KAPULUNGAN
Bilang Soberano ng Sansinukob, karapatan ng Diyos na Jehova na ipag-utos na magtipon ang kaniyang mga lingkod at karapatan niyang itakda ang espesipikong oras at dako ng pagtitipon. Sa ganitong paraan ay kumikilos siya para sa kanilang kapakanan. Iba’t iba ang layunin ng mga kapulungan, o pagtitipon, ng bayan ng Diyos noong sinaunang panahon. Tiyak na nakatulong ang mga iyon upang sila’y magkaisa, sapagkat ang lahat ng dumadalo ay sabay-sabay na nakaririnig ng iisang impormasyon. Ang gayong mga pagtitipon ay nagdulot ng maraming espirituwal na kapakinabangan at kadalasa’y mga okasyon ng malaking kagalakan.
Mga Terminong Hebreo at Griego. Iba’t ibang salitang Hebreo at Griego ang ginamit sa Bibliya upang tumukoy sa pagtitipon. Ang isang salita na karaniwang ginagamit sa tekstong Hebreo ay ʽe·dhahʹ. Nagmula ito sa salitang-ugat na ya·ʽadhʹ, na nangangahulugang “italaga; itakda,” anupat tumutukoy sa isang grupo na itinakdang magtipon. (Ihambing ang 2Sa 20:5; Jer 47:7.) Kadalasan, ang ʽe·dhahʹ ay tumutukoy sa komunidad ng Israel at ginagamit sa mga pananalitang “kapulungan” (Lev 8:4, 5; Huk 21:10), “kapulungan ng Israel” (Exo 12:3; Bil 32:4; 1Ha 8:5), at “kapulungan ni Jehova” (Bil 27:17).
Ang salitang Hebreo na moh·ʽedhʹ ay nagmula rin sa salitang-ugat ng ʽe·dhahʹ at nangangahulugang “takdang panahon” o “itinakdang dako.” (1Sa 13:8; 20:35) Ginamit ito nang 223 beses sa Hebreong Kasulatan, gaya sa pananalitang “tolda ng kapisanan.” (Exo 27:21) Ang moh·ʽedhʹ ay ginamit may kaugnayan sa mga pangkapanahunang kapistahan. (Lev 23:2, 4, 37, 44) Lumilitaw ito sa Isaias 33:20, kung saan ang Sion ay tinawag na “ang bayan ng ating mga kapistahan.”
Ang terminong Hebreo na miq·raʼʹ, na nangangahulugang “kombensiyon,” ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na qa·raʼʹ (tawagin). Lumilitaw ito sa Isaias 4:5, kung saan may binabanggit na “dako ng pagtitipon” ng Bundok Sion. Malimit gamitin ang salitang ito sa pananalitang “banal na kombensiyon.” (Exo 12:16; Lev 23:2, 3) Sa panahon ng gayong banal na kombensiyon, hindi dapat gumawa ng anumang sekular na trabaho.
Ang isa pang salitang Hebreo na ginamit upang tumukoy sa mga pagtitipon ay qa·halʹ, na nauugnay sa pandiwa na nangangahulugang “tipunin; magtipon.” (Exo 35:1; Lev 8:4) Madalas itong gamitin upang ilarawan ang isang kongregasyon bilang organisadong kalipunan. Kung minsan, ang qa·halʹ (kongregasyon) ay ginagamit kasama ng ʽe·dhahʹ (kapulungan). (Lev 4:13; Bil 20:8, 10) Ang ibang anyo ng mga salitang ito ay lumilitaw sa pananalitang “kongregasyon ng kapulungan ng Israel [sa Heb., qehalʹ ʽadhath-Yis·ra·ʼelʹ].”—Exo 12:6.
Ang isa pa ring ginagamit na salitang Hebreo ay ʽatsa·rahʹ, na isinasaling “kapita-pitagang kapulungan.” Ang terminong ito ay ginamit may kaugnayan sa Kapistahan ng mga Kubol at Paskuwa.—Lev 23:36; Deu 16:8.
Ang salitang Hebreo na sohdh, nangangahulugang “lihim na usapan; matalik na kaugnayan,” ay tumutukoy sa iba’t ibang uri ng pribadong pagtitipon. (Aw 83:3; Job 29:4) Isinalin ito bilang “matalik na kapisanan” sa Awit 89:7, na nagsasabi: “Ang Diyos ay dapat kasindakan sa gitna ng matalik na kapisanan ng mga banal; siya ay dakila at kakila-kilabot sa lahat ng nasa palibot niya.”
Ang salitang Griego na ek·kle·siʹa (nagmula sa ek, “mula sa,” at kleʹsis, “isang pagtawag”) ay madalas na ginagamit sa Septuagint bilang salin ng salitang Hebreo na qa·halʹ (kongregasyon) at kung minsa’y ginagamit para sa ʽe·dhahʹ (kapulungan), bagaman para sa ʽe·dhahʹ ay ginagamit din ang salitang Griego na sy·na·go·geʹ (nangangahulugang “pagtitipun-tipon,” mula sa syn, “sama-sama,” at aʹgo, “dalhin”). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang ek·kle·siʹa ay karaniwang isinasalin bilang “kongregasyon.” Sa Gawa 7:38, ginamit ito may kaugnayan sa kongregasyon ng Israel. Ang salitang Griego na sy·na·go·geʹ ay lumilitaw sa Gawa 13:43 (“kapulungan ng sinagoga”) at sa Santiago 2:2 (“pagtitipon”). Ang isa pang salitang Griego, ang pa·neʹgy·ris (mula sa pan, “lahat,” at a·go·raʹ, na tumutukoy sa anumang uri ng kapulungan) ay isinalin sa Hebreo 12:23 bilang “pangkalahatang kapulungan.”—NW, KJ, AS.
Ang Kasulatan ay bumabanggit ng maraming impormasyon tungkol sa mga kapulungang nakapagpapatibay sa espirituwal, bagaman bumabanggit din ito ng mga kapulungan ng mga balakyot o di-matuwid. Ang mga kakampi ng mapaghimagsik na si Kora ay tinawag na “kaniyang buong kapulungan.” (Bil 16:5) Sa panalangin ni David kay Jehova, sinabi niya, “Hinanap ng kapulungan ng mga mapaniil ang aking kaluluwa.” (Aw 86:14) Nang magkatipon ang isang pulutong sa Efeso laban kay Pablo sa sulsol ng panday-pilak na si Demetrio, “isang bagay ang isinisigaw ng ilan at iba naman ang sa iba; sapagkat ang kapulungan ay nagkakagulo, at hindi alam ng karamihan sa kanila ang dahilan kung bakit sila nagkatipon.”—Gaw 19:24-29, 32.
Mapapansin na maayos ang mga pagtitipong isinasagawa ng bayan ni Jehova. Marami ang dumadalo sa gayong mga kapulungan, na mga okasyong nagdudulot ng espirituwal na kapakinabangan, at kadalasan, ng malaking pagsasaya.
Kaayon ng kalooban ng Diyos, tinipon nina Moises at Aaron ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel sa Ehipto. Isinaysay nila ang mga salita ni Jehova, nagsagawa sila ng mga tanda, at naniwala ang bayan. (Exo 4:27-31) Nang maglaon, gaya ng iniutos ng Diyos, nagtipon ang mga Israelita sa paanan ng Bundok Sinai (Horeb), namasdan nila ang isang kamangha-manghang panoorin, at nasaksihan nila ang pagbibigay ng Kautusan.—Exo 19:10-19; Deu 4:9, 10.
Noong nasa ilang ang mga Israelita, inutusan ni Jehova si Moises na gumawa ng dalawang trumpetang pilak na hihipan kapag titipunin ang kapulungan at kapag lilikas ang kampo. Kung parehong patutunugin ang mga ito, tutuparin ng buong kapulungan ang kanilang pakikipagtipanan kay Moises, at kung isa lamang ang hihipan, tanging ang mga pinuno ang ipinatatawag. Sa ilang, ang itinalagang dako ng pagtitipon ay sa “pasukan ng tolda ng kapisanan.” (Bil 10:1-4; Exo 29:42) Nang maglaon, naging kalooban ni Jehova na regular na magtipon ang mga Israelita sa templo sa Jerusalem, anupat nagtitipon sila roon para sa tatlong pangunahing taunang kapistahan.—Exo 34:23, 24; 2Cr 6:4-6.
Mga Kapulungan ng mga Kinatawan. Kung minsan, sa mga pagtitipon, ang bayan ng Israel ay kinakatawanan ng “mga pinuno ng kapulungan” (Exo 16:22; Bil 4:34; 31:13; 32:2; Jos 9:15, 18; 22:30), o ng “matatandang lalaki.” (Exo 12:21; 17:5; 24:1) Kapag may mga hudisyal na usapin na kailangang asikasuhin, maaaring idaos ng mga tao ang pagtitipon sa pintuang-daan ng lunsod. Gayunman, magtipon man sila roon o sa ibang lugar, hindi nila pagbobotohan sa demokratikong paraan ang kasong isinasaalang-alang. Sa halip, sa teokratikong paraan, pagtitimbang-timbangin ng iginagalang na matatandang lalaki ang mga bagay-bagay batay sa kautusan ng Diyos, at pagkatapos ay ipatatalastas ang kanilang pasiya. (Deu 16:18; 17:8-13) Sa katulad na paraan, sa gayong mga hudisyal na usapin, ang sinaunang kongregasyong Kristiyano ay kinatawanan niyaong mga itinalaga ng banal na espiritu sa mga katungkulan. (Gaw 20:28) Sa Israel, kung kamatayan ang parusa sa isang pagkakasala, maaaring ang buong kapulungan ang maglapat nito.—Lev 24:14; Bil 15:32-36; Deu 21:18-21.
Mga Pangkalahatang Kapulungan. Kabilang sa mga pangkalahatang kapulungan sa Israel ang relihiyosong mga kapistahan, mga kapita-pitagang kapulungan (2Cr 34:29, 30; Joe 2:15), o mga okasyong may pambansang kahalagahan; kung minsan ay mga mananakbo ang tumatawag sa taong-bayan. (1Sa 10:17-19; 2Cr 30:6, 13) Ang lingguhang Sabbath, na isang araw ng “lubusang kapahingahan, isang banal na kombensiyon” (Lev 23:3), ay panahon upang isaalang-alang ang Salita ng Diyos, gaya ng ginagawa sa mga sinagoga nang maglaon kung saan ‘si Moises ay binabasa nang malakas sa bawat sabbath.’ (Gaw 15:21) Nariyan din ang pangingilin ng bagong buwan [new moon] (Bil 28:11-15), ang araw ng pagpapatunog ng trumpeta (Bil 29:1-6), ang taunang Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 16), ang Paskuwa (na gumugunita sa pagliligtas sa Israel mula sa Ehipto; Exo 12:14), at, nang dakong huli, ang Kapistahan ng Purim (na gumugunita sa pagkaligtas ng mga Judio mula sa pagkalipol sa Imperyo ng Persia; Es 9:20-24) gayundin ang Kapistahan ng Pag-aalay (bilang pag-alaala sa muling pag-aalay ng templo noong Kislev 25, 165 B.C.E.; Ju 10:22, 23). Bukod sa mga ito, mayroon pang tatlong taunang “pangkapanahunang kapistahan ni Jehova”: ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Kapistahan ng mga Sanlinggo (na nang maglao’y tinawag na Pentecostes), at ang Kapistahan ng mga Kubol (Lev 23), anupat may kaugnayan sa mga kapistahang ito ay ipinag-utos ng Diyos: “Sa tatlong pagkakataon sa isang taon, ang bawat lalaki sa iyo ay lalapit sa harap ng mukha ng tunay na Panginoon, si Jehova.” (Exo 23:14-17) Yamang kinikilala nila na napakahalaga ng mga kapistahang ito sa kanilang espirituwalidad, tinitiyak ng maraming lalaki na makadalo sa mga ito ang kanilang buong pamilya. (Luc 2:41-45) Gayundin, tuwirang sinabi ni Moises na tuwing ikapitong taon, sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol, ang mga lalaki, mga babae, mga bata, at mga naninirahang dayuhan sa Israel ay dapat tipunin sa dakong pinili ni Jehova “upang makapakinig sila at upang matuto sila, upang matakot sila kay Jehova na inyong Diyos at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deu 31:10-12) Samakatuwid, may kaayusan noon para sa malimit na pagtitipon ng mga Israelita upang isaalang-alang ang Salita at mga layunin ni Jehova.—Tingnan ang KAPISTAHAN.
Pagkatapos na maitayo ang templo, nagpatawag si Solomon ng isang malaking kapulungan sa Jerusalem para sa pag-aalay ng marilag na gusaling ito ukol sa pagsamba. Tumagal nang maraming araw ang kapulungang iyon, at pinauwi ang bayan na “nagagalak at nasasayahan ang puso dahil sa kabutihang ipinakita ni Jehova kay David at kay Solomon at sa Israel na kaniyang bayan.”—2Cr 5:1–7:10.
Sa mga taunang kapistahan, ang mga karamihang nagtitipon sa templo ay lubhang nagagalak at nagtatamo ng espirituwal na kapakinabangan, gaya nang ipagdiwang ang Paskuwa noong panahon ni Haring Hezekias, kung kailan “nagkaroon ng malaking pagsasaya sa Jerusalem.” (2Cr 30:26) Noong panahon ni Nehemias, ipinatawag ang isang kapulungan na naging okasyon ng “napakalaking pagsasaya.” (Ne 8:17) Nang magkatipon sa Jerusalem ang bayan noong panahon ni Ezra, bumasa siya mula sa aklat ng Kautusan ni Moises, anupat ginawa niya iyon sa harap ng “lahat ng may sapat na unawa upang makinig,” at sila ay nagbigay-pansin. (Ne 8:2, 3) Bilang resulta ng pagtuturo ni Ezra at ng ibang mga Levita, ang buong bayan ay nagsaya, “sapagkat naunawaan nila ang mga salita na ipinaalam sa kanila.” (Ne 8:12) Pagkatapos nito ay ipinagdiwang nila ang Kapistahan ng mga Kubol, at noong ikawalong araw ay “nagkaroon ng isang kapita-pitagang kapulungan, ayon sa alituntunin.”—Ne 8:18; Lev 23:33-36.
Ang mga Sinagoga Bilang mga Dako ng Pagpupulong. Noong nasa pagkatapon sa Babilonya ang mga Judio, o di-nagtagal pagkatapos nito, nagpasimula ang paggamit ng mga sinagoga, o mga gusali na nagsilbing dako ng pagpupulong ng mga Judio. Nang maglaon, nagtayo ng mga sinagoga sa iba’t ibang lugar, anupat ang malalaking lunsod ay nagkaroon ng mahigit sa isa. Pangunahin na, ang mga sinagoga ay mga paaralan kung saan binabasa at itinuturo ang Kasulatan. Ang mga ito rin ay mga dako para sa pananalangin at pagbibigay ng papuri sa Diyos. Kaugalian noon ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad na pumunta sa mga sinagoga upang turuan at patibaying-loob ang mga taong naroroon. (Mat 4:23; Luc 4:16; Gaw 13:14, 15; 17:1, 2; 18:4) Yamang ang Kasulatan ay palaging binabasa sa mga sinagoga, nasabi ni Santiago sa Kristiyanong lupong tagapamahala sa Jerusalem: “Mula noong sinaunang mga panahon, si Moises ay mayroon sa lunsod at lunsod niyaong mga nangangaral tungkol sa kaniya, sapagkat binabasa siya nang malakas sa mga sinagoga sa bawat sabbath.” (Gaw 15:21) Ang pangunahing mga bahagi ng pagsamba roon ay ipinagpatuloy sa mga dako ng kapulungang Kristiyano, kung saan may pagbabasa at pagpapaliwanag ng Kasulatan, pagpapatibay-loob, pananalangin, at pagbibigay ng papuri.—1Co 14:26-33, 40; Col 4:16; tingnan ang SINAGOGA.
Mga Kapulungang Kristiyano. Sa iba’t ibang pagkakataon, nagtipon sa harap ni Jesu-Kristo ang malalaking pulutong, at nagtamo sila ng maraming pagpapala, gaya noong bigkasin ang Sermon sa Bundok. (Mat 5:1–7:29) Bagaman ang mga kapulungang ito ay hindi naman patiunang isinaayos, kung minsa’y nagtatagal ang mga ito at kailangang pakainin ang nagkakatipong karamihan, na tinugunan naman ni Jesus sa pamamagitan ng makahimalang pagpaparami ng pagkain. (Mat 14:14-21; 15:29-38) Madalas ay tinitipon ni Kristo ang kaniyang mga alagad at tinuturuan niya sila ng espirituwal na mga bagay, at pagkamatay niya, patuloy na nagtipon ang kaniyang mga alagad, gaya noong araw ng Pentecostes 33 C.E., nang ipagkaloob sa nagkakatipong mga alagad ang banal na espiritu.—Gaw 2:1-4.
Kaugalian ng unang mga Kristiyano ang magtipon, karaniwan ay sa maliliit na grupo. Gayunman, kung minsan ay “isang malaking pulutong” ang nagkakatipon. (Gaw 11:26) Nakita ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago na dapat payuhan ang espirituwal na mga Israelita na huwag magpakita ng paboritismo sa mayayaman sa kanilang pangmadlang pagtitipon (sa Gr., sy·na·go·geʹ).—San 2:1-9.
Kahalagahan ng Pagtitipon. Idiniin ng taunang pangingilin ng Paskuwa na dapat samantalahin ang mga paglalaan ni Jehova para sa pagtitipon upang magtamo ng espirituwal na kapakinabangan. Ang sinumang lalaki na malinis at hindi naman naglalakbay ngunit nagpabaya sa pangingilin ng Paskuwa ay lilipulin. (Bil 9:9-14) Nang ipatawag ni Haring Hezekias sa Jerusalem ang mga tumatahan sa Juda at Israel para sa pagdiriwang ng Paskuwa, sinabi niya sa kaniyang mensahe: “Kayong mga anak ni Israel, manumbalik kayo kay Jehova . . . huwag ninyong patigasin ang inyong leeg gaya ng ginawa ng inyong mga ninuno. Magbigay kayo ng dako kay Jehova at pumaroon kayo sa kaniyang santuwaryo na pinabanal niya hanggang sa panahong walang takda at maglingkod kayo kay Jehova na inyong Diyos, upang ang kaniyang nag-aapoy na galit ay mapawi mula sa inyo. . . . Si Jehova na inyong Diyos ay magandang-loob at maawain, at hindi niya itatalikod ang mukha mula sa inyo kung manunumbalik kayo sa kaniya.” (2Cr 30:6-9) Ang sinasadyang hindi pagdalo ay nagpapahiwatig ng pagtatakwil sa Diyos. At, bagaman hindi ipinangingilin ng mga Kristiyano ang mga kapistahang gaya ng Paskuwa, angkop lamang na himukin sila ni Pablo na huwag pabayaan ang mga pagpupulong na regular na idinaraos ng bayan ng Diyos, anupat sinabi niya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”—Heb 10:24, 25; tingnan ang KONGREGASYON.