SION
1. Moog ng mga Jebusita na nang maglao’y tinawag na “Lunsod ni David.” (1Ha 8:1; 1Cr 11:5) Pagkatapos niyang mabihag ang Bundok Sion, itinatag doon ni David ang kaniyang maharlikang tirahan. (2Sa 5:6, 7, 9; tingnan ang DAVID, LUNSOD NI.) Ang pamamahala ni David mula sa Sion bilang pinahiran ng Diyos ang siyang tinutukoy ng mga salita ni Jehova: “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari sa Sion, na aking banal na bundok.” (Aw 2:6) Lalo pang naging banal kay Jehova ang Bundok Sion nang ilipat doon ni David ang sagradong Kaban. (2Sa 6:17) Nang maglaon, napabilang sa katawagang “Sion” ang lugar na kinaroroonan ng templo sa Bundok Moria (kung saan inilipat ang Kaban noong panahon ng paghahari ni Solomon) at sa katunayan, ang terminong ito ay ikinapit sa buong lunsod ng Jerusalem. (Ihambing ang Isa 1:8; 8:18; tingnan ang BUNDOK NG KAPISANAN.) Yamang ang Kaban ay iniugnay sa presensiya ni Jehova (Exo 25:22; Lev 16:2) at dahil ang Sion ay isang sagisag ng makalangit na mga katunayan, tinukoy ang Sion bilang dakong tinatahanan ng Diyos (Aw 9:11; 74:2; 76:2; 78:68; 132:13, 14; 135:21) at pinanggagalingan ng tulong, pagpapala, at kaligtasan.—Aw 14:7; 20:2; 50:2; 53:6; 134:3.
Pinahintulutan ni Jehova ang mga Babilonyo na wasakin ang Sion, o Jerusalem, dahil sa di-katapatan nito sa kaniya. (Pan 2:1, 4, 6, 8, 10, 13) Nang maglaon, bilang katuparan ng hula, isang nalabi ng kaniyang nagsisising bayan ang isinauli ni Jehova sa Sion, o Jerusalem. (Isa 35:10; 51:3; 52:1-8; Jer 50:4, 5, 28; 51:10, 24, 35) Kaya naman umiiral pa ito nang si Jesu-Kristo ay sumakay sa bisiro ng isang asno papasók sa Jerusalem upang iharap sa Sion ang kaniyang sarili bilang hari, sa gayo’y tinupad ang hula ni Zacarias. (Zac 9:9; Mat 21:5; Ju 12:15) Isang nalabi lamang ang tumugon nang positibo, samantalang tinanggihan ng relihiyosong mga lider si Jesus bilang kanilang hari at hinangad nila ang kaniyang kamatayan. Nagbadya ito ng kapahamakan para sa makalupang Jerusalem, o Sion, at ng pagtatakwil dito ng Diyos.—Mat 21:33-46.
Yamang sa makalupang Jerusalem itinakwil si Jesus, hindi maaaring doon inilagay ni Jehova ang kaniyang Anak bilang “isang subok na bato, ang mahalagang panulukan ng isang matibay na pundasyon.” (Isa 28:16; Ro 9:32, 33; 1Pe 2:6) Sa halip, tiyak na ito ay sa Sion na binanggit sa mga Kristiyanong Hebreo: “Kundi nilapitan ninyo ang isang Bundok Sion at isang lunsod ng Diyos na buháy, makalangit na Jerusalem, at laksa-laksang mga anghel, sa pangkalahatang kapulungan, at ang kongregasyon ng panganay na nakatala sa langit, at ang Diyos na Hukom ng lahat, at ang mga espirituwal na buhay ng mga matuwid na pinasakdal na, at si Jesus na tagapamagitan ng isang bagong tipan.” (Heb 12:22-24) Maliwanag na dito sa makalangit na Bundok Sion nakatayo ang Korderong si Kristo Jesus, kasama ang 144,000 na binili mula sa lupa.—Apo 14:1-3; tingnan ang BAGONG JERUSALEM; JERUSALEM.
2. [Kagalingan]. Ibang pangalan, marahil ay mas matandang pangalan, ng Bundok Hermon. (Deu 4:48) Tulad ng Amoritang pangalang Senir, maaaring ang Sion na ito (hindi ang Sion Blg. 1), ay tumutukoy noon sa isang partikular na bahagi ng Bundok Hermon.—Ihambing ang Deu 3:9; 1Cr 5:23; Sol 4:8; tingnan ang HERMON.