KABANATA 1
“Si Jehova na Iyong Diyos ang Dapat Mong Sambahin”
POKUS: Kung bakit kailangang ibalik ang dalisay na pagsamba
1, 2. Paano nakarating si Jesus sa ilang ng Judea noong taglagas ng 29 C.E.? Ano ang nangyari sa kaniya roon? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
NOONG taglagas ng 29 C.E., si Jesus ay nasa ilang ng Judea, sa hilaga ng Dagat na Patay. Inakay siya rito ng banal na espiritu pagkatapos ng kaniyang bautismo at pag-aatas sa kaniya. Sa tuyot na lugar na ito na mabato at may mga bangin, 40 araw na nag-ayuno, nanalangin, at nagbulay-bulay si Jesus. Posibleng nakipag-usap si Jehova sa kaniyang Anak sa panahong ito para ihanda siya sa mga mangyayari.
2 Nang nanghihina na si Jesus sa gutom, nilapitan siya ni Satanas. Makikita sa sumunod na nangyari ang isyung nagsasangkot sa lahat ng umiibig sa dalisay na pagsamba, kasama ka na.
“Kung Ikaw ay Anak ng Diyos . . .”
3, 4. (a) Paano sinimulan ni Satanas ang unang dalawang tukso? Posibleng ano ang gusto niyang pag-alinlanganan ni Jesus? (b) Paano ginagamit ni Satanas ang ganiyang pamamaraan sa ngayon?
3 Basahin ang Mateo 4:1-7. Pasimpleng sinimulan ni Satanas ang unang dalawang tukso sa pagsasabing “Kung ikaw ay anak ng Diyos.” Pinagdudahan ba ni Satanas na si Jesus ay Anak ng Diyos? Hindi, dahil alam na alam ng masamang anghel na iyon na si Jesus ang panganay na Anak ng Diyos. (Col. 1:15) Siguradong alam din ni Satanas ang sinabi ni Jehova mula sa langit nang bautismuhan si Jesus: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.” (Mat. 3:17) Posibleng gusto ni Satanas na mag-alinlangan si Jesus kung mapagkakatiwalaan at talagang nagmamalasakit sa kaniya ang kaniyang Ama. Sa unang tukso—na gawing tinapay ang bato—para bang sinasabi ni Satanas: ‘Anak ka ng Diyos, pero bakit hindi ka pinakakain ng iyong Ama sa tuyot na ilang na ito?’ Sa ikalawang tukso—na tumalon mula sa tuktok ng templo—para bang sinasabi ni Satanas: ‘Bilang Anak ng Diyos, talaga bang nagtitiwala ka na poprotektahan ka ng iyong Ama?’
4 Iyan din ang pamamaraan ni Satanas sa ngayon. (2 Cor. 2:11) Nag-aabang ang Manunukso hanggang sa manghina o masiraan ng loob ang tunay na mga mananamba, at saka siya sasalakay, kadalasan sa di-halatang paraan. (2 Cor. 11:14) Sinisikap niya tayong paniwalain na hindi tayo mamahalin o kalulugdan ni Jehova. Gusto rin ng Manunukso na maniwala tayong hindi mapagkakatiwalaan si Jehova, na hindi niya tutuparin ang mga pangako niya sa kaniyang Salita. Pero kasinungalingan ang mga iyon. (Juan 8:44) Paano natin iyon tatanggihan?
5. Paano tumugon si Jesus sa unang dalawang tukso?
5 Pansinin kung paano tumugon si Jesus sa unang dalawang tukso. Hindi siya nag-alinlangan na mahal siya ng kaniyang Ama, at buo ang tiwala niya sa Kaniya. Agad na tinanggihan ni Jesus si Satanas sa pamamagitan ng pagsipi mula sa Salita ng kaniyang Ama. Angkop ang mga sinipi ni Jesus dahil mababasa roon ang pangalan ng Diyos na Jehova. (Deut. 6:16; 8:3) Nang gamitin ng Anak ng Diyos ang pangalan ng kaniyang Ama—ang natatanging pangalan na nagsisilbing garantiya na tutuparin ni Jehova ang lahat ng pangako Niya—ipinakita ni Jesus na talagang nagtitiwala siya sa kaniyang Ama.a
6, 7. Paano natin malalabanan ang di-halatang mga pagsalakay ni Satanas?
6 Malalabanan natin ang di-halatang pagsalakay ni Satanas kung magtitiwala tayo sa Salita ni Jehova at iisipin natin ang kahulugan ng pangalan Niya. Kung magtitiwala tayong para sa atin din ang sinasabi ng Bibliya na mahal ni Jehova ang mga mananamba niya, pati na ang mga nasisiraan ng loob, matatanggihan natin ang kasinungalingan ni Satanas na hindi tayo mamahalin o kalulugdan ni Jehova. (Awit 34:18; 1 Ped. 5:8) Kung isasaisip natin na laging kumikilos si Jehova kaayon ng kahulugan ng pangalan niya, hindi tayo magdududang karapat-dapat sa ating lubos na pagtitiwala ang Tagatupad ng mga pangako.—Kaw. 3:5, 6.
7 Pero ano ba ang pakay ni Satanas? Ano ang gusto niyang makuha sa atin? Makikita ang sagot sa ikatlong tukso ni Satanas kay Jesus.
“Kung Luluhod Ka at Sasamba sa Akin Nang Kahit Isang Beses”
8. Sa ikatlong tukso, paano ipinakita ni Satanas ang talagang pakay niya?
8 Basahin ang Mateo 4:8-11. Sa ikatlong tukso, lantaran nang ipinakita ni Satanas ang pakay niya. Ipinakita niya kay Jesus (malamang na sa pangitain) “ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito”—pero hindi niya isinama ang mga depekto nito. Saka niya sinabi: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin nang kahit isang beses.”b Pagsamba—iyon talaga ang pakay ni Satanas! Gusto ni Satanas na talikuran ni Jesus ang kaniyang Ama at gawing diyos ang Manunukso. Parang walang kahirap-hirap ang alok ni Satanas. Pinalalabas niyang makukuha ni Jesus ang kapangyarihan at kayamanan ng mga bansa, at hindi nito kailangang magdusa—walang koronang tinik, hagupit, o pahirapang tulos. Totoo ang alok ni Satanas. Hindi kinuwestiyon ni Jesus na si Satanas ang namamahala sa mga gobyerno sa mundo! (Juan 12:31; 1 Juan 5:19) Tiyak na ibibigay ni Satanas ang lahat para maitalikod si Jesus sa dalisay na pagsamba.
9. (a) Ano ang gusto ni Satanas na gawin ng tunay na mga mananamba? Paano niya tayo tinutukso? (b) Ano ang kasama sa ating pagsamba? (Tingnan ang kahong “Ano ang Ibig Sabihin ng Pagsamba?”)
9 Sa ngayon, gusto rin ni Satanas na sambahin natin siya—sa tuwiran o sa di-tuwirang paraan. Bilang “diyos ng sistemang ito,” siya ang tumatanggap ng pagsamba ng lahat ng huwad na relihiyon ng Babilonyang Dakila. (2 Cor. 4:4) Pero hindi pa rin siya kontento sa bilyon-bilyong huwad na mananamba, kaya tinutukso niya ang tunay na mga mananamba na sumalungat sa kalooban ng Diyos. Tinutukso niya tayo na maghangad ng kayamanan at kapangyarihan sa mundo niya sa halip na mamuhay bilang Kristiyano, na maaaring may kasamang pagdurusa “alang-alang sa katuwiran.” (1 Ped. 3:14) Kung matutukso tayong talikuran ang dalisay na pagsamba at maging bahagi ng mundo ni Satanas, para na rin tayong sumasamba sa kaniya, na ginagawa siyang diyos natin. Paano natin malalabanan ang ganitong tukso?
10. Paano tumugon si Jesus sa ikatlong tukso, at bakit?
10 Pansinin ang tugon ni Jesus sa ikatlong tukso. Para ipakita na talagang tapat siya kay Jehova, agad niyang sinabi sa Manunukso: “Lumayas ka, Satanas!” Gaya ng ginawa ni Jesus sa unang dalawang tukso, ang sinipi niya sa Deuteronomio ay naglalaman ng pangalan ng Diyos: “Nasusulat: ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’” (Mat. 4:10; Deut. 6:13) Tinanggihan ni Jesus ang tukso na maging prominente sa mundo nang sandaling panahon at ang buhay na walang pagdurusa. Alam niya na ang kaniyang Ama lang ang karapat-dapat sambahin at ang ‘pagsamba nang kahit isang beses’ kay Satanas ay para na ring pagpapasakop dito. Matatag na tumanggi si Jesus na gawing diyos ang napakasamang Manunukso. Dahil dito, “iniwan siya ng Diyablo.”c
11. Paano natin malalabanan si Satanas at ang mga tukso niya?
11 Malalabanan natin si Satanas at ang mga tukso sa mundo niya dahil puwede tayong pumili gaya ni Jesus. Binigyan tayo ni Jehova ng napakahalagang regalo—ang kalayaang magpasiya. Kaya walang makakapilit sa atin na talikuran ang dalisay na pagsamba—kahit pa ang makapangyarihan at napakasamang espiritung Manunukso. Kung ‘maninindigan tayo laban kay Satanas at magiging matatag sa pananampalataya,’ para bang sinasabi natin: “Lumayas ka, Satanas!” (1 Ped. 5:9) Tandaan na umalis si Satanas matapos siyang tanggihan ni Jesus. Kaya tinitiyak din sa atin ng Bibliya: “Labanan ninyo ang Diyablo, at lalayo siya sa inyo.”—Sant. 4:7.
Ang Kaaway ng Dalisay na Pagsamba
12. Sa Eden, paano pinatunayan ni Satanas na siya ang kaaway ng dalisay na pagsamba?
12 Sa huling tukso, pinatunayan ni Satanas na siya ang orihinal na kaaway ng dalisay na pagsamba. Libo-libong taon bago nito, sa hardin ng Eden, unang ipinakita ni Satanas na napopoot siya sa pagsamba kay Jehova. Nang dayain niya si Eva, na humikayat naman kay Adan na suwayin ang utos ni Jehova, nagawa ni Satanas na mapasailalim sila sa kaniyang pamamahala at kontrol. (Basahin ang Genesis 3:1-5; 2 Cor. 11:3; Apoc. 12:9) Ang totoo, si Satanas ang naging diyos nila, at sila ay naging mga mananamba niya, kahit na posibleng hindi nila kilala kung sino ang dumadaya sa kanila. At nang pasimulan ni Satanas ang rebelyon sa Eden, hindi lang niya kinuwestiyon ang soberanya, o karapatang mamahala, ni Jehova; sinalakay rin niya ang dalisay na pagsamba. Paano?
13. Paano nauugnay ang dalisay na pagsamba sa isyu ng soberanya?
13 Magkaugnay ang isyu ng soberanya at ang dalisay na pagsamba. Ang Kataas-taasang Tagapamahala lang, na ‘lumalang ng lahat ng bagay,’ ang karapat-dapat sambahin. (Apoc. 4:11) Nang lalangin ni Jehova sina Adan at Eva at ilagay sila sa hardin ng Eden, layunin Niyang mapuno ang lupa ng perpektong tao na kusang-loob na sasamba sa Kaniya sa dalisay na paraan at mula sa dalisay na puso. (Gen. 1:28) Kinuwestiyon ni Satanas ang soberanya ni Jehova dahil hinangad niya ang pagsamba na para lang sa Kataas-taasang Panginoong Jehova.—Sant. 1:14, 15.
14. Lubusan bang nagtagumpay si Satanas sa pagsalakay sa dalisay na pagsamba? Ipaliwanag.
14 Lubusan bang nagtagumpay si Satanas sa pagsalakay sa dalisay na pagsamba? Naitalikod niya mula sa Diyos sina Adan at Eva. Simula noon, kinakalaban na ni Satanas ang tunay na pagsamba at sinisikap niyang italikod ang marami sa Diyos na Jehova. Bago ang panahong Kristiyano, tinutukso pa rin ni Satanas ang mga mananamba ni Jehova. At noong unang siglo C.E., nagpasimula siya ng apostasya kaya nadungisan ang kongregasyong Kristiyano. Dahil dito, parang nawala ang dalisay na pagsamba. (Mat. 13:24-30, 36-43; Gawa 20:29, 30) Simula noong ikalawang siglo C.E., ang tunay na mga mananamba ay matagal na nabihag ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Pero hindi nagtagumpay si Satanas sa pagsira sa layunin ng Diyos may kaugnayan sa dalisay na pagsamba. Walang makahahadlang sa Diyos sa pagtupad ng layunin niya. (Isa. 46:10; 55:8-11) Sangkot dito ang pangalan niya, at lagi siyang kumikilos kaayon ng kahulugan ng pangalang ito. Si Jehova ang di-nabibigong Tagatupad ng layunin niya!
Ang Tagapagtanggol ng Dalisay na Pagsamba
15. Ano ang ginawa ni Jehova para parusahan ang mga rebelde sa Eden at para matiyak na matutupad ang layunin niya?
15 Agad na kumilos si Jehova para parusahan ang mga rebelde sa Eden at para matiyak na matutupad ang layunin niya. (Basahin ang Genesis 3:14-19.) Noong nasa hardin pa sina Adan at Eva, hinatulan na ni Jehova ang tatlong rebelde ayon sa pagkakasunod-sunod ng pagkakasala nila—una si Satanas, sumunod si Eva, at panghuli si Adan. Habang kausap si Satanas, ang di-nakikitang pasimuno ng rebelyon, inihula ni Jehova ang pagdating ng “supling” na mag-aalis ng epekto ng rebelyon. Napakahalaga ng papel ng “supling” na ito sa pagtupad ng layunin ni Jehova tungkol sa dalisay na pagsamba.
16. Pagkatapos ng rebelyon sa Eden, paano kumilos si Jehova para matupad ang layunin niya?
16 Pagkatapos ng rebelyon sa Eden, patuloy na kumilos si Jehova para matupad ang layunin niya. Gumawa siya ng mga kaayusan para maging katanggap-tanggap ang pagsamba sa kaniya ng di-perpektong mga tao, gaya ng makikita sa susunod na kabanata. (Heb. 11:4–12:1) Ginabayan din niya ang ilang manunulat ng Bibliya—kasama na sina Isaias, Jeremias, at Ezekiel—sa pagsulat ng mga hula tungkol sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba. Ang pagbabalik na iyan ay isang mahalagang tema ng Bibliya. Ang lahat ng hulang ito ay tutuparin ng ipinangakong “supling,” na ang pangunahing bahagi ay si Jesu-Kristo. (Gal. 3:16) Si Jesus ang Tagapagtanggol ng dalisay na pagsamba, gaya ng malinaw na makikita sa sagot niya sa ikatlong tukso. Oo, siya ang pinili ni Jehova para tumupad sa mga hulang ito. (Apoc. 19:10) Palalayain niya ang bayan ng Diyos sa espirituwal na pagkabihag at ibabalik ang dalisay na pagsamba.
Ano ang Gagawin Mo?
17. Bakit malapít sa puso natin ang mga hula ng Bibliya tungkol sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba?
17 Kapana-panabik at nakapagpapatibay ng pananampalataya ang mga hula ng Bibliya tungkol sa pagbabalik. Malapít sa puso natin ang mga ito dahil inaasam-asam natin ang panahon kapag ang lahat ng nilalang sa langit at sa lupa ay nagkakaisa na sa dalisay na pagsamba sa Kataas-taasang Panginoong Jehova. Nagbibigay rin ang mga ito ng pag-asa dahil mababasa rito ang nakakaantig na mga pangako mula sa Salita ng Diyos. Hindi ba’t nananabik na tayong makita ang katuparan ng mga pangako ni Jehova—kasama na ang pagkabuhay ng mga mahal natin sa buhay, pagiging paraiso ng buong lupa, at walang-hanggang buhay na walang sakit?—Isa. 33:24; 35:5, 6; Apoc. 20:12, 13; 21:3, 4.
18. Ano ang susuriin natin sa publikasyong ito?
18 Sa publikasyong ito, susuriin natin ang mga hula sa aklat ng Bibliya na Ezekiel. Marami rito ay tungkol sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba. Tatalakayin natin kung paano nauugnay ang mga hula ni Ezekiel sa iba pang hula, kung paano matutupad ang mga ito sa pamamagitan ni Kristo, at kung ano ang epekto sa atin ng mga ito.—Tingnan ang kahong “Ang Nilalaman ng Ezekiel.”
19. Ano ang determinado mong gawin, at bakit?
19 Sa ilang ng Judea noong 29 C.E., hindi naitalikod ni Satanas si Jesus mula sa dalisay na pagsamba. Kumusta naman tayo? Mas determinado pa si Satanas ngayon na ilayo tayo sa tunay na pagsamba. (Apoc. 12:12, 17) Mapatibay sana ng publikasyong ito ang determinasyon nating labanan ang napakasamang Manunukso. At maipakita sana natin sa ating sinasabi at ginagawa na talagang sang-ayon tayo sa pananalitang “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin.” Sa gayon, magkakaroon tayo ng pag-asang makita ang katuparan ng maluwalhating layunin ni Jehova—ang lahat ng nasa langit at lupa ay nagkakaisa sa pagbibigay kay Jehova ng dalisay na pagsamba mula sa dalisay na puso, isang bagay na talagang nararapat sa kaniya!
a Para sa ilan, ang pangalang Jehova ay puwedeng mangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Angkop na angkop ito kay Jehova bilang Maylalang at Tagatupad ng mga layunin niya.
b Tungkol sa pananalita ni Satanas, sinasabi ng isang reperensiya sa Bibliya: “Gaya noong kauna-unahang ulat ng pagsubok, na hindi napagtagumpayan nina Adan at Eva . . . , ang talagang isyu ay kung alin ang pipiliin—ang kalooban ni Satanas o ang kalooban ng Diyos—at kasama rito ang pag-uukol ng pagsamba sa isa sa kanila. Itinataas ni Satanas ang sarili niya bilang diyos kapalit ng nag-iisang Diyos.”
c Iba ang pagkakasunod-sunod ng mga tukso sa Ebanghelyo ni Lucas, pero lumilitaw na ang ulat ni Mateo ay nakaayos ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Tingnan ang tatlong dahilan. (1) Sinimulan ni Mateo ang ikalawang tukso sa salitang “pagkatapos,” na nagpapakitang ito ang sumunod na nangyari. (2) Makatuwirang isipin na ang dalawang di-masyadong halatang tukso—na parehong nagsisimula sa “Kung ikaw ay anak ng Diyos”—ay mauuna sa lantarang tukso na suwayin ang una sa Sampung Utos. (Ex. 20:2, 3) (3) Ang sinabi ni Jesus na “Lumayas ka, Satanas!” ay mas bagay sa ikatlo at huling tukso.—Mat. 4:5, 10, 11.