ASTORET
Isang diyosa ng mga Canaanita, itinuturing na asawa ni Baal. Kadalasang inilalarawan si Astoret bilang isang babaing hubad na labis na pinalaki ang mga sangkap sa sekso. Ang pagsamba sa diyosang ito ay laganap sa iba’t ibang bayan noong sinaunang panahon, at ang pangalang Astoret ay karaniwan nang lumilitaw sa iba’t ibang anyo. Astarte ang katumbas nito sa Griego. Maliwanag na itinuturing ng mga Filisteo si Astoret bilang isang diyosa ng digmaan, na ipinahihiwatig ng paglalagay nila ng baluti ng natalong si Haring Saul sa templo ng mga imahen ni Astoret. (1Sa 31:10) Gayunman, lumilitaw na si Astoret ay pangunahin nang isang diyosa ng pag-aanak. Ang pinakaprominenteng bahagi ng pagsamba sa kaniya ay ang pagpapakasasa sa sekso sa mga templo o sa matataas na dako na itinalaga sa pagsamba kay Baal, kung saan may naglilingkod na mga patutot na lalaki at babae.—Tingnan ang CANAAN, CANAANITA Blg. 2 (Pananakop ng Israel sa Canaan).
Posibleng sinasamba na si Astoret sa Canaan noon pa mang panahon ni Abraham, sapagkat ang isa sa mga lunsod doon ay tinatawag na “Asterot-karnaim.” (Gen 14:5) Binabanggit din sa Kasulatan ang lunsod ng Astarot, ang dakong tinatahanan ng higanteng si Haring Og ng Basan. Ipinahihiwatig ng pangalan ng lunsod na ito’y maaaring naging isang sentro ng pagsamba kay Astoret.—Deu 1:4; Jos 9:10; 12:4.
Ang anyong pang-isahan na ʽash·toʹreth (Astoret) ay unang lumitaw sa Bibliya may kinalaman sa pag-aapostata ni Haring Solomon noong huling bahagi ng kaniyang paghahari. Noong panahong iyon nagsimulang sumamba sa Astoret ng mga Sidonio ang mga Israelita. (1Ha 11:5, 33) Ang tanging iba pang paglitaw ng anyong pang-isahang ito ay may kaugnayan sa paggiba ni Haring Josias sa matataas na dakong itinayo ni Solomon para kay Astoret at sa iba pang mga bathala. (2Ha 23:13) Ang anyong pangmaramihan naman na ʽash·ta·rohthʹ (“mga imahen ni Astoret,” NW; “mga Astart,” AT) ay malamang na tumutukoy sa mga imahen o mga anyo ng diyosang ito ng mga pagano.—Huk 2:13; 10:6; 1Sa 7:3, 4.