PAGKANARIRITO
Ang salitang Griego na isinasaling “pagkanaririto” ay pa·rou·siʹa, na binubuo ng pa·raʹ (nasa tabi) at ou·siʹa (pagiging; hinalaw sa ei·miʹ, na nangangahulugang “maging”). Kaya ang pa·rou·siʹa ay literal na nangangahulugang “pagiging nasa tabi,” samakatuwid nga, “pagkanaririto,” o “presensiya.” Ginagamit ito nang 24 na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kadalasan ay hinggil sa pagkanaririto ni Kristo may kaugnayan sa kaniyang Mesiyanikong Kaharian.—Mat 24:3; tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1576, 1577.
Iba-iba ang salin ng maraming bersiyon sa salitang ito. Bagaman sa ilang teksto ay isinasalin nila ang pa·rou·siʹa bilang “pagkanaririto” o “presensiya,” mas madalas nila itong isalin bilang “pagdating.” Dito hinalaw ang pananalitang “ikalawang pagdating” o “ikalawang pagparito” (adventus [“pagparito” o “pagdating”] na siyang salin ng Latin na Vulgate para sa pa·rou·siʹa sa Mat 24:3) may kaugnayan kay Kristo Jesus. Bagaman ang pagkanaririto ni Jesus ay tiyak na nagpapahiwatig ng pagdating niya sa dakong paroroonan niya, ang saling “pagdating” para sa pa·rou·siʹa ay pantanging nagdiriin sa pagdating anupat naging malabo ang ideya ng pagkanaririto na kasunod ng pagdating. Bagaman maaaring isalin ang pa·rou·siʹa kapuwa bilang “pagdating” at “pagkanaririto,” karaniwan nang tinatanggap ng mga leksikograpo na ang pagkanaririto o presensiya ng isang persona ang pangunahing ideya na itinatawid ng salitang ito.
Ang Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (1981, Tomo 1, p. 208, 209) ay nagsabi: “Ang PAROUSIA . . . ay nagpapahiwatig kapuwa ng pagdating at ng kasunod na presensiya. Halimbawa, sa isang liham na papiro [na isinulat sa wikang Griego] ay binabanggit ng isang babae na kailangan ang kaniyang parousia sa isang lugar upang maasikaso niya ang mga bagay-bagay may kinalaman sa kaniyang pag-aari roon. . . . Kapag ginagamit may kaugnayan sa pagbabalik ni Kristo, sa Pag-agaw sa Iglesya, ito ay nangangahulugan, hindi lamang ng Kaniyang panandaliang pagdating para kunin ang Kaniyang mga santo, kundi ng Kaniyang presensiya kasama nila mula sa sandaling iyon hanggang sa Kaniyang pagkakasiwalat at pagkakahayag sa sanlibutan.” Ipinakikita ng Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott (nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 1343) na kung minsan ay ginagamit ang pa·rou·siʹa sa sekular na panitikang Griego upang tumukoy sa “pagdalaw ng isang maharlika o opisyal.”
Sabihin pa, ang sekular na mga akdang Griego ay makatutulong upang matiyak ang diwa ng terminong Griegong ito. Gayunman, higit na makatutulong ang pagsusuri sa paggamit ng Bibliya mismo sa salitang ito. Halimbawa, sa Filipos 2:12, sinabi ni Pablo na ang mga Kristiyanong taga-Filipos ay masunurin “hindi lamang kapag naririyan [pa·rou·siʹai] ako, kundi lalo pa ngang higit ngayon na wala ako riyan [a·pou·siʹai].” Gayundin, sa 2 Corinto 10:10, 11, pagkatapos niyang tukuyin yaong mga nagsasabing “ang kaniyang mga liham ay mabigat at mapuwersa, ngunit ang kaniyang pagkanaririto [pa·rou·siʹa] sa personal ay mahina at ang kaniyang pananalita ay kahamak-hamak,” idinagdag ni Pablo, “Isaalang-alang ito ng gayong tao, na kung ano kami sa aming salita sa pamamagitan ng mga liham kapag wala riyan [a·ponʹtes], magiging gayon din kami sa gawa kapag naririyan [pa·ronʹtes].” (Ihambing din ang Fil 1:24-27.) Kaya dito, ang ipinakikitang pagkakaiba ay sa pagitan ng pagiging presente at ng pagiging wala sa tinutukoy na lugar, hindi sa pagitan ng pagdating at ng paglisan.
Dahil dito, ang apendise ng Emphasised Bible ni J. B. Rotherham (p. 271) ay nagsasabi: “Sa edisyong ito, ang salitang parousia ay pare-parehong isinalin bilang ‘presensiya’ (ang ‘pagdating,’ bilang isang salin ng salitang ito, ay hindi ginamit). . . . Ang diwa ng ‘presensiya’ ay buong-linaw [na makikita] dahil inihahambing ito sa ‘pagiging wala’ . . . anupat natural lamang na maitatanong,—Bakit hindi na lang ito laging isalin nang gayon?”
Ipinahihiwatig din ng pananalita ni Jesus sa Mateo 24:37-39 at Lucas 17:26-30 na ang pa·rou·siʹa ni Jesus ay hindi basta isang panandaliang pagdating na sinusundan ng mabilis na paglisan kundi isang pagkanaririto, o presensiya, na sumasaklaw ng isang yugto ng panahon. Sa mga tekstong iyon, “ang mga araw ni Noe” ay inihahambing sa “pagkanaririto ng Anak ng tao” (“mga araw ng Anak ng tao,” ayon sa ulat ni Lucas). Samakatuwid, ang paghahambing ni Jesus ay hindi lamang tumutukoy sa pagdating ng Delubyo bilang isang kasukdulan noong mga araw ni Noe, bagaman ipinakikita niya na ang kaniya mismong “pagkanaririto” o “mga araw” ay magkakaroon ng katulad na kasukdulan. Yamang “ang mga araw ni Noe” ay aktuwal na sumaklaw ng isang yugto ng mga taon, may saligan tayo upang maniwala na ang inihulang “pagkanaririto [o “mga araw”] ng Anak ng tao” ay sasaklaw rin ng isang yugto ng maraming taon, na ang kasukdulan ay ang pagkapuksa niyaong mga hindi nagbibigay-pansin sa oportunidad na inilaan upang magtamo ng kaligtasan.
Katangian ng “Parousia” ni Kristo. Sabihin pa, ang pa·rou·siʹa, o pagkanaririto, ay maaaring makita, at sa anim na paglitaw ng salitang ito, ang tinutukoy ay ang nakikitang presensiya ng mga tao, gaya nina Estefanas, Fortunato, Acaico, Tito, at Pablo. (1Co 16:17; 2Co 7:6, 7; 10:10; Fil 1:26; 2:12) Ang pa·rou·siʹa ay maaari ring hindi makita gaya ng ipinahihiwatig ng paggamit ni Pablo sa kaugnay na anyong pandiwa (paʹrei·mi) nang banggitin niya ang pagiging “naririyan sa espiritu” bagaman wala sa katawan. (1Co 5:3) Gayundin naman, tinutukoy ng Judiong istoryador na si Josephus, na sumulat sa wikang Griego, ang pa·rou·siʹa ng Diyos sa Bundok Sinai, anupat doo’y ipinahiwatig ng mga kulog at kidlat ang kaniyang di-nakikitang presensiya.—Jewish Antiquities, III, 80 (v, 2).
Ang pagiging maka-Kasulatan ng isang di-nakikitang pagkanaririto o presensiya ay pinatutunayan din ng sinabi ng Diyos na Jehova kay Moises may kinalaman sa kaban ng tipan na nasa Kabanal-banalan ng tabernakulo: “At doon ako haharap sa iyo at magsasalita ako sa iyo mula sa ibabaw ng takip.” (Exo 25:22) Ang presensiya ng Diyos ay hindi nakikita, yamang maliwanag na sinabi ng Kasulatan na “walang taong nakakita sa Diyos kailanman”—kahit si Moises o ang mataas na saserdote na pumapasok sa Kabanal-banalan. (Ju 1:18; Exo 33:20) Nang pasinayaan ni Haring Solomon ang templo sa Jerusalem, ang bahay na iyon ay napuno ng ulap ng “kaluwalhatian ni Jehova.” Binanggit ni Solomon na si Jehova ay ‘tumatahan sa templo.’ Gayunpaman, sinabi rin ni Solomon: “Ngunit totoo bang ang Diyos ay mananahanan sa ibabaw ng lupa? Narito! Sa mga langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!” Gayunman, ang mga mata ng Diyos ay laging nakamasid sa bahay na iyon at ang mga panalanging binibigkas doon ay diringgin niya “sa [kaniyang] dakong tinatahanan, sa langit.”—1Ha 8:10-13, 27-30; ihambing ang Gaw 7:45-50.
Ipinakikita ng mga ulat na ito na ang Diyos ay may kapangyarihang ‘maging presente’ sa lupa sa espirituwal na paraan (samakatuwid nga, hindi nakikita) samantalang nananatili siya sa langit. Sa ilang kaso, ang kaniyang presensiya ay maaaring sa pamamagitan ng isang anghelikong kinatawan na kumikilos at nagsasalita para sa Diyos, na maaari pa ngang magsabi, “Ako ang Diyos ng iyong ama,” gaya ng ginawa ng anghel na nakipag-usap kay Moises sa nagliliyab na palumpong. (Exo 3:2-8; ihambing ang Exo 23:20; 32:34.) Gayundin naman, sinabi ni Jehova kay Moises na Siya ay ‘paroroon’ sa kaniya sa Bundok Sinai at “bababa” roon (Exo 19:9, 11, 18, 20), ngunit ipinakita ng mga apostol na ang Kaniyang mga anghel ang kumatawan sa Diyos doon at naghatid ng Kaniyang tipan kay Moises.—Gal 3:19; Heb 2:2; tingnan ang MUKHA.
Yamang ang binuhay-muling Anak ni Jehova na si Jesu-Kristo ay pinagkalooban ng ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa,’ at siyang “eksaktong larawan ng . . . mismong sarili [ng Diyos],” makatuwiran lamang na magagawa rin niyang maging presente sa isang lugar nang di-nakikita. (Mat 28:18; Heb 1:2, 3) May kinalaman dito, mapapansin natin na kahit noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, nakapagpagaling siya ng mga tao na nasa malalayong lugar, na para bang naroroon siya mismo.—Mat 8:5-13; Ju 4:46-53.
Maliwanag din na ipinasakop ng Diyos na Jehova sa kaniyang niluwalhating Anak ang mga anghel. (1Pe 3:22) Sa mga teksto hinggil sa pagkanaririto ni Jesus, siya ay laging inilalarawan na ‘may kasamang’ mga anghelikong hukbo o kaya’y ‘nagsusugo sa kanila.’ (Mat 13:37-41, 47-49; 16:27; 24:31; Mar 8:38; 2Te 1:7) Hindi naman ito nangangahulugan na ang kaniyang inihulang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Kaharian ay nauugnay lamang sa pagsusugo niya sa lupa ng mga anghelikong mensahero o kinatawan, sapagkat ginagawa na ito noon pa mang unang siglo C.E. may kaugnayan sa mga apostol at sa iba pa. (Gaw 5:19; 8:26; 10:3, 7, 22; 12:7-11, 23; 27:23) Ipinakikita ng mga talinghaga ni Jesus at ng iba pang mga teksto na ang kaniyang pagkanaririto ay tulad ng sa isang panginoon na bumalik sa kaniyang sambahayan at tulad ng sa isang taong tumanggap ng paghahari at bumalik upang pamahalaan ang kaniyang nasasakupan, at na ang pagkanaririto ni Jesus ay nangangahulugan ng kaniya mismong pagsisiyasat at paghatol na susundan ng aktibong pagpapahayag o paglalapat ng kahatulang iyon at ng pagbibigay ng gantimpala sa mga sinang-ayunan. (Mat 24:43-51; 25:14-45; Luc 19:11-27; ihambing ang Mat 19:28, 29.) Yamang saklaw ng paghahari ni Jesus ang buong lupa, ang kaniyang pagkanaririto ay pambuong-daigdig (ihambing ang Mat 24:23-27, 30). Ipinahihiwatig ng kinasihang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 15:24-28, gayundin ng mga pagtukoy sa paghahari ni Kristo sa Apocalipsis (5:8-10; 7:17; 19:11-16; 20:1-6; 21:1-4, 9, 10, 22-27), na ang pagkanaririto ni Kristo ay ang panahon kung kailan lubusan niyang itutuon ang kaniyang pansin sa buong lupa at sa mga naninirahan dito, anupat gagamitin niya ang buong puwersa ng kaniyang kapangyarihan bilang hari upang isakatuparan ang kalooban ng kaniyang Ama para sa lupa at sa mga tumatahan dito.—Ihambing ang Mat 6:9, 10.
Ipinapalagay ng ilan, salig sa mga tekstong nagsasabi na si Jesus ay makikitang “dumarating na nasa mga ulap taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian” (Mar 13:26; Apo 1:7), na ang kaniyang pagkanaririto ay tiyak na makikita. Gayunman, gaya ng ipinaliwanag sa ilalim ng pamagat na ULAP (Makatalinghagang Paggamit), ang paggamit ng mga ulap may kaugnayan sa ibang mga pagpapamalas ng Diyos ng kaniyang sarili ay nagpapahiwatig ng pagiging di-nakikita sa halip na ng pagiging nakikita. Gayundin naman, ang ‘pagkakita’ ay maaaring tumukoy sa makasagisag na pagkakita, ang pagkaunawa sa pamamagitan ng isip at puso. (Isa 44:18; Jer 5:21; Eze 12:2, 3; Mat 13:13-16; Efe 1:17, 18) Kung hindi ito kikilalanin ng isa, mangangahulugan ito na hindi rin niya kinikilala na ang kabaligtaran ng pagkakita, samakatuwid nga, ang pagkabulag, ay maaaring gamitin sa makasagisag o espirituwal na diwa, sa halip na sa literal na diwa. Gayunman, maliwanag na parehong ginamit ni Jesus ang pagkakita at ang pagkabulag sa gayong makasagisag o espirituwal na diwa. (Ju 9:39-41; Apo 3:14-18; ihambing din ang 2Co 4:4; 2Pe 1:9.) Matapos kausapin ni Jehova si Job “mula sa buhawi” (malamang na may kasamang mga ulap), sinabi ni Job: “Sa sabi-sabi ay nakarinig ako ng tungkol sa iyo, ngunit ngayon ay nakikita ka nga ng aking mata.” (Job 38:1; 42:5) Tiyak na ito rin ay sa pamamagitan ng pagkaunawa ng isip at puso sa halip na pagkakita ng literal na mata, dahil maliwanag na itinuturo ng Kasulatan na “walang taong nakakita sa Diyos kailanman.”—Ju 1:18; 5:37; 6:46; 1Ju 4:12.
Kontra sa paniniwala na ang pagkanaririto ni Jesus ay makikita (sa diwang magpapakita si Jesus taglay ang isang katawang makikita ng mga mata ng tao), sinabi ni Jesus mismo na sa kaniyang kamatayan ay ihahain niya ang kaniyang laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan (Ju 6:51) at sinabi rin ng apostol na si Pablo na ang binuhay-muling si Jesus ay “tumatahan sa di-malapitang liwanag, na walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita.” (1Ti 6:14-16) Dahil dito ay masasabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “sandali na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan.” Totoo, makikita siya ng kaniyang mga alagad, hindi lamang dahil magpapakita siya sa kanila matapos siyang buhaying-muli kundi dahil pagsapit din ng takdang panahon ay bubuhayin silang muli upang makasama niya sa langit at ‘makita ang kaluwalhatiang ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama.’ (Ju 14:19; 17:24) Subalit hindi na siya makikita ng sanlibutan sa pangkalahatan sapagkat matapos siyang buhaying-muli bilang espiritung nilalang (1Pe 3:18), tanging sa kaniyang mga alagad nagpakita si Jesus. Sila rin lamang, hindi ang sanlibutan, ang nakakita sa pag-akyat niya sa langit, at tiniyak sa kanila ng mga anghel na naroroon na ang pagbabalik ni Jesus ay magaganap “sa katulad na paraan” (sa Gr., troʹpos, hindi mor·pheʹ, “anyo”), samakatuwid nga, hindi hayag sa madla, anupat tanging ang kaniyang tapat na mga tagasunod ang makauunawa.—Gaw 1:1-11.
Tiyak na ang masamang kalagayan ng puso lakip na ang maling mga inaasahan may kinalaman sa pagkanaririto ni Kristo ang isang sanhi ng saloobin ng mga manunuya. Inihula na sa “mga huling araw,” sila ay mangungutya at magsasabi: “Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.”—2Pe 3:2-4; ihambing ang 1:16.
Maliwanag na mababatid ng mga tao ang nagaganap sa “pagkakasiwalat” (sa Gr., a·po·kaʹly·psis) ni Jesu-Kristo “kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2Te 1:7-9) Gayunman, bago ang pagkakasiwalat na iyon, may magaganap pa rin na isang di-nakikitang pagkanaririto na hindi mapag-uunawa ng lahat maliban sa mga tapat. Maaalaala natin na nang ihalintulad ni Jesus ang kaniyang pagkanaririto sa “mga araw ni Noe,” sinabi niya na noong panahon ni Noe ay ‘hindi nagbigay-pansin’ ang mga tao hanggang sa mapuksa sila sa pamamagitan ng tubig, at “magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mat 24:37-39.
Mga pangyayari na magsisilbing tanda ng kaniyang pagkanaririto. Ipinangako ni Jesus na makakasama siya ng kaniyang mga tagasunod sa kanilang mga pagtitipon (Mat 18:20), at tiniyak din niya sa kanila na siya ay ‘sasakanila’ sa paggawa nila ng mga alagad “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat 28:19, 20) Sabihin pa, tiyak na higit pa rito ang tinutukoy ng pa·rou·siʹa sa Mateo 24:3 at sa kaugnay na mga teksto. Maliwanag na nauugnay ito sa isang pantanging pagkanaririto, isa na magsasangkot at makaaapekto sa lahat ng tumatahan sa lupa at tuwirang nauugnay sa paggamit ni Jesus ng kaniyang lubos na awtoridad bilang Haring pinahiran ng Diyos.
Kabilang sa mga pangyayari na magsisilbing tanda ng pagkanaririto ni Jesus taglay ang kapangyarihan ng Kaharian ay: Ang pagkabuhay-muli ng kaniyang mga tagasunod na namatay na, na mga kasama niyang tagapagmana sa makalangit na Kaharian (1Co 15:23; Ro 8:17); ang pagtitipon niya sa iba pang mga tagasunod na nabubuhay sa panahon ng kaniyang pagkanaririto upang maging kaisa niya (Mat 24:31; 2Te 2:1); ang ‘pagpawi’ niya sa apostatang “taong tampalasan,” anupat isasagawa ito ‘sa pamamagitan ng pagkakahayag [e·pi·pha·neiʹai] ng pagkanaririto ni Jesus’ (2Te 2:3-8; tingnan ang TAONG TAMPALASAN); ang pagpuksa sa lahat ng hindi nagbigay-pansin sa oportunidad ukol sa katubusan (Mat 24:37-39); at, ang pagpapasimula ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari (Apo 20:1-6). Tingnan din ang artikulong PAGBABAGONG-ANYO para sa impormasyon hinggil sa kung paano napasigla ang mga nakakita sa pangitaing iyon tungkol kay Kristo taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian upang ipabatid sa iba ang “kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—2Pe 1:16-18.
Mga kalagayang kaakibat ng kaniyang pagkanaririto. Sa makasagisag na pananalita, ang aklat ng Apocalipsis ay naghaharap ng maraming impormasyon may kaugnayan sa pagkanaririto ni Kristo at sa kaniyang pagkakahayag at pagkakasiwalat. Ang makasagisag na larawan ng may-koronang mangangabayo na nakasakay sa kabayong puti na inilalarawan sa Apocalipsis 6:1, 2 ay tumutugma sa mangangabayo ng Apocalipsis 19:11-16, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” si Kristo Jesus. Ipinakikita ng Apocalipsis kabanata 6 na kapag sumakay na si Kristo bilang nanlulupig na Hari, hindi niya kaagad aalisin ang kabalakyutan sa lupa, kundi sa halip, ang pagsakay niya ay may kaakibat na digmaan na mag-aalis ng “kapayapaan mula sa lupa,” at kakapusan sa pagkain at nakamamatay na salot. (Apo 6:3-8) Katugma naman ito ng mga kaganapang binabanggit sa hula ni Kristo sa Mateo 24, Marcos 13, at Lucas 21. Samakatuwid, ang hula ni Jesus na masusumpungan sa mga ulat ng Ebanghelyo, na maliwanag na nauugnay sa pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito (naganap noong 70 C.E.), ay may pagkakapit din sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, at sa gayon ay naglalaan ng “tanda” na magpapahiwatig na naririto na si Jesus at namamahala na mula sa langit bilang Mesiyanikong Hari.—Mat 24:3, 32, 33; Luc 21:29-31.
Ang iba pang mga pagtukoy sa pagkanaririto ni Kristo sa pangkalahatan ay nagbibigay ng pampatibay-loob na manatiling tapat at magbata hanggang sa panahong iyon at sa mismong panahong iyon.—1Te 2:19; 3:12, 13; 5:23; San 5:7, 8; 1Ju 2:28.
Ang Pagkanaririto ng Araw ni Jehova. Sa kaniyang ikalawang liham, pinayuhan ni Pedro ang kaniyang mga kapatid na ‘hintayin at ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova,’ anupat ipinakikita iyon sa paraan ng kanilang pamumuhay. (2Pe 3:11, 12) Dapat nilang tiyakin na ang araw ng paghuhukom ni Jehova ay laging nasa kanilang isipan, anupat natatantong iyon ay malapit na. Sa nabanggit na “araw ni Jehova,” ang namamahalang “mga langit” ng balakyot na sanlibutang ito ay pupuksain na para bang sa pamamagitan ng apoy at ang “mga elemento” na kasama niyaon ay hindi makatatagal kundi matutunaw dahil sa matinding init. Ang kasalukuyang sistema na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas ay magwawakas.
Yamang ang Diyos na Jehova ay kumikilos sa pamamagitan ng kaniyang Anak at inatasang Hari, si Kristo Jesus (Ju 3:35; ihambing ang 1Co 15:23, 24), makatuwirang isipin na magkaugnay ang ipinangakong “pagkanaririto” ni Jehova at ang “pagkanaririto” ni Kristo Jesus. Aasahan natin na yaong mga mangungutya kapag ipinahayag ang una ay mangungutya rin kapag ipinahayag ang ikalawa. Muli, ang saloobin ng mga tao bago ang Delubyo ay ginamit bilang katumbas na parisan nito.—2Pe 3:5-7; ihambing ang Mat 24:37-39.
Ang Pagkanaririto ng Isa na Tampalasan. Sa 2 Tesalonica 2:9-12, sinabi ng apostol na ang “pagkanaririto ng isa na tampalasan” ay “ayon sa pagkilos ni Satanas taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at taglay ang bawat likong panlilinlang.” Ipinakikita rin nito na ang pa·rou·siʹa ay nangangahulugan ng higit pa sa isang panandaliang pagdating, o pagparito, sapagkat kailangan ang mahaba-habang yugto ng panahon upang maisagawa ang lahat ng gayong mga gawa, mga tanda, mga palatandaan, at panlilinlang.