Unang Hari
10 Ngayon ay nabalitaan ng reyna ng Sheba ang tungkol kay Solomon may kaugnayan sa pangalan ni Jehova,+ kaya pumunta siya kay Solomon para subukin ito ng mahihirap na tanong.*+ 2 Dumating siya sa Jerusalem na maraming kasamang tagapaglingkod+ at may mga kamelyo na may pasang langis ng balsamo+ at napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Pumunta siya kay Solomon at nakipag-usap dito tungkol sa lahat ng bagay na malapít sa puso niya. 3 At sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya. Walang tanong na napakahirap para sa hari.
4 Nang makita ng reyna ng Sheba ang lahat ng karunungan ni Solomon,+ ang bahay na itinayo niya,+ 5 ang pagkain sa mesa niya,+ ang pagkakaayos ng upuan ng mga opisyal niya, ang pagsisilbi ng kaniyang mga lingkod sa mesa niya at ang suot nila, ang mga tagapagsilbi niya ng inumin, at ang kaniyang mga haing sinusunog na regular niyang inihahandog sa bahay ni Jehova, manghang-mangha siya.* 6 Kaya sinabi niya sa hari: “Totoo ang nabalitaan ko sa aking lupain tungkol sa mga nagawa* mo at sa karunungan mo. 7 Pero hindi ako naniniwala noon sa mga balita hanggang sa dumating ako rito at makita ko mismo. Wala pa sa kalahati ang naibalita sa akin. Higit pa ang karunungan at kasaganaan mo kaysa sa narinig ko. 8 Maligaya ang mga tauhan mo, at maligaya ang mga lingkod mong palaging humaharap sa iyo at nakikinig sa karunungan mo!+ 9 Purihin nawa si Jehova na iyong Diyos,+ na nalugod sa iyo at naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang-hanggang pag-ibig ni Jehova sa Israel, inatasan ka niya bilang hari para maglapat ng katarungan at mamuno nang matuwid.”
10 Pagkatapos, nagbigay siya sa hari ng 120 talento* ng ginto at ng napakaraming langis ng balsamo+ at mamahaling mga bato.+ Maliban sa reyna ng Sheba, wala nang nakapagbigay ng ganoon karaming langis ng balsamo kay Haring Solomon.
11 Ang mga barko ni Hiram na nagdala ng ginto mula sa Opir+ ay nagdala rin mula sa Opir ng napakaraming kahoy na algum+ at ng mamahaling mga bato.+ 12 Ginamit ng hari ang mga kahoy na algum sa paggawa ng mga suporta para sa bahay ni Jehova at sa bahay* ng hari, pati sa paggawa ng mga alpa at mga instrumentong de-kuwerdas para sa mga mang-aawit.+ Wala nang ganoon karaming kahoy na algum na dinala o nakita sa Israel hanggang ngayon.
13 Ibinigay rin ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng gusto at kahilingan nito, bukod pa sa kusa niyang ibinigay dahil sa kaniyang pagkabukas-palad.* Pagkatapos, umalis na ang reyna at bumalik sa sarili nitong lupain kasama ang mga lingkod nito.+
14 Ang timbang ng ginto na dumarating kay Solomon sa isang taon ay umaabot sa 666 na talento ng ginto,+ 15 bukod pa sa nanggagaling sa mga mangangalakal at sa mga kinikita niya mula sa mga negosyante at sa lahat ng hari ng mga Arabe at sa mga gobernador ng lupain.
16 Gumawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na gawa sa ginto na may halong ibang metal+ (may 600 siklong* ginto sa bawat kalasag)+ 17 at 300 pansalag* na yari sa ginto na may halong ibang metal (may tatlong mina* ng ginto sa bawat pansalag). Pagkatapos, inilagay ng hari ang mga iyon sa Bahay ng Kagubatan ng Lebanon.+
18 Gumawa rin ang hari ng isang malaking trono na yari sa garing*+ at binalutan iyon ng dinalisay na ginto.+ 19 May anim na baytang paakyat sa trono, may parang bubong na bilog sa likuran nito, may mga patungan ng braso sa magkabilang panig ng trono, at dalawang leon+ ang nakatayo sa tabi ng mga patungan ng braso. 20 At may 12 leon na nakatayo sa anim na baytang, isa sa bawat dulo ng anim na baytang. Walang ibang kaharian ang gumawa ng tulad nito.
21 Ang lahat ng inuman ni Haring Solomon ay gawa sa ginto, at ang lahat ng kagamitan sa Bahay ng Kagubatan ng Lebanon+ ay gawa sa purong ginto. Walang anumang gawa sa pilak, dahil walang halaga ang pilak noong panahon ni Solomon.+ 22 Ang hari ay may mga barko ng Tarsis+ sa dagat na kasama ng mga barko ni Hiram. Minsan sa bawat tatlong taon, dumarating ang mga barko ng Tarsis na may dalang ginto at pilak, garing,+ unggoy, at paboreal.*
23 Kaya sa lahat ng hari sa lupa, si Haring Solomon ang pinakamayaman+ at pinakamarunong.+ 24 At ang mga tao sa buong mundo ay pumupunta kay* Solomon para mapakinggan ang karunungang inilagay ng Diyos sa puso niya.+ 25 Bawat isa sa kanila ay nagdadala ng regalo—mga kagamitang pilak, mga kagamitang ginto, damit, sandata, langis ng balsamo, kabayo, at mula*—at ganiyan ang nangyayari taon-taon.
26 At patuloy na nagtipon si Solomon ng mga karwahe at kabayo;* mayroon siyang 1,400 karwahe at 12,000 kabayo,*+ at inilagay niya ang mga iyon sa mga lunsod ng karwahe at sa Jerusalem malapit sa hari.+
27 Pinarami ng hari ang pilak sa Jerusalem na gaya ng mga bato, at pinarami niya ang mga kahoy na sedro na gaya ng mga puno ng sikomoro na nasa Sepela.+
28 Ang mga kabayo ni Solomon ay inaangkat mula sa Ehipto; ang samahan ng mga mangangalakal ng hari ang kumukuha ng mga kawan ng kabayo* sa takdang halaga nito.+ 29 Bawat karwahe na inaangkat mula sa Ehipto ay nagkakahalaga ng 600 pirasong pilak, at ang isang kabayo ay nagkakahalaga ng 150; at ibinebenta nila ang mga ito sa lahat ng hari ng mga Hiteo+ at sa mga hari ng Sirya.