IPAHAYAG NA MATUWID
Ang pandiwang Hebreo na tsa·dheqʹ (nauugnay sa tseʹdheq, nangangahulugang “katuwiran”) ay isinasalin kung minsan bilang “ipahayag na matuwid” at “ariing matuwid.” (Exo 23:7; Deu 25:1) Ang pananalitang ito sa Bibliya ay isinasalin din bilang “ipagmatuwid,” at ang mga anyong pangngalan nito ay isinasalin bilang “pagbibigay-katuwiran.” Ang orihinal na mga salita (di·kai·oʹo [pandiwa], di·kaiʹo·ma at di·kaiʹo·sis [mga pangngalan]) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kung saan lubusan itong ipinaliliwanag, ay pangunahin nang nagtatawid ng ideya ng pag-aabsuwelto o pagpapalaya mula sa anumang paratang, pagkilala bilang walang-sala, samakatuwid ay pagpapawalang-sala, o pagpapahayag at pagtuturing bilang matuwid.—Tingnan ang Greek-English Lexicon of the New Testament ni W. Bauer (nirebisa nina F. W. Gingrich at F. Danker), 1979, p. 197, 198; gayundin ang A Greek-English Lexicon, nina H. Liddell at R. Scott (nirebisa ni H. Jones), Oxford, 1968, p. 429.
Kaayon nito, binanggit ng apostol na si Pablo na ang Diyos ay ‘napatutunayang matuwid [isang anyo ng di·kai·oʹo]’ sa Kaniyang mga salita at nagwawagi kapag hinahatulan ng mga sumasalansang. (Ro 3:4) Sinabi ni Jesus na “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito” at na kapag pinagsulit ang mga tao sa Araw ng Paghuhukom, sila’y ‘ipahahayag na matuwid [isang anyo ng di·kai·oʹo]’ o kaya’y papatawan ng hatol batay sa kanilang mga salita. (Mat 11:19; 12:36, 37) Sinabi ni Jesus na ang mapagpakumbabang maniningil ng buwis na may-pagsisising nanalangin sa templo ay “bumaba patungo sa kaniyang tahanan at napatunayang higit na matuwid” kaysa sa hambog na Pariseong nananalangin din noon. (Luc 18:9-14; 16:15) Binanggit ng apostol na si Pablo na ang taong namatay ay “napawalang-sala na [isang anyo ng di·kai·oʹo] mula sa kaniyang kasalanan,” yamang nabayaran na niya ang parusang kamatayan.—Ro 6:7, 23.
Gayunman, bukod pa sa gayong mga pagkakagamit, ginagamit din ang mga salitang Griegong ito sa pantanging diwa upang tumukoy sa isang pagkilos ng Diyos na doo’y ibinibilang na walang-sala ang isa (Gaw 13:38, 39; Ro 8:33) at gayundin sa pagkilos ng Diyos na doo’y ipinapahayag ang isang tao bilang sakdal sa katapatan at karapat-dapat sa buhay, gaya ng ipaliliwanag sa artikulong ito.
Bago ang Panahong Kristiyano. Noong una, si Adan ay sakdal, isang taong matuwid, isang taong “anak ng Diyos.” (Luc 3:38) Matuwid siya dahil sa pagkakalalang sa kaniya ng Diyos at ipinahayag ng kaniyang Maylalang na siya’y “napakabuti.” (Gen 1:31) Ngunit hindi siya nanatiling tapat sa Diyos at naiwala niya ang matuwid na katayuan para sa kaniya at sa kaniyang magiging mga supling.—Gen 3:17-19; Ro 5:12.
Gayunpaman, mula sa kaniyang mga inapo ay may bumangon na mga lalaking may pananampalataya na “lumakad na kasama ng tunay na Diyos,” gaya nina Noe, Enoc, at Job. (Gen 5:22; 6:9; 7:1; Job 1:1, 8; 2:3) Tungkol kay Abraham, sinasabing siya’y nanampalataya sa Diyos at “ipinahayag na matuwid”; gayundin, iniuulat na si Rahab ng Jerico ay nagpamalas ng kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa kung kaya siya’y ‘ipinahayag na matuwid,’ anupat iniligtas ang kaniyang buhay nang wasakin ang lunsod ng Jerico. (San 2:21-23, 25) Mapapansin na sa liham ni Santiago (na sinipi) at sa liham din ni Pablo sa mga taga-Roma (4:3-5, 9-11), kung saan sinipi niya ang Genesis 15:6, sinasabi na ang pananampalataya ni Abraham ay ‘ibinilang na katuwiran sa kaniya.’ Mauunawaan ang pananalitang ito kung isasaalang-alang ang diwa ng pandiwang Griego na lo·giʹzo·mai, “ibilang,” na ginamit dito.
Kung paano ‘ibinibilang’ na matuwid. Noong sinaunang panahon, ang pandiwang Griego na lo·giʹzo·mai ay karaniwang ginagamit sa pagkakalkula o pagkukuwenta ng mga numero gaya sa accounting, anupat ginagamit upang tumukoy kapuwa sa isang bagay na itinala sa isang kuwenta bilang debit at gayundin sa isang bagay na itinala bilang credit. Sa Bibliya, ginagamit ito upang mangahulugang “ituring, isipin, isaalang-alang, ibilang, o purihin.” Kaya naman sinasabi ng 1 Corinto 13:5 na ang pag-ibig ay ‘hindi nagbibilang [isang anyo ng lo·giʹzo·mai] ng pinsala’ (ihambing ang 2Ti 4:16); at iniuulat na sinabi ng salmistang si David: “Maligaya ang tao na ang kaniyang kasalanan ay hindi na ibinibilang pa ni Jehova.” (Ro 4:8) Sa mga tumitingin sa mga bagay ayon sa panlabas na anyo, sinabi ni Pablo na kailangan nilang suriin nang wasto ang mga bagay-bagay, anupat tinitingnan ang magkabilang panig ng ledyer, wika nga. (2Co 10:2, 7, 10-12) Kasabay nito, nais ni Pablo na ‘walang sinumang pumuri sa kaniya [isang anyo ng lo·giʹzo·mai; sa literal, maglagay sa kaniyang kredito]’ nang higit sa nararapat may kinalaman sa kaniyang ministeryo.—2Co 12:6, 7.
Ang salitang lo·giʹzo·mai ay maaari ring mangahulugang “ituring, tayahin, o ibilang (na kasama sa isang grupo, pangkat, o uri).” (1Co 4:1) Kaya naman sinabi ni Jesus na siya ay ‘ibibilang [isang anyo ng lo·giʹzo·mai] na kasama ng mga tampalasan,’ samakatuwid nga, ituturing o uuriin na kasama nila o waring isa sa kanila. (Luc 22:37) Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinabi ng apostol na sa kaso ng taong di-tuli na tumutupad sa Kautusan, ang kaniyang “di-pagtutuli ay ibibilang na pagtutuli,” samakatuwid nga, ituturing na para bang ito’y pagtutuli. (Ro 2:26) Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyano ay hinihimok na ‘ibilang ang kanilang sarili na patay may kaugnayan sa kasalanan ngunit buháy may kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’ (Ro 6:11) At ang mga pinahirang Kristiyano na nagmula sa mga Gentil, bagaman hindi mga inapo ni Abraham sa laman, ay “ibinibilang na binhi” ni Abraham.—Ro 9:8.
Paano naging posible na ipinahayag na matuwid si Abraham bago namatay si Kristo?
Gayundin naman, ang pananampalataya ni Abraham, na nilakipan ng mga gawa, ay ‘ibinilang [itinuring] na katuwiran sa kaniya.’ (Ro 4:20-22) Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na siya at ang iba pang mga taong tapat bago ang panahong Kristiyano ay sakdal o malaya sa kasalanan; ngunit dahil sa kanilang pananampalataya sa pangako ng Diyos may kinalaman sa “binhi” at dahil pinagsikapan nilang sundin ang mga utos ng Diyos, hindi sila inuri bilang mga di-matuwid na walang mabuting katayuan sa harap ng Diyos, na gaya ng iba pa sa sangkatauhan. (Gen 3:15; Aw 119:2, 3) Maibigin silang ibinilang ni Jehova na walang-sala, kung ihahambing sa sangkatauhang hiwalay sa Diyos. (Aw 32:1, 2; Efe 2:12) Sa gayon, dahil sa kanilang pananampalataya, ang Diyos ay maaaring magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa gayong di-sakdal na mga tao at maaari niya silang pagpalain, anupat ginagawa iyon nang hindi lumalabag sa kaniyang sariling sakdal na mga pamantayan ng katarungan. (Aw 36:10) Gayunman, kinilala ng mga taong iyon na kailangan nila ng katubusan mula sa kasalanan at hinihintay nila ang takdang panahon ng Diyos upang ilaan ito.—Aw 49:7-9; Heb 9:26.
“Isang Gawa ng Pagbibigay-Katuwiran” ni Kristo Jesus. Ipinakikita ng Kasulatan na noong naririto sa lupa si Jesu-Kristo, sakdal ang kaniyang katawang laman (1Pe 1:18, 19) at pinanatili niya ang kaniyang kasakdalan sa pamamagitan ng patuloy na pag-iingat at pagpapatibay ng kaniyang katapatan sa ilalim ng pagsubok. Kaayon ito ng layunin ng Diyos na ‘pasakdalin ang Punong Ahente ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.’ (Heb 2:10) Samakatuwid nga, pinasakdal si Jesus may kaugnayan sa pagkamasunurin at pag-iingat ng katapatan at pinasakdal din siya para sa kaniyang posisyon bilang Mataas na Saserdote ng Diyos ukol sa kaligtasan, gaya ng ipinakikita ni Pablo sa Hebreo 5:7-10. Yamang natapos ni Jesus ang kaniyang landasin sa lupa nang malaya sa anumang kapintasan, siya’y kinilala ng Diyos bilang naipagmatuwid. Sa gayon, siya lamang ang tao na sa pagsubok ay nakatayo nang matatag at lubos na matuwid sa harap ng Diyos sa sarili niyang merito. Sa pamamagitan ng “isang gawa ng pagbibigay-katuwiran [isang anyo ng di·kaiʹo·ma],” samakatuwid nga, sa pamamagitan ng pagpapatunay ni Jesus na siya’y ganap na matuwid sa kaniyang landasin ng kawalang-kapintasan, kasama na ang kaniyang hain, naglaan siya ng saligan upang maipahayag na matuwid yaong mga may pananampalataya sa kaniya.—Ro 5:17-19; 3:25, 26; 4:25.
Sa Kongregasyong Kristiyano. Nang dumating ang Anak ng Diyos bilang ang ipinangakong Manunubos, nagkaroon ng isang bagong salik na mapagbabatayan upang mapakitunguhan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod na tao. Ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo na tinawag upang maging kaniyang espirituwal na mga kapatid, na may pag-asang maging mga kasama niyang tagapagmana sa makalangit na Kaharian (Ro 8:17), ay ipinahahayag muna ng Diyos bilang matuwid salig sa kanilang pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Ro 3:24, 28) Ito ay isang hudisyal na pagkilos ng Diyos na Jehova; kaya sa harap niya bilang ang Kataas-taasang Hukom ay walang sinumang ‘makapaghaharap ng akusasyon’ laban sa kaniyang mga pinili. (Ro 8:33, 34) Bakit gumagawa ang Diyos ng ganitong pagkilos para sa kanila?
Una ay dahil sakdal at banal si Jehova (Isa 6:3); kaya naman kasuwato ng kaniyang kabanalan, yaong mga tinatanggap niya bilang kaniyang mga anak ay dapat na maging sakdal. (Deu 32:4, 5) Ipinakita ni Jesu-Kristo, ang pangunahing Anak ng Diyos, na siya’y sakdal, “matapat, walang katusuhan, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Heb 7:26) Gayunman, ang kaniyang mga tagasunod ay kinukuha mula sa mga anak ni Adan na dahil sa kasalanan ay nagkaanak ng di-sakdal at makasalanang pamilya. (Ro 5:12; 1Co 15:22) Kaya naman gaya ng ipinakikita ng Juan 1:12, 13, ang mga tagasunod ni Jesus, sa pasimula, ay hindi mga anak ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, isinaayos ng Diyos na Jehova ang isang proseso ng “pag-aampon” na sa pamamagitan nito’y tinatanggap niya ang gayong mga kinalugdan at dinadala sila sa isang espirituwal na kaugnayan bilang bahagi ng kaniyang pamilya ng mga anak. (Ro 8:15, 16; 1Ju 3:1) Sa gayon, inilalatag ng Diyos ang saligan para sila’y maampon at maging mga anak niya sa pamamagitan ng pagpapahayag sa kanila na matuwid batay sa halaga ng haing pantubos ni Kristo na kanilang sinasampalatayanan, anupat pinawawalang-sala sila mula sa lahat ng kanilang kasalanan. (Ro 5:1, 2, 8-11; ihambing ang Ju 1:12.) Dahil dito, sila’y “ibinibilang,” o itinuturing, na mga taong ganap na matuwid, anupat ang lahat ng kanilang kasalanan ay pinatatawad at hindi na ipinaparatang sa kanila.—Ro 4:6-8; 8:1, 2; Heb 10:12, 14.
Samakatuwid, ang pagpapahayag sa gayong mga Kristiyano bilang matuwid ay mas nakahihigit kaysa sa kaso ni Abraham (at ng iba pang mga lingkod ni Jehova bago ang panahong Kristiyano), na tinalakay na. Upang ipakita ang saklaw ng pagbibigay-katuwiran kay Abraham, ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Ang kasulatan ay natupad na nagsasabi: ‘Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova, at ibinilang itong katuwiran sa kaniya,’ at siya ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’” (San 2:20-23) Kaya dahil sa kaniyang pananampalataya, si Abraham ay ipinahayag na matuwid bilang kaibigan ng Diyos, hindi bilang anak ng Diyos na “ipinanganak muli” taglay ang pag-asang mabuhay sa langit. (Ju 3:3) Nililinaw ng rekord ng Kasulatan na ang gayong pribilehiyo ng pagiging anak at ang gayong pag-asang mabuhay sa langit ay hindi bukás sa mga tao bago dumating si Kristo.—Ju 1:12, 17, 18; 2Ti 1:10; 1Pe 1:3; 1Ju 3:1.
Bagaman ang mga Kristiyanong ito ay mayroon nang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos, maliwanag na ang kanilang laman ay hindi aktuwal o literal na sakdal. (1Ju 1:8; 2:1) Dahil ang mga tagasunod na ito ni Kristo ay mabubuhay sa langit, hindi nila kailangan sa ngayon ang gayong literal na kasakdalan ng katawang laman. (1Co 15:42-44, 50; Heb 3:1; 1Pe 1:3, 4) Gayunman, sa pamamagitan ng pagpapahayag sa kanila na matuwid, anupat “ibinibilang,” o iniuukol, sa kanila ang katuwiran, natutugunan ang mga kahilingan ng Diyos ukol sa katarungan, at dinadala niya ang mga inampon tungo sa “bagong tipan” na binigyang-bisa ng dugo ni Jesu-Kristo. (Luc 22:20; Mat 26:28) Ang inampong espirituwal na mga anak na ito na kabilang sa bagong tipan na ipinakipagtipan sa espirituwal na Israel ay ‘binabautismuhan sa kamatayan ni Kristo,’ anupat sa bandang huli ay mamamatay sila sa isang kamatayan na tulad ng sa kaniya.—Ro 6:3-5; Fil 3:10, 11.
Bagaman pinatatawad ni Jehova ang kanilang mga kasalanang bunga ng kahinaan ng laman at di-kasakdalan, mayroon pa ring nagaganap na labanan sa loob ng mga Kristiyanong ito, gaya ng ipinakikita ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma (7:21-25). Ang labanang ito ay sa pagitan ng kautusan ng kanilang binagong pag-iisip (Ro 12:2; Efe 4:23), o “kautusan ng Diyos,” at ng “kautusan ng kasalanan” na nasa kanilang mga sangkap. Ito’y dahil hindi pa napasasakdal ang kanilang mga katawang laman, bagaman ibinibilang na silang matuwid at napatawad na ang kanilang mga kasalanan. Ang labanang ito ay sumusubok din sa kanilang katapatan sa Diyos. Maaari silang magwagi sa labanang ito sa tulong ng espiritu ng Diyos at sa tulong ng kanilang maawaing Mataas na Saserdote, si Kristo Jesus. (Ro 7:25; Heb 2:17, 18) Gayunman, upang magwagi, dapat na patuluyan silang manampalataya sa haing pantubos ni Kristo at sumunod sa kaniya, sa gayo’y pinananatili ang kanilang matuwid na katayuan sa paningin ng Diyos. (Ihambing ang Apo 22:11.) Sa ganitong paraan ay ‘tinitiyak nila para sa kanilang sarili ang pagtawag at pagpili sa kanila.’ (2Pe 1:10; Ro 5:1, 9; 8:23-34; Tit 3:6, 7) Sa kabilang dako naman, kung mamimihasa sila sa kasalanan, anupat hihiwalay mula sa pananampalataya, maiwawala nila ang kanilang mabuting katayuan sa harap ng Diyos bilang mga taong matuwid dahil “ibinabayubay nilang muli ang Anak ng Diyos sa ganang kanila at inilalantad siya sa hayag na kahihiyan.” (Heb 6:4-8) Ang gayong mga tao ay napapaharap sa pagkapuksa. (Heb 10:26-31, 38, 39) Kaya naman may binanggit si Jesus na kasalanan na walang kapatawaran, at ipinakita ng apostol na si Juan na magkaiba ang kasalanang “hindi ikamamatay” at ang kasalanang “ikamamatay.”—Mat 12:31, 32; 1Ju 5:16, 17.
Pagkatapos na manatiling tapat hanggang sa kamatayan, si Jesu-Kristo ay “binuhay sa espiritu,” anupat binigyan ng imortalidad at kawalang-kasiraan. (1Pe 3:18; 1Co 15:42, 45; 1Ti 6:16) Sa gayon, siya’y “ipinahayag [o inari] na matuwid sa espiritu” (1Ti 3:16; Ro 1:2-4) at umupo sa kanan ng Diyos sa langit. (Heb 8:1; Fil 2:9-11) Ang tapat na mga tagasunod ni Kristo ay naghihintay ng pagkabuhay-muli na tulad ng sa kaniya (Ro 6:5), anupat umaasang tatanggap ng “tulad-Diyos na kalikasan.”—2Pe 1:4.
Iba Pang mga Matuwid. Sa isa sa mga ilustrasyon, o talinghaga, ni Jesus may kinalaman sa panahon ng kaniyang pagdating taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian, ang mga taong inihahalintulad sa mga tupa ay tinutukoy bilang “mga matuwid.” (Mat 25:31-46) Gayunman, kapansin-pansin na sa ilustrasyong ito, ang “mga matuwid” ay ipinakikitang bukod at naiiba sa mga tinatawag ni Kristo na “aking mga kapatid.” (Mat 25:34, 37, 40, 46; ihambing ang Heb 2:10, 11.) Dahil ang mga tulad-tupang ito ay tumutulong sa espirituwal na “mga kapatid” ni Kristo, anupat nagpapakita ng pananampalataya kay Kristo mismo, sila’y pinagpapala ng Diyos at tinatawag na “mga matuwid.” Tulad ni Abraham, sila ay itinuturing, o ipinahahayag, na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. (San 2:23) Ang matuwid na katayuang ito ay mangangahulugan ng kaligtasan para sa kanila kapag ang “mga kambing” ay nagtungo na sa “walang-hanggang pagkalipol.”—Mat 25:46.
Isang katulad na situwasyon ang mapapansin sa pangitaing nakaulat sa Apocalipsis 7:3-17. Doon, isang “malaking pulutong” na walang takdang bilang ang ipinakikitang naiiba sa 144,000 na “tinatakan.” (Ihambing ang Efe 1:13, 14; 2Co 5:1.) Ang “malaking pulutong” na ito ay may matuwid na katayuan sa harap ng Diyos at ipinakikita ito ng paglalarawan sa kanila bilang ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at nagpaputi ng mga iyon sa dugo ng Kordero.’—Apo 7:14.
Ang “malaking pulutong,” na makaliligtas sa “malaking kapighatian,” ay hindi pa naipahahayag na matuwid para sa buhay—samakatuwid nga, bilang karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa lupa. Kailangan nilang patuloy na uminom mula sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay,” habang inaakay sila roon ng Kordero, si Kristo Jesus. Kailangan nila itong gawin sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo. (Apo 7:17; 22:1, 2) Kung magiging tapat sila kay Jehova sa isang panghuling pagsubok sa katapusan ng isang libong taon, magiging permanente na ang kanilang mga pangalan sa aklat ng buhay ng Diyos, anupat ipahahayag ni Jehova, o kikilalanin niya, na sa wakas ay matuwid na sila sa ganap na diwa.—Apo 20:7, 8; tingnan ang BUHAY (Mga Punungkahoy ng Buhay).
Napatunayang Matuwid ang Diyos sa Lahat ng Kaniyang Gawa. Sa pakikitungo ng Diyos sa di-sakdal na mga tao, makikita na hindi niya kailanman nilalabag ang sarili niyang mga pamantayan ng katuwiran at katarungan. Hindi niya ipinahahayag na matuwid ang makasalanang mga tao salig sa sarili nilang merito, anupat pinalalampas o kinukunsinti ang kanilang kasalanan. (Aw 143:1, 2) Gaya ng ipinaliwanag ng apostol na si Pablo: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos, at isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus. Inilagay siya ng Diyos bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Ito ay upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran, sapagkat pinatatawad niya ang mga kasalanan na naganap noong nakaraan habang ang Diyos ay nagtitimpi; upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran sa kasalukuyang kapanahunang ito, upang siya ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.” (Ro 3:23-26) Sa gayon, ang Diyos, dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, ay naglaan ng isang legal na kaayusan salig sa hain ni Kristo anupat sa pamamagitan nito ay maaari siyang maging lubos na makatarungan at matuwid kapag pinatatawad niya ang mga kasalanan niyaong mga nananampalataya.
Mga Pagtatangkang Patunayang Matuwid ang Sarili. Yamang ang Diyos lamang ang makapagpapahayag na matuwid ang isang tao, walang kabuluhan ang anumang pagtatangka ng isa na patunayang matuwid ang kaniyang sarili salig sa sarili niyang merito o batay sa pangmalas ng iba na siya’y matuwid. Sinaway si Job dahil, bagaman hindi siya nagparatang ng anumang kamalian sa Diyos, “ipinahahayag niyang matuwid ang kaniyang sariling kaluluwa sa halip na ang Diyos.” (Job 32:1, 2) Ang lalaking bihasa sa Kautusan na nagtanong kay Jesus hinggil sa daan patungo sa buhay na walang hanggan ay sinaway ni Jesus sa di-tuwirang paraan dahil tinangka nitong patunayang matuwid ang kaniyang sarili. (Luc 10:25-37) Hinatulan ni Jesus ang mga Pariseo dahil sa pagsisikap ng mga ito na ipahayag na matuwid ang kanilang sarili sa harap ng mga tao. (Luc 16:15) Ipinakita mismo ng apostol na si Pablo na dahil sa di-sakdal at makasalanang kalagayan ng buong sangkatauhan, walang sinuman ang maipahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pagsisikap na itatag ang sarili niyang katuwiran batay sa mga gawa ng Kautusang Mosaiko. (Ro 3:19-24; Gal 3:10-12) Sa halip, idiniin niya na ang pananampalataya kay Kristo Jesus ang tunay sa saligan para maipahayag na matuwid ang isa. (Ro 10:3, 4) Sinusuhayan ng kinasihang liham ni Santiago ang sinabi ni Pablo sa pamamagitan ng pagpapakita na ang gayong pananampalataya ay kailangang maging buháy, hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan, kundi sa pamamagitan ng mga gawa ng pananampalataya, gaya sa mga kaso nina Abraham at Rahab.—San 2:24, 26.
May-kamaliang kinuwestiyon ng ilang tao, na may-kabulaanang nag-aangking mga apostol, ang pagka-apostol ni Pablo at ang mga gawain niya bilang Kristiyano, anupat hinangad nilang pasunurin sa kanila ang kongregasyon sa Corinto. (2Co 11:12, 13) Yamang alam ni Pablo na tapat siyang naglilingkod bilang katiwala ni Kristo, sinabi niya na hindi siya nababahala sa paghatol ng mga tao na bagaman hindi talaga awtorisado ay naupo na parang isang “tribunal ng mga tao” upang hatulan siya. Hindi rin siya nanalig sa sarili niyang paghatol sa kaniyang sarili, kundi umasa siya kay Jehova bilang kaniyang Tagasuri. (1Co 4:1-4) Sa gayon ay inilahad sa Kasulatan ang simulain na ang paghatol ng mga tao may kinalaman sa pagiging matuwid o di-matuwid ng isang tao ay hindi mapananaligan, malibang sinusuhayan ng Salita ng Diyos ang kanilang paghatol. Ang isang iyon ay kailangang sumangguni sa Salita ng Diyos at hayaan itong sumuri sa kaniya. (Heb 4:12) Gayunman, kapag ang isang tao ay sinaway ng isang kapatid na Kristiyano, lalo na ng isang matanda sa kongregasyon, at kung maliwanag na ang gayong pagsaway ay sinusuhayan ng Salita ng Diyos, hindi niya iyon dapat tanggihan sa pamamagitan ng pagmamatuwid sa sarili. (Kaw 12:1; Heb 12:11; 13:17) At ang sinumang may katungkulan na umuupo upang humatol sa isang bagay o sa isang pagtatalo ay hahatulan ng Diyos kung aariin niyang ‘matuwid ang isang balakyot dahil sa suhol.’—Isa 5:23; San 2:8, 9.