TEMPLO
Isang tirahan ng Diyos, isang sagradong dako o santuwaryo, maaaring pisikal o espirituwal, na ginagamit sa pagsamba. Ang salitang Hebreo na heh·khalʹ, isinasalin bilang “templo,” ay nangangahulugan ding “palasyo.” Ang Griegong hi·e·ronʹ at na·osʹ ay kapuwa isinasalin bilang “templo” at maaaring tumukoy sa kabuuan ng mga gusali at bakuran ng templo o sa pangunahing gusali nito; kung minsan, ang na·osʹ, na nangangahulugang “santuwaryo” o “tirahan (tahanan) ng Diyos,” ay espesipikong tumutukoy sa sagradong pinakaloob na mga silid ng templo.—Tingnan ang DAKONG BANAL.
Ang Templo ni Solomon. Masidhing ninais ni Haring David na ipagtayo si Jehova ng bahay na paglalagyan ng kaban ng tipan, na noo’y “tumatahan sa gitna ng mga telang pantolda.” Nalugod si Jehova sa panukala ni David ngunit sinabi Niya kay David na, dahil nagbubo siya ng maraming dugo sa pakikipagdigma, ang kaniyang anak (si Solomon) ang magkakapribilehiyong magtayo ng templo. Hindi naman ibig sabihin nito na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga pakikipagdigma ni David alang-alang sa pangalan ni Jehova at alang-alang sa Kaniyang bayan. Sa halip, ang templo ay itatayo sa kapayapaan sa pamamagitan ng isang taong mapayapa.—2Sa 7:1-16; 1Ha 5:3-5; 8:17; 1Cr 17:1-14; 22:6-10.
Halaga. Nang maglaon, binili ni David ang giikan ni Ornan (Arauna) na Jebusita sa Bundok Moria upang pagtayuan ng templo. (2Sa 24:24, 25; 1Cr 21:24, 25) Nagtipon siya ng 100,000 talento na ginto, 1,000,000 talento na pilak, at ng pagkarami-raming tanso at bakal, bukod pa sa pag-aabuloy ng 3,000 talento na ginto at 7,000 talento na pilak mula sa sarili niyang kayamanan. Mula sa mga prinsipe ay tumanggap naman siya ng mga abuloy na ginto na nagkakahalaga ng 5,000 talento at 10,000 darik at pilak na nagkakahalaga ng 10,000 talento, at napakaraming bakal at tanso. (1Cr 22:14; 29:3-7) Ang lahat ng ito, na umaabot nang 108,000 talento at 10,000 darik na ginto at 1,017,000 talento na pilak, ay magkakahalaga ng $48,337,047,000 sa kasalukuyang panahon. Hindi naman nagamit ng kaniyang anak na si Solomon ang lahat ng mga ito sa pagtatayo ng templo; ang natira ay inilagay nito sa ingatang-yaman ng templo.—1Ha 7:51; 2Cr 5:1.
Mga manggagawa. Pinasimulang itayo ni Haring Solomon ang templo para kay Jehova noong ikaapat na taon ng kaniyang paghahari (1034 B.C.E.), nang ikalawang buwan, ang Ziv, at sinunod niya ang arkitektural na plano na tinanggap ni David sa pamamagitan ng pagkasi. (1Ha 6:1; 1Cr 28:11-19) Nagpatuloy ang gawaing ito sa loob ng pitong taon. (1Ha 6:37, 38) Kapalit ng trigo, sebada, langis, at alak, si Hiram na hari ng Tiro ay naglaan ng mga tabla mula sa Lebanon gayundin ng mga dalubhasang manggagawa sa kahoy at bato. Nagsugo rin siya ng isang natatanging dalubhasang manggagawa, na nagngangalan ding Hiram, na ang ama ay taga-Tiro at ang ina naman ay isang Israelita na mula sa tribo ni Neptali. Ang lalaking ito ay isang mahusay na manggagawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, bato, at kayo.—1Ha 5:8-11, 18; 7:13, 14, 40, 45; 2Cr 2:13-16.
Sa pag-oorganisa ni Solomon sa gawain, tumawag siya ng 30,000 lalaki mula sa Israel, at isinugo niya ang mga ito sa Lebanon sa rilyebong 10,000 bawat buwan, anupat sa pagitan ng kanilang mga rilyebo ay nananatili sila nang dalawang buwan sa kanilang mga tahanan. (1Ha 5:13, 14) Mula sa “mga naninirahang dayuhan” sa lupain ay tumawag din siya ng 70,000 lalaki bilang mga tagapagdala ng pasan, at bilang mga maninibag, 80,000. (1Ha 5:15; 9:20, 21; 2Cr 2:2) Bilang mga kapatas na namamahala sa gawain, nag-atas si Solomon ng 550 lalaki at ng 3,300 iba pa na lumilitaw na nagsilbing mga katulong ng mga iyon. (1Ha 5:16; 9:22, 23) Waring sa mga ito, 250 ay mga Israelita at 3,600 ay “mga naninirahang dayuhan” sa Israel.—2Cr 2:17, 18.
Haba ng ginamit na “siko.” Sa sumusunod na pagtalakay hinggil sa mga sukat ng tatlong templo—yaong itinayo ni Solomon, ni Zerubabel, at ni Herodes—kukuwentahin natin ang mga ito salig sa siko na 44.5 sentimetro (17.5 pulgada). Gayunman, posible na ginamit nila noon ang mas mahabang siko na mga 51.8 sentimetro (20.4 pulgada).—Ihambing ang 2Cr 3:3 (na bumabanggit ng “haba sa siko ayon sa dating sukat,” na marahil ay mas mahaba kaysa sa siko na karaniwang ginamit nang maglaon) at ang Eze 40:5; tingnan ang SIKO.
Plano at mga materyales. Ang templo, na isang napakaringal na istraktura, ay isinunod sa pangkalahatang plano ng tabernakulo. Gayunman, ang panloob na mga dimensiyon ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan nito ay mas malaki kaysa sa panloob na mga dimensiyon ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan ng tabernakulo. Ang dakong Banal ng templo ay may haba na 40 siko (17.8 m; 58.3 piye), may lapad na 20 siko (8.9 m; 29.2 piye), at maliwanag na may taas na 30 siko (13.4 m; 43.7 piye). (1Ha 6:2, 17) Ang Kabanal-banalan naman ay hugis-kubiko anupat 20 siko ang bawat panig nito. (1Ha 6:20; 2Cr 3:8) Bukod dito, sa ibabaw ng Kabanal-banalan ay may mga silid-bubungan na humigit-kumulang 10 siko (4.5 m; 14.6 piye) ang taas. (1Cr 28:11) Sa palibot ng templo, sa tatlong tagiliran nito, ay mayroon ding panggilid na kayarian, na may mga imbakang silid, at iba pa.—1Ha 6:4-6, 10.
Bato at kahoy ang pangunahing mga materyales na ginamit sa templo. Ang sahig ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan ay kinalupkupan ng kahoy ng enebro; ang mga dingding ay yari sa sedro na nililukan ng inukit na mga kerubin, puno ng palma, at bulaklak; ang lahat ng dingding at kisame ay kinalupkupan ng ginto. (1Ha 6:15, 18, 21, 22, 29) Ang mga pinto ng dakong Banal (sa pasukan ng templo) ay gawa sa enebro—na inukitan at kinalupkupan ng gintong palara. (1Ha 6:34, 35) Mga pinto na yari naman sa kahoy ng punong-langis, anupat inukitan din at kinalupkupan ng ginto, ang nagsisilbing pasukan sa pagitan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan. Anuman ang eksaktong posisyon ng mga pintong ito, nanatili pa rin ang kaayusan ng paggamit ng kurtina gaya sa tabernakulo. (Ihambing ang 2Cr 3:14.) Dalawang pagkalaki-laking kerubin na yari sa kahoy ng punong-langis, at kinalupkupan ng ginto, ang nasa Kabanal-banalan. Sa ilalim ng mga ito inilagay ang kaban ng tipan.—1Ha 6:23-28, 31-33; 8:6; tingnan ang KERUBIN.
Ang lahat ng kagamitan ng dakong Banal ay yari sa ginto: ang altar ng insenso, ang sampung mesa ng tinapay na pantanghal, at ang sampung kandelero, pati na ang mga kasangkapan para sa mga ito. Sa gilid ng pasukan patungo sa dakong Banal (na unang silid) ay may dalawang haliging tanso, na tinatawag na “Jakin” at “Boaz.” (1Ha 7:15-22, 48-50; 1Cr 28:16; 2Cr 4:8; tingnan ang BOAZ, II.) Ang pinakaloob na looban ng templo ay gawa naman sa mainam na bato at tablang sedro. (1Ha 6:36) Ang mga kasangkapan sa looban, ang altar na pinaghahainan, ang pagkalaki-laking “binubong dagat,” ang sampung karwahe para sa mga hugasan, at ang iba pang kagamitan ay yari sa tanso. (1Ha 7:23-47) Sa buong palibot ng mga looban ay may inilaang mga silid-kainan.—1Cr 28:12.
Ang isang kahanga-hangang bagay sa pagtatayo ng templong ito ay na lahat ng mga bato nito ay sa tibagan tinabas, anupat sukat na sukat ang mga iyon sa dakong pinagtayuan ng templo. “Kung tungkol sa mga martilyo at mga palakol o anumang kasangkapang bakal, ang mga iyon ay hindi narinig sa bahay habang ito ay itinatayo.” (1Ha 6:7) Ang pagtatayo ay natapos sa loob ng pito’t kalahating taon (mula tagsibol ng 1034 B.C.E. hanggang taglagas [ng Bul, ang ikawalong buwan] ng 1027 B.C.E.).—1Ha 6:1, 38.
Pagpapasinaya. Noong ikapitong buwan, ang Etanim, lumilitaw na noong ika-12 taon ng paghahari ni Solomon (1026 B.C.E.), tinipon ni Solomon sa Jerusalem ang mga lalaki ng Israel para sa pagpapasinaya ng templo at sa Kapistahan ng mga Kubol. Iniahon doon ang tabernakulo at ang banal na mga muwebles nito, at ang kaban ng tipan ay inilagay sa Kabanal-banalan. (Tingnan ang KABANAL-BANALAN.) Pagkatapos nito, pinunô ng ulap ni Jehova ang templo. Sumunod ay pinagpala ni Solomon si Jehova at ang kongregasyon ng Israel at, habang nakatayo siya sa isang espesyal na plataporma sa harapan ng tansong altar na pinaghahainan (tingnan ang ALTAR), naghandog siya ng isang mahabang panalangin na pumupuri kay Jehova at humihiling ng maibiging-kabaitan at awa Niya para roon sa mga bumaling sa Kaniya upang matakot at maglingkod sa Kaniya, kapuwa ang mga Israelita at ang mga banyaga. Isang malaking hain na 22,000 baka at 120,000 tupa ang inihandog noon. Ang pagpapasinaya ay tumagal nang 7 araw, at 7 araw rin ang Kapistahan ng mga Kubol, at noong ika-23 araw ng buwan, pinauwi na ni Solomon ang bayan sa kanilang mga tahanan, na nagagalak at nagpapasalamat sa kabutihan at pagkabukas-palad ni Jehova.—1Ha 8; 2Cr 5:1–7:10; tingnan ang SOLOMON (Pagpapasinaya ng templo).
Kasaysayan. Umiral ang templong ito hanggang noong 607 B.C.E., kung kailan winasak ito ng hukbong Babilonyo sa ilalim ni Haring Nabucodonosor. (2Ha 25:9; 2Cr 36:19; Jer 52:13) Dahil sa pagbaling ng Israel sa huwad na relihiyon, pinahintulutan ng Diyos ang mga bansa na ligaligin ang Juda at Jerusalem, anupat may mga pagkakataong sinamsam pa nga nila ang mga kayamanan ng templo. May mga panahon din na pinabayaan ang templo. Noong mga araw ni Rehoboam na anak ni Solomon, anupat mga 33 taon lamang mula nang pasinayaan ang templo, ninakawan ito ni Haring Sisak ng mga kayamanan nito (993 B.C.E.). (1Ha 14:25, 26; 2Cr 12:9) Iginalang ni Haring Asa (977-937 B.C.E.) ang bahay ni Jehova, ngunit upang protektahan ang Jerusalem, may-kamangmangan niyang sinuhulan ng pilak at ginto mula sa kabang-yaman ng templo si Haring Ben-hadad I ng Sirya, upang sirain nito ang pakikipagtipan nito kay Baasa na hari ng Israel.—1Ha 15:18, 19; 2Cr 15:17, 18; 16:2, 3.
Makalipas ang isang yugto ng kaligaligan at pagpapabaya sa templo, pinangasiwaan ni Haring Jehoas ng Juda (898-859 B.C.E.) ang pagkumpuni sa templo. (2Ha 12:4-12; 2Cr 24:4-14) Noong mga araw ng kaniyang anak na si Amazias, ninakawan naman ni Jehoas na hari ng Israel ang templo. (2Ha 14:13, 14) Nagsagawa si Haring Jotam (777-762 B.C.E.) ng gawaing pagtatayo sa lugar ng templo, anupat itinayo niya ang “mataas na pintuang-daan.” (2Ha 15:32, 35; 2Cr 27:1, 3) Bukod pa sa pagpapadala ni Haring Ahaz ng Juda (761-746 B.C.E.) kay Tiglat-pileser III, na hari ng Asirya, ng mga kayamanan ng templo bilang suhol, dinumhan din niya ang templo nang magtayo siya ng isang altar na itinulad sa altar na nasa Damasco at nang ihalili niya iyon sa altar na tanso ng templo. (2Ha 16:5-16) Bilang panghuli, isinara niya ang mga pinto ng bahay ni Jehova.—2Cr 28:24.
Ginawa ng anak ni Ahaz na si Hezekias (745-717 B.C.E.) ang lahat ng makakaya niya upang maituwid ang masasamang ginawa ng kaniyang ama. Sa pasimula pa lamang ng kaniyang paghahari, binuksan na niyang muli ang templo at ipinalinis iyon. (2Cr 29:3, 15, 16) Gayunman, noong dakong huli, dahil sa takot niya kay Senakerib na hari ng Asirya, pinutol niya ang mga pinto at ang mga poste ng pinto ng templo na pinakalupkupan niya mismo ng ginto at ipinadala niya ang mga iyon kay Senakerib.—2Ha 18:15, 16.
Nang mamatay si Hezekias, ang templo ay dumanas ng paglapastangan at pagpapabaya sa loob ng kalahating siglo. Hinigitan pa ng anak niyang si Manases (716-662 B.C.E.) ang kabalakyutan ng naunang mga hari ng Juda, anupat nagtayo siya ng mga altar “para sa buong hukbo ng langit sa dalawang looban ng bahay ni Jehova.” (2Ha 21:1-5; 2Cr 33:1-4) Pagsapit ng panahon ng apo ni Manases na si Josias (659-629 B.C.E.), sira-sira na ang dating maringal na gusaling ito. Maliwanag na magulo ito at punô ng kalat, sapagkat gayon na lamang ang naging kasabikan nila nang masumpungan ng mataas na saserdoteng si Hilkias ang aklat ng Kautusan (malamang ay ang orihinal na balumbon na isinulat ni Moises). (2Ha 22:3-13; 2Cr 34:8-21) Pagkatapos kumpunihin at linisin ang templo, ang pinakadakilang Paskuwa mula noong mga araw ni Samuel na propeta ay ipinagdiwang. (2Ha 23:21-23; 2Cr 35:17-19) Nangyari ito noong panahon ng ministeryo ng propetang si Jeremias. (Jer 1:1-3) Mula nang panahong iyon hanggang noong wasakin ang templo, nanatili itong bukás at patuloy na ginamit ng mga saserdote, bagaman ang marami sa kanila ay tiwali.
Ang Templong Itinayo ni Zerubabel. Gaya ng inihula ng propeta ni Jehova na si Isaias, ibinangon ng Diyos si Ciro na hari ng Persia upang palayain ang Israel mula sa kapangyarihan ng Babilonya. (Isa 45:1) Pinasigla rin ni Jehova ang kaniyang sariling bayan, na nasa ilalim ng pangunguna ni Zerubabel na mula sa tribo ni Juda, na bumalik sa Jerusalem. Ginawa naman nila ito noong 537 B.C.E., pagkaraan ng 70-taóng pagkatiwangwang, gaya ng inihula ni Jeremias, at ginawa nila ito sa layuning muling itayo ang templo. (Ezr 1:1-6; 2:1, 2; Jer 29:10) Bagaman hindi napantayan ng istrakturang ito ang kaluwalhatian ng templo ni Solomon, mas tumagal ito, anupat umabot nang halos 500 taon, mula 515 B.C.E. hanggang noong huling bahagi ng unang siglo B.C.E. (Ang templong itinayo ni Solomon ay naglingkod nang mga 420 taon, mula 1027 hanggang 607 B.C.E.)
Ganito ang iniutos ni Ciro: “Kung tungkol sa sinumang maiiwan mula sa lahat ng dakong tinatahanan niya bilang dayuhan, tulungan siya ng mga lalaki sa kaniyang dako sa pamamagitan ng pilak at ng ginto at ng mga pag-aari at ng mga alagang hayop kasama ang kusang-loob na handog para sa bahay ng tunay na Diyos, na nasa Jerusalem.” (Ezr 1:1-4) Isinauli rin ni Ciro ang 5,400 sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nabucodonosor mula sa templo ni Solomon.—Ezr 1:7-11.
Noong ikapitong buwan (Etanim, o Tisri) ng taóng 537 B.C.E., ang altar ay itinayo; at noong sumunod na taon, inilatag na ang pundasyon ng bagong templo. Tulad ni Solomon, ang mga tagapagtayo ay umupa ng mga Sidonio at mga taga-Tiro upang magdala ng mga tablang sedro mula sa Lebanon. (Ezr 3:7) Nang maglaon, dahil sa pagsalansang, partikular na mula sa mga Samaritano, nasiraan ng loob ang mga tagapagtayo, at pagkaraan ng mga 15 taon, inudyukan pa nga ng mga sumasalansang na iyon ang hari ng Persia na ipagbawal ang gawain.—Ezr 4.
Itinigil ng mga Judio ang kanilang pagtatayo ng templo at nagtaguyod sila ng ibang mga gawain, kaya naman, noong ikalawang taon ni Dario I (520 B.C.E.), isinugo ni Jehova ang kaniyang mga propetang sina Hagai at Zacarias upang pasiglahin sila na ipagpatuloy ang pagtatayo. Pagkatapos, isang batas ang ginawa na nagtibay sa orihinal na utos ni Ciro at nag-utos ng pagbibigay ng salapi mula sa maharlikang ingatang-yaman, upang ilaan ang mga kailangan ng mga tagapagtayo at ng mga saserdote. (Ezr 5:1, 2; 6:1-12) Nang magkagayo’y ipinagpatuloy ang gawaing pagtatayo, at ang bahay ni Jehova ay natapos noong ikatlong araw ng Adar noong ikaanim na taon ni Dario (malamang ay noong Marso 6 ng 515 B.C.E.), at pagkatapos nito, pinasinayaan ng mga Judio ang muling-itinayong templo at idinaos nila ang Paskuwa.—Ezr 6:13-22.
Kakaunti ang nalalaman tungkol sa mga detalye ng arkitektural na plano ng ikalawang templong ito. Ipinahintulot ng utos ni Ciro ang pagtatayo ng isang istraktura na ‘ang taas ay animnapung siko [mga 27 m; 88 piye], ang lapad ay animnapung siko, may tatlong patong ng mga batong iginulong sa kalalagyan nito at isang patong ng mga kahoy.’ Hindi binanggit ang haba nito. (Ezr 6:3, 4) Mayroon itong mga silid-kainan at mga silid-imbakan (Ne 13:4, 5), at walang alinlangan na mayroon itong mga silid-bubungan. Posible rin na may iba pang mga gusali na kaugnay ito, gaya rin ng templo ni Solomon.
Hindi matatagpuan sa ikalawang templong ito ang kaban ng tipan, na waring nawala bago bihagin at samsaman ni Nabucodonosor ang templo ni Solomon noong 607 B.C.E. Ayon sa ulat ng Apokripal na aklat ng Unang Macabeo (1:21-24, 57; 4:38, 44-51), iisa lamang ang kandelero ng templong ito sa halip na sampu gaya niyaong mga nasa templo ni Solomon; binanggit din ng ulat ang ginintuang altar, ang mesa ng tinapay na pantanghal, at ang mga sisidlan, gayundin ang altar ng handog na sinusunog na, sa halip na yari sa tanso gaya ng altar sa templo ni Solomon, ay inilarawan na yari sa bato. Ang altar na ito, matapos dungisan ni Haring Antiochus Epiphanes (noong 168 B.C.E.), ay muling itinayo gamit ang bagong mga bato, sa ilalim ng pangunguna ni Judas Maccabaeus.
Ang Templong Muling Itinayo ni Herodes. Ni minsan ay hindi inilarawan sa Kasulatan ang templong ito. Ang pangunahing mapagkukunan ng impormasyon hinggil dito ay si Josephus, na personal na nakakita sa istraktura at nag-ulat tungkol sa pagtatayo nito sa The Jewish War at Jewish Antiquities. Nagbibigay ng ilang impormasyon tungkol dito ang Judiong Mishnah, at may kaunting impormasyon na makukuha sa arkeolohiya. Kaya naman, ang paglalarawang binabanggit dito ay mula sa mga mapagkukunang ito ng impormasyon, na sa ilang kaso ay maaaring pag-alinlanganan.—LARAWAN, Tomo 2, p. 543.
Sa The Jewish War (I, 401 [xxi, 1]), sinasabi ni Josephus na muling itinayo ni Herodes ang templo noong ika-15 taon ng paghahari nito, ngunit sa Jewish Antiquities (XV, 380 [xi, 1]), sinasabi niya na iyon ay noong ika-18 taon. Itong mas huling petsa ang karaniwang tinatanggap ng mga iskolar, bagaman hindi matiyak kung kailan nagsimula ang paghahari ni Herodes, o kung paano iyon kinuwenta ni Josephus. Ang pagtatayo ng mismong santuwaryo ay inabot nang 18 buwan, ngunit ang pagtatayo ng mga looban, at ng iba pang bahagi ng templo, ay nagpatuloy sa loob ng walong taon. Nang lumapit ang ilang Judio kay Jesu-Kristo noong 30 C.E., at nagsabing, “Ang templong ito ay itinayo sa loob ng apatnapu’t anim na taon” (Ju 2:20), lumilitaw na ang tinutukoy ng mga Judiong ito ay ang gawaing patuloy na isinasagawa sa mga looban at mga gusali ng templo hanggang noong panahong iyon. Natapos lamang ang gawaing ito mga anim na taon bago wasakin ang templo noong 70 C.E.
Dahil sa pagkapoot at kawalan ng tiwala ng mga Judio kay Herodes, hindi nila siya pinahintulutan na muling itayo ang templo, gaya ng ipinanukala niya, hangga’t hindi niya naihahanda ang lahat para sa bagong gusali. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi nila ito itinuring na ikatlong templo, kundi isa lamang muling-itinayong templo, anupat ang binabanggit lamang nila ay ang una at ang ikalawang templo (yaong kay Solomon at yaong kay Zerubabel).
Kung tungkol sa mga sukat na ibinigay ni Josephus, ganito ang sinasabi ng Dictionary of the Bible (1889, Tomo IV, p. 3203) ni Smith: “Napakatumpak ng pahalang na mga dimensiyon niya anupat may hinala kami na, noong sumusulat siya, nasa harapan niya ang isang saligang plano ng gusali na inihanda sa kagawaran ng pinunong tagapangasiwa-heneral ng hukbo ni Tito. Kataka-taka naman na malayo ang mga ito sa mga dimensiyon niya ng taas, na, halos lahat, ay maipakikitang pinalaki, anupat dinoble sa pangkalahatan. Yamang nagiba ang lahat ng mga gusali noong panahon ng pagkubkob, hindi posibleng patunayan na nagkamali siya sa mga sukat ng taas.”
Mga kolonada at mga pintuang-daan. Isinulat ni Josephus na dinoble ni Herodes ang laki ng lugar ng templo, anupat nagtayo siya ng malalaking batong pader sa mga gilid ng Bundok Moria at pinatag niya ang isang dako sa taluktok ng bundok. (The Jewish War, I, 401 [xxi, 1]; Jewish Antiquities, XV, 391-402 [xi, 3]) Sinasabi ng Mishnah (Middot 2:1) na ang Temple Mount ay may sukat na 500 siko (223 m; 729 na piye) kuwadrado. May mga kolonada sa mga tagiliran ng dakong ito. Ang templo ay nakaharap sa S, gaya rin ng mga naunang templo. Nasa S panig din ang kolonada ni Solomon, na binubuo ng dalawang pasilyo na may nakahanay na mga haliging marmol. Minsan, noong panahon ng taglamig, si Jesus ay nilapitan dito ng ilang Judio na nagtatanong kung siya ang Kristo. (Ju 10:22-24) Mayroon ding mga kolonada sa H at K, at mas maliliit ang mga iyon kaysa sa Kolonada ng mga Maharlika sa T, na binubuo ng apat na hanay ng mga haliging gawa sa arkitektura ng mga taga-Corinto, anupat 162 lahat-lahat, at may tatlong pasilyo. Napakalaki ng sirkumperensiya ng mga haliging ito anupat tatlong tao na may nakaunat na mga bisig ang kailangan upang mayakap ang isa sa mga ito, at higit na mas matataas ang mga ito kaysa sa mga haligi ng ibang mga kolonada.
Maliwanag na may walong pintuang-daang patungo sa lugar ng templo: apat sa K panig, dalawa sa T na panig, at tig-isa sa S at H panig. (Tingnan ang PINTUANG-DAAN [Mga Pintuang-daan ng Templo].) Dahil sa mga pintuang-daan na ito, ang unang looban, na Looban ng mga Gentil, ay nagsilbi ring daanan, anupat mas pinipili ng mga manlalakbay na dumaan dito sa halip na lumigid pa sa labas ng lugar ng templo.
Looban ng mga Gentil. Ang mga kolonada ay nakapalibot sa malaking dako na pinanganlang Looban ng mga Gentil, na tinawag na gayon dahil pinahihintulutang pumasok dito ang mga Gentil. Mula rito ay pinalayas ni Jesus, sa dalawang pagkakataon, ang mga taong gumawang bahay ng pangangalakal sa bahay ng kaniyang Ama, una ay noong kasisimula pa lamang ng kaniyang ministeryo sa lupa at ang ikalawa ay nang papatapos na iyon.—Ju 2:13-17; Mat 21:12, 13; Mar 11:15-18.
Habang ang isa’y patungo sa pangunahing gusali ng templo, ang mismong santuwaryo, mayroon siyang madaraanang ilang looban. Papataas ang antas ng kabanalan ng sunud-sunod na mga loobang ito. Habang ang isa’y nagdaraan sa Looban ng mga Gentil, makakakita siya roon ng isang pader na may taas na tatlong siko (1.3 m; 4.4 piye) at may mga pasukan. Sa itaas niyaon ay may malalaking bato na may nakasulat na babala sa mga wikang Griego at Latin. Ang inskripsiyong Griego ay kababasahan ng ganito (ayon sa isang salin): “Huwag pumasok ang sinumang banyaga sa loob ng harang at ng bakod sa palibot ng santuwaryo. Sinumang mahuhuli ay mananagot sa kaniyang magiging kamatayan.” (The New Westminster Dictionary of the Bible, inedit ni H. Gehman, 1970, p. 932) Nang umugin ang apostol na si Pablo sa templo, iyon ay dahil naging usap-usapan ng mga Judio na nagdala siya ng Gentil sa loob ng ipinagbabawal na dako. Naaalaala natin ang pader na ito kapag nababasa natin na ‘giniba ni Kristo ang pader’ na naghiwalay sa mga Judio at sa mga Gentil, bagaman ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong “pader” ay makasagisag.—Efe 2:14, tlb sa Rbi8; Gaw 21:20-32.
Looban ng mga Babae. Ang Looban ng mga Babae ay mas mataas nang 14 na baytang. Dito’y makapapasok ang mga babae upang sumamba. Bukod sa iba pang mga bagay, may mga kabang-yaman din sa Looban ng mga Babae, at nakaupo si Jesus malapit sa isa sa mga ito nang papurihan niya ang babaing balo dahil sa pagbibigay nito ng lahat ng kaniyang taglay. (Mar 12:41-44; Luc 21:1-4) Mayroon ding ilang gusali sa loobang ito.
Looban ng Israel at Looban ng mga Saserdote. Labinlimang malalaki at hating-bilog na mga baytang ang madaraanan patungo sa Looban ng Israel, at dito’y makapapasok naman ang mga lalaking malinis sa seremonyal na paraan. May mga imbakang-silid sa tabi ng panlabas na pader ng loobang ito.
Kasunod nito ay ang Looban ng mga Saserdote, na siyang katumbas ng looban ng tabernakulo. Matatagpuan dito ang altar, na gawa sa di-tabas na mga bato. Ayon sa Mishnah, 32 siko (14.2 m; 46.7 piye) kuwadrado ang paanan niyaon. (Middot 3:1) Mas malaki naman ang sukat na ibinibigay ni Josephus. (The Jewish War, V, 225 [v, 6]; tingnan ang ALTAR [Mga Altar Pagkaraan ng Pagkatapon].) Makaparoroon ang mga saserdote sa altar sa pamamagitan ng isang rampa. Gumagamit din sila noon ng “laver” (hugasan) ayon sa Mishnah. (Middot 3:6) Mayroon ding iba’t ibang gusali sa palibot ng loobang ito.
Ang gusali ng templo. Gaya rin ng mga nauna, ang mismong templo ay pangunahin nang binubuo ng dalawang silid, ang dakong Banal at ang Kabanal-banalan. Ang sahig ng gusaling ito ay mas mataas nang 12 baytang kaysa sa Looban ng mga Saserdote. Tulad ng templo ni Solomon, may mga silid na itinayo sa mga tagiliran ng gusaling ito at mayroon itong silid sa itaas. Sa pasukan nito ay may ginintuang mga pinto, na bawat isa ay may taas na 55 siko (24.5 m; 80.2 piye) at lapad na 16 na siko (7.1 m; 23.3 piye). Mas malapad ang harapan ng gusali kaysa sa likuran nito, dahil iyon ay may mga dugtong o “mga balikat” na umaabot nang 20 siko (8.9 m; 29.2 piye) sa magkabilang panig. Ang loob ng dakong Banal ay may haba na 40 siko (17.8 m; 58.3 piye) at lapad na 20 siko. Matatagpuan sa dakong Banal ang kandelero, ang mesa ng tinapay na pantanghal, at ang altar ng insenso—na pawang yari sa ginto.
Ang pasukan naman patungo sa Kabanal-banalan ay isang makapal at magandang kurtina, o tabing. Nang mamatay si Jesus, napunit sa dalawa ang kurtinang ito, mula sa itaas hanggang sa ibaba, anupat nalantad na walang kaban ng tipan sa Kabanal-banalan. Isang malapad na bato lamang ang inihalili sa Kaban at dito iwiniwisik ng mataas na saserdote ang dugo kapag Araw ng Pagbabayad-Sala. (Mat 27:51; Heb 6:19; 10:20) Ang silid na ito ay may haba na 20 siko at lapad na 20 siko.
Nang kubkubin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 C.E, ginamit ng mga Judio ang lugar ng templo bilang kuta o tanggulan. Sinilaban nila mismo ang mga kolonada nito, ngunit, taliwas sa nais ng Romanong kumandante na si Tito, sinunog ng isang kawal na Romano ang mismong templo. Sa gayo’y natupad ang mga salita ni Jesus may kinalaman sa mga gusali ng templo: “Sa anumang paraan ay hindi maiiwan dito ang isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.”—Mat 24:2; The Jewish War, VI, 252-266 (iv, 5-7); VII, 3, 4 (i, 1).
Ang Dakilang Espirituwal na Templo ni Jehova. Ang tabernakulong itinayo ni Moises at ang mga templong itinayo nina Solomon, Zerubabel, at Herodes ay mga sagisag o mga paglalarawan lamang. Ipinaliwanag ito ng apostol na si Pablo nang isulat niya na ang tabernakulo, na ang pangunahing mga bahagi ay makikita rin sa mga templong itinayo nang dakong huli, ay “isang makasagisag na paglalarawan at isang anino ng makalangit na mga bagay.” (Heb 8:1-5; tingnan din ang 1Ha 8:27; Isa 66:1; Gaw 7:48; 17:24.) Isinisiwalat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang katunayang isinasagisag ng paglalarawang ito. Ipinakikita ng Kasulatang iyon na ang tabernakulo at ang mga templong itinayo nina Solomon, Zerubabel, at Herodes, pati na ang mga bahagi ng mga ito, ay lumalarawan sa isang mas dakila at espirituwal na templo ni Jehova, ang “tunay na tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Heb 8:2) Gaya ng isinisiwalat ng iba’t ibang bahagi nito, ang espirituwal na templong ito ay ang kaayusan ng paglapit kay Jehova sa pagsamba salig sa pampalubag-loob na hain ni Jesu-Kristo.—Heb 9:2-10, 23.
Sinasabi ng kinasihang liham sa mga Hebreo na sa espirituwal na templong ito, ang Kabanal-banalan ay ang “langit mismo,” ang dakong kinaroroonan ng mismong persona ng Diyos. (Heb 9:24) Yamang ang Kabanal-banalan lamang ang tinukoy bilang ang “langit mismo,” kung gayon ang dakong Banal at ang looban ng mga saserdote, pati na ang mga bahagi ng mga ito, ay tumutukoy sa mga bagay na nasa lupa, yaong mga bagay na may kinalaman kay Jesu-Kristo noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa at gayundin sa kaniyang mga tagasunod na “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag.”—Heb 3:1.
Ang kurtina ay nagsilbing harang na naghihiwalay sa dakong Banal at sa Kabanal-banalan; sa kaso ni Jesus, ito’y lumalarawan sa “kaniyang laman,” na kinailangan niyang ihain, anupat isinuko niya iyon magpakailanman, upang makapasok siya sa langit, ang antitipikong Kabanal-banalan. (Heb 10:20) Ang mga pinahirang Kristiyano ay kailangan ding dumaan sa makalamang harang na nakahahadlang sa kanilang pagharap sa presensiya ng Diyos sa langit. Sa katulad na paraan, ang dakong Banal ay lumalarawan sa kanilang kalagayan bilang inianak-sa-espiritung mga anak ng Diyos, na may pag-asang mabuhay sa langit, at makakamit nila ang makalangit na gantimpalang iyan kapag hinubad na nila ang kanilang katawang laman sa kamatayan.—1Co 15:50; Heb 2:10.
Habang sila’y nasa antitipikong dakong Banal, ang mga Kristiyanong ito na pinahiran ng banal na espiritu at naglilingkod bilang mga katulong na saserdote ni Kristo ay nagtatamasa ng espirituwal na kaliwanagan, na gaya niyaong nagmumula sa kandelero; sila’y kumakain ng espirituwal na pagkain, na gaya niyaong nagmumula sa mesa ng tinapay na pantanghal; at naghahandog ng panalangin, papuri, at paglilingkod sa Diyos, anupat waring naghahandog ng mabangong insenso sa ginintuang altar ng insenso. Kung paanong ang dakong Banal ng makasagisag na templo ay natatabingan at hindi nakikita ng mga nasa labas, hindi rin lubusang nauunawaan ng mga hindi inianak sa espiritu kung paano nalalaman ng isang tao na siya’y isang inianak-sa-espiritung anak ng Diyos at kung ano ang mga nararanasan nito bilang gayon.—Apo 14:3.
Matatagpuan sa looban ng sinaunang templo ang altar para sa paghahandog ng mga hain. Lumalarawan ito sa paglalaan ng Diyos, ayon sa kaniyang kalooban, ng isang sakdal na haing tao upang tubusin ang mga supling ni Adan. (Heb 10:1-10; 13:10-12; Aw 40:6-8) Sa espirituwal na templo, tiyak na ang mismong looban ay tumutukoy sa isang kalagayan na may kaugnayan sa haing iyon. Sa kaso ni Jesus, siya’y isang sakdal na tao, kaya naman naging kaayaaya ang paghahain niya ng kaniyang buhay. Sa kaso naman ng kaniyang mga pinahirang tagasunod, silang lahat ay ipinahayag na matuwid salig sa kanilang pananampalataya sa hain ni Kristo, at dahil dito’y itinuturing sila ng Diyos bilang walang kasalanan samantalang sila’y nasa laman pa.—Ro 3:24-26; 5:1, 9; 8:1.
Ang mga bahagi ng “tunay na tolda,” na siyang dakilang espirituwal na templo ng Diyos, ay umiiral na noong unang siglo C.E. Ipinakikita ito ng sinabi ni Pablo na ang tabernakulong itinayo ni Moises ay “isang ilustrasyon para sa takdang panahon na narito na ngayon,” samakatuwid nga, isang ilustrasyon para sa isang bagay na umiiral na noong sumusulat si Pablo. (Heb 9:9) Walang alinlangan na umiiral na ang espirituwal na templo ng Diyos nang iharap ni Jesus ang halaga ng kaniyang hain sa Kabanal-banalan nito, sa langit mismo. Sa katunayan, tiyak na nagpasimula itong umiral noong 29 C.E., nang si Jesus ay pahiran ng banal na espiritu upang maglingkod bilang dakilang Mataas na Saserdote ni Jehova.—Heb 4:14; 9:11, 12.
Ipinangako ni Jesu-Kristo sa mga Kristiyanong inianak sa espiritu na ang sinumang mananaig, o makapagbata nang may katapatan hanggang sa wakas, ay gagawing “isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa mula roon.” (Apo 3:12) Kaya, ang gayong indibiduwal ay pagkakalooban ng permanenteng dako sa “langit mismo,” ang antitipikong Kabanal-banalan.
Isinisiwalat ng Apocalipsis 7:9-15 ang “isang malaking pulutong” ng iba pang mananamba ni Jehova na nakikibahagi sa dalisay na pagsamba sa espirituwal na templo. Ang mga miyembro ng “malaking pulutong” na ito ay hindi inilalarawan bilang mga katulong na saserdote. Sinasabi na ang mga miyembro ng “malaking pulutong” na ito ay ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at nagpaputi ng mga iyon sa dugo ng Kordero.’ Dahil sa pananampalataya nila sa hain ni Kristo, pinagkalooban sila ng matuwid na katayuan na nagpapangyaring maligtas sila sa “malaking kapighatian,” kaya naman sinasabing “lumabas” sila mula roon bilang mga nakaligtas.
Sa Isaias 2:1-4 at Mikas 4:1-4, may binabanggit na ‘pagtataas’ ng “bundok ng bahay ni Jehova” sa “huling bahagi ng mga araw,” at inihula na magkakaroon ng pagtitipon sa mga tao ng “lahat ng mga bansa” tungo sa “bahay ni Jehova.” Yamang mula noong 70 C.E. ay wala nang pisikal na templo si Jehova sa Jerusalem, tiyak na tumutukoy ito, hindi sa isang pisikal na istraktura, kundi sa pagtataas sa tunay na pagsamba sa buhay ng mga mananamba ni Jehova sa “huling bahagi ng mga araw” at sa isang dakilang pagtitipon sa mga tao ng lahat ng mga bansa upang makibahagi sila sa pagsamba sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova.
Ang Templo sa Pangitain ni Ezekiel. Sa Ezekiel kabanata 40-47, mayroon ding detalyadong paglalarawan hinggil sa isang templo ni Jehova, ngunit hindi ito isang templo na itinayo sa Bundok Moria sa Jerusalem, ni magkakasya man ito roon. Isa itong pangitain, at hindi isang ilustrasyon tungkol sa dakilang espirituwal na templo ng Diyos. Sa ulat na ito, pantanging tinalakay ang mga paglalaang nagmumula sa templo at ang bagay na may pag-iingat na ginawa upang huwag makapasok ang lahat ng hindi karapat-dapat mapabilang sa mga mananambang nasa mga looban ng templong ito.
Noong 593 B.C.E., nang ika-14 na taon pagkatapos wasakin ang Jerusalem at ang templo ni Solomon doon, namasdan ng saserdote at propetang si Ezekiel, nang sa isang pangitain ay dalhin siya sa isang mataas na taluktok ng bundok, ang isang dakilang templo ni Jehova. (Eze 40:1, 2) Upang mapahiya at magsisi ang itinapong mga Judio, at tiyak na upang aliwin din ang mga tapat, inutusan si Ezekiel na sabihin sa “sambahayan ng Israel” ang lahat ng kaniyang nakita. (Eze 40:4; 43:10, 11) Sa pangitain, maingat na pinagtuunan ng pansin ang mga detalye hinggil sa sukat. Ang mga panukat na ginamit ay ang “tambo” (ang mahabang tambo na 3.11 m; 10.2 piye) at ang “siko” (ang mahabang siko na 51.8 sentimetro; 20.4 pulgada). (Eze 40:5, tlb sa Rbi8) Dahil sa pagtutuon na ito ng pansin sa sukat, naniniwala ang ilan na ang templong ito sa pangitain ay magsisilbing isang parisan para sa templong itatayo noon ni Zerubabel pagkatapos ng pagkatapon. Ngunit walang matibay na ebidensiyang sumusuporta sa paniniwalang ito.
Maliwanag na ang kabuuang lugar ng templo ay parisukat anupat 500 siko ang bawat panig niyaon. Matatagpuan doon ang isang looban sa dakong labas, isang mataas na pinakaloob na looban, ang templo at ang altar nito, iba’t ibang silid-kainan, at isang gusali sa dakong K, o likuran, ng templo. Anim na napakalalaking pintuang-daan ang nagsilbing pasukan tungo sa mga looban ng templo, tatlo para sa looban sa dakong labas at tatlo para sa pinakaloob na looban. Ang mga pintuang-daan na ito ay nakaharap sa H, S, at T, at ang bawat pinakaloob na pintuang-daan naman ay nasa likod mismo (katapat) ng katumbas nitong pintuang-daan sa dakong labas. (Eze 40:6, 20, 23, 24, 27) Sa loob ng panlabas na mga pader ay matatagpuan ang tinatawag na mababang sahig. May lapad ito na 50 siko (25.9 m; 85 piye), anupat katulad ng haba ng mga pintuang-daan. (Eze 40:18, 21) Sa sahig na ito ay may 30 silid-kainan, na malamang ay mga lugar kung saan kinakain ng bayan ang kanilang mga haing pansalu-salo. (Eze 40:17) Sa apat na sulok ng loobang ito sa dakong labas ay may mga lugar kung saan niluluto ng mga saserdote ang takdang bahagi ng taong-bayan sa kani-kanilang mga hain, alinsunod sa kahilingan ng Kautusan; pagkatapos, waring ang mga iyon ay kinakain ng taong-bayan sa inilaang mga silid-kainan. (Eze 46:21-24) Ang natitirang dako ng looban sa pagitan ng mababang sahig at ng mga pintuang-daan na patungo sa pinakaloob na looban ay lumilitaw na may lapad na 100 siko.—Eze 40:19, 23, 27.
Ang mga silid-kainan ng mga saserdote ay nakahiwalay sa mga silid-kainan ng taong-bayan at mas malapit sa templo. Dalawa sa mga ito, at dalawang silid-kainan para sa mga mang-aawit sa templo, ang nasa pinakaloob na looban katabi ng pagkalaki-laking mga pintuang-daan. (Eze 40:38, 44-46) Ang mga saserdote ay mayroon pang mga lugar ng mga silid-kainan sa dakong H at T ng mismong santuwaryo. (Eze 42:1-12) Ang mga silid-kainang ito, bukod pa sa talagang layunin ng mga ito, ay mga lugar kung saan ang mga saserdote ay nagpapalit ng kanilang mga linong kasuutan, na ginamit nila sa paglilingkod sa templo, bago sila magtungo sa looban sa dakong labas. (Eze 42:13, 14; 44:19) Gayundin, sa likuran ng mga lugar ng mga silid-kainan ay may mga dako kung saan nagpapakulo at nagluluto ng mga handog ang mga saserdote. Ang layunin ng mga ito ay katulad niyaong sa mga dakong lutuan na nasa looban sa dakong labas, subalit ang mga ito’y para lamang sa mga saserdote.—Eze 46:19, 20.
Pagkatapos dumaan sa looban sa dakong labas at pumasok sa pintuang-daan sa dakong loob, mararating ng isa ang pinakaloob na looban. Ang tagiliran ng pinakaloob na looban sa S, H, at T ay may layo na 150 siko (77.7 m; 255 piye) mula sa tagiliran ng looban sa dakong labas. Ang pinakaloob na looban ay may lapad na 200 siko (103.6 m; 340 piye). (Sinasabi ng Ezekiel 40:47 na ang pinakaloob na looban ay 100 siko kuwadrado. Maliwanag na tumutukoy lamang ito doon sa lugar na nasa harap ng templo at tinutumbok ng mga pintuang-daan sa dakong loob.) Kitang-kita sa pinakaloob na looban ang altar.—Eze 43:13-17; tingnan ang ALTAR (Ang Altar ng Templo sa Pangitain ni Ezekiel).
Ang unang silid ng santuwaryo, na may haba na 40 siko (20.7 m; 68 piye) at lapad na 20 siko (10.4 m; 34 na piye), ay may dalawang pinto na tigdadalawa ang pohas. (Eze 41:23, 24) Nasa loob nito ang “mesa na nasa harap ni Jehova,” isang altar na kahoy.—Eze 41:21, 22.
Ang panlabas na mga pader ng santuwaryo ay may mga tagilirang silid na may lapad na apat na siko (2 m; 6.8 piye) at nakadikit sa mga pader. Ang mga ito ay tatlong palapag at nakapalibot sa mga pader sa dakong kanluran, hilaga, at timog, anupat may 30 silid sa bawat palapag. (Eze 41:5, 6) Upang maakyat ang tatlong palapag, may paikot na mga daanan, na waring mga hagdan, na inilaan sa dakong H at T. (Eze 41:7) Sa likuran, o K, naman ng templo ay may isang istraktura na waring nakapahalang mula H patungong T at tinatawag na bin·yanʹ, isang ‘gusali sa dakong kanluran.’ (Eze 41:12) Bagaman sinasabi ng ilang iskolar na ang gusaling ito ay ang mismong templo o santuwaryo, waring walang anumang saligan sa aklat ng Ezekiel ang pagtukoy na iyon; unang-una, ang hugis at mga dimensiyon ng ‘gusali sa dakong kanluran’ ay iba sa hugis at mga dimensiyon ng santuwaryo. Tiyak na ang istrakturang ito ay ginamit sa isang partikular na layunin may kaugnayan sa mga paglilingkod sa santuwaryo. Maaaring may ganito ring gusali o mga gusali sa K ng templo ni Solomon.—Ihambing ang 2Ha 23:11 at 1Cr 26:18.
Ang hugis ng Kabanal-banalan ay katulad niyaong sa Kabanal-banalan ng templo ni Solomon, anupat 20 siko kuwadrado. Sa pangitain, nakita ni Ezekiel ang kaluwalhatian ni Jehova na dumarating mula sa S at pinunô nito ang templo. Inilarawan ni Jehova ang templong ito bilang “ang dako ng aking trono.”—Eze 43:1-7.
Inilalarawan din ni Ezekiel ang isang pader na 500 tambo (1,555 m; 5,100 piye) ang bawat panig at nakapalibot sa templo. Ipinapalagay ng ilang iskolar na ito ay isang pader na may layong mga 600 m (2,000 piye) mula sa looban, na isang dakong napalilibutan ng pader na iyon “upang paghiwalayin ang banal at ang di-banal.”—Eze 42:16-20.
May nakita rin si Ezekiel na isang batis na umaagos “mula sa ilalim ng pintuan ng Bahay [patungo] sa gawing silangan” sa dakong timog ng altar, anupat ito’y naging isang malalim at malakas na ilog habang umaagos pababa at dumaraan sa Araba patungo sa hilagang dulo ng Dagat Asin. Doo’y pinagaling nito ang tubig-alat anupat napuno iyon ng isda.—Eze 47:1-12.
Mga Pinahirang Kristiyano—Isang Espirituwal na Templo. Ang mga pinahirang Kristiyano sa lupa ay inihahalintulad sa maraming bagay, kabilang na rito ang templo. Angkop naman ang paghahambing na ito sapagkat ang espiritu ng Diyos ay tumatahan sa loob ng kongregasyon ng mga pinahiran. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong nasa Efeso at “kaisa ni Kristo Jesus,” yaong mga “tinatakan ng ipinangakong banal na espiritu,” anupat sinabi niya: “Kayo ay itinayo na sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta, samantalang si Kristo Jesus mismo ang pundasyong batong-panulok. Sa pagiging kaisa niya ang buong gusali, palibhasa’y magkakasuwatong pinagbubuklod, ay lumalaki upang maging isang banal na templo para kay Jehova. Sa pagiging kaisa niya ay itinatayo rin kayong sama-sama bilang isang dakong tatahanan ng Diyos sa espiritu.” (Efe 1:1, 13; 2:20-22) Ang mga “tinatakan” na ito, na itinatag kay Kristo bilang Pundasyon, ay ipinakikitang may bilang na 144,000. (Apo 7:4; 14:1) Tinukoy ng apostol na si Pedro ang mga ito bilang “mga batong buháy” na “itinatayo bilang isang espirituwal na bahay sa layuning maging isang banal na pagkasaserdote.”—1Pe 2:5.
Yamang ang mga katulong na saserdoteng ito ay “gusali ng Diyos,” hindi niya pahihintulutang madungisan ang espirituwal na templong ito. Idiniin ni Pablo ang kabanalan ng espirituwal na templong ito, at ang kapahamakang sasapit sa isa na magtatangkang dungisan ito, nang isulat niya: “Hindi ba ninyo alam na kayo ang templo ng Diyos, at na ang espiritu ng Diyos ay tumatahan sa inyo? Kung gigibain ng sinuman ang templo ng Diyos, gigibain siya ng Diyos; sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, na ang templong iyon ay kayo nga.”—1Co 3:9, 16, 17; tingnan din ang 2Co 6:16.
Ang Diyos na Jehova at ang Kordero “Ang Templo Nito.” Nang makita ni Juan ang Bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit, sinabi niya: “At wala akong nakitang templo roon, sapagkat ang Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat ang templo nito, gayundin ang Kordero.” (Apo 21:2, 22) Yamang tuwiran nang makikita ng mga miyembro ng Bagong Jerusalem ang mukha ni Jehova, hindi na sila mangangailangan ng isang templo upang makalapit sa Diyos. (1Ju 3:2; Apo 22:3, 4) Ang mga bumubuo sa Bagong Jerusalem ay tuwiran nang mag-uukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos sa ilalim ng mataas na pagkasaserdote ng Kordero, si Jesu-Kristo. Dahil dito, sa diwa, ang Kordero ay kabahagi ni Jehova sa pagiging templo ng Bagong Jerusalem.
Isang Impostor. Nang magbabala ang apostol na si Pablo tungkol sa dumarating na apostasya, binanggit niya ang “taong tampalasan” na naghahanda ng kaniyang sarili ‘anupat umuupo sa templo ng Diyos, na hayagang ipinakikita ang kaniyang sarili bilang isang diyos.’ (2Te 2:3, 4) Yamang ang “taong tampalasan” na ito ay isang apostata, isang bulaang guro, sa totoo, doon siya umuupo sa templo na may-kabulaanan niyang inaangkin bilang ang templo ng Diyos.—Tingnan ang TAONG TAMPALASAN.
Isang Makatalinghagang Paggamit. Noong isang pagkakataon, nang ang mga Judio ay humingi ng isang tanda mula kay Jesus, tumugon siya: “Gibain ninyo ang templong ito, at sa tatlong araw ay itatayo ko ito.” Inisip ng mga Judio na ang tinutukoy niya ay ang gusali ng templo, ngunit ganito ang paliwanag ng apostol na si Juan: “Nagsasalita siya tungkol sa templo ng kaniyang katawan.” Nang buhaying-muli si Jesus ng kaniyang Ama na si Jehova noong ikatlong araw ng kaniyang kamatayan, naalaala at naunawaan ng mga alagad ang pananalitang ito at pinaniwalaan nila ito. (Ju 2:18-22; Mat 27:40) Siya ay binuhay-muli, ngunit hindi sa kaniyang katawang laman, na ibinigay niya bilang isang haing pantubos; gayunman, hindi dumanas ng kasiraan ang katawang laman na iyon, sa halip ay pinaglaho iyon ng Diyos, kung paanong nasusunog sa altar ang isang hain. Nang buhaying-muli si Jesus, siya pa rin ang indibiduwal na iyon, anupat taglay niya ang kaniyang dating personalidad, ngunit sa isang bagong katawan na ginawa para sa kaniyang bagong tahanang dako, ang espirituwal na langit.—Luc 24:1-7; 1Pe 3:18; Mat 20:28; Gaw 2:31; Heb 13:8.
[Larawan sa pahina 1293]
Isang paunawa sa pader ng looban ng templo sa Jerusalem (Soreg) na nagbababala sa mga Gentil na huwag lumapit