DIBDIB, DAKONG
Sa isang ilustrasyon, binanggit ni Jesus ang isang pulubi na nagngangalang Lazaro na pagkamatay ay dinala “sa dakong dibdib ni Abraham.” Tinukoy naman ni Juan si Jesus bilang nasa “dakong dibdib ng Ama.” (Luc 16:22, 23; Ju 1:18) Ipinahihiwatig ng pananalitang “dakong dibdib” ang paghilig ng isang tao sa harap ng iba habang sila’y nasa iisang higaan sa isang salu-salo.
Sa hapag-kainan, ang mga panauhin ay nakahilig sa kanilang kaliwang tagiliran habang nakatukod ang kanilang kaliwang siko sa isang unan, at malayang nakakakilos ang kanilang kanang kamay. Kadalasan, tatlong tao ang umookupa sa isang higaan, ngunit maaari ring umabot sa lima. Ang ulo nila ay nakasandal sa dibdib o malapit sa dibdib ng taong nasa likuran nila. Ang tao na walang sinumang katalikuran ang itinuturing na nasa pinakamataas na puwesto at yaong katabi naman niya ang nasa ikalawang dako ng karangalan. Dahil magkakalapit ang mga panauhin, nakaugalian nang pagtabi-tabihin ang magkakaibigan para madali silang makapag-usap nang lihim kung nais nila. Sa isang piging, ang pagiging nasa dakong dibdib ng isang tao ay nangangahulugan ng pagtatamasa ng espesyal na pabor ng taong iyon. Kaya naman noong ipinagdiriwang ang huling Paskuwa, ang apostol na si Juan, na lubhang minamahal ni Jesus, ay “nakahilig sa harap ng dibdib ni Jesus,” at sa gayong puwesto, siya’y “sumandig sa dibdib ni Jesus” at nagtanong sa kaniya nang sarilinan.—Ju 13:23, 25; 21:20.
Dahil dito, bilang paglalarawan sa napakaespesyal na posisyong tinatamasa ni Jesus, sinabi ni Juan na si Jesus ay nasa “dakong dibdib” ng Ama nito na si Jehova. Gayundin, sa ilustrasyon ni Jesus, si Lazaro ay dinala sa “dakong dibdib” ni Abraham, na nagpapahiwatig na sa wakas, ang pulubing ito ay napasa espesyal na posisyon may kaugnayan sa isang nakatataas sa kaniya.—Tingnan ang KAINAN.
Tingnan din ang SUSO, DIBDIB.