ALAK AT MATAPANG NA INUMIN
May ilang termino sa orihinal na mga wika na kadalasa’y tumutukoy sa isang uri ng alak (ang Hebreong ti·rohshʹ [Gen 27:28, 37; Os 2:8, 9, 22]; ang Hebreong cheʹmer [Deu 32:14; Isa 27:2] at ang katumbas na terminong Aramaiko na chamarʹ [Dan 5:1, 2, 4, 23]; gayundin ang Griegong gleuʹkos [Gaw 2:13]). Ngunit ang salitang Hebreo na yaʹyin ang pinakamalimit matagpuan sa Kasulatan. Una itong lumitaw sa Genesis 9:20-24, kung saan binabanggit ang pagtatanim ni Noe ng isang ubasan pagkaraan ng Baha at ang pagkalango niya sa alak na nanggaling doon. Ang salitang Griego naman na oiʹnos (halos katumbas ng terminong Hebreo na yaʹyin) ay unang lumitaw sa komento ni Jesus na hindi isang katalinuhan na gumamit ng mga lumang sisidlang balat para sa alak na bago at hindi pa gaanong kumakasim, yamang papuputukin ng presyon na namumuo dahil sa pagkasim ng alak ang mga lumang sisidlang balat.—Mat 9:17; Mar 2:22; Luc 5:37, 38.
Ang iba’t ibang matatapang na inuming de-alkohol, lumilitaw na mula sa mga granada, mga datiles, mga igos, at iba pang katulad nito, ay kadalasang tinutukoy ng terminong Hebreo na she·kharʹ. (Bil 28:7; Deu 14:26; Aw 69:12) Sa Awit ni Solomon 8:2, ang salitang Hebreo na ʽa·sisʹ ay tumutukoy sa “sariwang katas” ng mga granada, bagaman alak ang ipinahihiwatig ng konteksto sa ibang mga talata. (Isa 49:26; Joe 1:5) Maaaring serbesa naman ang tinutukoy ng salitang Hebreo na soʹveʼ.—Isa 1:22; Na 1:10.
Paggawa ng Alak. Sa Palestina, pinipitas ang mga ubas sa mga buwan ng Agosto at Setyembre, depende sa uri ng ubas at sa klima ng rehiyon. Halos tapos na ang kapanahunan ng saganang ani ng ubas kapag sumapit na ang panahon upang ipagdiwang ang “kapistahan ng mga kubol” sa maagang bahagi ng taglagas. (Deu 16:13) Matapos pitasin, ang mga ubas ay inilalagay sa batong-apog na mga tangke, o labangan, kung saan ito dinudurog ng mga lalaking nakatapak, anupat nag-aawitan pa nga habang niyayapakan nila ang pisaan ng ubas. (Isa 16:10; Jer 25:30; 48:33) Sa pamamagitan ng gayong paraan ng pagdurog, na banayad kung ihahambing sa ibang pamamaraan, hindi lubusang nagkakadurug-durog ang mga tangkay at mga buto, kung kaya kaunting tannic acid lamang ang kumakatas mula sa mga balat; ang resulta naman nito ay de-kalidad na alak na suwabe at banayad sa ngalangala. (Sol 7:9) Kung minsan, mabibigat na bato ang ginagamit sa halip na mga paa.—Tingnan ang PISAAN.
Ang unang sariwang katas na lalabas kapag nadurog ang mga balat ng ubas, kung ihihiwalay mula sa kalakhang bahagi ng katas na napiga sa pamamagitan ng presyon, ang nagiging pinakamasasarap na alak. Matapos durugin ang mga ubas, nagsisimula nang kumasim ang katas sa loob lamang ng anim na oras habang nasa mga tangke pa ito, at unti-unti at patuluyan itong kumakasim sa loob ng ilang buwan. Nagkakaiba-iba ang antas ng alkohol ng natural na mga alak, mula 8 hanggang 16 na porsiyento ng kabuuang dami nito, ngunit maaari pa itong pataasin kung daragdagan ng mas matatapang na inuming de-alkohol sa bandang huli. Kung mababa ang sangkap na asukal ng mga ubas, at masyadong tumagal ang pagkasim, o kung hindi wastong naingatan ang alak laban sa oksidasyon, ito’y nagiging acetic acid, o sukà.—Ru 2:14.
Habang pinalalaon ang alak, pinananatili ito sa mga banga o mga sisidlang balat. (Jer 13:12) Malamang na ang mga lalagyang ito ay may singawan upang makalabas ang gas na carbon dioxide (na nagiging resulta kapag ang asukal ay nabago at naging alkohol dahil sa pagkasim), ngunit kasabay nito ay huwag makapasok ang oksiheno mula sa labas upang maiwasan ang paghahalo at kemikal na reaksiyon sa pagitan ng oksiheno at ng alak. (Job 32:19) Habang ang alak ay pinatitining, unti-unti itong lumilinaw palibhasa’y naiipon sa ilalim ang latak nito, anupat lalo itong bumabango at sumasarap. (Luc 5:39) Pagkatapos, ang alak ay kadalasang isinasalin sa ibang mga sisidlan.—Isa 25:6; Jer 48:11; tingnan ang LATAK.
Mga Pinaggagamitan. Mula pa noong unang panahon, ginagamit na ang alak bilang inumin kapag panahon ng kainan. (Gen 27:25; Ec 9:7) Madalas ay magkakasamang binabanggit ang alak, tinapay, at iba pang mga pagkain. (1Sa 16:20; Sol 5:1; Isa 22:13; 55:1) “Tinapay at alak” ang inihain ni Melquisedec kay Abraham. (Gen 14:18-20) Kung may inihandang alak, umiinom nito si Jesus kapag panahon ng kainan. (Mat 11:19; Luc 7:34) Hindi mawawala ang alak sa mga handaan (Es 1:7; 5:6; 7:2, 7, 8), mga piging ng kasalan (Ju 2:2, 3, 9, 10; 4:46), at iba pang masasayang okasyon (1Cr 12:39, 40; Job 1:13, 18). May suplay ng alak sa mga panustos na pagkain ng hari (1Cr 27:27; 2Cr 11:11); ito ang karaniwang inumin noon ng mga hari at mga gobernador. (Ne 2:1; 5:15, 18; Dan 1:5, 8, 16) Kadalasan, kasama ito sa mga panustos na dala-dala ng mga manlalakbay para sa pagbibiyahe.—Jos 9:4, 13; Huk 19:19.
Dahil malawakan itong ginagamit, ang alak ay naging panindang ikinakalakal (Ne 13:15), anupat partikular na napabantog ang “alak ng Helbon” (na mas pinipili noon ng mga hari ng Persia) at ang “alak ng Lebanon.” (Eze 27:18; Os 14:7) Ang alak ay isa sa mga ipinambayad sa mga manggagawang pinagtrabaho upang maglaan ng kahoy na gagamitin sa pagtatayo ng templo. (2Cr 2:8-10, 15) Itinuring itong isang napakahusay na regalo para sa mga taong nakatataas (1Sa 25:18; 2Sa 16:1, 2) at kasama ito sa abuloy na ikapu na ibinibigay noon bilang panustos ng mga saserdote at mga Levita. (Deu 18:3, 4; 2Cr 31:4, 5; Ne 10:37, 39; 13:5, 12) Kabilang din ang alak sa mga piling bagay na inihahandog kay Jehova sa mga paghahain na bahagi ng pagsamba sa kaniya.—Exo 29:38, 40; Lev 23:13; Bil 15:5, 7, 10; 28:14; 1Sa 1:24; 10:3; Os 9:4.
Sa pasimula, ang alak ay hindi bahagi ng hapunan ng Paskuwa; idinagdag lamang ito nang bandang huli, marahil ay pagkabalik mula sa pagkatapon sa Babilonya. Samakatuwid, may alak noon sa mesa nang ipagdiwang ni Jesus ang Paskuwa sa huling pagkakataon kasama ang kaniyang mga apostol at ginamit niya ito nang pasinayaan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Ang pulang “dugo ng mga ubas” ay isang angkop na larawan ng sariling haing dugo ni Jesus. Nang pagkakataong iyon, tinukoy ni Jesus ang gayong alak bilang ang “bungang ito ng punong ubas,” at yamang marahil ay pitong buwan na ang nakalilipas noon mula nang mag-ani ng ubas, walang alinlangan na iyon ay pinakasim na katas ng ubas.—Gen 49:11; Mat 26:18, 27-29.
Gaya ng ipinahiwatig ni Jesus at iniulat naman ng manggagamot na si Lucas, ang alak ay nakapagpapagaling bilang isang antiseptiko at banayad na pandisimpekta. (Luc 10:34) Inirerekomenda rin ito ng Bibliya bilang isang panlunas sa ilang kaso ng problema sa bituka. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Huwag ka nang uminom ng tubig, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong malimit na pagkakasakit.” (1Ti 5:23) Isa itong mahusay na payo may kaugnayan sa panggagamot. Gaya ng isinulat ni Dr. Salvatore P. Lucia, propesor ng medisina, University of California School of Medicine: “Ang alak ang pinakasinaunang inumin at ang pinakamahalagang sangkap na panggamot na patuloy na ginagamit sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. . . . Ang totoo, ang alak ay isa sa iilang substansiyang makukuha ng tao na pinakamadalas irekomenda dahil sa kanilang bisang magpagaling.”—Wine as Food and Medicine, 1954, p. 5; tingnan ang KARAMDAMAN AT PANGGAGAMOT.
Salungat sa maling opinyon ng ilan, ang mga inuming de-alkohol ay hindi mga pampasigla (stimulant) ng kaisipan kundi sa katunayan ay mga sedatibo at mga pampakalma (depressant) ng sentral na sistema ng nerbiyo. “Magbigay kayo ng nakalalangong inumin sa isa na malapit nang pumanaw at ng alak sa mga may mapait na kaluluwa,” hindi bilang pampasigla sa kaisipan ng mga nasa gayong kalagayan upang lalo pa nilang maramdaman ang kanilang kahapisan, kundi sa halip, gaya ng sinasabi ng kawikaan, upang ‘malimutan nila ang kanilang mga kabagabagan.’ (Kaw 31:6, 7) Isang sinaunang kaugalian ng mga Romano na bigyan ng alak na hinaluan ng droga ang mga kriminal upang hindi gaanong maramdaman ng mga ito ang kirot na dulot ng pagpatay. Marahil ito ang dahilan kung bakit nag-alok ang mga kawal na Romano kay Jesus ng alak na hinaluan ng droga noong ibinabayubay nila siya.—Mar 15:23.
Maliwanag na ang alak ay isa sa mga pagpapalang kaloob ni Jehova sa sangkatauhan. ‘Pinasasaya ng alak ang puso ng taong mortal.’ (Aw 104:15; Es 1:10; 2Sa 13:28; Ec 2:3; 10:19; Zac 10:7) Kaya naman, hindi uminom si Daniel ng alak noong nagdadalamhati siya. (Dan 10:2, 3) Ang saganang suplay ng alak, na isinasagisag ng “punong ubas” sa malimit-uliting pananalita na ‘uupo ang isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at puno ng igos,’ ay nagpapahiwatig ng kasaganaan at katiwasayan sa ilalim ng matuwid na pamamahala ni Jehova. (1Ha 4:25; 2Ha 18:31; Isa 36:16; Mik 4:4; Zac 3:10) Kasama rin ang alak sa mga pagpapalang ipinangako ni Jehova bilang bahagi ng pagsasauli.—Joe 3:18; Am 9:13, 14; Zac 9:17.
Katamtamang Paggamit. Ang pagiging katamtaman sa lahat ng bagay ay isang simulain ng Bibliya. Kumakapit ito kahit sa pulot-pukyutan—sa katamtamang dami, ito’y nakabubuti; kapag lumabis, ito’y nakapipinsala. (Kaw 25:27) Gayundin naman kung tungkol sa mga kaloob ni Jehova na alak at matapang na inumin, ang mga ito ay dapat gamitin ayon sa kaniyang tagubilin. Ang pagpapakalabis at pagwawalang-bahala sa mga simulain ng Bibliya hinggil sa paggamit ng mga paglalaang ito ay nagdudulot ng di-pagsang-ayon ni Jehova, nauuwi sa kabuktutan at humahantong sa kamatayan. Ipinakadiriin-diin ng Bibliya ang bagay na ito, kapuwa sa mga panuntunan at sa mga halimbawang ibinibigay nito.—Kaw 23:29-31; tingnan ang KALASINGAN, PAGLALASING.
Maaaring may mga kaso kung saan ang pag-inom ng inuming de-alkohol, kahit kaunti lamang, ay hindi isang katalinuhan at makasisira sa kalusugan ng isang tao. Sa ibang mga pagkakataon naman, baka umiwas ang isa sa pag-inom ng nakalalangong inumin upang hindi siya makatisod sa iba at bilang pagpapakita ng pag-ibig at konsiderasyon sa iba.—Ro 14:21.
Sa ilalim ng parusang kamatayan, pinagbawalan ni Jehova ang mga saserdote at mga Levita sa pag-inom ng anumang uri ng alak kapag naglilingkod sila sa tabernakulo o templo. (Lev 10:8, 9; Eze 44:21) Maaari silang uminom ng alak sa katamtamang dami kapag hindi sila nakaatas na maglingkod. (1Cr 9:29) Isa ring tuntunin mula sa Diyos na ang isang Nazareo ay hindi dapat uminom ng anumang inuming de-alkohol samantalang nasa ilalim siya ng pantanging panatang ito. (Bil 6:2-4, 13-20; Am 2:12) Dahil si Samson ay magiging isang Nazareo mula sa kaniyang kapanganakan, hindi pinahintulutang uminom ng alak o nakalalangong inumin ang kaniyang ina noong ito’y nagdadalang-tao. (Huk 13:4, 5, 7, 14) Kapag nanunungkulan, “hindi ukol sa mga hari ang uminom ng alak ni ukol man sa matataas na opisyal ang magsabi: ‘Nasaan ang nakalalangong inumin?’” upang hindi nila “malimutan ang iniutos at baluktutin ang usapin ng sinuman sa mga anak ng kapighatian.” (Kaw 31:4, 5) Ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano ay hindi dapat maging mga “lasenggong basag-ulero,” at ang mga ministeryal na lingkod ay “dapat ding maging seryoso, . . . hindi mahilig sa maraming alak.”—1Ti 3:3, 8.
Makalarawan. Noong ang sinaunang Babilonya ay gumaganap bilang tagapuksa ni Jehova, ‘nilasing niya sa alak’ ang lahat ng mga bansa, anupat sumagisag ito sa poot ni Jehova laban sa mga bansa. (Jer 51:7) Gayundin, sa iba pang mga teksto, ang mga kalaban ni Jehova ay inilalarawan bilang mga sapilitang pinaiinom ng matuwid na pagkagalit ng Diyos, na inihalintulad naman sa “alak [na] bumubula,” “alak ng pagngangalit,” “alak ng galit ng Diyos.” (Aw 75:8; Jer 25:15; Apo 14:10; 16:19) Ang isang mapait na timplada na walang anumang kaugnayan sa galit ng Diyos ay ang ‘alak ng [espirituwal na] pakikiapid’ ng “Babilonyang Dakila” na ipinaiinom nito sa lahat ng mga bansa.—Apo 14:8; 17:2; 18:3, 13.