong diyosa na nagpapasiya hinggil sa kung gaano ang magiging haba ng buhay ng bawa’t tao. Subali’t ang Bibliya ay naghaharap ng kakaibang pangmalas tungkol sa buhay.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘(Basahin ang Eclesiastes 9:11.) Halimbawa: Isang tipak ng semento ay maaaring matibag sa isang gusali at mabagsakan ang isang naglalakad. Pinangyari ba ito ng Diyos? Kung oo, makatuwiran bang idemanda ang may-ari ng gusali dahil sa kapabayaan? . . . Gaya ng sinasabi ng Bibliya, para sa naglalakad ito ay isang pangyayari na hindi binalak at hindi inaasahan na siya’y nagkataong naroroon nang bumagsak ang semento.’ (2) ‘Sinasabi ng Bibliya na kung iiwasan natin ang masamang paggawi maiingatan natin ang ating buhay. (Kaw. 16:17) Kung kayo’y magulang, natitiyak kong ikinakapit ninyo ang simulaing ito sa inyong mga anak. Binibigyan ninyo sila ng babala laban sa mga bagay na magbubunga ng pagkasawi nila. Ganito rin ang ginagawa ni Jehova para sa buong sangkatauhan sa ngayon.’ (3) ‘Alam ni Jehova kung ano ang inilalaan ng hinaharap. Sa pamamagitan ng Bibliya ay sinasabi niya sa atin kung papaano tayo makapagtatamasa ng isang buhay na mas mahaba kaysa sa tinatamasa ng mga tao na nagwawalang-bahala sa kaniyang sinasabi. (Juan 17:3; Kaw. 12:28.)’ (Tingnan din ang paksang “Tadhana.”)