MAKTES
[Almires].
Lumilitaw na isang seksiyon ng Jerusalem malapit sa Pintuang-daan ng mga Isda at sa ikalawang purok. Sa panahon ng kapahamakan ng Juda, ang mga naninirahan sa Maktes ay inihulang magpapalahaw, yamang titigil ang mga gawaing pangangalakal doon.—Zef 1:1, 2, 10, 11.
Ang salitang Hebreo na makh·teshʹ ay tumutukoy sa “almires” (Kaw 27:22) o “hugis-almires na uka” (Huk 15:19), kaya naman, ginagamit ng ilang salin ang “Almires” sa halip na “Maktes” bilang pangalang pantangi. (AT, JB, RS) Iniuugnay ng Targum ang Maktes sa Libis ng Kidron, ang malalim na bangin sa kahabaan ng silanganing pader ng Jerusalem. Ngunit ang libis na ito’y wala sa kapaligiran ng mas kanluraning “Pintuang-daan ng mga Isda” at ng “ikalawang purok.” Dahil dito, karaniwang ipinapalagay na ang Maktes ay tumutukoy sa isang bahagi ng Gitnang Libis (Libis ng Tyropoeon), marahil ay ang itaas na bahagi nito.