Ikalabing-anim na Kabanata
Nalalapit Na sa Kanilang Wakas ang Naglalabanang Hari
1, 2. Paano nagbago ang pagkakakilanlan ng hari ng hilaga pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig?
SA PAGLILIMI-LIMI sa kalagayang pulitikal ng Estados Unidos at Russia, ang pilosopong Pranses at istoryador na si Alexis de Tocqueville ay sumulat noong 1835: “Taglay ng isa ang kalayaan na siyang pangunahing paraan ng pagkilos; ang taglay naman ng isa ay ang pang-aalipin. Ang kanilang . . . landas [ay] magkaiba; gayunman, bawat isa ay waring tinawag sa pamamagitan ng lihim na layunin ng Diyos na balang araw ay mapapasakamay ng mga ito ang kasasapitan ng kalahati ng daigdig.” Gaano katotoo ang hulang ito pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II? Ang istoryador na si J. M. Roberts ay sumulat: “Sa totoo lamang, sa katapusan ng ikalawang Digmaang Pandaigdig lumilitaw na ang kahihinatnan ng daigdig ay malamang na pangingibabawan ng dalawang dakila at lubos na magkaibang sistema ng kapangyarihan, ang isa’y salig sa Russia, ang isa naman ay sa Estados Unidos ng Amerika.”
2 Noong dalawang digmaang pandaigdig, ang Alemanya ang siyang naging pangunahing kaaway ng hari ng timog—ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano—at kumuha ng puwesto ng hari ng hilaga. Gayunman, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang bansang iyon ay nahati. Ang Kanlurang Alemanya ay naging kakampi ng hari ng timog, at ang Silangang Alemanya ay umanib sa isa pang makapangyarihang grupo—ang Komunistang kalipunan ng mga bansa na pinangungunahan ng Unyong Sobyet. Ang grupong ito, o pulitikal na alyansa, ay tumayo bilang ang hari ng hilaga, na isang malakas na kalaban ng alyansang Anglo-Amerikano. At ang labanan sa pagitan ng dalawang hari ay naging isang Malamig na Digmaan na nagtagal mula noong 1948 hanggang 1989. Noong una, ang Alemang hari ng hilaga ay kumilos “laban sa banal na tipan.” (Daniel 11:28, 30) Paano kikilos ang Komunistang grupo hinggil sa tipan?
NABUBUWAL ANG MGA TUNAY NA KRISTIYANO SUBALIT NANANAIG
3, 4. Sino yaong mga “gumagawi nang may kabalakyutan laban sa tipan,” at ano ang kanilang kaugnayan sa hari ng hilaga?
3 “Yaong mga gumagawi nang may kabalakyutan laban sa tipan,” sabi ng anghel ng Diyos, “ay aakayin niya [ng hari ng hilaga] sa apostasya sa pamamagitan ng madudulas na salita.” Dagdag pa ng anghel: “Ngunit kung tungkol sa bayan na nakakakilala sa kanilang Diyos, sila ay mananaig at kikilos sa mabisang paraan. At kung tungkol doon sa mga may kaunawaan sa gitna ng bayan, sila ay magbibigay ng unawa sa marami. At sila ay ibubuwal sa pamamagitan ng tabak at ng liyab, ng pagkabihag at ng pandarambong, sa loob ng ilang araw.”—Daniel 11:32, 33.
4 Ang mga “gumagawi nang may kabalakyutan laban sa tipan” ay walang iba kundi ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking mga Kristiyano subalit sa pamamagitan ng kanilang ginagawa ay lumalapastangan sa mismong pangalan ng Kristiyanismo. Sa kaniyang aklat na Religion in the Soviet Union, si Walter Kolarz ay nagsabi: “[Noong ikalawang digmaang pandaigdig] ang Pamahalaang Sobyet ay nagsikap na gamitin ang materyal at moral na tulong ng mga Simbahan para ipagtanggol ang inang bayan.” Pagkatapos ng digmaan ang mga lider ng simbahan ay nagsikap na panatilihin ang pagkakaibigang iyon, sa kabila ng ateistikong patakaran ng kapangyarihan na ngayo’y ang hari ng hilaga. Kaya, ang Sangkakristiyanuhan higit kailanman ay naging bahagi ng sanlibutang ito—isang kasuklam-suklam na apostasya sa mga mata ni Jehova.—Juan 17:16; Santiago 4:4.
5, 6. Sino “ang bayan na nakakakilala sa kanilang Diyos,” at ano ang naging kalagayan nila sa ilalim ng hari ng hilaga?
5 Gayunman, kumusta ang mga tunay na Kristiyano—“ang bayan na nakakakilala sa kanilang Diyos” at “doon sa mga may kaunawaan”? Bagaman sila’y wastong ‘nagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad,’ ang mga Kristiyanong nabubuhay sa ilalim ng pamamahala ng hari ng hilaga ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. (Roma 13:1; Juan 18:36) Sa maingat na pagbibigay kay ‘Cesar ng mga bagay na kay Cesar,’ kanila ring ibinibigay “sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Dahilan dito, ang kanilang katapatan ay hinamon.—2 Timoteo 3:12.
6 Bilang resulta, ang tunay na mga Kristiyano ay kapuwa ‘nabuwal’ at ‘nanaig.’ Sila’y nabuwal sa bagay na sila’y dumanas ng matinding pag-uusig, at maging ang ilan sa kanila ay pinatay. Subalit sila’y nanaig sa bagay na ang karamihan sa kanila ay nanatiling tapat. Dinaig nila ang sanlibutan, gaya ng ginawa ni Jesus. (Juan 16:33) Bukod dito, sila’y hindi kailanman tumigil sa pangangaral, kahit na sila’y nabilanggo pa o napasa mga kampong piitan. Sa paggawa nito, sila’y ‘nagbigay ng unawa sa marami.’ Sa kabila ng pag-uusig sa maraming lupaing pinamamahalaan ng hari ng hilaga, dumami ang mga Saksi ni Jehova. Dahil sa katapatan niyaong “mga may kaunawaan,” isang palaki-nang-palaking bahagi ng “malaking pulutong” ang lumitaw sa mga lupaing iyon.—Apocalipsis 7:9-14.
DINALISAY ANG BAYAN NI JEHOVA
7. Anong “kaunting tulong” ang natanggap ng pinahirang mga Kristiyano na namumuhay sa ilalim ng hari ng hilaga?
7 “Kapag sila [ang bayan ng Diyos] ay nabuwal, tutulungan sila ng kaunting tulong,” ang sabi ng anghel. (Daniel 11:34a) Ang tagumpay ng hari ng timog sa ikalawang digmaang pandaigdig ay nagdulot ng kaunting ginhawa sa mga Kristiyanong nabubuhay sa ilalim ng kalabang hari. (Ihambing ang Apocalipsis 12:15, 16.) Sa gayunding paraan, ang mga pinag-usig ng humaliling hari ay nakaranas ng ginhawa sa pana-panahon. Habang nagtatapos na ang Malamig na Digmaan, natanto ng maraming lider na ang mga tapat na Kristiyano ay hindi naman pala isang panganib anupat pinagkalooban sila ng legal na pagkilala. Ang tulong ay dumating din, mula sa dumaraming bilang ng malaking pulutong, na tumugon sa tapat na pangangaral ng mga pinahiran at tumulong sa kanila.—Mateo 25:34-40.
8. Paanong ang ilan ay sumama sa bayan ng Diyos “sa pamamagitan ng kadulasan”?
8 Hindi lahat ng nag-angking may interes sa paglilingkod sa Diyos noong mga taon ng Malamig na Digmaan ay may mabubuting motibo. Ang anghel ay nagbabala: “Marami ang lalakip nga sa kanila sa pamamagitan ng kadulasan.” (Daniel 11:34b) Marami ang nagpakita ng interes sa katotohanan subalit hindi nagnanais na mag-alay sa Diyos. Ang iba naman na sa wari’y tumatanggap ng mabuting balita ay mga espiya pala ng mga awtoridad. Isang ulat mula sa isang lupain ang kababasahan: “Ang ilan sa mga taong ito na walang prinsipyo ay masugid na mga komunista na pumuslit sa loob ng organisasyon ng Panginoon, nagpakita ng matinding sigasig, at naatasan pa man din sa matataas na posisyon ng paglilingkod.”
9. Bakit pinahintulutan ni Jehova na ‘mabuwal’ ang ilan sa tapat na mga Kristiyano dahilan sa mga nakapuslit na tiktik?
9 Ang anghel ay nagpatuloy: “At ang iba sa mga may kaunawaan ay mabubuwal, upang magsagawa ng pagdadalisay dahil sa kanila at magsagawa ng paglilinis at magsagawa ng pagpapaputi, hanggang sa panahon ng kawakasan; sapagkat iyon ay ukol pa sa panahong takda.” (Daniel 11:35) Ang mga nakapuslit na tiktik ang naging sanhi ng pagbagsak ng ilang mga tapat sa kamay ng mga awtoridad. Pinahintulutan ni Jehova na mangyari ang mga bagay na iyon upang dalisayin at linisin ang kaniyang bayan. Kung paanong si Jesus ay ‘natuto ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan,’ gayundin ang mga tapat na ito ay natuto ng pagbabata mula sa pagsubok sa kanilang pananampalataya. (Hebreo 5:8; Santiago 1:2, 3; ihambing ang Malakias 3:3.) Kaya sila ay ‘dinalisay, nilinis, at pinaputi.’
10. Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “hanggang sa panahon ng kawakasan”?
10 Ang bayan ni Jehova ay makararanas ng pagkatisod at pagdalisay “hanggang sa panahon ng kawakasan.” Sabihin pa, inaasahan nila na sila’y pag-uusigin hanggang sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, ang paglilinis at pagpapaputi sa bayan ng Diyos na resulta ng palihim na pagpasok ng hari ng hilaga ay ‘ukol sa panahong takda.’ Kaya, sa Daniel 11:35, “ang panahon ng kawakasan” ay kailangang tumukoy sa katapusan ng yugto ng panahon na kailangan ng bayan ng Diyos upang madalisay habang nagbabata sa pagsalakay ng hari ng hilaga. Ang pagkabuwal ay maliwanag na nagwakas sa panahong takda ni Jehova.
DINAKILA NG HARI ANG KANIYANG SARILI
11. Ano ang sinabi ng anghel hinggil sa saloobin ng hari ng hilaga sa soberanya ni Jehova?
11 Tungkol sa hari ng hilaga, idinagdag ng anghel: “Gagawin nga ng hari ang ayon sa kaniyang sariling kalooban, at itataas niya ang kaniyang sarili at dadakilain ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa bawat diyos; at [yamang tumatangging kilalanin ang soberanya ni Jehova] laban sa Diyos ng mga diyos ay magsasalita siya ng mga kamangha-manghang bagay. At tiyak na magiging matagumpay siya hanggang sa ang pagtuligsa ay dumating na sa katapusan; sapagkat ang bagay na naipasiya ay dapat na isagawa. At ang Diyos ng kaniyang mga ama ay hindi niya isasaalang-alang; at ang ninasa ng mga babae at ang lahat ng iba pang diyos ay hindi niya isasaalang-alang, kundi dadakilain niya ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa lahat.”—Daniel 11:36, 37.
12, 13. (a) Sa paanong paraan itinakwil ng hari ng hilaga “ang Diyos ng kaniyang mga ama”? (b) Sino ang “mga babae” na ang “ninanasa” ay hindi isinaalang-alang ng hari ng hilaga? (c) Aling “diyos” ang binigyan ng kaluwalhatian ng hari ng hilaga?
12 Bilang katuparan ng makahulang mga salitang ito, itinakwil ng hari ng hilaga “ang Diyos ng kaniyang mga ama,” gaya ng Trinitaryong diyos ng Sangkakristiyanuhan. Ang Komunistang daigdig ay nagtaguyod ng lantarang ateismo. Kaya ginawang isang diyos ng hari ng hilaga ang kaniyang sarili, ‘na dinadakila ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa lahat.’ Sa hindi niya pagsasaalang-alang sa “ninanasa ng mga babae”—ang sunud-sunurang mga bansa, gaya ng Hilagang Vietnam, na naglingkod bilang mga utusang babae ng kaniyang rehimen—ang hari ay kumilos “ayon sa kaniyang sariling kalooban.”
13 Sa pagpapatuloy ng hula, ang anghel ay nagsabi: “Sa diyos ng mga tanggulan, sa kaniyang posisyon ay magbibigay siya ng kaluwalhatian; at sa isang diyos na hindi nakilala ng kaniyang mga ama ay magbibigay siya ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng ginto at ng pilak at ng mahalagang bato at ng mga kanais-nais na bagay.” (Daniel 11:38) Sa katunayan, inilagak ng hari ng hilaga ang kaniyang pagtitiwala sa makabagong siyentipikong militarismo, ang “diyos ng mga tanggulan.” Siya’y naghangad ng kaligtasan sa pamamagitan ng “diyos” na ito, na naghahain ng napakalaking kayamanan sa dambana nito.
14. Paano kumilos sa ‘pinakamabisang paraan’ ang hari ng hilaga?
14 “Siya ay kikilos sa mabisang paraan laban sa mga moog na lubhang nakukutaan, kasama ng isang banyagang diyos. Ang sinumang kumikilala sa kaniya ay pasasaganain niya sa kaluwalhatian, at pamamahalain nga niya sila sa marami; at ang lupain ay hahati-hatiin niya ukol sa isang halaga.” (Daniel 11:39) Sa pagtitiwala sa kaniyang militaristikong “banyagang diyos,” ang hari ng hilaga ay kumilos sa ‘[pinaka]mabisang paraan,’ bilang katunayan ng pagiging isang kakila-kilabot na kapangyarihang militar sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Yaong mga sumuporta sa kaniyang ideolohiya ay ginantimpalaan ng pulitikal, pinansiyal, at kung minsan ay militar na suporta.
“ISANG PAKIKIPAGTULAKAN” SA PANAHON NG KAWAKASAN
15. Paano ‘nakipagtulakan’ ang hari ng timog sa hari ng hilaga?
15 “Sa panahon ng kawakasan ang hari ng timog ay makikipagtulakan sa kaniya,” ang sabi ng anghel kay Daniel. (Daniel 11:40a) ‘Naitulak’ ba ng hari ng timog ang hari ng hilaga sa “panahon ng kawakasan”? (Daniel 12:4, 9) Oo, naitulak nga. Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, ang paglalapat ng may parusang kasunduan ukol sa kapayapaan na ipinataw sa noo’y hari ng hilaga—ang Alemanya—ay tunay na ‘isang panunulak,’ isang pambubuyo upang gumanti. Pagkaraan ng kaniyang tagumpay sa ikalawang digmaang pandaigdig, itinutok ng hari ng timog ang kakila-kilabot na mga sandatang nuklear sa kaniyang kalaban at inorganisa laban dito ang isang makapangyarihang alyansang militar, ang North Atlantic Treaty Organization (NATO). Hinggil sa tungkulin ng NATO, isang istoryador na Britano ang nagsabi: “Ito’y pangunahing kasangkapan para ‘mapigil’ ang USSR, na ngayo’y itinuturing bilang pangunahing panganib sa kapayapaan ng Europa. Ang misyon nito ay tumagal ng 40 taon, at naisagawa ito taglay ang di-mapasusubaliang tagumpay.” Habang dumaraan ang mga taon ng Malamig na Digmaan, kalakip sa ‘panunulak’ ng hari ng timog ang modernong teknolohiya ng pag-eespiya at ang pananalakay sa paraang diplomatiko at militar.
16. Paano tumugon ang hari ng hilaga sa panunulak ng hari ng timog?
16 Paano tumugon ang hari ng hilaga? “Laban sa kaniya ang hari ng hilaga ay dadaluhong na may mga karo at mga mangangabayo at maraming barko; at siya ay papasok sa mga lupain at aapaw at lalampas.” (Daniel 11:40b) Ang kasaysayan sa mga huling araw ay nagtampok sa pagpapalawak ng hari ng hilaga. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang Nazing “hari” ay umapaw sa kaniyang mga hangganan tungo sa nakapalibot na mga bansa. Sa katapusan ng digmaang iyon, ang humaliling “hari” ay nagtayo ng isang makapangyarihang imperyo. Noong Malamig na Digmaan, nakipagdigma ang hari ng hilaga sa kaniyang kalaban sa pamamagitan ng mga sinuportahan niyang digmaan at himagsikan sa Aprika, Asia, at Latin Amerika. Kaniyang pinag-usig ang mga tunay na Kristiyano, hinadlangan—subalit hindi kailanman napatigil—sa kanilang gawain. At sa pamamagitan ng kaniyang militar at pulitikal na pananalakay, maraming bansa ang napasailalim ng kaniyang kontrol. Ito ang siyang eksaktong inihula ng anghel: “Siya rin ay papasok sa lupain ng Kagayakan [ang espirituwal na kalagayan ng bayan ni Jehova], at maraming lupain ang mabubuwal.”—Daniel 11:41a.
17. Ano ang mga limitasyon ng pagpapalawak ng hari ng hilaga?
17 Gayunpaman, hindi nalupig ng hari ng hilaga ang daigdig. Inihula ng anghel: “Ang mga ito ang siyang makatatakas mula sa kaniyang kamay, ang Edom at ang Moab at ang pangunahing bahagi ng mga anak ni Ammon.” (Daniel 11:41b) Noong sinaunang panahon, ang Edom, Moab, at Ammon ay nasa pagitan ng mga nasasakupan ng Ehipsiyong hari ng timog at ng Siryanong hari ng hilaga. Sa makabagong panahon sila’y kumakatawan sa mga bansa at mga organisasyon na pinuntirya ng hari ng hilaga subalit hindi niya kayang dalhin sa ilalim ng kaniyang impluwensiya.
HINDI NAKATAKAS ANG EHIPTO
18, 19. Sa anong mga paraan nadama ng hari ng timog ang impluwensiya ng kaniyang kalaban?
18 Ang anghel ni Jehova ay nagpatuloy: “Patuloy niyang [ang hari ng hilaga] iuunat ang kaniyang kamay laban sa mga lupain; at kung tungkol sa lupain ng Ehipto, hindi siya magiging takas. At siya ay mamamahala nga sa mga natatagong kayamanan na ginto at pilak at sa lahat ng kanais-nais na bagay ng Ehipto. At ang mga taga-Libya at ang mga Etiope ay susunod sa kaniyang mga hakbang.” (Daniel 11:42, 43) Maging ang hari ng timog, ang “Ehipto,” ay hindi nakatakas sa mga epekto ng patakaran ng pagpapalawak ng hari ng hilaga. Halimbawa, ang hari ng timog ay nakaranas ng maliwanag na pagkatalo sa Vietnam. At kumusta naman “ang mga taga-Libya at ang mga Etiope”? Ang mga kalapit-bayang ito ng sinaunang Ehipto ay maaaring angkop na lumarawan sa mga bansa na, ayon sa heograpiya, mga kalapit-bayan ng makabagong “Ehipto” (ang hari ng timog). Sa pana-panahon, sila’y naging mga tagasunod ng—“mga hakbang”—hari ng hilaga.
19 Ang hari ba ng hilaga ay namahala sa ‘natatagong kayamanan ng Ehipto’? Tunay na siya’y nagkaroon ng isang makapangyarihang impluwensiya sa paraan ng paggamit ng hari ng timog sa kaniyang kayamanan. Dahil sa takot sa kaniyang kalaban, ang hari ng timog ay naglaan ng ubod-laking halaga upang mapanatili ang isang kakila-kilabot na hukbong katihan, hukbong-dagat, at puwersang panghimpapawid. Sa ganitong paraan, ang hari ng hilaga ay ‘namahala,’ o kumontrol, sa paggamit ng kayamanan ng hari ng timog.
ANG PANGWAKAS NA KAMPANYA
20. Paano inilarawan ng anghel ang pangwakas na kampanya ng hari ng hilaga?
20 Ang labanan sa pagitan ng hari ng hilaga at hari ng timog—sa militar man, ekonomiko, o sa iba pang paraan—ay nalalapit na sa katapusan nito. Bilang pagsisiwalat sa detalye ng isang labanan na sasapit pa, ang anghel ni Jehova ay nagsabi: “May mga ulat na liligalig sa kaniya [ang hari ng hilaga], mula sa sikatan ng araw at mula sa hilaga, at siya ay tiyak na hahayo sa matinding pagngangalit upang lumipol at magtalaga ng marami sa pagkapuksa. At itatayo niya ang kaniyang malapalasyong mga tolda sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Kagayakan; at siya ay darating hanggang sa kaniyang kawakasan, at walang tutulong sa kaniya.”—Daniel 11:44, 45.
21. Ano pa ang matututuhan hinggil sa hari ng hilaga?
21 Sa pagkalansag ng Unyong Sobyet noong Disyembre 1991, ang hari ng hilaga ay dumanas ng malaking sagwil. Sino ang magiging haring ito kapag natupad na ang Daniel 11:44, 45? Siya ba’y makikilala bilang isa sa mga bansa na naging bahagi ng dating Unyong Sobyet? O lubusan ba niyang babaguhin ang pagkakakilanlan, gaya ng ginawa niya noon ng ilang ulit? Ang pagkakaroon ba ng mga sandatang nuklear ng iba pang mga bansa ay magbubunga ng panibagong paligsahan sa mga sandata at magiging mahalaga sa pagkakakilanlan ng haring iyon? Panahon lamang ang makasasagot sa mga katanungang ito. Isang katalinuhan na hindi tayo manghula. Kapag nagsagawa na ang hari ng hilaga ng kaniyang pangwakas na kampanya ang katuparan ng hula ay maliwanag na mauunawaan ng lahat ng nagtataglay ng kaunawaan salig sa Bibliya.—Tingnan ang “Mga Hari sa Daniel Kabanata 11,” sa pahina 284.
22. Anong mga katanungan ang bumabangon hinggil sa pangwakas na pagsalakay ng hari ng hilaga?
22 Gayunman, alam na natin kung anong pagkilos ang malapit nang gawin ng hari ng hilaga. Palibhasa’y naudyukan ng ‘mga ulat mula sa sikatan ng araw at mula sa hilaga,’ siya’y magsasagawa ng isang kampanya ‘upang lipulin ang marami.’ Laban kanino gagawin ang kampanyang ito? At anong “mga ulat” ang magiging mitsa ng gayong pagsalakay?
NAGAMBALA NG NAKALILIGALIG NA MGA ULAT
23. (a) Anong namumukod-tanging pangyayari ang kailangang maganap bago ang Armagedon? (b) Sino ang “mga hari mula sa sikatan ng araw”?
23 Isaalang-alang kung ano ang sinasabi ng aklat ng Apocalipsis hinggil sa magiging wakas ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Bago maganap ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ang Armagedon, ang dakilang kaaway na ito ng tunay na pagsamba “ay lubusang susunugin sa apoy.” (Apocalipsis 16:14, 16; 18:2-8) Ang kaniyang pagkawasak ay inilarawan ng pagbubuhos ng ikaanim na mangkok ng galit ng Diyos sa makasagisag na ilog Eufrates. Ang ilog ay natuyo upang “ang daan ay maihanda para sa mga hari na mula sa sikatan ng araw.” (Apocalipsis 16:12) Sino ang mga haring ito? Walang iba kundi ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo!—Ihambing ang Isaias 41:2; 46:10, 11.
24. Anong pagkilos ni Jehova ang maaaring nakaligalig sa hari nga hilaga?
24 Ang pagkawasak ng Babilonyang Dakila ay maliwanag na inilarawan sa aklat ng Apocalipsis, na nagsasabi: “Ang sampung sungay na iyong nakita [ang mga hari na namamahala sa panahon ng kawakasan], at ang mabangis na hayop [ang Nagkakaisang mga Bansa], ang mga ito ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang malalamán niyang bahagi at susunugin siya nang lubusan sa apoy.” (Apocalipsis 17:16) Bakit pupuksain ng mga tagapamahala ang Babilonyang Dakila? Sapagkat “inilagay iyon ng Diyos sa kanilang mga puso upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan.” (Apocalipsis 17:17) Kabilang sa mga tagapamahalang ito ang hari ng hilaga. Ang kaniyang narinig “mula sa sikatan ng araw” ay maaaring tumutukoy sa pagkilos na ito ni Jehova, kapag inilagay niya ito sa puso ng mga lider na tao upang lipulin ang dakilang relihiyosong patutot.
25. (a) Anong pantanging puntirya ang taglay ng hari ng hilaga? (b) Saan itatayo ng hari ng hilaga ‘ang kaniyang malapalasyong mga tolda’?
25 Subalit may pantanging puntirya ang galit ng hari ng hilaga. “Itatayo niya ang kaniyang malapalasyong mga tolda sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Kagayakan,” ang sabi ng anghel. Noong kaarawan ni Daniel ang malaking dagat ay ang Mediteraneo at ang banal na bundok ay ang Sion, ang dating lugar ng templo ng Diyos. Kaya, sa katuparan ng hula, ang nagngangalit na hari ng hilaga ay magsasagawa ng isang kampanya laban sa bayan ng Diyos. Sa espirituwal na diwa, ang lugar “sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok” ay kumakatawan sa espirituwal na kalagayan ng pinahirang mga lingkod ni Jehova. Sila ay lumabas mula sa “dagat” ng sangkatauhang hiwalay sa Diyos at nagkaroon ng pag-asang mamahala sa makalangit na Bundok ng Sion kasama ni Jesu-Kristo.—Isaias 57:20; Hebreo 12:22; Apocalipsis 14:1.
26. Gaya ng ipinakikita ng hula ni Ezekiel, ano ang maaaring pinagmulan ng balita “mula sa hilaga”?
26 Si Ezekiel, isang kontemporaryo ni Daniel, ay humula rin hinggil sa pagsalakay sa bayan ng Diyos “sa huling bahagi ng mga araw.” Sinabi niyang ang labanan ay pasisimulan ni Gog ng Magog, alalaong baga, si Satanas na Diyablo. (Ezekiel 38:14, 16) Sa makasagisag na paraan, saang dako magmumula si Gog? “Mula sa kadulu-duluhang bahagi ng hilaga,” ang sabi ni Jehova, sa pamamagitan ni Ezekiel. (Ezekiel 38:15) Gaano mang kalupit ng pagsalakay na ito, hindi nito mapupuksa ang bayan ni Jehova. Ang dramatikong sagupaang ito ay mangyayari dahil sa estratehikong pagkilos ni Jehova upang puksain ang mga puwersa ni Gog. Kaya, sinasabi ni Jehova kay Satanas: “Ako’y tiyak . . . na maglalagay ng mga pambingwit sa iyong mga panga at ilalabas kita.” “Ako’y . . . magpapangyari na ikaw ay manggaling mula sa kadulu-duluhang bahagi ng hilaga at dadalhin ka sa mga bundok ng Israel.” (Ezekiel 38:4; 39:2) Kung gayon, ang balita “mula sa hilaga” na lubos na nagpapagalit sa hari ng hilaga ay tiyak na mula kay Jehova. Kung ano sa wakas ang magiging nilalaman ng mga ulat “mula sa sikatan ng araw at mula sa hilaga,” Diyos lamang ang makatitiyak nito at masisiwalat iyon pagdating ng panahon.
27. (a) Bakit susulsulan ni Gog ang mga bansa, lakip na ang hari ng hilaga, upang salakayin ang bayan ni Jehova? (b) Ano ang kalalabasan ng pagsalakay ni Gog?
27 Hinggil kay Gog, kaniyang inoorganisa ang kaniyang lubus-lubusang pagsalakay dahil sa kasaganaan ng “Israel ng Diyos,” na, kasama ng “malaking pulutong” ng “ibang tupa,” ay hindi na bahagi ng kaniyang sanlibutan. (Galacia 6:16; Apocalipsis 7:9; Juan 10:16; 17:15, 16; 1 Juan 5:19) Masama ang tingin ni Gog sa “isang bayang napisan mula sa mga bansa, isang nakapag-ipon ng [espirituwal na] kayamanan at pag-aari.” (Ezekiel 38:12) Dahil sa tingin na ang Kristiyanong espirituwal na kalagayan ay gaya “ng mga nayong walang halang” na madaling sakupin, si Gog ay gagawa ng matinding pagsisikap para maalis ang hadlang na ito sa kaniyang ganap na pagkontrol sa sangkatauhan. Subalit siya’y mabibigo. (Ezekiel 38:11, 18; 39:4) Kapag ang mga hari sa lupa, lakip na ang hari ng hilaga, ay sumalakay sa bayan ni Jehova, ang mga ito ay ‘hahantong sa kanilang wakas.’
‘ANG HARI AY HAHANTONG SA KANIYANG WAKAS’
28. Ano ang ating nalalaman hinggil sa kinabukasan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog?
28 Ang pangwakas na kampanya ng hari ng hilaga ay hindi laban sa hari ng timog. Kaya, ang hari ng hilaga ay hindi hahantong sa kaniyang wakas sa mga kamay ng dakila niyang kalaban. Sa gayunding paraan, ang hari ng timog ay hindi mapupuksa ng hari ng hilaga. Ang hari ng timog ay mapupuksa, ‘hindi sa kamay [ng tao],’ kundi sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos.a (Daniel 8:25) Sa katunayan, sa digmaan ng Armagedon, lahat ng makalupang hari ay aalisin ng Kaharian ng Diyos, at maliwanag na ito ang mangyayari sa hari ng hilaga. (Daniel 2:44) Ang Daniel 11:44, 45 ay naglalarawan sa mga pangyayaring hahantong sa pangwakas na digmaang iyan. Kaya pala “walang tutulong” kapag sumapit na ang hari ng hilaga sa kaniyang wakas!
[Talababa]
a Tingnan ang Kabanata 10 ng aklat na ito.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Paano nagbago ang pagkakakilanlan ng hari ng hilaga pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig?
• Ano ang mangyayari sa dakong huli sa hari ng hilaga at hari ng timog?
• Paano ka nakinabang sa pagbibigay-pansin sa hula ni Daniel hinggil sa labanan sa pagitan ng dalawang hari?
[Chart/Larawan sa pahina 284]
MGA HARI SA DANIEL KABANATA 11
Ang Hari ng Ang Hari ng
Hilaga Timog
Daniel 11:5 Seleucus I Nicator Ptolemy I
Daniel 11:7-9 Seleucus II Ptolemy III
Daniel 11:10-12 Antiochus III Ptolemy IV
Daniel 11:13-19 Antiochus III Ptolemy V
(anak na babaing
si Cleopatra I) Tagapagmana:
Ptolemy VI
Mga Tagapagmana:
Seleucus IV at
Antiochus IV
Daniel 11:20 Augusto
Daniel 11:21-24 Tiberio
Daniel 11:27-30a Imperyong Aleman Britanya, sinundan
(Digmaang Pandaigdig I) ng Kapangyarihang
Pandaigdig
ng Anglo-Amerikano
Daniel 11:30b, 31 Third Reich ni Hitler Kapangyarihang
(Digmaang Pandaigdig
Pandaigdig II) ng Anglo-Amerikano
[Talababa]
b Ang hula sa Daniel kabanata 11 ay hindi patiunang nagsasabi ng mga pangalan ng pulitikal na pamahalaan na kukuha ng puwesto ng hari ng hilaga at hari ng timog sa iba’t ibang panahon. Ang pagkakakilanlan sa kanila ay nababatid lamang pagkatapos magsimulang maganap ang mga pangyayari. Bukod dito, yamang ang labanan ay nangyayari sa bawat yugto, may mga panahong walang labanan—isang hari ang namamahala samantalang ang isa naman ay di-aktibo.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 271]
[Mga larawan sa pahina 279]
Ang ‘panunulak’ ng hari ng timog ay naglalakip sa modernong teknolohiya ng pag-eespiya at ang panganib ng aksiyong militar