Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
7 Kaya nga, dahil sa mga pangakong ito sa atin,+ mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu+ para maabot natin ang lubos na kabanalan nang may takot sa Diyos.+
2 Bigyan ninyo kami ng puwang sa puso ninyo.+ Wala kaming ginawan ng mali, pinasamâ, o dinaya.+ 3 Hindi ko ito sinasabi para hatulan kayo. Dahil sinabi ko na sa inyo na mamatay man tayo o mabuhay, mananatili kayo sa puso namin. 4 Nakakausap ko kayo nang tapatan. Talagang ipinagmamalaki ko kayo. Panatag ang loob ko; nag-uumapaw ako sa saya sa kabila ng lahat ng paghihirap namin.+
5 Ang totoo, nang dumating kami sa Macedonia,+ hindi kami naginhawahan kundi patuloy kaming nahirapan sa bawat paraan—may mga pagsalakay ng mga kaaway mula sa labas at may takot sa puso namin. 6 Pero nang dumalaw si Tito, inaliw kami ng Diyos, na umaaliw sa mga nalulungkot.+ 7 Hindi lang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Naaliw rin kami dahil masaya siyang bumalik dahil sa inyo. Ibinalita niya ang kagustuhan ninyong makita ako, ang matinding kalungkutan ninyo, at ang tunay na pagmamalasakit ninyo sa akin; kaya lalo pa akong nagsaya.
8 Kahit napalungkot ko kayo dahil sa liham ko,+ hindi ko iyon pinagsisisihan. Kung pinagsisihan ko man iyon noong una, (dahil nakita kong napalungkot kayo ng liham na iyon, pero sandali* lang naman), 9 natutuwa ako ngayon, hindi dahil nalungkot kayo kundi dahil inakay kayo ng inyong kalungkutan sa pagsisisi. Ang kalungkutan ninyo ay ayon sa kalooban ng Diyos, kaya hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10 Dahil ang kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos ay umaakay sa pagsisisi at kaligtasan, kaya hindi ito panghihinayangan;+ pero ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan. 11 Tingnan ninyo kung ano ang naging epekto sa inyo ng inyong kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos! Nilinis ninyo ang inyong pangalan, nagalit kayo, natakot, nanabik, at talagang nagsikap na itama ang mali!+ Ginawa ninyo nang tama ang lahat ng bagay para malutas ang problemang ito. 12 Sumulat ako sa inyo, hindi para sa nagkasala o para sa nagawan ng kasalanan,+ kundi para maipakita ninyo sa Diyos ang matinding kagustuhan ninyo na makinig sa amin. 13 Iyan ang dahilan kaya kami naaliw.
Pero bukod sa kaaliwang nadama namin, mas natuwa kami dahil masayang-masaya si Tito, dahil napatibay siya sa inyong lahat. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kaniya, at hindi ako napahiya. Kung paanong totoo ang lahat ng sinabi namin sa inyo, napatunayan ding totoo ang lahat ng ipinagmalaki namin kay Tito. 15 At lalo pa kayong napapamahal sa kaniya kapag naaalaala niya ang pagkamasunurin ninyong lahat,+ kung paanong tinanggap ninyo siya nang may matinding paggalang. 16 Masaya ako dahil tiwala akong gagawin ninyo ang tama sa lahat ng bagay.