ALEJANDRIA
Pangunahing lunsod at bantog na metropolis ng Ehipto noong panahon ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Ang makabagong Alejandria (tinatawag na Al-Iskandariyah sa wikang Arabe) ay nakatayo sa sinaunang lugar na ito at ngayon ay isang daungang-dagat, pero may ilang bahagi ng sinaunang lunsod na makikita pa rin dito.
Ang pangalan ng lunsod ay hinango sa pangalan ni Alejandrong Dakila, na nagtatag nito noong 332 o 331 B.C.E. Nang maglaon, ito ang naging pangunahing lunsod ng Ehipto, at sa ilalim ng mga Ptolemy, ang Helenistikong mga hari ng Ehipto, ang Alejandria ay ginawang kabisera ng Ehipto. Nanatili ito bilang kabisera nang manupil ang Roma noong 30 B.C.E. at nagsilbi itong sentro ng administrasyon ng Ehipto hanggang noong mga panahong Romano at Bizantino at maging hanggang nang manakop ang mga Arabe noong ikapitong siglo C.E.
Sa loob ng mahabang panahon, mga Judio ang bumubuo sa malaking bahagi ng populasyon ng Alejandria, na ang pinakamataas na bilang ay umabot marahil sa 500,000 katao. Ang marami sa kanila ay mga inapo ng mga Judiong tumakas patungong Ehipto pagkatapos na bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Noong panahon ni Tiberio, sinasabing sila ang bumubuo sa mga isang katlo ng populasyon ng lunsod. Sa sarili nilang purok sa HS ng lunsod, ang mga Judio ay pinahintulutang mamuhay ayon sa sarili nilang mga kautusan at magkaroon ng sarili nilang gobernador.
Sa Alejandria ginawa ang Griegong Septuagint, ang unang salin ng Hebreong Kasulatan. Lumilitaw na sinimulan itong gawin ng mga Judiong Alejandrino noong panahon ng paghahari ni Ptolemy (II) Philadelphus (285-246 B.C.E.).
Pahapyaw lamang ang pagtukoy ng Bibliya sa Alejandria. Kabilang ang “mga Alejandrino,” o mga Judio mula sa Alejandria, sa mga nakipagtalo kay Esteban bago ito litisin. Ang Alejandria ang tinubuang lunsod ni Apolos, isang lalaking mahusay magsalita. At dalawa sa mga barkong sinakyan ni Pablo sa paglalakbay bilang isang bilanggong patungo sa Roma ay nagmula sa Alejandria. Tiyak na ang mga ito ay malalaking barko na may lulang mga butil at kabilang sa malaking plotang Alejandrino na tumatawid sa Dagat Mediteraneo patungong Puteoli, Italya, bagaman kung minsan ay namamaybay ang mga ito at dumaraan sa mga daungan ng Asia Minor.—Gaw 6:9; 18:24; 27:6; 28:11.
[Mapa sa pahina 84]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SINAUNANG ALEJANDRIA
Dagat Mediteraneo
PULO NG PHAROS
Parola
Heptastadion
Museo at Aklatan
Kanal
Kanal
Lawa ng Mareotis
Purok ng mga Judio