EZION-GEBER
Isang lugar na unang binanggit bilang dakong pinagkampuhan ng mga Israelita sa pagtatapos ng 40-taóng pamamalagi ng bansang iyon sa ilang. Ang sumunod na lugar na pinagkampuhan nila ay sa Kades na nasa ilang ng Zin. (Bil 33:35, 36) Mula sa Kades, hiniling nila sa hari ng Edom na pahintulutan silang dumaan sa lupain nito, ngunit hindi ito pumayag. (Bil 20:14-22) Gaya ng isinalaysay ni Moises nang maglaon: “Kaya dumaan tayong palayo sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, mula sa daan ng Araba, mula sa Elat at mula sa Ezion-geber.” (Deu 2:8) Sa ibang mga talata ng Bibliya, ipinakikita na ang Elat (Elot) at Ezion-geber ay parehong matatagpuan malapit sa Dagat na Pula, maliwanag na sa bukana ng Gulpo ng ʽAqaba, na HS sanga ng Dagat na Pula.—1Ha 9:26; 2Cr 8:17.
Kaayon ng Deuteronomio 2:8, inilalarawan ng mas naunang ulat sa Bilang 21:4 na ang mga Israelita ay ‘bumagtas mula sa Bundok Hor [kung saan namatay si Aaron] sa daang patungo sa Dagat na Pula upang lumibot sa lupain ng Edom.’ Iminumungkahi ng ilang iskolar na pagkaalis ng mga Israelita sa Bundok Hor, naglakbay ang mga ito patungo sa timugang dulo ng Dagat na Patay at umahon sa agusang libis ng Zered (ang hangganan sa pagitan ng Edom at Moab). Gayunman, naniniwala ang maraming komentarista na sa liwanag ng nabanggit na mga teksto, kinailangang lumigid ang mga Israelita upang maiwasan nila ang pinakasentro ng Edom, isang ruta na nagdala sa kanila pabalik “sa daang patungo sa Dagat na Pula” at samakatuwid ay sa rehiyon ng Ezion-geber. Iminumungkahi nila na sa rutang tinahak ng mga Israelita, sila’y nakarating sa T patungo sa Gulpo ng ʽAqaba, at na nang makarating sila sa isang dako sa H ng Ezion-geber, malamang na lumiko sila patungo sa HS at dumaan sa Wadi Yatm, sa gayo’y dumaan sa gilid ng pinakadulong timog ng timugang kabundukan ng Edom.
Noong Panahon ng Paghahari ni Solomon. Muling binanggit ang Ezion-geber pagkaraan ng mahigit sa 400 taon, noong paghahari ni Solomon (1037-998 B.C.E.). Sa lokasyong ito sa gulpo, si Solomon ay nagpagawa at naglunsad ng isang pangkat ng mga barko na ang mga tripulante ay mga taga-Fenicia at mga Judeano. Ang taga-Feniciang si Haring Hiram ng Tiro, na aktibung-aktibo rin sa negosyong pagbabarko, ay nakipagtulungan kay Solomon sa proyektong ito. (1Ha 9:26-28; 10:11) Pagkaraan ng mga isang siglo, sinikap ni Haring Jehosapat (936-mga 911 B.C.E.) na muling buhayin ang industriyang ito ng pagbabarko na ang pinakadaungan ay sa Ezion-geber, ngunit nabigo siya, gaya ng inihula ni Jehova, nang magiba ang kaniyang mga barko.—1Ha 22:48, 49; 2Cr 20:36, 37.
Mapapansin na kapuwa sa kaso ni Solomon at ni Jehosapat, ang ilan sa mga barko ay nilayong pumaroon hindi lamang sa Opir kundi pati sa Tarsis. (2Cr 9:21; 20:36, 37) Yamang matibay ang ebidensiya na ang Tarsis ay nasa Espanya, may mga nag-aalinlangan kung ang mga barkong naglayag mula sa Ezion-geber ay nakapaglakbay nga patungong Tarsis noong sinaunang mga panahon. Hinggil dito, tingnan ang artikulong TARSIS Blg. 4, kung saan inihaharap ang posibilidad na nagkaroon ng isang kanal na nagdurugtong sa Nilo at Dagat na Pula. Maaaring dahil din sa kanal na iyon kung kaya nakapagpadala si Haring Hiram sa Ezion-geber at Elot (Elat) hindi lamang ng mga tao kundi pati ng “mga barko” upang magamit ni Solomon. (2Cr 8:17, 18) May mga nagmumungkahi rin na maaaring ang mga barkong ito’y ipinadala sa isang lugar sa baybayin ng Filistia, kinalas, hinakot at ibiniyahe sa katihan patungo sa Gulpo ng ʽAqaba, kung saan muling binuo ang mga ito. Sinasabi ng mga naniniwala sa pangmalas na ito na ang mga Krusado ay gumamit ng katulad na pamamaraan nang maglaon. Sa pamamagitan man ng isang kanal na nagdurugtong sa Nilo at Dagat na Pula o ng isang ruta sa katihan, malamang na ang mga tabla ng mga barko ay inilaan mula sa mga kagubatan sa ibang lugar, yamang ang rehiyon sa palibot ng Ezion-geber ay may mga taniman ng palma ngunit walang mga punungkahoy na angkop sa paggawa ng barko.
Lokasyon. Hindi matukoy nang may katiyakan kung saan ang lugar ng sinaunang Ezion-geber. Tinatanggap ng karamihan sa mga iskolar bilang pinakaposibleng lokasyon nito ang Tell el-Kheleifeh (ʽEzyon Gever), na mga 500 m (1,600 piye) mula sa Gulpo ng ʽAqaba at mahigit na 3 km (2 mi) sa HK ng makabagong lunsod ng ʽAqaba. Natuklasan sa mga paghuhukay roon na nagkaroon ng limang pangunahing yugto ng paninirahan sa lugar na iyon, at ipinapalagay na ang pinakamaaga ay noong panahon ni Solomon. Gayunman, ang mga arkeologo ay walang anumang natagpuan na matatakdaan nila ng petsang bago ang yugtong iyon, samakatuwid ay walang anuman na mula pa noong panahon ng Pag-alis. Dahil dito, ipinapalagay ng ilan na maaaring ang Ezion-geber noong mga araw ni Moises ay nasa ibang lugar, o maaaring dahil simple at yari sa laryong putik ang mga gusali rito, nilamon na ng lupa ang sinaunang pamayanan, anupat wala nang bakas na naiwan.
Imbakang depo. Natagpuan ng mga naghukay sa Tell el-Kheleifeh ang mga labí ng isang malaking pintuang-daan ng lunsod at gayundin ang isang istraktura na tiyakang idineklara na naging sentro ng malaking industriya ng pagmimina at pagtunaw ng tanso. Iniugnay nila ang operasyon nito kay Haring Solomon. Kamakailan lamang, kinilala na mali ang pag-uugnay na ito, at bagaman maliwanag na nagtunaw ng tanso sa lugar na iyon, naniniwala sa ngayon ang mga arkeologo na ang gusali ay tiyak na isang imbakang depo. Sa lugar na iyon kung saan nagsasalubong ang mahahalagang ruta ng kalakalang pandagat at pangkatihan, kumbinyente ang gayong pinatibay na depo para pag-imbakan ng ginto, mahahalagang bato, at kahoy ng algum mula sa Opir hanggang sa ang mga ito’y madala ng mga naglalakbay na pulutong patungo sa kani-kanilang destinasyon. (1Ha 9:26; 10:11, 12) Para sa higit pang detalye tungkol sa lugar na ito, tingnan ang ARKEOLOHIYA (Palestina at Sirya).