SASERDOTE
Sa gitna ng mga tunay na mananamba ni Jehova bago itatag ang kongregasyong Kristiyano, mga saserdote ang nagsilbing opisyal na kinatawan ng Diyos sa mga taong pinaglingkuran nila, anupat tinuruan nila ang mga ito tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga kautusan. Sila rin ang nagsilbing kinatawan ng bayan sa harap ng Diyos, anupat sila ang naghahandog ng mga hain at namamagitan at namamanhik para sa bayan. Ganito ang paliwanag ng Hebreo 5:1: “Ang bawat mataas na saserdote na kinukuha mula sa mga tao ay inaatasan alang-alang sa mga tao sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, upang siya ay makapaghandog ng mga kaloob at mga hain para sa mga kasalanan.” Ang terminong Hebreo na isinalin bilang “saserdote” ay ko·henʹ; ang terminong Griego naman ay hi·e·reusʹ.
Noong Sinaunang mga Panahon. Noong panahon ng mga patriyarka, ang ulo ng pamilya ang nagsilbing saserdote para sa kaniyang pamilya, at ang tungkuling ito ay isinasalin sa panganay na anak na lalaki kapag namatay ang ama. Kaya naman noong sinaunang mga panahon, iniulat na si Noe ay kumatawan sa kaniyang pamilya bilang saserdote. (Gen 8:20, 21) Ang ulo ng pamilya na si Abraham ay may malaking sambahayan na kasama niyang naglakbay sa iba’t ibang lugar, anupat nagtayo siya ng mga altar at naghain kay Jehova sa iba’t ibang dako na pinagkampuhan nila. (Gen 14:14; 12:7, 8; 13:4) Sinabi ng Diyos tungkol kay Abraham: “Kinilala ko siya upang utusan niya ang kaniyang mga anak at ang kaniyang sambahayan na kasunod niya na ingatan nila ang daan ni Jehova at isagawa ang katuwiran at kahatulan.” (Gen 18:19) Ganito rin ang ginawa nina Isaac at Jacob (Gen 26:25; 31:54; 35:1-7, 14); si Job, na hindi Israelita ngunit malamang ay malayong kamag-anak ni Abraham, ay naghandog ng mga hain kay Jehova nang palagian alang-alang sa kaniyang mga anak, na sinasabi: “Baka nagkasala ang aking mga anak at isinumpa ang Diyos sa kanilang puso.” (Job 1:4, 5; tingnan din ang 42:8.) Gayunman, ang mga lalaking ito ay hindi espesipikong tinawag ng Bibliya bilang ko·henʹ o hi·e·reusʹ. Sa kabilang dako naman, si Jetro, ang ulo ng pamilya at biyenan ni Moises, ay tinawag na “saserdote [ko·henʹ] ng Midian.”—Exo 2:16; 3:1; 18:1.
Si Melquisedec na hari ng Salem ay isang namumukod-tanging saserdote (ko·henʹ). Ang Bibliya ay walang iniuulat na rekord ng kaniyang pinagmulang angkan, kapanganakan, o kamatayan. Hindi niya minana ang kaniyang pagkasaserdote, at wala siyang mga hinalinhan ni mga kahalili man sa katungkulan. Hinawakan ni Melquisedec kapuwa ang katungkulan ng pagkahari at pagkasaserdote. Mas dakila ang kaniyang pagkasaserdote kaysa sa Levitikong pagkasaserdote, sapagkat sa diwa, si Levi ay nagbayad ng mga ikapu kay Melquisedec, yamang si Levi ay nasa mga balakang pa ni Abraham nang si Abraham ay maghandog ng mga ikapu kay Melquisedec at pinagpala nito. (Gen 14:18-20; Heb 7:4-10) Sa mga bagay na ito, si Melquisedec ay lumalarawan kay Jesu-Kristo, ang “saserdote magpakailanman ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.”—Heb 7:17.
Maliwanag na ang mga ulo ng pamilya ang nagsilbing mga saserdote sa gitna ng mga supling ni Jacob (Israel) hanggang sa maitatag ng Diyos ang Levitikong pagkasaserdote. Kaya naman nang akayin ng Diyos ang bayan sa Bundok Sinai, iniutos niya: “Ang mga saserdote na palagiang lumalapit kay Jehova ay magpabanal din ng kanilang sarili, upang si Jehova ay hindi lumabas laban sa kanila.” (Exo 19:22) Nangyari ito bago itinatag ang Levitikong pagkasaserdote. Si Aaron, bagaman hindi pa naitatalaga bilang saserdote, ay pinahintulutang umakyat nang bahagya sa bundok kasama ni Moises. Ang pangyayaring ito ay katugma ng pag-aatas nang maglaon kay Aaron at sa kaniyang mga inapo bilang mga saserdote. (Exo 19:24) Kung susuriin, isa itong maagang pahiwatig ng layunin ng Diyos na ang dating kaayusan (ng pagkasaserdote ng ulo ng pamilya) ay halinhan ng isang pagkasaserdote ng sambahayan ni Aaron.
Sa Ilalim ng Tipang Kautusan. Noong ang mga Israelita ay nasa pagkaalipin sa Ehipto, pinabanal ni Jehova para sa kaniya ang bawat panganay na anak na lalaki ng Israel nang puksain niya ang mga panganay ng Ehipto sa ikasampung salot. (Exo 12:29; Bil 3:13) Kaya naman, ang mga panganay na ito ay kay Jehova, anupat eksklusibong gagamitin sa pantanging paglilingkod sa kaniya. Maaari sanang italaga ng Diyos ang lahat ng panganay na mga lalaking ito ng Israel bilang mga saserdote at mga tagapag-ingat ng santuwaryo. Ngunit, minabuti niyang kunin ang mga lalaking miyembro ng tribo ni Levi para sa paglilingkod na ito. Dahil dito, pinahintulutan niya ang bansa na ihalili ang mga lalaking Levita para sa mga panganay na lalaki ng iba pang 12 tribo (anupat ang mga supling ng mga anak ni Jose na sina Efraim at Manases ay binilang na dalawang tribo). Sa isang sensus, natuklasan na mas marami nang 273 ang mga di-Levitang panganay na anak na lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas kaysa sa mga lalaking Levita, kaya naman hiniling ng Diyos na isang pantubos na halaga na limang siklo ($11) ang ibigay para sa bawat isa sa 273, at ang salapi ay ibinigay kay Aaron at sa mga anak nito. (Bil 3:11-16, 40-51) Bago maganap ang transaksiyon na ito, ibinukod na ni Jehova ang mga lalaking miyembro ng pamilya ni Aaron na mula sa tribo ni Levi bilang ang bumubuo sa pagkasaserdote ng Israel.—Bil 1:1; 3:6-10.
Sa loob ng mahabang panahon, tanging ang Israel ang nagkaroon ng eksklusibong pribilehiyo na maglaan ng mga miyembro ng ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.’ (Exo 19:6) Ngunit naiwala nila ito dahil itinakwil nila bilang isang bansa ang Anak ng Diyos.—Ihambing ang Mat 21:43; 1Pe 2:7-10.
Noong una, si Jehova ang Hari ng Israel. Nang maglaon, iniutos ni Jehova na ipagkaloob sa linya ni David ang paghahari. Si Jehova pa rin ang kanilang di-nakikitang Hari ngunit ginamit niya ang Davidikong linya bilang kaniyang mga kinatawan sa sekular na pamamahala. Dahil dito, ang mga haring ito sa lupa ay sinasabing nakaupo sa “trono ni Jehova.” (1Cr 29:23) Ngunit ang pagkasaserdote ay pinanatiling hiwalay, sa linya ni Aaron. Samakatuwid, tanging sa bansang iyon ipinagkaloob kapuwa ang kaharian at ang pagkasaserdote ng Diyos na Jehova lakip na ang “sagradong paglilingkod” nito.—Ro 9:3, 4.
Pagpapasinaya sa pagkasaserdote. Ang atas ng isang saserdote ay dapat magmula sa Diyos; ang isang tao ay hindi tumatanggap ng katungkulang ito ayon sa kaniyang sariling kagustuhan. (Heb 5:4) Alinsunod dito, si Jehova mismo ang nag-atas kay Aaron at sa sambahayan nito sa pagkasaserdote “hanggang sa panahong walang takda,” anupat ibinukod niya sila mula sa pamilya ng mga Kohatita, na isa sa tatlong pangunahing pangkat ng tribo ni Levi. (Exo 6:16; 28:43) Gayunman, bago nito, si Moises na Levita, bilang tagapamagitan ng tipang Kautusan, ang kumatawan sa Diyos sa pagpapabanal kay Aaron at sa mga anak nito at sa pagpuspos ng kapangyarihan sa kanilang mga kamay upang maglingkod bilang mga saserdote, anupat ang pamamaraan para rito ay inilalarawan sa Exodo kabanata 29 at Levitico kabanata 8. Lumilitaw na ang pagtatalaga sa kanila ay sumaklaw nang pitong araw noong Nisan 1-7, 1512 B.C.E. (Tingnan ang PAGTATALAGA.) Sinimulan ng bagong-itinalagang mga saserdoteng ito ang kanilang mga paglilingkod sa Israel noong sumunod na araw, Nisan 8.
Mga kuwalipikasyon. Binalangkas ni Jehova ang mga kuwalipikasyon para sa mga kabilang sa linya ng pamilya ni Aaron na maglilingkod sa altar ng Diyos. Upang maging isang saserdote, ang isang lalaki ay dapat na malusog sa pisikal at may normal na hitsura. Kung hindi ay hindi siya makalalapit sa altar taglay ang mga handog at hindi siya makalalapit sa kurtinang nasa pagitan ng mga silid ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan ng tabernakulo. Gayunman, mayroon siyang karapatang tumanggap ng suporta mula sa ikapu at maaari siyang makibahagi sa “mga banal na bagay” na inilaan bilang pagkain para sa mga saserdote.—Lev 21:16-23.
Hindi espesipikong sinabi ang edad ng pagpasok sa pagkasaserdote, bagaman sa sensus ng mga Kohatita, na kinuha sa Bundok Sinai, ay kabilang yaong mga mula sa edad na 30 hanggang 50. (Bil 4:3) Ang paglilingkod ng mga Levita sa santuwaryo ay nagsisimula sa edad na 25 (na ibinaba sa 20 taóng gulang noong panahon ni Haring David). (Bil 8:24; 1Cr 23:24) Ang di-saserdoteng mga Levita ay nagreretiro sa katungkulang paglilingkod sa santuwaryo sa edad na 50, ngunit walang kaayusan ng pagreretiro para sa mga saserdote.—Bil 8:25, 26; tingnan ang PAGRERETIRO.
Panustos. Ang tribo ni Levi ay hindi binigyan ng lupain bilang mana, sa halip ay ‘pinangalat sila sa Israel,’ anupat tumanggap ng 48 lunsod na matitirhan nila ng kanilang mga pamilya at pati na ng kanilang mga baka. Labintatlo sa mga lunsod na ito ang napunta sa mga saserdote. (Gen 49:5, 7; Jos 21:1-11) Ang isa sa mga kanlungang lunsod, ang Hebron, ay lunsod ng mga saserdote. (Jos 21:13) Ang mga Levita ay walang tinanggap na rehiyon bilang mana ng kanilang tribo sapagkat, gaya ng sinabi ni Jehova, “Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.” (Bil 18:20) Ginampanan ng mga Levita ang kanilang atas na gawain sa paglilingkod at inasikaso nila ang kanilang mga bahay at ang mga pastulan ng mga lunsod na itinakda sa kanila. Inalagaan din nila ang mga lupain na itinalaga ng mga Israelita para sa santuwaryo. (Lev 27:21, 28) Pinaglaanan ni Jehova ang mga Levita sa pamamagitan ng pagsasaayos na makatanggap sila ng ikapu ng lahat ng ani ng lupain mula sa iba pang 12 tribo. (Bil 18:21-24) Mula sa ikapu, o ikasampu, na ito, ibibigay naman ng mga Levita ang ikasampu ng pinakamaiinam bilang ikapu para sa mga saserdote. (Bil 18:25-29; Ne 10:38, 39) Samakatuwid, ang mga saserdote ay tatanggap ng 1 porsiyento ng ani ng bansa, sa gayo’y maiuukol nila ang lahat ng kanilang panahon sa paglilingkod na iniatas sa kanila ng Diyos.
Ang paglalaang ito para sa mga saserdote, bagaman sagana, ay ibang-iba sa luho at pinansiyal na kapangyarihang tinaglay ng mga saserdote ng mga bansang pagano. Halimbawa, sa Ehipto, pag-aari ng mga saserdote ang ilang bahagi ng lupain (Gen 47:22, 26), at sa pamamagitan ng tusong pagmamaniobra, sila ang naging pinakamayayaman at pinakamakapangyarihang mga tao sa Ehipto. Iniulat ni James H. Breasted, sa A History of the Ancient Egyptians (1908, p. 355, 356, 431, 432), na noong panahon ng tinatawag na Ikadalawampung Dinastiya, ang Paraon ay naging tau-tauhan lamang. Hawak noon ng mga saserdote ang Nubia na lalawigang pinagkukunan ng ginto at ang malaking probinsiya ng Mataas na Nilo. Ang mataas na saserdote ang pinakaimportanteng opisyal ng estado sa pananalapi, anupat pangalawa sa punong ingat-yaman. Siya ang namumuno sa lahat ng hukbo at nasa kaniyang mga kamay ang kabang-yaman. Mas prominente ang pagkakalarawan sa kaniya sa mga bantayog kaysa sa Paraon.
Nang maging pabaya ang Israel sa kanilang pagsamba at sa pagbabayad ng kanilang ikapu, saka lamang naghirap ang mga saserdote, pati na ang di-saserdoteng mga Levita, na napilitang maghanap ng trabaho upang mapaglaanan ang kanilang sarili at ang kanilang mga pamilya. Ang pagwawalang-bahalang ito sa santuwaryo at sa pagtustos dito ay nagdulot ng higit pang pagdurusa sa bansa dahil naging salat ito sa espirituwalidad at kaalaman kay Jehova.—Ne 13:10-13; tingnan din ang Mal 3:8-10.
Ang mga saserdote noon ay tumatanggap ng: (1) Regular na ikapu. (2) Salaping pantubos para sa panganay na anak na lalaki ng tao o ng hayop. Sa kaso ng panganay na toro, lalaking kordero, o kambing, napupunta sa kanila ang karne ng mga ito bilang pagkain. (Bil 18:14-19) (3) Salaping pantubos para sa mga tao at mga bagay na pinabanal at gayundin ang mga bagay na itinalaga kay Jehova. (Lev 27) (4) Ilang bahagi ng iba’t ibang handog na dinadala ng bayan, gayundin ang tinapay na pantanghal. (Lev 6:25, 26, 29; 7:6-10; Bil 18:8-14) (5) Pakinabang mula sa mga handog na pinakamainam na mga unang hinog na bunga ng mga butil, alak, at langis. (Exo 23:19; Lev 2:14-16; 22:10 [sa huling teksto, ang “ibang tao” ay tumutukoy sa isa na hindi saserdote]; Deu 14:22-27; 26:1-10) Maliban sa ilang takdang bahagi na sinabing mga saserdote lamang ang makakakain (Lev 6:29), ang kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae at, sa ilang kaso, ang sambahayan ng saserdote—maging ang mga alipin nito—ay makababahagi sa pagkain ng mga handog na ito. (Lev 10:14; 22:10-13) (6) Isang bahagi sa ikatlong-taóng ikapu para sa mga Levita at sa mga dukha. (Deu 14:28, 29; 26:12) (7) Mga nakamkam sa digmaan.—Bil 31:26-30.
Damit. Kapag nagsasagawa ng kanilang opisyal na mga tungkulin, ang mga saserdote ay naglilingkod nang nakatapak, yamang ang santuwaryo ay banal na lupa. (Ihambing ang Exo 3:5.) Sa mga tagubilin sa paggawa ng pantanging mga kasuutan para sa mga saserdote, walang binanggit na mga sandalyas. (Exo 28:1-43) Kaayon ng kagandahang-asal, nagsusuot sila ng mga karsonsilyong lino na mula sa mga balakang hanggang sa mga hita “bilang pantakip sa hubad na laman . . . upang huwag silang magkaroon ng kamalian at tiyak na mamatay.” (Exo 28:42, 43) Sa ibabaw nito ay nagsusuot sila ng isang mahabang damit na yari sa mainam na lino na binibigkisan ng pahang lino. Ang kanilang kagayakan sa ulo ay “ibinalot” sa kanila. (Lev 8:13; Exo 28:40; 39:27-29) Waring ang putong na ito ay iba sa turbante ng mataas na saserdote, na maaaring tinahing nakapulupot at ipinapatong sa ulo ng mataas na saserdote. (Lev 8:9) Lumilitaw na noong maglaon na lamang nagsusuot ng epod na lino sa pana-panahon ang mga katulong na saserdote, bagaman hindi magarbo ang burda ng mga iyon di-tulad ng epod ng mataas na saserdote.—Ihambing ang 1Sa 2:18.
Mga tuntunin at mga tungkulin. Ang mga saserdote ay kailangang manatiling malinis sa pisikal at may mataas na mga pamantayang moral. Kapag pumapasok sila sa tolda ng kapisanan at bago sila maghandog sa altar, dapat silang maghugas ng kanilang mga kamay at mga paa sa hugasan na nasa looban “upang hindi sila mamatay.” (Exo 30:17-21; 40:30-32) Ganito rin ang babala nang utusan silang huwag uminom ng alak o nakalalangong inumin kapag naglilingkod sa santuwaryo. (Lev 10:8-11) Hindi nila maaaring dungisan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghipo sa isang bangkay o pagdadalamhati para sa patay dahil kung gagawin nila ito, pansamantala silang magiging marumi at hindi makapaglilingkod. Gayunman, maaari itong gawin ng mga katulong na saserdote (ngunit hindi ng mataas na saserdote), sa kanilang napakalapit na kapamilya: ina, ama, anak na lalaki, anak na babae, kapatid na lalaki, o dalagang kapatid na babae na malapit sa kaniya (lumilitaw na nakatirang kasama niya, o di-kalayuan sa kaniya); gayundin, posibleng kasali ang asawang babae bilang isa na malapit sa kaniya. (Lev 21:1-4) Ang sinumang saserdote na maging marumi, dahil sa ketong, agas, o dahil sa isang bangkay o iba pang maruming bagay, ay hindi makakakain ng mga banal na bagay ni makapaglilingkod sa santuwaryo hangga’t hindi siya nagiging malinis, sapagkat kung gagawin niya ito, siya ay papatayin.—Lev 22:1-9.
Ang mga saserdote ay inutusang huwag ahitan ang kanilang mga ulo o ang mga dulo ng kanilang mga balbas, ni maghiwa man sa kanilang sarili, na mga kaugaliang pangkaraniwan sa gitna ng paganong mga saserdote. (Lev 21:5, 6; 19:28; 1Ha 18:28) Bagaman dalaga lamang ang maaaring maging asawa ng mataas na saserdote, ang mga katulong na saserdote ay maaaring mag-asawa ng isang babaing balo, ngunit hindi ng isang babaing diniborsiyo o isang patutot. (Lev 21:7, 8; ihambing ang Lev 21:10, 13, 14.) Maliwanag na dapat itaguyod ng lahat ng miyembro ng pamilya ng mataas na saserdote ang mataas na pamantayan ng moralidad at dignidad na nauukol sa katungkulan ng saserdote. Kaya naman, kung maging patutot ang anak na babae ng isang saserdote, ito ay papatayin, pagkatapos ay susunugin bilang karima-rimarim na bagay sa Diyos.—Lev 21:9.
Noong sila’y nasa ilang, kapag lumilipat ng kampo, tungkulin ni Aaron at ng kaniyang mga anak na takpan ang banal na mga muwebles at mga kagamitan sa tolda ng kapisanan bago pahintulutang pumasok doon ang ibang mga Kohatita na magbubuhat sa mga iyon, upang hindi mamatay ang mga Kohatita. Inaalisan din nila ng takip ang mga ito at ipinupuwesto sa tolda sa bagong lokasyon niyaon. (Bil 4:5-15) Sa panahon ng paghayo, mga saserdote ang bumubuhat sa kaban ng tipan.—Jos 3:3, 13, 15, 17; 1Ha 8:3-6.
Pananagutan ng mga saserdote ang paghihip sa banal na mga trumpeta, sa gayo’y nagbibigay ng malinaw na pangunguna sa bayan, ito man ay sa pagtatayo o paglikas ng kampo, pagtitipon, pakikipagbaka, o sa pagdiriwang ng ilang kapistahan para kay Jehova. (Bil 10:1-10) Ang mga saserdote at mga Levita ay eksemted sa paglilingkod militar, bagaman naglingkod sila bilang mga tagahihip ng mga trumpeta at bilang mga mang-aawit sa unahan ng hukbo.—Bilang 1:47-49; 2:33; Jos 6:4; 2Cr 13:12.
Kapag ang mga saserdote ay nakatokang maglingkod sa santuwaryo, kabilang sa kanilang mga tungkulin ang pagpatay sa mga haing dinadala ng bayan, pagwiwisik ng dugo sa altar, pagpuputul-putol sa mga hain, pagpapanatili ng apoy sa altar, pagluluto ng karne, at pagtanggap sa lahat ng iba pang mga handog, gaya ng mga handog na mga butil. Sila rin ang nag-aasikaso sa mga bagay na may kaugnayan sa karumihang natamo ng mga indibiduwal, gayundin sa pantanging mga panata ng mga ito, at iba pa. (Lev kab 1-7; 12:6; kab 13-15; Bil 6:1-21; Luc 2:22-24) Inaasikaso nila ang pang-umaga at panggabing mga handog na sinusunog at ang lahat ng iba pang mga paghahain na palagiang ginagawa sa santuwaryo maliban sa mga paghahain na tungkulin ng mataas na saserdote; nagsusunog din sila ng insenso sa ibabaw ng ginintuang altar. (Exo 29:38-42; Bil 28:1-10; 2Cr 13:10, 11) Ginugupitan nila ang mga mitsa ng mga lampara at laging nilalagyan ng langis ang mga iyon (Exo 27:20, 21) at inaasikaso nila ang banal na langis at ang insenso. (Bil 4:16) Pinagpapala nila ang bayan sa mga kapita-pitagang kapulungan ayon sa paraang binalangkas sa Bilang 6:22-27. Gayunman, walang ibang saserdote ang pinahihintulutang pumasok sa loob ng santuwaryo kapag pumapasok sa Kabanal-banalan ang mataas na saserdote upang magbayad-sala.—Lev 16:17.
Ang mga saserdote ang pangunahing may pribilehiyo na magpaliwanag ng kautusan ng Diyos, at gumanap sila ng mahalagang papel sa hudikatura ng Israel. Tinutulungan nila ang mga hukom sa mga lunsod na itinakda sa kanila, at naglilingkod din silang kasama ng mga hukom sa napakahirap na mga kasong hindi mapagpasiyahan ng mga lokal na hukuman. (Deu 17:8, 9) Sa mga kaso ng di-nalutas na pagpaslang, kailangang presente sila kasama ng matatandang lalaki ng lunsod upang matiyak na nasusunod ang wastong pamamaraan at sa gayo’y maalis sa lunsod ang pagkakasala sa dugo. (Deu 21:1, 2, 5) Kung paratangan ng isang naninibughong lalaki ang kaniyang asawang babae ng lihim na pangangalunya, ang babae ay kailangang dalhin sa santuwaryo, kung saan isinasagawa ng saserdote ang itinakdang seremonya na humihiling sa tuwirang paghatol ni Jehova kung ang babae ay inosente o may-sala. (Bil 5:11-31) Sa lahat ng kaso, dapat igalang ang hatol na iginagawad ng mga saserdote o ng mga inatasang hukom; ang sinasadyang di-paggalang o pagsuway rito ay pinapatawan ng parusang kamatayan.—Bil 15:30; Deu 17:10-13.
Ang mga saserdote ay mga guro ng Kautusan sa taong-bayan, anupat kanilang binabasa at ipinaliliwanag ito sa mga nagpupunta sa santuwaryo upang sumamba. Gayundin, kapag hindi sila ang nakatokang maglingkod, marami silang pagkakataon para magturo, sa lugar man ng santuwaryo o sa ibang mga bahagi ng lupain. (Deu 33:10; 2Cr 15:3; 17:7-9; Mal 2:7) Pagkabalik sa Jerusalem mula sa Babilonya, sa tulong ng ibang mga saserdote at mga Levita, tinipon ni Ezra na saserdote ang bayan at gumugol siya ng maraming oras sa pagbabasa at pagpapaliwanag ng Kautusan sa kanila.—Ne 8:1-15.
Ang pangangasiwa ng mga saserdote ay nagsilbing proteksiyon sa kalinisan ng pagsamba at pisikal na kalusugan ng bansa. Sa mga kaso ng ketong sa tao, kasuutan, o bahay, ang saserdote ang humahatol kung malinis o marumi ang mga ito. Tinitiyak niyang naipatutupad ang legal na mga tuntunin sa pagkukuwarentenas. Pinangangasiwaan din niya ang paglilinis sa mga nadungisan ng isang bangkay o naging marumi dahil sa mga agas na dulot ng sakit, at iba pa.—Lev 13-15.
Paano pinagpapasiyahan ang mga atas ng mga saserdote sa paglilingkod sa templo sa Israel?
Sa 24 na pangkat, o mga grupo, ng mga saserdote na inorganisa ni Haring David, ang 16 ay nagmula sa sambahayan ni Eleazar at ang 8 naman ay nagmula sa sambahayan ni Itamar. (1Cr 24:1-19) Gayunman, sa pasimula, mga saserdote mula sa apat na pangkat lamang ang bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya. (Ezr 2:36-39) May mga nagsasabi na upang maipagpatuloy ang dating kaayusan, ang apat na pamilyang bumalik ay hinati-hati upang muling makabuo ng 24 na grupo. Sa The Temple (1874, p. 63), ipinahihiwatig ni Alfred Edersheim na maaaring isinagawa ito sa pamamagitan ng pagbunot ng bawat pamilya ng limang palabunot para sa mga hindi bumalik, sa gayo’y bumuo sila mula sa kanilang mga grupo ng 20 grupo pa at ipinangalan nila sa mga iyon ang orihinal na mga pangalan. Si Zacarias na ama ni Juan na Tagapagbautismo ay isang saserdote mula sa ikawalong pangkat, yaong kay Abias. Gayunman, kung tama ang nabanggit na, maaaring si Zacarias ay hindi inapo ni Abias—posibleng kabilang lamang siya sa pangkat na tinawag sa pangalan ni Abias. (1Cr 24:10; Luc 1:5) Dahil sa kawalan ng kumpletong impormasyon, hindi makagagawa ng tiyak na mga konklusyon hinggil sa mga puntong ito.
Sa paglilingkod sa templo, ang mga saserdote ay inorganisa sa ilalim ng iba’t ibang opisyal. Idinaraan sa palabunutan ang pag-aatas ng partikular na paglilingkod. Ang bawat isa sa 24 na pangkat ay naglilingkod nang tig-iisang linggo, anupat dalawang ulit na naglilingkod sa loob ng isang taon. Sa mga kapanahunan ng kapistahan, maliwanag na ang lahat ng saserdote ay naglilingkod, yamang libu-libong hain ang inihahandog ng bayan, gaya noong ialay ang templo. (1Cr 24:1-18, 31; 2Cr 5:11; ihambing ang 2Cr 29:31-35; 30:23-25; 35:10-19.) Maaaring maglingkod ang isang saserdote sa ibang pagkakataon basta’t hindi siya makikialam sa itinakdang mga paglilingkod ng mga saserdoteng nakatokang maglingkod sa panahong iyon. Ayon sa mga tradisyong rabiniko, noong panahong nabubuhay si Jesus sa lupa, marami ang mga saserdote, kung kaya ang lingguhang paglilingkod ay hinati-hati pa sa iba’t ibang pamilya na bumubuo sa bawat pangkat, anupat ang bawat pamilya ay naglilingkod nang isa o higit pang mga araw depende sa kanilang bilang.
Malamang na ang pagsusunog ng insenso sa ibabaw ng ginintuang altar ang itinuturing na pinakamarangal sa lahat ng pang-araw-araw na mga paglilingkod. Ginagawa ito pagkatapos maihandog ang hain. Sa panahon ng pagsusunog ng insenso, ang bayan ay nagtitipon sa labas ng santuwaryo upang manalangin. Ayon sa tradisyong rabiniko, pinagpapalabunutan ang paglilingkod na ito, ngunit yaong nakapanungkulan na ay hindi na pinahihintulutang makibahagi malibang ang lahat ng naroroon ay nakapagsagawa na ng paglilingkod na ito. (The Temple, p. 135, 137, 138) Kung totoo ito, karaniwa’y minsan lamang sa buong buhay niya magkakaroon ng ganitong karangalan ang isang saserdote. Ito ang paglilingkod na isinasagawa ni Zacarias nang magpakita sa kaniya ang anghel na si Gabriel upang ipatalastas na si Zacarias at ang kaniyang asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki. Nang lumabas si Zacarias sa santuwaryo, napag-unawa ng mga taong nagkakatipon doon, batay sa kaniyang hitsura at dahil hindi siya makapagsalita, na nakakita si Zacarias ng isang kahima-himalang tanawin sa santuwaryo; kaya naman nalaman ng lahat ang pangyayaring iyon.—Luc 1:8-23.
Tuwing araw ng Sabbath, lumilitaw na pribilehiyo ng mga saserdote na palitan ang tinapay na pantanghal. Sa araw rin ng Sabbath nagtatapos ang paglilingkod ng pangkat ng mga saserdoteng nakatoka sa linggong iyon at nagsisimula namang manungkulan ang bagong grupo na nakatoka sa kasunod na linggo. Ang mga ito at ang iba pang mahahalagang tungkulin ay isinasagawa ng mga saserdote nang hindi nila nalalabag ang Sabbath.—Mat 12:2-5; ihambing ang 1Sa 21:6; 2Ha 11:5-7; 2Cr 23:8.
Pagkamatapat. Nang humiwalay ang sampung tribo mula sa kahariang nasa ilalim ni Rehoboam at itatag ng mga ito ang hilagang kaharian sa ilalim ni Jeroboam, ang tribo ni Levi ay nanatiling matapat sa dalawang-tribong kaharian ng Juda at Benjamin. Nag-atas si Jeroboam ng mga lalaking di-Levita upang maglingkod bilang mga saserdote sa pagsamba sa mga ginintuang guya, at pinalayas niya ang mga saserdote ni Jehova, na mga anak ni Aaron. (1Ha 12:31, 32; 13:33; 2Cr 11:14; 13:9) Nang maglaon sa Juda, bagaman maraming saserdote ang naging di-tapat sa Diyos, may mga panahong malaki ang naging impluwensiya ng mga saserdote upang manatiling tapat kay Jehova ang Israel. (2Cr 23:1, 16; 24:2, 16; 26:17-20; 34:14, 15; Zac 3:1; 6:11) Noong panahon ng ministeryo ni Jesus at ng mga apostol, napakatiwali na ng mga mataas na saserdote, ngunit maraming saserdote ang may mabuting puso kay Jehova, dahil di-nagtagal pagkamatay ni Jesus “isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya.”—Gaw 6:7.
Iba pang paggamit sa salitang “saserdote.” Sa Awit 99:6, si Moises ay tinawag na saserdote dahil siya’y nagsilbing tagapamagitan at inatasang magsagawa sa santuwaryo ng serbisyo ng pagpapabanal, na nagtalaga kay Aaron at sa kaniyang mga anak ukol sa pagkasaserdote. Si Moises ay namagitan para sa Israel at tumawag sa pangalan ni Jehova. (Bil 14:13-20) Paminsan-minsan, ang salitang “saserdote” ay ginagamit din upang tumukoy sa isang “tenyente” o “punong ministro o opisyal.” Sa talaan ng mga punong opisyal na naglingkod sa ilalim ni Haring David, ganito ang mababasa sa ulat: “Kung tungkol sa mga anak ni David, sila ay naging mga saserdote.”—2Sa 8:18; ihambing ang 2Sa 20:26; 1Ha 4:5; 1Cr 18:17.
Ang Kristiyanong Pagkasaserdote. Nangako si Jehova na kung iingatan ng Israel ang kaniyang tipan, sila ay magiging ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa’ sa Kaniya. (Exo 19:6) Gayunman, ang pagkasaserdote sa linya ni Aaron ay tatagal lamang hanggang sa pagdating ng lalong dakilang pagkasaserdote na inilalarawan nito. (Heb 8:4, 5) Mananatili ito hanggang sa pagwawakas ng tipang Kautusan at sa pagpapasinaya ng bagong tipan. (Heb 7:11-14; 8:6, 7, 13) Tanging sa Israel unang inialok ang pagiging mga saserdote ni Jehova at ang paglilingkod sa kaayusan ng Kaharian na ipinangako ng Diyos; nang maglaon, inialok din ito sa mga Gentil.—Gaw 10:34, 35; 15:14; Ro 10:21.
Isang nalabi lamang ng mga Judio ang tumanggap kay Kristo, sa gayo’y nabigo ang bansa na ilaan ang mga miyembro ng tunay na kaharian ng mga saserdote at ng banal na bansa. (Ro 11:7, 20) Dahil sa kawalang-katapatan ng Israel, maraming siglo bago pa nito ay binabalaan na sila ng Diyos hinggil dito sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Oseas, sa pagsasabing: “Sapagkat ang kaalaman ang siyang itinakwil mo, itatakwil din kita mula sa paglilingkod bilang saserdote sa akin; at sa dahilang palagi mong nililimot ang kautusan ng iyong Diyos, lilimutin ko ang iyong mga anak, ako nga.” (Os 4:6) Kasuwato nito, sinabi ni Jesus sa mga Judiong lider: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mat 21:43) Gayunpaman, yamang si Jesu-Kristo ay nasa ilalim ng Kautusan noong siya’y nasa lupa, kinilala niya ang Aaronikong pagkasaserdote na umiiral noon, at yaong mga pinagaling niya mula sa ketong ay inutusan niyang pumaroon sa mga saserdote at gawin ang kinakailangang paghahandog.—Mat 8:4; Mar 1:44; Luc 17:14.
Noong araw ng Pentecostes ng taóng 33 C.E., nagwakas ang tipang Kautusan at pinasinayaan ang “mas mabuting tipan,” samakatuwid nga, ang bagong tipan. (Heb 8:6-9) Nang araw na iyon, inihayag ng Diyos ang pagbabagong ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng banal na espiritu. Pagkatapos ay ipinaliwanag ng apostol na si Pedro sa mga Judiong naroroon mula sa maraming bansa na ang tanging kaligtasan nila ay nakasalalay sa pagsisisi at sa pagtanggap nila kay Jesu-Kristo. (Gaw 2; Heb 2:1-4) Nang maglaon, binanggit ni Pedro ang Judiong mga tagapagtayo na nagtakwil kay Jesu-Kristo bilang ang batong-panulok at pagkatapos ay sinabi niya sa mga Kristiyano: “Ngunit kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.’”—1Pe 2:7-9.
Ipinaliwanag din ni Pedro na ang bagong pagkasaserdote ay “isang espirituwal na bahay sa layuning maging isang banal na pagkasaserdote, upang maghandog ng espirituwal na mga haing kaayaaya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (1Pe 2:5) Si Jesu-Kristo ang kanilang dakilang Mataas na Saserdote, at sila, gaya ng mga anak ni Aaron, ang mga katulong na saserdote. (Heb 3:1; 8:1) Gayunman, di-tulad ng Aaronikong pagkasaserdote, na walang bahagi sa pagkahari, ang pagkahari at pagkasaserdote ay pinagsanib sa “maharlikang pagkasaserdote” ni Kristo at ng kaniyang mga kasamang tagapagmana. Sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, sinabi ng apostol na si Juan na ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay ‘kinalagan mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo’ at na “ginawa niya tayong isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama.”—Apo 1:5, 6.
Isinisiwalat din ng huling aklat na ito ng Bibliya ang bilang ng bumubuo sa lupon ng mga katulong na saserdote. Yaong mga ginawa ni Jesu-Kristo na “isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos” ay ipinakikitang umaawit ng isang bagong awit kung saan sinasabi nilang sila’y binili sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. (Apo 5:9, 10) Karagdagan pa, binanggit na yaong mga umaawit ng bagong awit ay 144,000 na “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apo 14:1-5) Bilang panghuli, ang mga katulong na saserdoteng ito ay ipinakikitang binuhay-muli sa langit at namamahalang kasama ni Jesu-Kristo, anupat naging “mga saserdote ng Diyos at ng Kristo” at namamahala “bilang mga hari” kasama ni Kristo sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari.—Apo 20:4, 6.
Kung ihahambing natin ang pagkasaserdote ng Israel, gayundin ang mga tungkulin nito at ang mga pakinabang na idinulot nito sa taong-bayan ng bansang iyon (Heb 8:5), magkakaideya tayo hinggil sa mga pakinabang at mga pagpapala na tatanggapin ng mga tao sa lupa mula sa sakdal at walang-hanggang pagkasaserdote ni Jesu-Kristo at ng kaniyang lupon ng mga katulong na saserdote kapag magkasama na silang naghahari sa ibabaw ng lupa sa loob ng isang libong taon. Magkakapribilehiyo sila na ituro sa bayan ang kautusan ng Diyos (Mal 2:7), isagawa ang ganap na pagpapatawad ng mga kasalanan salig sa haing pantubos ng dakilang Mataas na Saserdote (anupat ilalapat nila ang mga pakinabang ng hain ni Kristo) at pagalingin ang lahat ng kapansanan (Mar 2:9-12; Heb 9:12-14; 10:1-4, 10). Magkakapribilehiyo rin sila na kilalanin ang bagay na malinis at ang bagay na marumi ayon sa paningin ng Diyos at alisin ang lahat ng karumihan (Lev 13-15), hatulan ang mga tao sa katuwiran, at tiyakin na ang matuwid na kautusan ni Jehova ay naipatutupad sa buong lupa (Deu 17:8-13).
Kung paanong ang sinaunang tolda ng kapisanan sa ilang ay nagsilbing dakong tinatahanan ng Diyos sa gitna ng mga tao, anupat isang santuwaryo na doo’y makalalapit sila sa kaniya, sa panahon ng isang libong taon, ang tolda ng Diyos ay muli na namang tatahan sa gitna ng sangkatauhan sa isang mas malapit, mas namamalagi at kapaki-pakinabang na paraan habang nakikitungo siya sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang dakilang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, at ng 144,000 na maglilingkod kasama ni Kristo bilang mga katulong na saserdote sa dakilang espirituwal na templo na isinagisag ng sagradong tabernakulo. (Exo 25:8; Heb 4:14; Apo 1:6; 21:3) Tiyak na magiging maligaya ang bayan dahil sa pagkakaroon ng gayong maharlikang pagkasaserdote, gaya ng Israel noong ang kaharian at ang pagkasaserdote ay tapat sa Diyos, anupat nang panahong iyon “ang Juda at ang Israel ay marami, tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat dahil sa dami, kumakain at umiinom at nagsasaya” at nananahanan “nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos.”—1Ha 4:20, 25.
Paganong mga Saserdote. Ang sinaunang mga bansa ay lumalapit sa kanilang mga diyos sa pamamagitan ng kanilang mga saserdote. Ang mga lalaking ito ay pinagpipitaganan ng bayan at napakamaimpluwensiya, yamang kadalasa’y kabilang sila sa mga namamahala, o kaya’y malalapít na tagapayo ng mga tagapamahala. Ang mga saserdote ang pinakaedukadong mga tao noon at karaniwan nang pinananatili nilang ignorante ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay sinamantala nila ang pagkamapamahiin ng mga tao at ang takot ng mga ito sa mga kababalaghan. Halimbawa, sa Ehipto, ang mga mamamayan ay pinapaniwala na dapat nilang sambahin ang Ilog Nilo bilang isang diyos at na ang kanilang mga saserdote ay may bigay-diyos na kontrol sa pana-panahong pag-apaw ng ilog, kung saan umaasa ang kanilang mga pananim.
Ang ganitong pagpapalaganap ng pamahiin at kawalang-alam ay ibang-iba sa ginagawa ng mga saserdote ng Israel, na palaging nagbabasa at nagtuturo ng Kautusan sa buong bansa. Sa Israel, dapat kilalanin ng bawat tao ang Diyos at alamin ang Kaniyang kautusan. (Deu 6:1-3) Ang bayan mismo ay marunong bumasa at sumulat, yamang inutusan sila ni Jehova na basahin at ituro ang kaniyang kautusan sa kanilang mga anak.—Deu 6:4-9.
Hindi pinagbatayan ng pagkasaserdote ng Israel. May mga nagsasabi na ang pagkasaserdote ng Israel at ang marami sa mga tuntunin nito ay kinopya sa Ehipto. Ikinakatuwiran nila na si Moises, ang tagapamagitan ng tipang Kautusan, ay lubhang naimpluwensiyahan ng kaniyang naging buhay sa Ehipto, ng pagsasanay niya sa korte ni Paraon, at ng pagtuturo sa kaniya ng “lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gaw 7:22) Gayunman, ipinagwawalang-bahala nila na bagaman si Moises ang ginamit upang ibigay ang Kautusan sa Israel, hindi naman siya ang gumawa ng kautusang iyon. Ang Diyos na Jehova ang Tagapagbigay-Kautusan ng Israel (Isa 33:22), at gumamit siya ng mga anghel upang ihatid ang Kautusan sa pamamagitan ng kamay ng tagapamagitang si Moises.—Gal 3:19.
Binalangkas ng Diyos ang bawat detalye ng pagsamba ng Israel. Ang mga plano ng tolda ng kapisanan ay ibinigay kay Moises (Exo 26:30), at ayon sa ulat ay inutusan siya: “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ng bagay ayon sa parisan ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok.” (Heb 8:5; Exo 25:40) Ang lahat ng paglilingkod sa santuwaryo ay nagmula kay Jehova at kaayon ng kaniyang mga tagubilin. Paulit-ulit itong tinitiyak sa atin ng ulat sa pagsasabing ginawa ni Moises at ng mga anak ni Israel “ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises. Gayung-gayon ang ginawa nila.” “Ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises, gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng paglilingkod. At nakita ni Moises ang lahat ng gawain, at, narito! ginawa nila iyon gaya ng iniutos ni Jehova. Gayon nila ginawa.” “At ginawa ni Moises ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.”—Exo 39:32, 42, 43; 40:16.
Ayon sa mga Ehiptologo, may ilang pagkakatulad ang damit ng mga saserdoteng Ehipsiyo at ang damit ng mga saserdote ng Israel, halimbawa ay ang paggamit nila ng lino; inaahitan ang katawan ng mga saserdoteng Ehipsiyo, gaya rin ng mga Levita (bagaman hindi ito ginagawa ng mga saserdote ng Israel; Bil 8:7); mayroon din silang mga paghuhugas. Ngunit pinatutunayan ba ng ilang pagkakatulad na ito na pareho ang kanilang pinagmulan, o na yaong isa ay nagmula sa isa? Sa buong daigdig, magkakatulad ang materyales at pamamaraan na ginagamit sa paggawa ng mga damit, bahay, at gusali, at maging sa pagsasagawa ng pang-araw-araw na mga gawain, gaya ng paghuhugas, ngunit malaki rin ang pagkakaiba ng istilo at pamamaraan ng mga ito. Hindi natin sinasabing ang isa ay nagmula sa isa, o na ang damit o pagkilos ng mga iyon ay may magkatulad na relihiyoso o makasagisag na kahulugan.
Sa kabuuan, walang pagkakatulad ang mga damit at gawain ng mga saserdoteng Israelita at mga saserdoteng Ehipsiyo. Halimbawa, ang mga saserdoteng Israelita ay naglilingkod nang nakatapak, samantalang ang mga saserdoteng Ehipsiyo naman ay nakasandalyas. Ibang-iba ang disenyo ng mahahabang damit ng mga saserdoteng Ehipsiyo, at ang kanilang mga damit at mga kagamitan ay kakikitaan ng mga sagisag na may kaugnayan sa pagsamba nila sa kanilang huwad na mga diyos. Inaahitan nila ang kanilang ulo, na hindi naman ginagawa ng mga saserdote ng Israel (Lev 21:5), at gumagamit sila ng mga peluka o nagsusuot ng kagayakan sa ulo na ibang-iba sa isinusuot ng mga saserdote ng Israel, batay sa mga inskripsiyong natagpuan sa mga bantayog sa Ehipto. Karagdagan pa, nilinaw ni Jehova na hindi dapat tularan ng Israel ang alinman sa mga gawain ng Ehipto o ng ibang mga bansa, sa pagsamba man o sa ipinatutupad na mga batas ng mga ito.—Lev 18:1-4; Deu 6:14; 7:1-6.
Kung gayon, walang saligan ang argumento ng mga nagtataguyod sa teoriya na ang pagkasaserdote ng Israel ay hinalaw sa Ehipto. Dapat nating tandaan na ang konsepto ng paghahain at pagkasaserdote ay orihinal na nanggaling sa Diyos, at mula pa noong una ay ipinamalas ito ng mga taong tapat gaya nina Abel at Noe; sa patriyarkal na lipunan ay isinagawa ito ni Abraham at ng iba pa. Samakatuwid, lahat ng bansa ay nagmana ng kaalamang ito, bagaman napilipit ito sa iba’t ibang anyo dahil iniwan nila ang tunay na Diyos at ang dalisay na pagsamba. Palibhasa’y may likas na pagnanais na sumamba ngunit walang patnubay ni Jehova, ang mga bansang pagano ay bumuo ng maraming liko at karumal-dumal pa ngang mga ritwal, na umakay sa kanila sa pagsalansang sa tunay na pagsamba.
Kasuklam-suklam na mga gawain ng paganong mga saserdote. Noong panahon ni Moises, sinalansang siya ng mga saserdoteng Ehipsiyo sa harap ni Paraon, anupat sinikap nilang hiyain si Moises at ang kaniyang Diyos na si Jehova sa pamamagitan ng mahika. (Exo 7:11-13, 22; 8:7; 2Ti 3:8) Ngunit napilitan silang sumuko sa pagkatalo at kahihiyan. (Exo 8:18, 19; 9:11) Ang mga mananamba ni Molec ng Ammon ay naghain ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagsunog sa mga ito sa apoy. (1Ha 11:5; 2Ha 23:10; Lev 18:21; 20:2-5) Ginawa rin ng mga Canaanitang mananamba ni Baal ang karima-rimarim na gawaing ito, at nagsagawa rin sila ng paghihiwa sa sarili at ng mahahalay, kasuklam-suklam at imoral na mga ritwal. (Bil 25:1-3; 1Ha 18:25-28; Jer 19:5) Ang mga saserdote ni Dagon na diyos ng mga Filisteo at ang Babilonyong mga saserdote nina Marduk, Bel, at Ishtar ay nagsagawa ng mahika at panghuhula. (1Sa 6:2-9; Eze 21:21; Dan 2:2, 27; 4:7, 9) Lahat ng mga ito ay sumamba sa mga imaheng gawa sa kahoy, bato, at metal. Maging si Haring Jeroboam ng sampung-tribong kaharian ng Israel ay nag-atas ng mga saserdoteng mangangasiwa sa pagsamba sa mga ginintuang guya at “hugis-kambing na mga demonyo” upang pigilan ang taong-bayan sa pakikibahagi sa tunay na pagsamba sa Jerusalem.—2Cr 11:15; 13:9; tingnan din ang MIKAS Blg. 1.
Hinahatulan ng Diyos ang di-awtorisadong mga pagkasaserdote. Mula’t sapol ay salansang si Jehova sa lahat ng uri ng gawaing ito, na sa katunayan ay pagsamba sa mga demonyo. (1Co 10:20; Deu 18:9-13; Isa 8:19; Apo 22:15) Kapag ang mga diyos na ito o ang mga saserdoteng kumakatawan sa kanila ay tahasang lumalaban kay Jehova, sila’y Kaniyang hinihiya. (1Sa 5:1-5; Dan 2:2, 7-12, 29, 30; 5:15) Kadalasan, ang kanilang mga saserdote at mga propeta ay pinapatay. (1Ha 18:40; 2Ha 10:19, 25-28; 11:18; 2Cr 23:17) At yamang noong umiiral pa ang tipang Kautusan ay walang ibang pagkasaserdote na kinilala si Jehova maliban sa pagkasaserdote ng sambahayan ni Aaron, makatuwiran lamang na ang tanging paraan ng paglapit kay Jehova ay yaong isinasagisag ng katungkulan ni Aaron, samakatuwid nga, ang pagkasaserdote ni Jesu-Kristo, na siya ring lalong dakilang Mataas na Saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec. (Gaw 4:12; Heb 4:14; 1Ju 2:1, 2) Anumang pagkasaserdote na sumasalansang sa hinirang-ng-Diyos na Haring-Saserdote na ito at sa kaniyang mga katulong na saserdote ay dapat iwasan ng tunay na mga mananamba ng Diyos.—Deu 18:18, 19; Gaw 3:22, 23; Apo 18:4, 24.
Tingnan ang MATAAS NA SASERDOTE.