JUDAS
[mula sa Heb., isang anyo ng pangalang Juda].
“Isang alipin ni Jesu-Kristo, ngunit kapatid ni Santiago.” Ganito nagpakilala ng sarili ang manunulat ng kinasihang liham na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Lumilitaw na hindi siya ang “Hudas na anak ni Santiago,” isa sa 11 tapat na apostol ni Jesu-Kristo. (Luc 6:16) Tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “isang alipin,” hindi isang apostol, ni Jesu-Kristo; tinukoy rin niya ang mga apostol sa ikatlong panauhan bilang “nila.”—Jud 1, 17, 18.
Bagaman tinutukoy ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang iba pang mga tao na tinawag na Judas o Hudas, ipinakita ng manunulat na ito ng Bibliya na iba siya sa mga ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa pangalan ng kaniyang kapatid. (Tingnan ang HUDAS Blg. 5.) Mula rito ay maaaring ipalagay na kilalang-kilala sa gitna ng mga Kristiyano ang kaniyang kapatid na si Santiago. Iisang tao lamang na may gayong pangalan ang lumilitaw na namumukod-tangi sa pagiging prominente. Tinukoy ng apostol na si Pablo ang Santiago na ito bilang isa sa “mga haligi” ng kongregasyon ng Jerusalem at bilang “kapatid ng Panginoon.” (Gal 1:19; 2:9; tingnan din ang Gaw 12:17; 15:13-21.) Kung gayon, si Judas, o Hudas, ay maliwanag na isang kapatid sa ina ni Kristo Jesus. (Mat 13:55; Mar 6:3) Gayunma’y hindi niya hinangad na samantalahin ang kaniyang kaugnayan sa laman sa Anak ng Diyos kundi tinawag ang kaniyang sarili na “isang alipin ni Jesu-Kristo.”
Halos walang impormasyon tungkol sa buhay ni Judas. Noong maagang bahagi ng ministeryo ni Kristo Jesus, maaaring kabilang si Judas doon sa mga nagsabi: “Nasisiraan na siya ng kaniyang isip.” (Mar 3:21) Anuman ang dahilan, si Judas at ang kaniyang mga kapatid ay hindi nananampalataya noon kay Kristo Jesus.—Ju 7:5.
Gayunman, pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, si Jesus ay nagpakita sa kaniyang kapatid sa ina na si Santiago. (1Co 15:7) Walang alinlangang malaki ang nagawa nito upang makumbinsi hindi lamang si Santiago kundi pati na rin si Judas at ang iba pang mga kapatid nito na si Jesus nga ang Mesiyas. Kaya nga, bago pa man ang Pentecostes ng 33 C.E., nagpapatuloy sila sa pananalangin kasama ang 11 tapat na apostol at ang mga iba pa sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Lumilitaw na kabilang din sila sa mga 120 katao na nagkatipon noong panahong piliin si Matias sa pamamagitan ng palabunutan upang pumalit sa di-tapat na si Hudas Iscariote. (Gaw 1:14-26) Kung ganito nga, maaaring ipahiwatig nito na tinanggap nila ang banal na espiritu noong araw ng Pentecostes.—Gaw 2:1-4.