LUPA
Ang ikalimang pinakamalaking planeta sa sistema solar at ang ikatlong planeta mula sa araw. Ito ay bilog na medyo lapád sa mga polo nito. Ipinakikita ng obserbasyon mula sa mga satelayt na may iba pang mga bahagyang iregularidad sa hugis ng lupa. Ang mass nito ay humigit-kumulang 5.98 × 1024 kg (13.18 × 1024 lb). Ang lawak (area) naman nito ay mga 510,000,000 km kuwadrado (197,000,000 mi kuwadrado). Ang mga sukat ng lupa ay (humigit-kumulang): sirkumperensiya sa ekwador, mahigit lamang nang kaunti sa 40,000 km (24,900 mi); diyametro sa ekwador, 12,750 km (7,920 mi). Saklaw ng mga karagatan ang mga 71 porsiyento ng pinakaibabaw nito, anupat ang nakalitaw na lupa ay mga 149,000,000 km kuwadrado (57,500,000 mi kuwadrado) lamang.
Ang lupa ay umiinog sa axis nito, kung kaya nagkakaroon ng araw at gabi. (Gen 1:4, 5) Ang isang araw na solar ay isang yugto na 24 na oras, ang panahong itinatagal para ang isang tao na nasa isang dako sa lupa ay muling mapunta sa posisyon ding iyon kung ibabatay sa posisyon ng araw. Ang tropikal na taon, na nauugnay sa pagbabalik ng mga kapanahunan (seasons), ay ang yugto sa pagitan ng dalawang magkasunod na pagbabalik ng araw sa vernal equinox at may katamtamang haba na 365 araw, 5 oras, 48 minuto, at 46 na segundo. Ang bilang na ito ang ginagamit sa pagkalkula sa kalendaryong nakabatay sa taóng solar, at dahil hindi eksakto ang bilang na ito, napakahirap gumawa ng isang tumpak na kalendaryo.
Ang axis ng lupa ay nakahilig nang 23° 27ʹ mula sa patayong posisyon kung ibabatay sa orbit ng lupa. Habang umiinog ang lupa sa axis nito, ang axis ng ating planeta ay nananatili sa iisang direksiyon kung ibabatay sa posisyon ng mga bituin saan man ang lokasyon nito sa kaniyang orbit sa palibot ng araw. Ang pagkakatagilid na ito ng axis ang lumilikha ng mga kapanahunan (seasons).
Ang atmospera ng lupa, na sa kalakhan ay binubuo ng nitroheno, oksiheno, singaw ng tubig, at iba pang mga gas, ay umaabot nang mahigit sa 960 km (600 mi) sa kalawakan mula sa ibabaw ng lupa. Ang dakong lampas pa rito ay tinatawag na “malayong kalawakan” (outer space).
Mga Termino sa Bibliya at Kahulugan ng mga Ito. Sa Hebreong Kasulatan, ang salitang ginagamit para sa lupa bilang planeta ay ʼeʹrets. Ang ʼeʹrets ay tumutukoy sa (1) lupa, bilang kabaligtaran ng langit, o kalangitan (Gen 1:2); (2) lupain, bayan, teritoryo (Gen 10:10); (3) lupa (ground), ibabaw ng lupa (Gen 1:26); (4) mga tao sa buong globo (Gen 18:25).
Ang salitang ʼadha·mahʹ ay isinasaling “lupa” o “lupain.” Ang ʼadha·mahʹ ay tumutukoy sa (1) lupang sinasaka, na nagbubunga ng pagkain (Gen 3:23); (2) piraso ng lupa, ari-ariang lupa (Gen 47:18); (3) lupa bilang materyal na substansiya (Jer 14:4; 1Sa 4:12); (4) nakikitang ibabaw ng lupa (Gen 1:25); (5) lupain, teritoryo, bayan (Le 20:24); (6) buong lupa, tinatahanang lupa (Gen 12:3). Waring ang ʼadha·mahʹ ay nauugnay sa salitang ʼa·dhamʹ, na ginamit upang tumukoy sa unang taong si Adan, yamang ginawa siya mula sa alabok ng lupa.—Gen 2:7.
Sa Griegong Kasulatan, ang ge ay tumutukoy sa lupa bilang sakahang lupain. (Mat 13:5, 8) Ginagamit ito upang tumukoy sa materyales na ginamit sa paggawa kay Adan, lupa [earth] (1Co 15:47); sa makalupang globo (Mat 5:18, 35; 6:19); sa lupa bilang tahanan ng mga taong nilalang at mga hayop (Luc 21:35; Gaw 1:8; 8:33; 10:12; 11:6; 17:26); sa lupain, teritoryo (Luc 4:25; Ju 3:22); sa lupa [ground] (Mat 10:29; Mar 4:26); sa lupain, baybayin, na ipinag-iiba sa mga dagat o mga katubigan. (Ju 21:8, 9, 11; Mar 4:1).
Ang oi·kou·meʹne, isinaling “sanlibutan” sa King James Version, ay tumutukoy sa “tinatahanang lupa.”—Mat 24:14; Luc 2:1; Gaw 17:6; Apo 12:9.
Sa lahat ng nabanggit na diwa na ginagamitan ng mga salitang ito, ang anyo ng salita sa orihinal na wika, at lalo na ang tagpo o konteksto, ang pinagbabatayan upang malaman kung aling diwa ang tinutukoy.
Hinati ng mga Hebreo ang lupa sa apat na bahagi o rehiyon kaayon ng apat na direksiyon ng kompas. Sa Hebreong Kasulatan, ang mga salitang “sa harapan” at “sa harap” ay tumutukoy sa “silangan” at gayon ang pagkakasalin (Gen 12:8); ang “likuran” ay maaaring mangahulugang “kanluran” (Isa 9:12); “ang kanang panig” ay maaaring tumukoy sa “timog” (1Sa 23:24); at “ang kaliwa” ay maaaring isaling “hilaga” (Job 23:8, 9; ihambing ang Ro). Kung minsan, ang silangan ay tinatawag din (sa Heb.) na sikatan ng araw, gaya sa Josue 4:19. Ang kanluran (sa Heb.) ay ang lubugan ng araw. (2Cr 32:30) Ginamit din ang pisikal na mga katangian ng lupain. Halimbawa, yamang halos ang buong kanluraning hangganan ng Palestina ay ang “Dagat” (ang Mediteraneo), kung minsan ay ginagamit ang “Dagat” upang tumukoy sa kanluran.—Bil 34:6.
Paglalang. Ang pag-iral ng planetang ito ay inilalahad ng Bibliya sa simpleng pananalita: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Gen 1:1) Hindi binabanggit sa Bibliya kung gaano katagal nilalang ang mabituing langit at ang lupa. Dahil dito, walang saligan ang mga iskolar ng Bibliya upang tutulan ang siyentipikong mga pagkalkula sa edad ng planetang lupa. Tinatantiya ng mga siyentipiko na ang edad ng ilang bato ay tatlo at kalahating bilyong taon, at na ang edad ng lupa mismo ay mga apat hanggang apat at kalahating bilyong taon o mahigit pa.
May kinalaman sa panahon, mas espesipiko ang Kasulatan tungkol sa anim na araw ng paglalang sa ulat ng Genesis. Ang mga araw na ito ay may kinalaman, hindi sa paglalang sa materya o materyales ng lupa, kundi sa pagsasaayos at paghahanda nito para sa pananahanan ng tao.
Hindi isinisiwalat ng Bibliya kung lumalang ang Diyos ng buhay sa alinman sa iba pang mga planeta sa sansinukob. Gayunman, ang mga astronomo sa ngayon ay walang nakikitang patotoo na may umiiral na buhay sa alinman sa mga planetang ito at, sa katunayan, maliban sa lupa ay wala silang nalalamang planeta na sa ngayon ay may kakayahang sumuporta sa buhay ng mga nilalang na laman.
Layunin. Gaya ng iba pang mga bagay na nilalang, ang lupa ay umiral dahil sa kalooban (“kagustuhan,” MB) ni Jehova. (Apo 4:11) Nilalang ito upang manatili magpakailanman. (Aw 78:69; 104:5; 119:90; Ec 1:4) Tinutukoy ng Diyos ang kaniyang sarili bilang isang Diyos na may layunin at sinasabi niya na ang kaniyang mga layunin ay tiyak na matutupad. (Isa 46:10; 55:11) Nilinaw niyang mabuti ang kaniyang layunin para sa lupa nang sabihin niya sa unang mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Gen 1:28) Ang lupa at ang mga bagay na naroroon ay walang kapintasan. Pagkatapos niyang lalangin ang lahat ng bagay na kinakailangan, nakita ni Jehova na ang mga iyon ay “napakabuti” at ‘nagpasimula siyang magpahinga’ o huminto sa iba pang mga gawang paglalang sa lupa.—Gen 1:31–2:2.
Permanente rin ang pananahanan ng tao sa lupa. Nang ibigay ng Diyos sa tao ang kautusan may kinalaman sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, ipinahiwatig niya na ang tao ay maaaring mabuhay sa lupa magpakailanman. (Gen 2:17) Tinitiyak sa atin ng mismong mga salita ni Jehova na ang “lahat ng mga araw na ang lupa ay nananatili, ang paghahasik ng binhi at pag-aani, at ang lamig at init, at ang tag-araw at taglamig, at ang araw at gabi, ay hindi maglilikat” (Gen 8:22) at na hindi na niya muling pupuksain ang lahat ng laman sa pamamagitan ng baha. (Gen 9:12-16) Sinabi ni Jehova na hindi niya ginawa ang lupa na walang kabuluhan kundi, sa halip, ibinigay niya ito sa mga tao bilang tahanan at na sa bandang huli ay aalisin niya ang kamatayan. Samakatuwid, layunin ng Diyos na ang lupa ay maging tirahan ng tao taglay ang kasakdalan, kaligayahan, at walang-hanggang buhay.—Aw 37:11; 115:16; Isa 45:18; Apo 21:3, 4.
Ang layuning ito ng Diyos na Jehova, na sagrado sa kaniya at hindi dapat mabigo, ay sinabi ng Bibliya: “At sa ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang kaniyang gawain na ginawa niya . . . At pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado, sapagkat noon ay nagpapahinga na siya mula sa lahat ng kaniyang gawa na nilalang ng Diyos upang gawin.” (Gen 2:2, 3) Sa ulat ng Genesis, ang ikapitong araw, o araw ng kapahingahan, ay hindi ipinakikitang natapos, di-gaya ng unang anim na araw. Ipinaliwanag ng apostol na si Pablo na ang araw ng kapahingahan ng Diyos ay nagpatuloy sa buong kasaysayan ng mga Israelita hanggang sa panahon niya mismo at hindi pa rin natatapos. (Heb 3:7-11; 4:3-9) Sinasabi ng Diyos na ang ikapitong araw ay itinalaga bilang sagrado sa kaniya. Isasagawa niya ang kaniyang layunin para sa lupa; lubusan itong matatapos sa araw na iyon, anupat hindi na kailangan ang higit pang mga gawang paglalang para sa lupa sa panahong iyon.
Ang Pagkakasuwato ng Bibliya at ng mga Katotohanan sa Siyensiya. Sa Job 26:7, binabanggit ng Bibliya na “ibinibitin [ng Diyos] ang lupa sa wala.” Sinasabi ng mga siyentipiko na ang lupa ay nananatili sa orbit nito sa kalawakan pangunahin na dahil sa paghihilahan ng grabidad at ng puwersang centrifugal. Sabihin pa, ang mga puwersang ito ay di-nakikita. Kaya ang lupa, gaya ng iba pang mga bagay sa kalangitan, ay nakalutang sa kalawakan na para bang nakabitin sa wala. Nang magsalita ang propetang si Isaias mula sa punto de vista ni Jehova, isinulat niya sa ilalim ng pagkasi: “May Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa, na ang mga nananahanan doon ay gaya ng mga tipaklong.” (Isa 40:22) Sinasabi ng Bibliya: “Siya [ang Diyos] ay gumuhit ng bilog sa ibabaw ng tubig.” (Job 26:10) Dahil sa kaniyang batas, ang katubigan ay nananatili sa wastong dako nito. Hindi nito inaapawan ang lupain, ni kumakalat man ito sa kalawakan. (Job 38:8-11) Sabihin pa, mula sa pangmalas ni Jehova, ang ibabaw ng lupa, o ang ibabaw ng katubigan, ay pabilog, kung paanong sa tingin natin ay pabilog ang gilid ng buwan. Bago lumitaw ang lupain, ang ibabaw ng buong globo ay isang pabilog na masa ng dumadaluyong na katubigan.—Gen 1:2.
Kadalasan, ang mga manunulat ng Bibliya ay nagsasalita mula sa punto de vista ng isa na nagmamasid mula sa lupa, o mula sa kaniyang partikular na kinaroroonan, gaya ng madalas nating ginagawa sa ngayon. Halimbawa, binabanggit ng Bibliya ang “sikatan ng araw.” (Bil 2:3; 34:15) Sinasamantala ito ng ilan upang siraan ang Bibliya na diumano’y hindi ito kaayon ng siyensiya, anupat sinasabing iniisip ng mga Hebreo na ang lupa ang sentro ng mga bagay-bagay at ang araw ang umiikot sa palibot nito. Ngunit ang mga manunulat ng Bibliya ay walang binanggit na gayong paniniwala. Nakakaligtaan ng mga kritikong ito na sila mismo ay gumagamit ng gayunding pananalita at na ito ay nasa lahat ng kanilang mga almanak. Pangkaraniwan lamang na marinig na sinasabi, ‘sumisikat ang araw,’ o ‘lumubog na ang araw.’ Binabanggit din ng Bibliya ang “dulo ng lupa” (Aw 46:9), “mga dulo ng lupa” (Aw 22:27), “apat na dulo ng lupa” (Isa 11:12), “apat na sulok ng lupa,” at “apat na hangin ng lupa” (Apo 7:1). Ang mga pananalitang ito ay hindi maaaring gamiting patotoo na naniniwala ang mga Hebreo na parisukat ang lupa. Ang numerong apat ay kadalasang ginagamit upang tumukoy sa kabuuan, kung paanong mayroon tayong apat na direksiyon at kung minsan ay ginagamit natin ang mga pananalitang “sa mga dulo ng lupa,” “sa apat na sulok ng lupa,” upang tumukoy sa buong lupa.—Ihambing ang Eze 1:15-17; Luc 13:29.
Makalarawan at Makasagisag na mga Pananalita. Kung minsan, ang lupa ay ginagamit sa makalarawang paraan. Itinulad ito sa isang gusali sa Job 38:4-6, noong magharap si Jehova kay Job ng mga tanong may kinalaman sa paglalang sa lupa at sa pangangasiwa ni Jehova roon, na maliwanag na hindi kayang sagutin ni Job. Gumagamit din si Jehova ng makasagisag na pananalita na naglalarawan sa resulta ng pag-inog ng lupa. Sinabi niya: “[Ang lupa] ay nagbabagong tulad ng luwad sa ilalim ng pantatak.” (Job 38:14) Noong panahon ng Bibliya, ang ilang pantatak na “panlagda” ng mga dokumento ay nasa anyong panggulong na may nakaukit na emblema ng manunulat. Iginugulong ito sa ibabaw ng malambot na dokumentong luwad o sobreng luwad upang mag-iwan dito ng marka. Sa katulad na paraan, sa pagbubukang-liwayway, ang bahagi ng lupa na dating madilim dahil sa gabi ay nagsisimulang lumiwanag at kakitaan ng anyo at kulay habang unti-unti itong sinisikatan ng araw. Yamang ang langit, na kinaroroonan ng trono ni Jehova, ay mas mataas kaysa sa lupa, ang lupa, sa makasagisag na paraan, ay kaniyang tuntungan. (Aw 103:11; Isa 55:9; 66:1; Mat 5:35; Gaw 7:49) Yaong mga nasa Sheol, o Hades, na karaniwang libingan ng sangkatauhan, ay itinuturing na nasa ilalim ng lupa.—Apo 5:3.
Inihahambing ng apostol na si Pedro ang literal na mga langit at lupa (2Pe 3:5) sa makasagisag na mga langit at lupa (2Pe 3:7). Ang “mga langit” sa talata 7 ay hindi tumutukoy sa sariling tahanang dako ni Jehova, sa lugar ng kaniyang trono sa langit. Ang langit ni Jehova ay hindi maaaring mayanig. Ang “lupa” sa talata ring iyon ay hindi rin naman ang literal na planetang lupa, sapagkat sinabi ni Jehova na ang lupa ay itinatag niya nang matibay. (Aw 78:69; 119:90) Gayunman, sinasabi ng Diyos na yayanigin niya kapuwa ang langit at ang lupa (Hag 2:21; Heb 12:26), na ang langit at lupa ay tatakas mula sa harap niya, at na ang bagong langit at isang bagong lupa ay matatatag. (2Pe 3:13; Apo 20:11; 21:1) Maliwanag na ang “langit” ay makasagisag at na ang nabanggit na “lupa” ay sumasagisag sa isang lipunan ng mga tao na nabubuhay sa lupa, gaya ng pagkakagamit sa Awit 96:1.—Tingnan ang LANGIT (Mga bagong langit at bagong lupa).
Ang lupa ay ginagamit din upang sumagisag sa mas matatag na mga elemento ng sangkatauhan. Ang maligalig at mabuway na mga elemento ng sangkatauhan ay inilalarawan ng pagdaluyong ng dagat.—Isa 57:20; San 1:6; Jud 13; ihambing ang Apo 12:16; 20:11; 21:1.
Sa Juan 3:31, ang isa na nagmula sa itaas ay ipinakikitang mas mataas kaysa sa isa na nagmula sa lupa (ge). Ang salitang Griego na e·piʹgei·os, “makalupa,” ay ginagamit upang tumukoy sa makalupa at pisikal na mga bagay, lalo na kung ihahambing sa makalangit na mga bagay, at ginagamit din ito upang tumukoy sa bagay na mas mababa at yari sa mas hamak na materyales. Ang tao ay gawa sa materyales ng lupa. (2Co 5:1; ihambing ang 1Co 15:46-49.) Gayunpaman, mapalulugdan niya ang Diyos kung mamumuhay siya ng isang “espirituwal” na buhay, isang buhay na pinapatnubayan ng Salita at espiritu ng Diyos. (1Co 2:12, 15, 16; Heb 12:9) Palibhasa’y nahulog ang sangkatauhan sa kasalanan at dahil sa kanilang hilig sa materyal na mga bagay anupat napapabayaan o iniiwan nila ang espirituwal na mga bagay (Gen 8:21; 1Co 2:14), ang salitang “makalupa” ay maaaring magkaroon ng di-kanais-nais na kahulugan, anupat nangangahulugang “tiwali,” o “salansang sa espiritu.”—Fil 3:19; San 3:15.