KABANATA 19
“Ang Lahat ay Mabubuhay Kung Saan Umaagos ang Ilog”
POKUS: Ang ilog sa pangitain na umaagos mula sa templo—ang katuparan nito noon, ngayon, at sa hinaharap
1, 2. Ayon sa Ezekiel 47:1-12, ano ang nakita at nalaman ni Ezekiel? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
SA PANGITAIN ni Ezekiel, may nakita siyang isa pang kamangha-manghang bagay sa templo: May tubig na umaagos mula sa sagradong lugar na iyon! Tiningnan niya kung saan dumadaloy ang tubig. (Basahin ang Ezekiel 47:1-12.) Galing ito sa bungad ng santuwaryo, at umagos ito palabas ng templo malapit sa silangang pintuang-daan. Ginagabayan si Ezekiel ng anghel palayo sa templo habang sinusukat nito ang distansiya ng nilalakbay nila. Paulit-ulit siyang pinadaan ng anghel sa tubig na mabilis na lumalalim—naging ilog ito na kailangang languyin para matawid!
2 Nalaman ni Ezekiel na ang ilog ay dumadaloy papunta sa Dagat na Patay, at ginagawa nitong sariwa ang maalat at walang-buhay na tubig ng dagat kung kaya nagkaroon iyon ng maraming isda. Nakakita rin siya ng iba’t ibang klase ng puno sa pampang. Buwan-buwan, namumunga ang mga ito ng masusustansiyang prutas, at ang dahon ng mga ito ay pampagaling. Nang makita ni Ezekiel ang mga ito, siguradong napanatag siya at napuno ng pag-asa. Pero ano ang kahulugan ng bahaging ito ng pangitain para sa kaniya at sa mga kasama niyang tapon? At ano ang matututuhan natin dito?
Ano ang Kahulugan ng Ilog Para sa mga Tapon?
3. Bakit hindi iniisip ng mga Judio noon na literal ang ilog sa pangitain ni Ezekiel?
3 Siguradong hindi iniisip ng mga Judio noon na literal ang ilog na ito. Sa halip, malamang na ipinaalaala nito sa kanila ang isa pang hula tungkol sa pagbabalik, na isinulat ni propeta Joel mahigit dalawang siglo bago ang panahon ni Ezekiel. (Basahin ang Joel 3:18.) Nang mabasa ng mga Judiong tapon ang isinulat ni Joel, hindi nila inisip na literal na “tutulo mula sa mga bundok ang matamis na alak,” na “aagos ang gatas” sa mga burol, o na “isang bukal ang aagos mula sa bahay ni Jehova.” Kaya malamang na hindi rin nila inisip na ang pangitain ni propeta Ezekiel ay tungkol sa isang literal na ilog.a Kung gayon, anong mensahe ang gustong itawid ni Jehova? Makakatulong ang Kasulatan para maunawaan ang ilang espesipikong bahagi ng paglalarawang ito. Pero sa kabuoan, may makukuha tayong tatlong malinaw at nakakaantig na katiyakan mula sa hula.
4. (a) Dahil sa ilog sa pangitain ni Ezekiel, anong mga pagpapala ang iniisip ng mga Judio na matatanggap nila mula kay Jehova? (b) Sa paggamit ng Bibliya ng mga salitang “ilog” at “tubig,” bakit tayo nakakatiyak na pagpapalain ni Jehova ang bayan niya? (Tingnan ang kahong “Mga Ilog ng Pagpapala Mula kay Jehova.”)
4 Ilog ng pagpapala. Sa Bibliya, madalas gamitin ang ilog at tubig para ilarawan ang pagdaloy ng nagbibigay-buhay na pagpapala ni Jehova. Nakakita si Ezekiel ng ganitong umaagos na ilog mula sa templo, kaya maiisip ng bayan ng Diyos na dadaloy sa kanila ang espirituwal na mga pagpapala hangga’t itinataguyod nila ang dalisay na pagsamba. Anong mga pagpapala? Makakatanggap ulit sila ng mga tagubilin mula sa mga saserdote. At dahil may paghahandog na sa templo, makakatiyak silang mapapatawad ang kasalanan nila. (Ezek. 44:15, 23; 45:17) Kaya magiging malinis ulit sila, na para bang nahugasan ng dalisay na tubig mula sa templo.
5. Paano nasagot ng pangitain ang tanong tungkol sa pagkakaroon ng sapat na pagpapala para sa lahat?
5 Magkakaroon ba ng sapat na pagpapala para sa lahat? Nasagot ng pangitain ang tanong na iyan nang ang kaunting tubig ay makahimalang naging isang malalim na ilog sa loob lang ng mga dalawang kilometro! (Ezek. 47:3-5) Dumami man ang mga Judio sa ibinalik na lupain, darami rin ang mga pagpapala ni Jehova para masapatan ang pangangailangan nila. Talaga ngang ang ilog ay lumalarawan sa kasaganaan!
6. (a) Ano ang tinitiyak ng hula? (b) Anong babala ang kasama sa pangitain? (Tingnan din ang talababa.)
6 Tubig na nagbibigay-buhay. Sa pangitain ni Ezekiel, umagos ang ilog papunta sa Dagat na Patay at naging sariwa ang malaking bahagi ng dagat. Pansinin na dahil dito, nagkaroon ng maraming isda—iba’t ibang klase ng isda na gaya ng makikita sa Malaking Dagat, o Dagat Mediteraneo. Nagkaroon pa nga ng maunlad na pangisdaan sa baybayin ng Dagat na Patay; ang pangisdaang ito ay nasa gitna ng dalawang bayan na lumilitaw na malayo-layo ang distansiya sa isa’t isa. Sinabi ng anghel: “Ang lahat ay mabubuhay kung saan umaagos ang ilog.” Pero umagos ba sa bawat bahagi ng Dagat na Patay ang tubig na mula sa bahay ni Jehova? Hindi. Sinabi ng anghel na ang ilang maputik na bahagi nito ay hindi dadaluyan ng tubig na nagbibigay-buhay. “Mananatiling maalat” ang mga lugar na iyon.b (Ezek. 47:8-11) Kaya tinitiyak ng hula na ang dalisay na pagsamba ay magbibigay-buhay sa mga tao. Pero may kasama rin itong babala: Hindi tatanggapin ng lahat ang mga pagpapala ni Jehova; hindi lahat ay mabibigyang-buhay.
7. Ang mga puno sa pampang ay nagbigay sa mga Judiong tapon ng anong katiyakan?
7 Mga puno na naglalaan ng pagkain at pampagaling. Bakit may mga puno sa pampang? Napaganda nito ang paligid, hindi ba? Pero may ibig sabihin din ito. Tiyak na naisip ni Ezekiel at ng mga kababayan niya ang masasarap na prutas na ilalaan ng mga punong iyon buwan-buwan! Tiniyak ng paglalarawang iyan na pakakainin sila ni Jehova sa espirituwal. Pero hindi lang iyan. Ang mga dahon ng mga ito ay “pampagaling.” (Ezek. 47:12) Alam ni Jehova na talagang kailangang pagalingin sa espirituwal ang nagsibalik na mga tapon, at nangako siyang gagawin niya iyan. Ipinakita sa iba pang hula tungkol sa pagbabalik kung paano niya iyan ginawa, gaya ng tinalakay sa Kabanata 9.
8. Bakit natin masasabi na ang pangitain ni Ezekiel ay magkakaroon ng mas malaking katuparan?
8 Gayunman, gaya ng tinalakay sa Kabanata 9, hindi naranasan ng nagsibalik na mga tapon ang buong katuparan ng mga hulang iyon. Pero sila rin ang may kasalanan nito. Paano sila lubusang pagpapalain ni Jehova kung marami sa kanila ang paulit-ulit na bumabalik sa masamang gawain, sumusuway, at nagpapabaya sa dalisay na pagsamba? Ang mga tapat ay nalungkot at nadismaya sa paggawi ng kanilang kapuwa mga Judio. Pero alam ng tapat na mga mananamba ni Jehova na laging natutupad ang mga pangako niya; hindi iyon nabibigo. (Basahin ang Josue 23:14.) Kaya magkakaroon ng mas malaking katuparan ang pangitain ni Ezekiel. Pero kailan?
Umaagos ang Ilog Ngayon!
9. Kailan magkakaroon ng mas malaking katuparan ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo?
9 Gaya ng tinalakay sa Kabanata 14, magkakaroon ng mas malaking katuparan ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo “sa huling bahagi ng mga araw,” ang panahon kung kailan ang dalisay na pagsamba ay itinaas gaya ng hindi pa nangyayari kailanman. (Isa. 2:2) Bakit masasabing natutupad ngayon ang bahaging ito ng pangitain?
10, 11. (a) Anong mga pagpapala ang dumadaloy sa atin gaya ng ilog? (b) Paano lumaki ang daloy ng pagpapala mula kay Jehova para masapatan ang lumalaking pangangailangan sa mga huling araw?
10 Ilog ng pagpapala. Ipinapaalaala sa atin ng tubig na umaagos mula sa bahay ni Jehova ang lahat ng bagay na nakakabuti sa ating espirituwalidad. Pangunahin na rito ang haing pantubos ni Kristo, ang dahilan kung kaya naging posible ang kapatawaran ng ating mga kasalanan na para bang hinugasan tayo. Ang dalisay na mga katotohanan sa Salita ng Diyos ay itinulad din sa nagbibigay-buhay at nakakalinis na tubig. (Efe. 5:25-27) Paano dumadaloy ang mga pagpapalang ito sa panahon natin?
11 Noong 1919, ilang libo lang ang mga lingkod ni Jehova, at tumanggap sila ng espirituwal na pagkaing kailangan nila. Sa paglipas ng mga dekada, dumami sila nang dumami. Mahigit walong milyon na ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Dumami rin ba ang suplay ng dalisay na tubig ng katotohanan? Oo! Nag-uumapaw ang suplay natin. Bilyon-bilyong Bibliya, aklat, magasin, brosyur, at tract ang dumaloy sa bayan ng Diyos nitong nakalipas na siglo. Gaya ng ilog sa pangitain ni Ezekiel, ang pagdaloy ng dalisay na katotohanan ay mabilis ding lumaki para masapatan ang espirituwal na pagkauhaw ng mga tao sa buong mundo. Matagal nang available ang nakaimprentang salig-Bibliyang mga publikasyon. At ngayon, makukuha na rin ang mga publikasyon sa electronic format sa website na jw.org sa mahigit 900 wika! Ano ang epekto ng tubig na ito sa mga matuwid ang puso?
12. (a) Ano ang nakita nating epekto sa mga tao ng mga katotohanan sa Bibliya? (b) Anong napapanahong babala ang nasa pangitain? (Tingnan din ang talababa.)
12 Tubig na nagbibigay-buhay. Sinabi kay Ezekiel: “Ang lahat ay mabubuhay kung saan umaagos ang ilog.” Isipin ang epekto ng pagdaloy ng katotohanan sa lahat ng pumasok sa ating ibinalik na espirituwal na lupain. Ang mga katotohanan mula sa Bibliya ang bumuhay sa espirituwalidad ng milyon-milyong tumanggap sa katotohanan. Pero may napapanahong babala rin ang pangitain: Hindi lahat ay patuloy na manghahawakan sa katotohanan. Gaya ng mga latian at maputik na mga lugar sa Dagat na Patay sa pangitain ni Ezekiel, may mga hindi na magpapahalaga at magsasabuhay sa katotohanan.c Huwag sanang mangyari iyan sa atin!—Basahin ang Deuteronomio 10:16-18.
13. Ano ang matututuhan natin mula sa mga puno sa pangitain?
13 Mga puno na naglalaan ng pagkain at pampagaling. May matututuhan ba tayo mula sa mga puno sa pampang? Mayroon! Tandaan na ang mga punong iyon ay namumunga ng masasarap na prutas buwan-buwan, at ang mga dahon ng mga ito ay pampagaling. (Ezek. 47:12) Ipinapaalaala nito na naglilingkod tayo sa bukas-palad na Diyos na nagpapakain at nagpapagaling sa atin sa pinakamahalagang paraan—sa espirituwal. Nagugutom at may sakit sa espirituwal ang karamihan sa ngayon. Pero isipin ang mga inilalaan ni Jehova. Nararamdaman mo bang pinagpala ka sa espirituwal tuwing natatapos ka sa pagbabasa ng isang artikulo ng ating publikasyon o sa panonood ng isa sa mga video natin, o habang kinakanta mo ang huling awit sa isang asamblea o kombensiyon? Talagang busog na busog tayo sa espirituwal. (Isa. 65:13, 14) Nakikinabang ba tayo sa espirituwal na pagkain natin? Ang mabubuting payo na natatanggap natin batay sa Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na maiwasan ang mga kasalanang gaya ng imoralidad, kasakiman, at kawalan ng pananampalataya. Gumawa rin si Jehova ng kaayusan para tulungan ang mga Kristiyanong nagkasakit sa espirituwal dahil sa malubhang kasalanan. (Basahin ang Santiago 5:14.) Talagang pinagpala tayo, gaya ng ipinapakita ng pangitain ni Ezekiel tungkol sa mga puno.
14, 15. (a) Ano ang matututuhan natin sa maputik na mga lugar na hindi naging sariwa ang tubig? (b) Paano tayo nakikinabang sa ilog sa pangitain ni Ezekiel?
14 May matututuhan din tayo sa maputik na mga lugar na hindi naging sariwa ang tubig. Hinding-hindi natin pipigilan ang pagdaloy ng mga pagpapala ni Jehova sa ating buhay. Talagang nakalulungkot kung mananatili tayong may sakit sa espirituwal gaya ng marami sa mundo. (Mat. 13:15) Sa halip, gusto nating makinabang sa ilog ng pagpapala. Kapag umiinom tayo ng dalisay na tubig ng katotohanan mula sa Bibliya, kapag ibinabahagi natin ang katotohanan sa pamamagitan ng pangangaral, at kapag tumatanggap tayo ng paalaala, pampatibay, at tulong mula sa mga elder na sinanay ng tapat na alipin, maiisip natin ang ilog sa pangitain ni Ezekiel. Talagang nakapagpapagaling ang ilog na iyan!
15 May katuparan ba sa hinaharap ang ilog sa pangitain? Gaya ng makikita natin, lubusan itong matutupad sa darating na Paraiso.
Kung Paano Matutupad sa Paraiso ang Pangitain
16, 17. (a) Bakit masasabing lalo pang lálaki sa Paraiso ang tubig ng buhay? (b) Paano tayo makikinabang sa ilog na ito sa Paraiso?
16 Nakikita mo ba ang sarili mo sa Paraiso habang nasisiyahan kasama ang mga kaibigan at kapamilya mo? Makakatulong ang ilog sa pangitain ni Ezekiel para maging mas buháy na buháy ang paglalarawang iyan. Paano? Balikan natin ang tatlong bahagi ng pangitain na nagpapakita ng pag-ibig ni Jehova.
17 Ilog ng pagpapala. Ang ilog na ito ay masasabing lalo pang lálaki sa Paraiso, dahil ang ibibigay nitong mga pagpapala ay hindi lang espirituwal kundi pisikal din. Sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, tutulungan ng Kaharian ng Diyos ang mga tapat para higit silang makinabang sa pantubos. Unti-unti silang magiging perpekto! Wala nang mga sakit, at hindi na kailangan ng doktor, nars, ospital, at health insurance! Ang tubig ng buhay ay dadaloy sa milyon-milyong makaliligtas sa Armagedon—ang “isang malaking pulutong” na makaliligtas sa “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:9, 14) Pero ang kahanga-hangang mga pagpapalang ito ay parang kaunting tubig lang kung ikukumpara sa darating pang mga pagpapala. Gaya ng ipinakita sa pangitain ni Ezekiel, lálaki ang ilog para masapatan ang lumalaking pangangailangan.
18. Sa Sanlibong Taóng Paghahari, bakit masasabing magiging napakalalim ng “ilog ng tubig ng buhay”?
18 Tubig na nagbibigay-buhay. Sa Sanlibong Taóng Paghahari, ang “ilog ng tubig ng buhay” ay magiging napakalalim. (Apoc. 22:1) Milyon-milyon, o bilyon-bilyon pa nga, ang bubuhayin at bibigyan ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa Paraiso! Kasama sa mga pagpapalang dulot ng Kaharian ang pagbuhay sa napakaraming namatay na matagal nang nakalibing sa lupa. (Isa. 26:19) Pero lahat ba ng bubuhayin ay hindi na kailanman mamamatay?
19. (a) Ano ang nagpapakitang magkakaroon sa Paraiso ng bagong tubig ng katotohanan mula sa Diyos? (b) Sa anong diwa “mananatiling maalat” ang ilan sa hinaharap?
19 Dapat magpasiya ang bawat isa. Sa panahong iyon, may bagong mga balumbon na bubuksan. Kaya kasama sa nakagiginhawang tubig mula kay Jehova ang isisiwalat na bagong mga katotohanan o tagubilin. Hindi ba kapana-panabik iyan? Pero tatanggihan ng ilan ang pagpapalang ito at pipiliin nilang suwayin si Jehova. Kahit magrebelde ang ilan sa Sanlibong Taóng Paghahari, hindi sila hahayaang manggulo sa Paraiso. (Isa. 65:20) Baka maisip natin ang maputik na mga lugar sa pangitain ni Ezekiel na ‘nanatiling maalat.’ Isa ngang kamangmangan na magmatigas at hindi uminom mula sa napakahalagang tubig ng buhay! Pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari, papanig kay Satanas ang isang grupo ng mga rebelde. Ano ang kahihinatnan ng lahat ng ayaw tumanggap sa matuwid na pamamahala ni Jehova? Walang-hanggang kamatayan.—Apoc. 20:7-12.
20. Anong kaayusan sa Sanlibong Taóng Paghahari ang magpapaalaala sa atin sa mga puno sa pangitain ni Ezekiel?
20 Mga puno na naglalaan ng pagkain at pampagaling. Ayaw ni Jehova na maiwala ng sinuman ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Para tulungan tayo, muli niyang titiyakin na magkakaroon ng kaayusan gaya ng inilalarawan ng mga puno na nakita ni Ezekiel. Pero sa Paraiso, pagpapalain tayo ni Jehova hindi lang sa espirituwal kundi pati sa pisikal. Sa langit, si Jesu-Kristo at ang 144,000 ay mamamahala sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari. Bilang mga saserdote, tutulungan ng 144,000 ang mga tapat na makinabang sa haing pantubos ni Kristo at unti-unting maging perpekto. (Apoc. 20:6) Sa kaayusang ito ng pisikal at espirituwal na pagpapagaling, maaalaala natin ang mga puno sa pangitain ni Ezekiel, mga puno na may masusustansiyang prutas at mga dahon na pampagaling. Ang pangitaing ito ni Ezekiel ay may pagkakatulad sa isa pang napakagandang hula, na iniulat ni apostol Juan. (Basahin ang Apocalipsis 22:1, 2.) Ang mga dahon ng puno na nakita ni Juan ay “para sa pagpapagaling ng mga bansa.” Milyon-milyong tapat ang makikinabang sa mga gagawin ng 144,000 bilang mga saserdote.
21. Ano ang epekto sa iyo ng pagbubulay-bulay tungkol sa ilog sa pangitain ni Ezekiel, at ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata? (Tingnan ang kahong “Ang Kaunting Tubig ay Naging Malalim na Ilog!”)
21 Habang binubulay-bulay mo ang ilog sa pangitain ni Ezekiel, hindi ka ba napapanatag at napupuno ng pag-asa? Napakaganda ng mga mangyayari sa hinaharap! At isipin ito—libo-libong taon na ang nakakalipas nang magbigay si Jehova ng maraming hula na tutulong sa atin na masulyapan ang Paraiso, dahil gusto niya na naroon tayo para makita ang mas malaking katuparan ng mga hula. Naroon ka kaya? Baka maisip mo kung mayroon ka ba talagang lugar sa Paraiso. Tatalakayin sa susunod na kabanata kung paano tayo mapapatibay ng huling bahagi ng hula ni Ezekiel.
a Malamang na alam din ng mga Judiong tapon na pamilyar sa lupain nila na hindi literal ang ilog na ito dahil umaagos ang tubig nito mula sa templo na nasa napakataas na bundok. Walang makikitang ganitong bundok sa lokasyong binanggit. Ipinapahiwatig din ng pangitain na direkta at tuloy-tuloy ang pag-agos ng ilog papunta sa Dagat na Patay, na imposibleng mangyari sa lugar na iyon.
b Para sa ilang komentarista, positibo ang ibig sabihin nito, dahil matagal nang pinagkakakitaan sa rehiyon ng Dagat na Patay ang pagkuha ng asin, na ginagamit bilang preserbatibo. Pero pansinin na ayon sa ulat, “hindi mababago” ang maputik na mga lugar. Ang mga iyon ay mananatiling walang buhay, o hindi sariwa, dahil hindi umagos sa mga iyon ang tubig na nagbibigay-buhay na mula sa bahay ni Jehova. Kaya sa pagkakataong ito, lumilitaw na negatibo ang ibig sabihin ng pagiging maalat ng mga iyon.—Awit 107:33, 34; Jer. 17:6.
c Pansinin ang pagkakatulad nito sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa lambat. Maraming nahuling isda sa lambat, pero hindi lahat ay ‘magandang klase.’ Itatapon ang mga hindi mapapakinabangan. Kaya nagbabala si Jesus na marami sa mga sumasama sa organisasyon ni Jehova ang posibleng maging di-tapat balang-araw.—Mat. 13:47-50; 2 Tim. 2:20, 21.