PAGDADALISAY, TAGAPAGDALISAY
Ang proseso upang ihiwalay at linisin ang mga metal, at ang bihasang manggagawa na gumagawa nito. Sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagtunaw sa metal sa mga dalisayang kalderong luwad na tinatawag na mga krisol, naaalis ang linab at mga dumi mula sa mahalagang metal. (Aw 12:6; Kaw 17:3; 27:21) May natagpuang mga labí ng mga tapunan ng linab sa rehiyong nasa palibot ng sinaunang Sucot, kung saan isinagawa ni Solomon ang ilang operasyon ng pagmimina at pagtutunaw ng metal. Kung minsan ay sinusunog ang mga dumi hanggang sa maglaho ang mga ito; may mga pagkakataon naman na ginagamit ang lihiya ng tagapagdalisay (tingnan ang TAGAPAGLABA) upang mamuo ang maruming linab at masagap ito sa ibabaw. (Isa 1:25; Mal 3:2) Ang tagapagdalisay ay nauupo sa harap ng kaniyang hurno at binubugahan niya ng hangin ang nagbabagang uling sa pamamagitan ng mga bulusan.—Jer 6:29; Mal 3:3.
Kadalasan, ang ginto ay may halong iba’t ibang dami ng pilak. Hindi alam kung paano pinaghihiwalay ang mga ito noong panahon ng Bibliya, ngunit ang magkaibang mga pamamaraang ginagamit para sa dalawang ito ay waring tinutukoy sa Kawikaan 17:3 at 27:21: “Ang dalisayang kaldero ay para sa pilak at ang hurno ay para sa ginto.” Maliwanag na ang nitric acid ay noon lamang ikasiyam na siglo C.E. natuklasan, kaya bago nito ay dinadalisay ang ginto sa pamamagitan ng ibang mga paraan. Halimbawa, kung ang ginto ay may kasamang tingga, maaaring alisin ang mga dumi bilang linab samantalang ang ginto naman ay kakapit sa tingga. Pagkatapos, kapag marahang pinakuluan ang tingga hanggang sa maglaho ito (isang pamamaraan na tinatawag na cupelling), maiiwan ang dalisay na ginto. Kailangan sa prosesong ito ang malaking kasanayan, sapagkat kung masyadong mataas ang temperatura o masyadong mabilis ang pagpapakulo, ang ginto ay matatangay ng tingga. Nalalaman ng tagapagdalisay kung paano tatantiyahin at kokontrolin ang pagdadalisay sa pamamagitan ng pagtingin sa kulay ng tunaw na metal. (Ihambing ang Aw 12:6; Jer 6:28-30; Eze 22:18-22.) Ang paggamit ng lihiya sa pagdadalisay ng pilak ay ipinahihiwatig sa Kasulatan.—Mal 3:2, 3.
Kung ang inambato ng tanso ay isang oxide o isang carbonate, kapag hinaluan ng uling ang dinurog na inambato at pagkatapos ay sinunog ito, ang tanso ay humihiwalay sa anyong metal. Gayunman, kung ang inambato ng tanso ay isang sulfide, kailangan muna itong painitan (roasting) upang masunog ang asupre at maglaho bilang sulfur dioxide at kasabay nito ay maging copper oxide ang copper sulfide. Pagkatapos ay maaari na itong sunugin kasama ng uling upang makuha ang purong metal.
Mas mahirap kunin ang bakal mula sa inambato dahil nangangailangan ito ng napakatinding init. Ang bakal ay natutunaw sa temperaturang 1,535° C. (2,795° F.) Gayunman, ang sinaunang mga tao ay gumawa ng mga tunawang hurno na may mga bulusang nagbubuga ng hangin anupat katulad ang mga ito ng makabagong-panahong mga hurnuhan ng metal. (Deu 4:20; Jer 6:29; Eze 22:20-22) Wala tayong mga detalye hinggil sa mga hurnuhan ng bakal ng mga Hebreo, ngunit maaaring ang mga ito ay katulad niyaong mga ginamit sa sinaunang India. Ang mga ito ay gawa sa luwad, hugis-peras, mga 1.2 m (4 na piye) ang diyametro sa ibaba, papakipot nang hanggang sa 0.3 m (1 piye) sa itaas, may mga bulusang yari sa balat ng kambing anupat may mga bokilyang nakakabit sa mga tubong luwad na nagsusuplay naman ng hangin sa ibaba ng hurno. Matapos lagyan ng uling, sinisindihan ito at idinaragdag ang inambato. Isa pang suson ng uling ang ipinapatong sa ibabaw nito, at tuluy-tuloy itong pinag-iinit sa loob ng tatlo hanggang apat na oras. Kapag natapos na ang prosesong ito, tinitibag ang harapan ng hurno upang makuha ang kimpal ng metal.
Madali namang kunin ang tingga mula sa karaniwang inambato nito, ang galena, samakatuwid nga, lead sulfide. Una ay pinapainitan ang inambato habang binubugahan ng hangin upang ang lead sulfide ay maging lead oxide; ang asupre ay sumasanib sa oksiheno at nagiging gas na sulfur dioxide. Pagkatapos, ang lead oxide ay hinahaluan ng uling at pinaniningas sa isang hurnuhan ng metal; sa gayon ay naaalis ang carbon dioxide, anupat naiiwan ang likidong tingga sa krisol.
Makasagisag na Paggamit. Si Jehova mismo ay tinutukoy bilang isang tagapagdalisay. Ang kaniyang Salita ay dinalisay na mabuti. (2Sa 22:31; Aw 18:30; 119:140; Kaw 30:5) Ang subok na Salitang ito ay isang paraan na ginagamit ng Diyos upang dalisayin ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng makasalanang linab ng karumihan. (Aw 17:3; 26:2; 105:19; Dan 12:9, 10; Mal 3:3) Dinadalisay rin ng maapoy na mga pagsubok ang mga tapat. (Isa 48:10; Dan 11:35; Zac 13:9; ihambing ang 1Pe 1:6, 7.) Sa kabilang dako, ang balakyot ay hinahatulan bilang maruming linab, anupat marapat lamang para sa walang-kabuluhang bunton ng linab.—Aw 119:119; Kaw 25:4, 5; Eze 22:18-20.