Unang Liham sa mga Taga-Corinto
12 Mga kapatid, gusto kong maunawaan ninyo ang tungkol sa espirituwal na mga kaloob.*+ 2 Alam ninyo na noong kayo ay hindi pa mananampalataya, naimpluwensiyahan kayo at nailigaw sa pagsamba sa mga idolong iyon na hindi makapagsalita,+ at sumusunod kayo noon saanman nila kayo akayin. 3 Kaya nililinaw ko sa inyo na hindi sasabihin ng sinumang ginagabayan ng espiritu ng Diyos: “Si Jesus ay isinumpa!” at ang ginagabayan lang ng banal na espiritu ang makapagsasabi: “Si Jesus ay Panginoon!”+
4 Ngayon ay may iba’t ibang kaloob, pero may iisang espiritu;+ 5 may iba’t ibang klase ng paglilingkod,+ pero may iisang Panginoon; 6 at may iba’t ibang gawain,* pero iisa ang Diyos na nagsasagawa ng lahat ng iyon sa lahat ng tao.+ 7 Pero ang tulong ng espiritu, na malinaw na nakikita sa lahat, ay ibinibigay para makinabang ang iba.+ 8 Sa isang tao, ang ibinigay ay pananalita ng karunungan sa pamamagitan ng espiritu,+ sa iba ay pananalita ng kaalaman mula rin sa espiritung iyon, 9 sa iba ay pananampalataya+ mula rin sa espiritung iyon, sa iba ay kaloob na magpagaling+ mula sa espiritung iyon, 10 at sa iba pa ay kakayahang gumawa ng himala,+ humula,+ kumilala ng pananalita mula sa Diyos,+ magsalita ng iba’t ibang wika,+ at magsalin sa ibang wika.+ 11 Ang lahat ng kakayahang ito ay nagagawa sa pamamagitan ng iisang espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa kagustuhan ng Diyos.*
12 Dahil kung paanong ang katawan ay iisa pero maraming bahagi at ang lahat ng bahagi ng katawang iyon, kahit marami, ay bumubuo sa iisang katawan,+ gayon din ang Kristo. 13 Dahil sa pamamagitan ng iisang espiritu ay binautismuhan tayong lahat para bumuo ng iisang katawan, Judio man o Griego, alipin man o malaya, at tayong lahat ay tumanggap* ng iisang espiritu.
14 Dahil ang katawan ay hindi lang binubuo ng isang bahagi kundi ng marami.+ 15 Kahit sabihin ng paa, “Hindi ako kamay, kaya hindi ako bahagi ng katawan,” bahagi pa rin ito ng katawan. 16 At kahit sabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya hindi ako bahagi ng katawan,” bahagi pa rin ito ng katawan. 17 Kung ang buong katawan ay mata, paano ito makaririnig? Kung ang buong katawan ay tainga, paano ito makaaamoy? 18 Pero iniayos ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kagustuhan niya.
19 Kung ang lahat ng bahagi ay magkakapareho, ano ang mangyayari sa katawan? 20 Pero marami ang bahagi, at iisa lang ang katawan. 21 Hindi puwedeng sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin puwedeng sabihin ng ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa kabaligtaran, kailangan ang mga bahagi ng katawan na mukhang mahina, 23 at ang mga bahagi ng katawan na iniisip nating hindi maganda ay mas binibigyang-pansin natin,+ kaya mas naaalagaan natin ang mga bahaging hindi kaayaaya, 24 samantalang ang magagandang bahagi natin ay hindi nangangailangan ng anuman. Binuo ng Diyos ang* katawan sa katulad na paraan; binibigyan niya ng higit na karangalan ang bahaging kulang nito 25 para hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi ang katawan, kundi magmalasakit sa isa’t isa ang mga bahagi nito.+ 26 Kung nagdurusa ang isang bahagi, nagdurusang kasama nito ang lahat ng iba pang bahagi;+ o kung pinuri ang isang bahagi, nakikisaya rito ang lahat ng iba pang bahagi.+
27 Kayo ang katawan ni Kristo,+ at ang bawat isa sa inyo ay bahagi nito.+ 28 At inilagay ng Diyos sa kongregasyon ang bawat isa sa mga ito: una, mga apostol;+ ikalawa, mga propeta;+ ikatlo, mga guro;+ pagkatapos, mga gumagawa ng himala;+ pagkatapos, mga may kaloob na magpagaling;+ mga tumutulong sa iba; mga may kakayahang manguna;+ at mga nagsasalita ng iba’t ibang wika.+ 29 Lahat ba ay apostol? Lahat ba ay propeta? Lahat ba ay guro? Lahat ba ay gumagawa ng himala?* 30 Lahat ba ay may kaloob na magpagaling? Lahat ba ay nagsasalita ng iba’t ibang wika?+ Lahat ba ay tagapagsalin? Hindi.+ 31 Gayunman, patuloy ninyong sikaping makatanggap ng* mas dakilang mga kaloob.+ Pero may ipapakita ako sa inyo na nakahihigit sa lahat ng ito.+