Karagdagang Impormasyon
1 PRINSIPYO
Ang mga utos ng Diyos ay nakabatay sa mga prinsipyo niya. Ang mga prinsipyong ito ay mga pangunahing katotohanan na nasa Bibliya. Tinutulungan tayo nitong maintindihan ang iniisip at nararamdaman ng Diyos tungkol sa mga bagay-bagay. Natutulungan tayo nitong gumawa ng mahuhusay na desisyon at gawin ang tama. Mahalaga ito lalo na sa mga sitwasyong walang espesipikong utos ang Diyos.
2 PAGKAMASUNURIN
Ang pagkamasunurin kay Jehova ay ang pagiging handang gawin ang ipinapagawa niya. Gusto ni Jehova na sundin natin siya dahil mahal natin siya. (1 Juan 5:3) Kung mahal natin ang Diyos at nagtitiwala tayo sa kaniya, susundin natin ang payo niya sa lahat ng sitwasyon, kahit pa nga mahirap itong gawin. Mahalagang sundin si Jehova, dahil itinuturo niya kung paano tayo magiging masaya ngayon at nangangako siya ng maraming pagpapala sa hinaharap.—Isaias 48:17.
3 KALAYAANG MAGDESISYON
Binigyan ni Jehova ang bawat tao ng kalayaang magdesisyon, o kakayahang pumili. Hindi niya tayo nilalang na parang robot. (Deuteronomio 30:19; Josue 24:15) Magagamit natin ang ating kalayaan para makagawa ng tamang desisyon. Pero kung hindi tayo maingat, baka makagawa tayo ng maling desisyon. Ang kalayaan nating magdesisyon ay nangangahulugang tayo mismo ang magdedesisyon kung magiging tapat tayo kay Jehova para patunayang talagang mahal natin siya.
4 PAMANTAYANG MORAL
Nagbigay si Jehova ng mga pamantayang moral, o mga tagubilin para sa paggawi natin. Sa Bibliya, matututuhan natin kung ano ang mga pamantayang ito at kung paano ito makakatulong sa atin na magkaroon ng masayang buhay. (Kawikaan 6:16-19; 1 Corinto 6:9-11) Tinutulungan tayo nitong malaman ang tama o mali sa paningin ng Diyos. Tinutulungan din tayo nitong maging mapagmahal, gumawa ng mahuhusay na desisyon, at maging mabait sa iba. Kahit pababa nang pababa ang pamantayan ng sanlibutan, hindi nagbabago ang pamantayan ni Jehova. (Deuteronomio 32:4-6; Malakias 3:6) Kapag sinusunod natin ito, maiiwasan nating masaktan sa pisikal at emosyonal.
5 KONSENSIYA
Ang konsensiya ay ang likas na kakayahang malaman ang tama at mali. Binigyan ni Jehova ng konsensiya ang bawat tao. (Roma 2:14, 15) Para gumana ito nang tama, dapat itong sanayin ayon sa pamantayang moral ni Jehova. Matutulungan tayo ng ganitong konsensiya na gumawa ng mga desisyong magpapasaya sa Diyos. (1 Pedro 3:16) Puwede tayong babalaan ng konsensiya natin kapag mali ang desisyong gagawin natin, o puwede tayong makonsensiya pagkatapos makagawa ng mali. Puwede itong humina, pero puwede natin itong palakasin ulit sa tulong ni Jehova. Kapag malinis ang konsensiya natin, may kapayapaan tayo ng isip at paggalang sa sarili.
6 PAGKATAKOT SA DIYOS
Ang pagkatakot sa Diyos ay ang pagkatakot na gumawa ng anumang magpapalungkot sa kaniya dahil mahal at iginagalang natin siya. Tutulungan tayo nitong gumawa ng mabuti at iwasang gumawa ng masama. (Awit 111:10) Pinapakilos tayo nitong makinig na mabuti sa mga sinasabi ni Jehova. Tinutulungan din tayo nitong tuparin ang mga pangako natin sa kaniya dahil iginagalang natin siya. Ang pagkatakot sa Diyos ay may epekto sa ating iniisip, pakikitungo sa iba, at mga desisyon sa araw-araw.
7 PAGSISISI
Ang pagsisisi ay ang matinding kalungkutang nadarama ng isang nagkasala. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay talagang nagsisisi kapag napag-isip-isip nilang nalabag nila ang mga pamantayan niya. Kung nakagawa tayo ng mali, dapat tayong humingi ng tawad kay Jehova salig sa haing pantubos ni Jesus. (Mateo 26:28; 1 Juan 2:1, 2) Kapag talagang nagsisisi tayo at huminto na sa paggawa ng masama, makakaasa tayong patatawarin tayo ni Jehova. Hindi na tayo dapat makonsensiya sa nagawa natin. (Awit 103:10-14; 1 Juan 1:9; 3:19-22) Dapat tayong magsikap na huwag nang maulit ang mga pagkakamali natin, baguhin ang maling kaisipan, at mamuhay ayon sa pamantayan ni Jehova.
8 PAGTITIWALAG
Kapag ang nagkasala nang malubha ay hindi nagsisisi at ayaw sumunod sa mga pamantayan ni Jehova, hindi na siya puwedeng manatili sa loob ng kongregasyon. Kailangan siyang itiwalag. Kapag natiwalag ang isa, hindi na tayo makikisama at makikipag-usap sa kaniya. (1 Corinto 5:11; 2 Juan 9-11) Dahil sa kaayusan sa pagtitiwalag, naiingatan ang pangalan ni Jehova at ang kongregasyon. (1 Corinto 5:6) Isang disiplina rin ito na makakatulong sa nagkasala na magsisi at manumbalik kay Jehova.—Lucas 15:17.
9 PATNUBAY, TAGUBILIN, AT PAYO
Mahal tayo ni Jehova at gusto niya tayong tulungan. Kaya naman nagbibigay siya ng patnubay, tagubilin, at payo sa pamamagitan ng Bibliya at ng mga taong nagmamahal sa Diyos. Dahil hindi tayo perpekto, kailangang-kailangan natin ang mga ito. (Jeremias 17:9) Kapag nakikinig tayo sa mga ginagamit ni Jehova para patnubayan tayo, ipinapakita nating iginagalang natin siya at gusto natin siyang sundin.—Hebreo 13:7.
10 PRIDE AT KAPAKUMBABAAN
Dahil hindi tayo perpekto, madali tayong maging makasarili at mayabang. Pero inaasahan ni Jehova na magiging mapagpakumbaba tayo. Kadalasan, natututo tayong maging mapagpakumbaba kapag ikinumpara natin ang sarili natin kay Jehova at naunawaang napakaliit pala natin. (Job 38:1-4) Kapakumbabaan din kung matututuhan nating isipin muna ang iba at ang makakabuti sa kanila bago ang sarili natin. Dahil sa pride, puwedeng maisip ng isang tao na mas magaling siya kaysa sa iba. Tapatang tinitingnan ng mapagpakumbabang tao ang sarili niya at nakikita kung ano ang magagandang katangian niya at mga kahinaan. Hindi siya takót na aminin ang mga pagkakamali niya, humingi ng pasensiya, at tumanggap ng mungkahi at payo. Ang mapagpakumbabang tao ay umaasa kay Jehova at sumusunod sa tagubilin niya.—1 Pedro 5:5.
11 AWTORIDAD
Ang awtoridad ay ang karapatang magbigay ng utos at gumawa ng desisyon. Si Jehova ang may pinakamataas na awtoridad sa langit at sa lupa. Dahil nilalang niya ang lahat ng bagay, siya ang pinakamakapangyarihang Persona sa uniberso. Lagi niyang ginagamit ang awtoridad niya para sa kapakinabangan ng iba. Binigyan ni Jehova ang ilang tao ng responsibilidad na pangalagaan tayo. Halimbawa, may awtoridad ang mga magulang, mga elder sa kongregasyon, at ang gobyerno, at gusto ni Jehova na makipagtulungan tayo sa kanila. (Roma 13:1-5; 1 Timoteo 5:17) Pero kapag labag sa batas ng Diyos ang batas ng tao, mas sinusunod natin ang Diyos. (Gawa 5:29) Kapag sumusunod tayo sa mga binigyan ni Jehova ng awtoridad, ipinapakita natin kay Jehova na iginagalang natin ang mga desisyon niya.
12 MGA ELDER
Ginagamit ni Jehova ang mga elder, na makaranasang mga brother, para pangalagaan ang kongregasyon. (Deuteronomio 1:13; Gawa 20:28) Tinutulungan nila tayong panatilihing matibay ang kaugnayan natin kay Jehova at sambahin siya nang payapa at organisado. (1 Corinto 14:33, 40) Bago hirangin ng banal na espiritu ang mga elder, dapat nilang maabot ang mga kuwalipikasyong nasa Bibliya. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9; 1 Pedro 5:2, 3) Nagtitiwala tayo sa organisasyon ng Diyos at sinusuportahan natin ito, kaya masaya tayong nakikipagtulungan sa mga elder.—Awit 138:6; Hebreo 13:17.
13 ULO NG PAMILYA
Binigyan ni Jehova ng responsibilidad ang mga magulang na alagaan ang mga anak nila at sambahayan. Pero sa Bibliya, ang lalaki ang ulo ng pamilya. Kung walang tatay sa isang pamilya, ang nanay ang nagiging ulo. Responsibilidad ng ulo ng pamilya na maglaan ng pagkain, damit, at tirahan sa pamilya niya. Napakahalagang pangunahan niya sila sa pagsamba kay Jehova. Halimbawa, tinitiyak niyang regular sila sa pulong, ministeryo, at pag-aaral ng Bibliya bilang pamilya. Siya rin ang nangunguna sa paggawa ng mga desisyon. Lagi rin siyang mabait at makatuwiran at hindi malupit, bilang pagtulad kay Jesus. Dahil dito, nadarama ang pag-ibig sa loob ng pamilya, kaya lahat ay panatag at lalong napapalapít kay Jehova.
14 LUPONG TAGAPAMAHALA
Ang Lupong Tagapamahala ay ang grupo ng mga lalaking may makalangit na pag-asa at ginagamit ng Diyos para patnubayan ang gawain ng bayan niya. Noong unang siglo, gumamit si Jehova ng lupong tagapamahala para gabayan ang sinaunang kongregasyong Kristiyano sa kanilang pagsamba at pangangaral. (Gawa 15:2) Sa ngayon, ang Lupong Tagapamahala ang nangunguna sa pagbibigay ng tagubilin, patnubay, at proteksiyon sa bayan ng Diyos. Kapag gumagawa sila ng desisyon, umaasa sila sa patnubay ng Salita ng Diyos at sa banal na espiritu. Tinukoy ni Jesus ang grupong ito ng pinahirang mga lalaki bilang ang “tapat at matalinong alipin.”—Mateo 24:45-47.
15 LAMBONG SA ULO
Baka may pagkakataong kailangang gawin ng isang sister ang isang atas sa kongregasyon na karaniwang ginagawa ng isang brother. Kapag ginawa niya ito, maglalambong siya bilang paggalang sa kaayusan ni Jehova. Pero ang paglalambong ay para lang sa ilang sitwasyon. Halimbawa, maglalambong ang sister kapag nagdaraos siya ng pag-aaral sa Bibliya kasama ang asawa niya o iba pang bautisadong brother.—1 Corinto 11:11-15.
16 NEUTRALIDAD
Kapag neutral tayo, wala tayong pinapanigan sa politika. (Juan 17:16) Sinusuportahan ng bayan ni Jehova ang Kaharian niya. Gaya ni Jesus, neutral tayo sa mga gawain ng sanlibutan.
Inuutusan tayo ni Jehova na “maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad.” (Tito 3:1, 2; Roma 13:1-7) Pero sinasabi rin ng batas ng Diyos na hindi tayo dapat pumatay. Kaya hindi makakaya ng konsensiya ng isang Kristiyano na sumali sa digmaan. Kung puwedeng gumawa ng serbisyong pampubliko ang isang Kristiyano kapalit ng paglilingkod sa militar, dapat niyang pag-isipan kung kaya ng konsensiya niyang gawin iyon.
Si Jehova lang ang sinasamba natin dahil siya ang Maylalang. Kahit iginagalang natin ang mga simbolo ng bansa, hindi tayo sumasaludo sa bandila o kumakanta ng pambansang awit. (Isaias 43:11; Daniel 3:1-30; 1 Corinto 10:14) Personal na desisyon din ng mga lingkod ni Jehova na huwag bumoto sa anumang politikal na partido o kandidato. Ginagawa natin ito dahil pinili na nating suportahan ang gobyerno ng Diyos.—Mateo 22:21; Juan 15:19; 18:36.
17 ESPIRITU NG SANLIBUTAN
Kitang-kita sa mundo ang paraan ng pag-iisip ni Satanas. Ang ganitong pag-iisip ay karaniwan na lang sa mga hindi nagmamahal at tumutulad kay Jehova at sa mga nagwawalang-bahala sa pamantayan niya. (1 Juan 5:19) Ang ganoong kaisipan at ang paggawing resulta nito ay tinatawag na espiritu ng sanlibutan. (Efeso 2:2) Tinitiyak ng bayan ni Jehova na hindi sila naiimpluwensiyahan ng espiritung ito. (Efeso 6:10-18) Sa halip, mahal natin ang pamantayan ni Jehova at sinisikap nating tularan ang pag-iisip niya.
18 APOSTASYA
Ang apostasya ay ang pagkontra sa mga katotohanan sa Bibliya. Ang mga apostata ay nagrerebelde kay Jehova at kay Jesus, ang piniling Hari ng Kaharian ng Diyos, at iniimpluwensiyahan nila ang iba na sumali sa kanila. (Roma 1:25) Gusto nilang magtanim ng pagdududa sa isip ng mga sumasamba kay Jehova. Naging apostata ang ilang miyembro ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, at may mga apostata rin sa ngayon. (2 Tesalonica 2:3) Hindi nakikipag-ugnayan sa mga apostata ang mga tapat kay Jehova. Hinding-hindi tayo magbabasa o makikinig ng ideya ng mga apostata dahil lang sa pag-uusisa o pamimilit ng iba. Tapat tayo kay Jehova at siya lang ang sinasamba natin.
19 PAGBABAYAD-SALA
Sa ilalim ng Kautusan ni Moises, humihingi ng tawad kay Jehova ang bansang Israel sa mga kasalanan nila. Nagdadala sila sa templo ng mga butil, langis, at hayop bilang handog na pambayad-sala. Ipinapaalaala nito sa mga Israelita na handang patawarin ni Jehova ang mga kasalanan nila, bilang isang bansa at bilang indibidwal. Nang ibigay ni Jesus ang buhay niya para mapatawad ang mga kasalanan natin, hindi na kailangan ang ganitong mga handog. Ibinigay ni Jesus ang perpektong handog “nang minsanan.”—Hebreo 10:1, 4, 10.
20 PAGGALANG SA BUHAY NG HAYOP
Sa ilalim ng Kautusan ni Moises, pinayagan ang bayan na gawing pagkain ang mga hayop. Inutusan din sila na maghandog ng hayop. (Levitico 1:5, 6) Pero hindi sila pinayagan ni Jehova na maging malupit sa mga hayop. (Kawikaan 12:10) Ang totoo, ipinagbabawal ng Kautusan na pagmalupitan ang mga hayop. Inutusan ang mga Israelita na alagaan nang maayos ang mga hayop.—Deuteronomio 22:6, 7.
21 BLOOD FRACTIONS AT PARAAN NG PAGGAMOT
Blood fractions. Ang dugo ay binubuo ng apat na pangunahing sangkap—pulang selula, puting selula, platelet, at plasma. Ang apat na sangkap na ito ay puwede pang pagkunan ng mas maliliit na bahagi na tinatawag na blood fractions.a
Ang mga Kristiyano ay hindi nagpapasalin ng purong dugo o ng alinman sa apat na pangunahing sangkap nito. Pero dapat ba silang tumanggap ng blood fractions? Walang espesipikong sinasabi ang Bibliya tungkol dito. Kaya ang bawat Kristiyano ang dapat magdesisyon ayon sa kaniyang konsensiya na sinanay sa Bibliya.
Tinatanggihan ng ilang Kristiyano ang lahat ng blood fractions. Baka ikinakatuwiran nila na kahilingan sa Kautusan ng Diyos sa Israel na “ibuhos sa lupa” ang dugong inalis sa isang hayop.—Deuteronomio 12:22-24.
Iba naman ang pananaw ng ibang Kristiyano. Ayos lang sa konsensiya nila na tumanggap ng blood fractions. Baka ikinakatuwiran nila na hindi na ito kumakatawan sa buhay ng isang nilalang.
Kapag nagdedesisyon tungkol sa blood fractions, pag-isipan ang mga tanong na ito:
Alam ko ba na kapag tumanggi ako sa lahat ng blood fractions, tinatanggihan ko rin ang ilang gamot na lumalaban sa mga sakit o makakatulong sa pagpapahinto ng pagdurugo?
Paano ko ipapaliwanag sa doktor kung bakit ko tinatanggihan o tinatanggap ang isa o higit pang blood fractions?
Paraan ng paggamot. Bilang mga Kristiyano, hindi tayo nagdo-donate ng dugo o nag-iimbak ng sariling dugo ilang linggo bago ang operasyon. Pero may ibang paraan ng paggamot na ginagamitan ng sariling dugo ng pasyente. Ang bawat Kristiyano ang dapat magdesisyon kung ano ang gagawin sa dugo niya sa panahon ng operasyon, medical test, o therapy. Sa mga panahong ito, baka pansamantalang alisin sa katawan ng pasyente ang dugo niya.—Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Bantayan, Oktubre 15, 2000, pahina 30-31.
Halimbawa, may prosesong tinatawag na hemodilution, kung saan bago simulan ang operasyon, aalisin ang ilang porsiyento ng dugo ng pasyente at papalitan ng volume expander. Ibabalik ang dugo sa pasyente sa panahon ng operasyon o pagkatapos nito.
May isa pang proseso na tinatawag na cell salvage, kung saan ang sariling dugo ng pasyente na nawala sa panahon ng operasyon ay iniipon, nililinis, at ibinabalik sa pasyente sa panahon ng operasyon o pagkatapos nito.
Baka may kaunting pagkakaiba ang paraan ng mga doktor sa pagsasagawa ng mga prosesong ito. Kaya bago sumailalim sa operasyon, medical test, o therapy, kailangan munang alamin ng isang Kristiyano kung ano ang gagawin sa dugo niya.
Kapag nagdedesisyon tungkol sa paraan ng paggamot na ginagamitan ng sariling dugo, pag-isipan ang mga tanong na ito:
Kung aalisin sa katawan ko ang ilang porsiyento ng dugo ko at maputol sandali ang pagdaloy nito, matatanggap ba ng konsensiya ko na ang dugong ito ay bahagi pa rin ng katawan ko at hindi kailangang “ibuhos sa lupa”?—Deuteronomio 12:23, 24.
Makokonsensiya ba ako kung sa panahon ng paggamot, ang ilang porsiyento ng dugo ko ay inalis, nilinis, at ibinalik sa katawan ko?
Alam ko ba na kapag tumanggi ako sa lahat ng paggamot na ginagamitan ng dugo ko, tinatanggihan ko rin ang blood test, hemodialysis, o paggamit ng heart-lung bypass machine?
Bago gumawa ng desisyon tungkol sa blood fractions at paraan ng paggamot na ginagamitan ng sariling dugo, kailangan nating manalangin kay Jehova para sa patnubay at mag-research. (Santiago 1:5, 6) Pagkatapos, dapat tayong magdesisyon batay sa konsensiya nating sinanay sa Bibliya. Hindi tayo dapat magtanong sa iba kung ano ang gagawin nila kung sila ang nasa sitwasyon natin. Hindi rin nila tayo dapat impluwensiyahan.—Roma 14:12; Galacia 6:5.
22 KALINISAN SA MORAL
Para maging malinis sa moral, dapat na malinis ang paggawi natin sa paningin ng Diyos. Kasama sa kalinisan sa moral kung ano ang iniisip, sinasabi, at ginagawa natin. Iniutos ni Jehova na iwasan natin ang anumang klase ng karumihan sa sekso o imoralidad. (Kawikaan 1:10; 3:1) Dapat tayong magdesisyon na sundin ang malinis na pamantayan ni Jehova kahit bago pa tayo mapaharap sa isang nakakatuksong sitwasyon. Lagi nating ipanalangin na tulungan tayo ng Diyos na mapanatiling malinis ang isip natin, at dapat tayong maging determinado na iwasan ang mga tuksong gumawa ng imoralidad.—1 Corinto 6:9, 10, 18; Efeso 5:5.
23 PAGGAWI NANG MAY KAPANGAHASAN AT KARUMIHAN
Ang paggawi nang may kapangahasan ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa pamantayan ng Diyos at pagiging lapastangan, sa pagsasalita man o paggawi. Ang isang tao na gumagawi ng ganito ay walang paggalang sa mga batas ng Diyos. Kapag gumagawi nang may kapangahasan ang isang tao, isang hudisyal na komite ang hahawak sa kaso niya. Kasama sa karumihan ang iba’t ibang uri ng masasamang gawain. May mga kaso ng karumihan na baka kailangang asikasuhin ng isang hudisyal na komite sa kongregasyon.—Galacia 5:19-21; Efeso 4:19; para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Hulyo 15, 2006.
24 MASTURBASYON
Dinisenyo ni Jehova ang sex para maging isang malinis na ekspresyon ng pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa. Pero kapag nakasanayan ng isa ang masturbasyon, o ginagamit sa maling paraan ang kaniyang ari para sapatan ang seksuwal na pagnanasa, ginagamit niya ang sex sa maruming paraan. Masisira din nito ang kaugnayan ng isang tao kay Jehova. Puwede itong umakay sa pagkakaroon ng masasamang pagnanasa at maling pananaw sa sex. (Colosas 3:5) Kung ang isa ay nasanay na sa maruming gawaing ito at nahihirapang huminto, hindi siya dapat sumuko. (Awit 86:5; 1 Juan 3:20) Kung ganiyan ang sitwasyon mo, marubdob na manalangin kay Jehova at humingi ng tulong. Iwasan ang mga bagay na gaya ng pornograpya, dahil aakayin ka nitong mag-isip ng maruruming bagay. Makipag-usap sa iyong Kristiyanong magulang o sa isang may-gulang na kaibigan na malaki ang paggalang sa mga batas ni Jehova. (Kawikaan 1:8, 9; 1 Tesalonica 5:14; Tito 2:3-5) Makakatiyak kang nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang pagsisikap mong manatiling malinis sa moral.—Awit 51:17; Isaias 1:18.
25 POLIGAMYA
Ang kaugalian ng pagkakaroon ng higit sa isang asawa ay tinatawag na poligamya. Dinisenyo ni Jehova ang pag-aasawa na para lang sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Sa sinaunang Israel, hinayaan ng Diyos ang mga lalaki na magkaroon ng higit sa isang asawa, kahit hindi ito ang orihinal na layunin niya. Sa ngayon, hindi na hinahayaan ng Diyos ang poligamya sa bayan niya. Dapat na isang babae lang ang asawa ng lalaki, at dapat na isang lalaki lang ang asawa ng babae.—Mateo 19:9; 1 Timoteo 3:2.
26 DIBORSIYO AT PAGHIHIWALAY
Layunin ni Jehova na magsama habambuhay ang mag-asawa. (Genesis 2:24; Malakias 2:15, 16; Mateo 19:3-6; 1 Corinto 7:39) Pinapayagan lang niya ang diborsiyo kapag ang isang asawa ay nangalunya. Sa ganiyang kaso, binibigyan ni Jehova ang pinagtaksilang asawa ng karapatang magdesisyon kung makikipagdiborsiyo siya o hindi.—Mateo 19:9.
Kung minsan, may mga Kristiyano na nagdedesisyong makipaghiwalay sa asawa nila kahit wala namang nangyaring imoralidad. (1 Corinto 7:11) Puwedeng pag-isipan ng isang Kristiyano na makipaghiwalay sa sumusunod na mga sitwasyon:
Sinasadyang di-pagbibigay ng sustento: Ayaw maglaan ng materyal na pangangailangan ang asawang lalaki, hanggang sa punto na wala nang magastos o makain ang pamilya.—1 Timoteo 5:8.
Pambubugbog: Matinding pananakit ng asawa hanggang sa punto na nanganganib na ang kalusugan o buhay ng asawa nito.—Galacia 5:19-21.
Panganib na masira ang kaugnayan kay Jehova: Hindi makapaglingkod kay Jehova ang isa dahil sa asawa niya.—Gawa 5:29.
27 KOMENDASYON AT PAMPATIBAY
Kailangan nating lahat ng komendasyon at pampatibay. (Kawikaan 12:25; 16:24) Mapapatibay natin ang isa’t isa sa ating mabait at makonsiderasyong pananalita. Ang mga salitang ito ay makakatulong sa mga kapatid na magtiis at patuloy na maglingkod kay Jehova kahit may mabibigat na problema. (Kawikaan 12:18; Filipos 2:1-4) Kung nasisiraan ng loob ang isa, dapat natin siyang pakinggang mabuti at sikaping maunawaan ang nararamdaman niya. Sa gayon, malalaman natin kung ano ang puwede nating sabihin o gawin para tulungan siya. (Santiago 1:19) Kilalaning mabuti ang mga kapatid para maintindihan mo kung ano talaga ang kailangan nila. Kapag ginawa mo iyan, matutulungan mo silang lumapit sa Pinagmumulan ng kaaliwan at pampatibay, kung saan makadarama sila ng tunay na kaginhawahan.—2 Corinto 1:3, 4; 1 Tesalonica 5:11.
28 MGA KASALAN
Walang espesipikong utos ang Bibliya tungkol sa mga kasalan. Magkakaiba kasi ang kaugalian at kahilingan ng batas sa iba’t ibang lugar. (Genesis 24:67; Mateo 1:24; 25:10; Lucas 14:8) Ang pinakamahalagang bahagi sa kasalan ay ang sumpaang ginagawa sa harap ni Jehova ng ikinakasal. Pinipili ng maraming magkasintahan na masaksihan ng pamilya nila at malalapít na kaibigan ang kanilang sumpaan at na isang elder ang magbibigay ng pahayag na batay sa Bibliya. Depende sa magkasintahan kung anong klaseng handaan, kung mayroon man, ang gagawin nila pagkatapos ng kasal. (Lucas 14:28; Juan 2:1-11) Anuman ang maging desisyon nila, dapat nilang tiyakin na magbibigay ito ng kapurihan kay Jehova. (Genesis 2:18-24; Mateo 19:5, 6) Makakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya para makagawa sila ng tamang mga desisyon. (1 Juan 2:16, 17) Kung desisyon ng ikakasal na magkaroon ng alak sa handaan, dapat nilang tiyakin na napapangasiwaang mabuti ang okasyon. (Kawikaan 20:1; Efeso 5:18) Kung gusto nilang magkaroon ng musika o programa, dapat nilang tiyakin na magbibigay ito ng kapurihan kay Jehova. Dapat na mas mahalaga sa ikakasal ang kaugnayan nila sa Diyos at sa isa’t isa kaysa sa araw ng kanilang kasal.—Kawikaan 18:22; para sa iba pang mungkahi, tingnan ang Bantayan, Oktubre 15, 2006, pahina 18-31.
29 PAGGAWA NG TAMANG DESISYON
Gusto nating gumawa ng tamang mga desisyon batay sa mga prinsipyo sa Salita ng Diyos. Halimbawa, baka isang Kristiyano ang anyayahan ng asawa niyang di-Saksi para magsalusalo kasama ng mga kamag-anak sa isang kapistahan. Sa ganiyang sitwasyon, ano ang gagawin mo? Kung ayos lang sa konsensiya mo na pumunta, puwede mong ipaliwanag sa asawa mo na kung sakaling magkaroon ng paganong kaugalian sa panahon ng salusalo, hindi ka sasali rito. Pag-isipan mo rin kung may matitisod kapag pumunta ka sa salusalo.—1 Corinto 8:9; 10:23, 24.
O baka bigyan ka ng bonus ng boss mo sa panahon ng Kapaskuhan. Tatanggapin mo ba iyon? Depende iyan sa intensiyon ng boss mo. Iniisip ba niyang bahagi iyon ng selebrasyon? O gusto ka lang niyang pasalamatan? Kailangan mo munang pag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay bago ka magdesisyon kung tatanggapin mo ang bonus o hindi.
O baka may magregalo sa iyo sa panahon ng Kapaskuhan at sabihin: “Alam kong hindi ka nagpa-Pasko, pero gusto kong ibigay ito sa ’yo.” Baka sadyang mabait lang ang taong iyon. Pero may dahilan ba para isipin mong baka sinusubok niya ang pananampalataya mo o baka gusto ka lang niyang makibahagi sa selebrasyon? Kailangan mo muna itong pag-isipan bago mo tanggapin o tanggihan ang regalo. Gusto nating magkaroon ng malinis na konsensiya at maging tapat kay Jehova sa lahat ng desisyong ginagawa natin.—Gawa 23:1.
30 USAPIN SA NEGOSYO AT SA KORTE
Sa maraming sitwasyon, kapag naayos agad nang tahimik ang mga di-pagkakasundo, hindi na ito nagiging malaking isyu. (Mateo 5:23-26) Dapat maging pangunahin sa lahat ng Kristiyano ang pagbibigay ng kapurihan kay Jehova at pagpapanatili ng pagkakaisa ng kongregasyon.—Juan 13:34, 35; 1 Corinto 13:4, 5.
Kung hindi magkasundo sa negosyo ang mga Kristiyano, dapat nila itong ayusin nang hindi umaabot sa korte. Sa 1 Corinto 6:1-8, may payo si apostol Pablo tungkol sa demandahan ng mga Kristiyano. Makakasira sa pangalan ni Jehova at sa kongregasyon kung idedemanda natin ang isang kapatid. Sa Mateo 18:15-17, may tatlong hakbang na dapat gawin ang mga Kristiyano para malutas ang mabibigat na akusasyong gaya ng paninirang-puri o pandaraya. (1) Dapat muna nilang ayusin ang problema nang sila lang. (2) Kung hindi ito maayos, puwede silang humingi ng tulong sa isa o dalawang may-gulang na kapatid sa kongregasyon. (3) At kung kailangan, puwede nila itong ilapit sa lupon ng matatanda para maayos ito. Kung umabot sa ganiyang punto, gagamitin ng mga elder ang mga prinsipyo sa Bibliya para tulungang magkasundo ang lahat. Kung ayaw ng ilang kapatid na sumunod sa pamantayan ng Bibliya, baka kailangan itong gawan ng hudisyal na aksiyon ng mga elder sa kongregasyon.
May mga sitwasyon naman na baka kailangan talagang dalhin sa korte ang usapin, dahil baka tungkol ito sa diborsiyo, kustodiya ng bata, sustento, kabayaran mula sa insurance, pagkabangkarote, o testamento. Kung magdesisyon ang isang Kristiyano na dalhin sa korte ang bagay na iyon para malutas sa mapayapang paraan, hindi niya nilalabag ang payo ni Pablo.
Kapag malubhang krimen ang nagawa, gaya ng rape, child abuse, pambubugbog, pagnanakaw, o pagpatay, hindi nilalabag ng isang Kristiyano ang payo ni Pablo kung magsusumbong siya sa awtoridad.
31 PANDARAYA NI SATANAS
Sa hardin ng Eden pa lang, sinisikap nang dayain ni Satanas ang mga tao. (Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9) Alam niya na kung madadaya niya ang isip natin, maiimpluwensiyahan niya tayong gumawa nang masama. (2 Corinto 4:4; Santiago 1:14, 15) Ginagamit niya ang politika, relihiyon, komersiyo, libangan, edukasyon, at iba pa para impluwensiyahan ang isip ng mga tao at tanggapin ang kaisipan niya.—Juan 14:30; 1 Juan 5:19.
Alam ni Satanas na kaunti na lang ang panahon niya para dayain ang mga tao. Kaya ginagawa niya ang lahat para iligaw ang maraming tao, lalo na ang mga naglilingkod kay Jehova. (Apocalipsis 12:12) Kung hindi tayo mag-iingat, baka unti-unting masira ng Diyablo ang isip natin. (1 Corinto 10:12) Halimbawa, gusto ni Jehova na magtagal ang pag-aasawa. (Mateo 19:5, 6, 9) Pero itinuturing ng marami ngayon na ang pag-aasawa ay pansamantalang kasunduan lang na madaling sirain. Kitang-kita iyan sa maraming pelikula at palabas sa TV. Dapat nating tiyakin na hindi tayo naiimpluwensiyahan ng pananaw ng sanlibutan sa pag-aasawa.
May isa pang paraan si Satanas para dayain tayo. Iniimpluwensiyahan niya tayong huwag sumunod sa awtoridad. (2 Timoteo 3:4) Kung hindi tayo mag-iingat, baka hindi natin igalang ang awtoridad ng mga inatasan ni Jehova. Halimbawa, baka unti-unting labanan ng isang brother ang payo ng mga elder sa kongregasyon. (Hebreo 12:5) O baka kuwestiyunin ng isang sister ang kaayusan ng pagkaulo sa pamilya.—1 Corinto 11:3.
Huwag na huwag nating hayaang maimpluwensiyahan ng Diyablo ang pag-iisip natin. Sa halip, tularan natin ang pag-iisip ni Jehova at laging “ituon ang [ating] isip sa mga bagay sa itaas.”—Colosas 3:2; 2 Corinto 2:11.
32 PAGPAPAGAMOT
Gusto nating lahat na maging malusog at makahanap ng pinakamahusay na paraan ng paggamot kapag may sakit tayo. (Isaias 38:21; Marcos 5:25, 26; Lucas 10:34) Sa ngayon, maraming paraan ng paggamot ang mga doktor at ang iba pa. Kapag nagdedesisyon kung anong klase ng paggamot ang tatanggapin natin, mahalagang sundin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Alam nating Kaharian ng Diyos lang ang permanenteng makapagpapagaling sa atin. Hindi natin gustong mapabayaan ang pagsamba natin kay Jehova dahil lang sa masyado tayong nakapokus sa kalusugan natin.—Isaias 33:24; 1 Timoteo 4:16.
Lalo nang hindi tayo dapat magpagamot kapag may kasama itong demonismo. (Deuteronomio 18:10-12; Isaias 1:13) Kaya bago tumanggap ng anumang gamot o paraan ng paggamot, kailangan muna nating alaming mabuti kung saan ito galing at kung kaninong kaisipan ang itinataguyod nito. (Kawikaan 14:15) Huwag nating kalimutan na gusto ni Satanas na masangkot tayo sa demonismo nang hindi natin namamalayan. Kaya kung duda tayo na may kaugnayan sa demonismo ang isang paraan ng paggamot, mas mabuting iwasan na lang ito.—1 Pedro 5:8.
a Para sa ilang doktor, maituturing na ring fraction ang apat na pangunahing sangkap ng dugo. Kaya baka kailangan mong ipaliwanag sa kanila ang desisyon mong hindi magpasalin ng purong dugo o ng apat na pangunahing sangkap nito—pulang selula, puting selula, platelet, at plasma.