ABBA
Ang salitang ʼab·baʼʹ sa Aramaiko ay ang emphatic o definite form ng ʼav, literal na nangangahulugang “ang ama,” o “O Ama.” Ito ang malambing na katawagan ng mga anak sa kanilang ama. Taglay nito ang lambing ng salitang “papa” samantalang pinananatili ang dignidad ng salitang “ama,” anupat di-pormal ngunit magalang pa rin. Samakatuwid, isa itong mapagmahal na katawagan at hindi isang titulo, at ito ang isa sa mga unang salita na natututuhang sabihin ng isang bata.
Ang salitang Aramaikong ito ay lumilitaw nang tatlong beses sa Kasulatan. Lagi itong nasa anyong transliterasyon sa orihinal na Griego at kadalasa’y tinutumbasan din ng transliterasyon sa mga saling Ingles. Sa bawat paglitaw ng terminong ito, agad itong sinusundan ng salin na ho pa·terʹ sa Griego, na literal na nangangahulugang “ang ama” o, ginagamit bilang ang bokatibo na, “O Ama.” Sa bawat paglitaw nito ay ginagamit ito may kaugnayan sa makalangit na Ama, si Jehova.
Iniulat ni Marcos na ginamit ni Jesus ang terminong ito noong manalangin siya sa Diyos na Jehova sa Getsemani nang malapit na siyang mamatay, na sinasabi: “Abba, Ama, ang lahat ng mga bagay ay posible sa iyo; alisin mo sa akin ang kopang ito. Gayunma’y hindi ang ibig ko, kundi ang ibig mo.” (Mar 14:36) Isa itong marubdob na pamamanhik ng isang anak sa kaniyang minamahal na ama, na sinundan agad ng pagbibigay-katiyakan na mananatili siyang masunurin, anuman ang mangyari.
Ang dalawang iba pang paglitaw ng salitang ito ay nasa mga liham ni Pablo sa Roma 8:15 at Galacia 4:6. Sa mga tekstong ito, ang salitang ito ay ginagamit may kaugnayan sa mga Kristiyanong tinawag upang maging inianak-sa-espiritung mga anak ng Diyos at ipinahihiwatig nito ang pagiging matalik ng kanilang kaugnayan sa kanilang Ama. Bagaman sila ay “mga alipin ng Diyos” at ‘binili sa isang halaga,’ sila ay mga anak din sa sambahayan ng isang maibiging Ama, at tiyakang ipinababatid sa kanila ng banal na espiritu, sa pamamagitan ng kanilang Panginoong Jesus, na gayon nga ang kanilang katayuan.—Ro 6:22; 1Co 7:23; Ro 8:15; Gal 4:6.
Sa halip na basta isang salin lamang mula sa Aramaiko tungo sa Griego, nahihiwatigan ng iba na kapag magkasamang ginamit ang ʼAb·baʼʹ at “Ama,” ito’y nangangahulugan ng, una sa lahat, pagtitiwala, kumpiyansa, at pagpapasakop ng isang anak, na sinusundan ng isang may-gulang na pagpapahalaga sa kaugnayan niya sa kaniyang ama at sa mga pananagutang kaakibat nito. Waring lumilitaw mula sa mga tekstong ito, na noong panahong apostoliko, ginagamit ng mga Kristiyano ang terminong ʼAb·baʼʹ sa kanilang mga panalangin sa Diyos.
Nang maglaon, ang salitang ʼAb·baʼʹ ay ikinapit bilang isang titulong pandangal sa mga Judiong rabbi noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon at gayon ang pagkakagamit dito sa Babilonyong Talmud. (Berakhot 16b) Yaong gumaganap na bise-presidente ng Judiong Sanedrin ay tinatawag na noon sa titulong ʼAv, o Ama ng Sanedrin. Noong bandang huli, ang titulong ito ay ikinapit din sa mga obispo ng mga simbahang Coptic, Ethiopic, at Siryano, at partikular na naging titulo ng Obispo ng Alejandria, sa gayon siya ay naging “papa” ng bahaging iyon ng Silanganing simbahan. Ang mga salitang Ingles na “abbot” at “abbey” ay kapuwa hinalaw sa Aramaikong ʼab·baʼʹ. Tinutulan ni Jerome, na tagapagsalin ng Latin na Vulgate, ang paggamit ng titulong “abbot” para sa mga mongheng Katoliko noong kaniyang panahon dahil nilalabag nito ang tagubilin ni Jesus sa Mateo 23:9: “Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit.”