PAGLALANG, NILALANG
Ang paglalang ay ang akto ng paglikha sa isang persona o bagay. Ang nilalang naman ay tumutukoy sa isang persona o bagay na nilikha. Ang Hebreong ba·raʼʹ at ang Griegong ktiʹzo, na kapuwa nangangahulugang “lumalang,” ay eksklusibong ginagamit sa mga gawang paglalang ng Diyos.
Sa buong Kasulatan, ipinakikilala ang Diyos na Jehova bilang Maylalang. Siya ang “Maylalang ng langit, . . . Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito.” (Isa 45:18) Siya ang “Tagapag-anyo ng mga bundok at ang Maylalang ng hangin” (Am 4:13) at “ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga ito.” (Gaw 4:24; 14:15; 17:24) ‘Ang Diyos ang lumalang ng lahat ng mga bagay.’ (Efe 3:9) Kinilala ni Jesu-Kristo si Jehova bilang ang Isa na lumalang sa mga tao, anupat ginawa Niya silang lalaki at babae. (Mat 19:4; Mar 10:6) Kaya naman, angkop at bukod-tanging tinatawag si Jehova bilang “ang Maylalang.”—Isa 40:28.
Ang lahat ng bagay ay ‘umiral at nalalang’ dahil sa kalooban ni Jehova. (Apo 4:11) Si Jehova, na umiiral sa lahat ng panahon, ay nag-iisa bago nagsimula ang paglalang.—Aw 90:1, 2; 1Ti 1:17.
Bagaman si Jehova, na isang Espiritu (Ju 4:24; 2Co 3:17), ay umiiral na mula’t sapol, hindi ganiyan ang materyang bumubuo sa sansinukob. Samakatuwid, nang lalangin niya ang literal na langit at lupa, hindi gumamit si Jehova ng materyal na dati nang umiiral. Nililinaw iyan ng Genesis 1:1, na nagsasabi: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Kung dati nang umiiral ang materya, hindi wastong gamitin ang terminong “pasimula” para sa materyal na mga bagay. Gayunman, matapos Niyang lalangin ang planetang Lupa, inanyuan ng Diyos “mula sa lupa ang bawat mailap na hayop sa parang at bawat lumilipad na nilalang sa langit.” (Gen 2:19) Inanyuan din niya ang tao “mula sa alabok ng lupa,” anupat inihihip sa mga butas ng ilong nito ang hininga ng buhay kung kaya ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.—Gen 2:7.
Angkop ang pagkakasabi ng Awit 33:6: “Sa pamamagitan ng salita ni Jehova ay nalikha ang langit, at ang buong hukbo nila ay sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig.” Nang ang lupa ay ‘wala pang anyo at tiwangwang,’ anupat “may kadiliman sa ibabaw ng matubig na kalaliman,” ang aktibong puwersa ng Diyos ay gumagalaw nang paroo’t parito sa ibabaw ng tubig. (Gen 1:2) Samakatuwid, ginamit ng Diyos ang kaniyang aktibong puwersa, o “espiritu” (sa Heb., ruʹach), sa paglalang. Ang mga bagay na nilalang niya ay nagpapatotoo hindi lamang sa kaniyang kapangyarihan kundi maging sa kaniyang pagka-Diyos. (Jer 10:12; Ro 1:19, 20) At, yamang si Jehova ay “isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan” (1Co 14:33), ang kaniyang gawang paglalang ay kakikitaan ng kaayusan at hindi ng kaguluhan o pagbabakasakali. Ipinaalaala ni Jehova kay Job na gumawa Siya ng espesipikong mga hakbang nang itatag Niya ang lupa at harangan ang dagat at ipinahiwatig Niya na may “mga batas ng langit.” (Job 38:1, 4-11, 31-33) Karagdagan pa, ang paglalang at iba pang mga gawa ng Diyos ay sakdal.—Deu 32:4; Ec 3:14.
Ang unang nilalang ng Diyos ay ang kaniyang “bugtong na Anak” (Ju 3:16), “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apo 3:14) Ang isang ito, “ang panganay sa lahat ng nilalang,” ay ginamit ni Jehova nang lalangin niya ang lahat ng iba pang bagay, yaong mga nasa langit at yaong mga nasa lupa, “ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita.” (Col 1:15-17) Ganito ang kinasihang patotoo ni Juan tungkol sa Anak na ito, ang Salita: “Ang lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya, at kung hiwalay sa kaniya ay walang isa mang bagay ang umiral.” Ipinakilala ng apostol ang Salita bilang si Jesu-Kristo, na naging laman. (Ju 1:1-4, 10, 14, 17) Bilang personipikasyon ng karunungan, ang Isang ito ay inilalarawang nagsasabi, “Ginawa ako ni Jehova bilang ang pasimula ng kaniyang lakad,” at sinasabi niya na kasama siya noon ng Diyos na Maylalang bilang “dalubhasang manggagawa” ni Jehova. (Kaw 8:12, 22-31) Dahil sa malapít na pagsasamahan ni Jehova at ng kaniyang bugtong na Anak sa gawaing paglalang at dahil ang Anak na iyon ang “larawan ng di-nakikitang Diyos” (Col 1:15; 2Co 4:4), maliwanag na kausap ni Jehova ang Kaniyang bugtong na Anak at dalubhasang manggagawa nang sabihin Niya, “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.”—Gen 1:26.
Matapos lalangin ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak, ginamit niya siya upang pairalin ang makalangit na mga anghel. Iyan ay bago pa itinatag ang lupa, gaya ng isiniwalat ni Jehova nang tanungin niya si Job: “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa . . . nang magkakasamang humiyaw nang may kagalakan ang mga bituing pang-umaga, at nang sumigaw sa pagpuri ang lahat ng mga anak ng Diyos?” (Job 38:4-7) Pagkatapos malikha ang makalangit na mga espiritung nilalang na ito, saka pa lamang ginawa, o pinairal, ang materyal na langit at lupa at ang lahat ng elemento. At, yamang si Jehova ang may pangunahing pananagutan sa lahat ng gawang paglalang na ito, sa kaniya iniuukol ang kapurihan para rito.—Ne 9:6; Aw 136:1, 5-9.
Nang sabihin nitong, “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa” (Gen 1:1), hindi tiniyak ng Kasulatan kung aling panahon ang tinutukoy nito. Kaya naman hindi mapupulaan ang paggamit dito ng terminong “pasimula,” anumang edad ang tinataya ng mga siyentipiko para sa makalupang globo at sa iba’t ibang planeta at iba pang mga bagay sa kalangitan. Posibleng bilyun-bilyong taon na ang nakararaan mula nang aktuwal na lalangin ang materyal na langit at lupa.
Karagdagang mga Gawaing Paglalang Para sa Lupa. Matapos ilahad ang paglalang sa materyal na langit at lupa (Gen 1:1, 2), binalangkas ng Genesis kabanata 1 hanggang kabanata 2, talata 3 ang karagdagang mga gawaing paglalang sa lupa. Ang Genesis kabanata 2, mula sa talata 5 patuloy, ay isang katulad na ulat na nagsisimula sa ikatlong “araw,” matapos lumitaw ang tuyong lupa ngunit bago lalangin ang mga halaman sa katihan. Nagdaragdag ito ng mga detalyeng hindi binanggit sa malawak na balangkas na nasa Genesis kabanata 1. Inilalahad ng kinasihang Rekord ang anim na yugto ng paglalang na tinatawag na “mga araw,” at ang ikapitong yugto o “ikapitong araw” kung kailan huminto ang Diyos mula sa mga gawang paglalang sa lupa at nagpasimulang magpahinga. (Gen 2:1-3) Bagaman ang ulat ng Genesis tungkol sa gawaing paglalang may kaugnayan sa lupa ay hindi nagbibigay ng detalyadong botanikal at soolohikal na mga klasipikasyon na gaya ng ginagamit sa ngayon, saklaw ng mga terminong ginamit doon ang mga pangunahing dibisyon ng buhay at nagpapakitang ang mga ito ay nilalang at ginawa upang makapagparami ayon lamang sa kani-kanilang “uri.”—Gen 1:11, 12, 21, 24, 25; tingnan ang URI, I.
Makikita sa kasunod na tsart ang mga gawaing paglalang ng Diyos sa loob ng anim na “araw” na binalangkas sa Genesis.
MGA GAWANG PAGLALANG NI JEHOVA SA LUPA
Araw
Mga Gawang Paglalang
Teksto
1
Liwanag; paghihiwalay ng araw at gabi
2
Kalawakan, paghihiwalay ng tubig sa ilalim ng kalawakan at ng tubig sa ibabaw nito
3
Tuyong lupa; pananim
4
Mga tanglaw sa langit nakita mula sa lupa
5
Mga kaluluwang nasa tubig at mga lumilipad na nilalang
6
Mga hayop sa katihan; tao
Ang Genesis 1:1, 2 ay tumutukoy sa isang panahon bago ang anim na “araw” na binalangkas sa tsart. Nang magsimula ang “mga araw” na ito, umiiral na ang araw, buwan, at mga bituin, yamang binanggit na sa Genesis 1:1 ang paglalang sa mga ito. Gayunman, bago ang anim na “araw” na ito, “ang lupa ay walang anyo at tiwangwang at may kadiliman sa ibabaw ng matubig na kalaliman.” (Gen 1:2) Lumilitaw na nababalutan pa rin ang lupa ng isang kulandong ng mga suson ng ulap, anupat hinaharangan nito ang liwanag upang hindi makaabot sa ibabaw ng lupa.
Nang sabihin ng Diyos noong Unang Araw na, “Magkaroon ng liwanag,” lumilitaw na tumagos sa mga suson ng ulap ang kalát na liwanag, bagaman hindi pa nakikita mula sa ibabaw ng lupa ang mga pinagmumulang iyon ng liwanag. Waring unti-unti ang prosesong ito, gaya ng ipinahihiwatig ng tagapagsalin na si J. W. Watts: “At unti-unti, ang liwanag ay umiral.” (Gen 1:3, A Distinctive Translation of Genesis) Pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag at ang kadiliman, anupat tinawag na Araw ang liwanag at tinawag namang Gabi ang kadiliman. Ipinahihiwatig nito na ang lupa ay umiinog sa axis nito habang umiikot ito sa palibot ng araw, upang ang mga hemisperyo nito, ang silangan at ang kanluran, ay magkaroon ng mga yugto ng liwanag at kadiliman.—Gen 1:3, 4.
Noong Ikalawang Araw, gumawa ang Diyos ng isang kalawakan [expanse] sa pamamagitan ng pagpapangyaring mahiwalay “ang tubig sa tubig.” Ang ibang tubig ay nanatili sa lupa, ngunit ang malaking bahagi ng tubig ay pinailanlang nang mataas sa ibabaw ng lupa, at sa pagitan ng dalawang ito ay nagkaroon ng isang kalawakan. Tinawag ng Diyos na Langit ang kalawakan, ngunit ito’y may kaugnayan lamang sa lupa, yamang ang tubig na nakalutang sa ibabaw ng kalawakang iyon ay hindi sinasabing naglalaman ng mga bituin o iba pang mga bagay sa kalangitan.—Gen 1:6-8; tingnan ang KALAWAKAN.
Noong Ikatlong Araw, sa pamamagitan ng himala ng kapangyarihan ng Diyos, ang tubig sa lupa ay natipon at lumitaw ang tuyong lupa, na tinawag ng Diyos na Lupa. Nang araw ring iyon, hindi sa pamamagitan ng pagbabakasakali o mga proseso ng ebolusyon, kumilos ang Diyos upang ilakip sa mga atomo ng materya ang simulain ng buhay, anupat umiral ang damo, pananim, at mga namumungang punungkahoy. Ang bawat isa sa tatlong pangkalahatang dibisyong ito ay may kakayahang magparami ayon sa “uri” nito.—Gen 1:9-13.
Noong Ikaapat na Araw, naisakatuparan naman ang kalooban ng Diyos may kinalaman sa mga tanglaw, anupat iniulat: “Pinasimulang gawin ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw, ang mas malaking tanglaw para magpuno sa araw at ang mas maliit na tanglaw para magpuno sa gabi, at gayundin ang mga bituin. Sa gayon ay inilagay ng Diyos ang mga iyon sa kalawakan ng langit upang sumikat sa ibabaw ng lupa, at upang magpuno sa araw at sa gabi at upang paghiwalayin ang liwanag at ang kadiliman.” (Gen 1:16-18) Batay sa deskripsiyon ng mga tanglaw na ito, lumilitaw na ang mas malaking tanglaw ay ang araw at ang mas maliit na tanglaw ay ang buwan. Gayunman, saka lamang espesipikong binanggit sa Bibliya ang araw at buwan pagkatapos ng ulat nito tungkol sa Baha noong mga araw ni Noe.—Gen 15:12; 37:9.
Bago nito, noong unang “araw,” ginamit ang pananalitang “Magkaroon ng liwanag.” Ang salitang Hebreo na ginamit doon para sa “liwanag” ay ʼohr, na nangangahulugang liwanag sa pangkalahatang diwa. Ngunit noong ikaapat na “araw,” ang salitang Hebreo na ginamit ay naging ma·ʼohrʹ, na tumutukoy sa isang tanglaw o pinagmumulan ng liwanag. (Gen 1:14) Kaya noong unang “araw,” maliwanag na tumagos sa mga kulandong ang kalát na liwanag, ngunit ang mga pinagmumulan ng liwanag na iyon ay hindi pa nakikita mula sa lupa. Ngunit maliwanag na nagbago ang mga kalagayan noong ikaapat na “araw.”
Kapansin-pansin din na hindi ginamit sa Genesis 1:16 ang pandiwang Hebreo na ba·raʼʹ, na nangangahulugang “lumalang.” Sa halip, ginamit doon ang pandiwang Hebreo na ʽa·sahʹ, na nangangahulugang “gumawa.” Yamang ang araw, buwan, at mga bituin ay kasama sa “langit” na binanggit sa Genesis 1:1, nalalang na ang mga ito matagal na panahon bago pa ang Ikaapat na Araw. Noong ikaapat na araw, ‘gumawa’ ang Diyos upang ang mga bagay na ito sa kalangitan ay magkaroon ng bagong kaugnayan sa lupa at sa kalawakang nasa ibabaw niyaon. Nang sabihing, “Inilagay ng Diyos ang mga iyon sa kalawakan ng langit upang sumikat sa ibabaw ng lupa,” ipinahihiwatig nito na maaari nang makita ang mga iyon mula sa lupa, na para bang ang mga iyon ay nasa kalawakang iyon. Gayundin, ang mga tanglaw ay “magsisilbing mga tanda at para sa mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon,” anupat magiging giya ng tao sa iba’t ibang paraan.—Gen 1:14.
Noong Ikalimang Araw, nilalang sa lupa ang unang mga kaluluwang di-tao. Hindi ito iisang nilikha na nilayon ng Diyos na magbago tungo sa ibang mga anyo, kundi literal na kulu-kulupon ng mga kaluluwang buháy ang iniluwal ng kapangyarihan ng Diyos. Sinasabi ng ulat: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang malalaking dambuhalang hayop-dagat at bawat kaluluwang buháy na gumagalaw, na ibinukal ng tubig ayon sa kani-kanilang uri, at bawat may-pakpak na lumilipad na nilalang ayon sa uri nito.” Palibhasa’y nalugod sa Kaniyang nilikha, pinagpala ng Diyos ang mga iyon at, sa diwa’y sinabihan sila na “magpakarami,” na posible naman, sapagkat ang mga nilalang na ito mula sa maraming iba’t ibang uri ng pamilya ay pinagkalooban Niya ng kakayahang magparami “ayon sa kani-kanilang uri.”—Gen 1:20-23.
Noong Ikaanim na Araw, “pinasimulang gawin ng Diyos ang mailap na hayop sa lupa ayon sa uri nito at ang maamong hayop ayon sa uri nito at bawat gumagalang hayop sa lupa ayon sa uri nito,” anupat ang gawang ito ay naging mabuti, gaya ng lahat ng naunang mga gawang paglalang ng Diyos.—Gen 1:24, 25.
Sa pagtatapos ng ikaanim na araw ng gawaing paglalang, lumikha ang Diyos ng isang bago at naiibang uri ng nilalang na nakahihigit sa mga hayop, bagaman mas mababa kaysa sa mga anghel. Ito ay ang tao, na nilalang ayon sa larawan ng Diyos at ayon sa kaniyang wangis. Sa maikli, binanggit ng Genesis 1:27 na “nilalang niya [ng Diyos] sila na lalaki at babae.” Ipinakikita naman ng katulad na ulat sa Genesis 2:7-9 na inanyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa, inihihip sa mga butas ng ilong nito ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy, na pinaglaanan ng paraisong tahanan at ng pagkain. Dito, ginamit ni Jehova ang mga elemento ng planetang Lupa at pagkatapos, nang maanyuan niya ang lalaki, nilalang naman niya ang babaing tao sa pamamagitan ng paggamit sa isa sa mga tadyang ni Adan bilang pundasyon. (Gen 2:18-25) Pagkatapos malalang ang babae, ang tao ay nakumpleto bilang isang “uri.”—Gen 5:1, 2.
Sa gayo’y pinagpala ng Diyos ang sangkatauhan, anupat sinabihan niya ang unang lalaki at ang asawa nito: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Gen 1:28; ihambing ang Aw 8:4-8.) Pinaglaanan ng Diyos ang mga tao at ang iba pang mga makalupang nilalang sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng “lahat ng luntiang pananim bilang pagkain.” Bilang resulta ng gayong gawang paglalang, iniulat ng kinasihang Rekord: “Pagkatapos ay nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Gen 1:29-31) Palibhasa’y matagumpay na nagwakas ang ikaanim na araw at natapos ng Diyos ang gawang paglalang na ito, “siya ay nagpasimulang magpahinga noong ikapitong araw mula sa lahat ng kaniyang gawain na ginawa niya.”—Gen 2:1-3.
Ganito nagtatapos ang repaso ng mga naisagawa sa bawat isa sa anim na araw ng gawaing paglalang: “At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga,” ang una, ikalawa, ikatlong araw, at patuloy. (Gen 1:5, 8, 13, 19, 23, 31) Yamang ang haba ng bawat araw ng paglalang ay mahigit sa 24 na oras (gaya ng tatalakayin sa bandang huli), ang pananalitang ito ay hindi kapit sa literal na gabi at araw kundi makasagisag. Sa gabi, ang mga bagay-bagay ay malabo; ngunit sa umaga, ang mga iyon ay makikita nang malinaw. Sa panahon ng “gabi,” o pasimula, ng bawat yugto, o “araw,” ng paglalang, ang layunin ng Diyos para sa araw na iyon, bagaman alam na alam niya, ay malabo pa sa sinumang anghelikong tagapagmasid. Gayunman, pagsapit ng “umaga,” lubusang magliliwanag kung ano ang nilayon ng Diyos para sa araw na iyon, palibhasa’y naisagawa na ito sa panahong iyon.—Ihambing ang Kaw 4:18.
Haba ng mga Araw ng Paglalang. Hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya kung gaano kahaba ang bawat isa sa mga yugto ng paglalang. Ngunit tapos na ang anim na yugtong ito, anupat ganito ang sinabi hinggil sa ikaanim na araw (gaya rin sa naunang limang araw): “At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ang ikaanim na araw.” (Gen 1:31) Gayunman, walang sinasabing ganito hinggil sa ikapitong araw, kung kailan nagpasimulang magpahinga ang Diyos, anupat nagpapahiwatig na nagpatuloy pa ito. (Gen 2:1-3) Bukod diyan, mahigit sa 4,000 taon pagkatapos magsimula ang ikapitong araw, o araw ng kapahingahan ng Diyos, sinabi ni Pablo na nagpapatuloy pa ito. Sa Hebreo 4:1-11, tinukoy niya ang naunang mga salita ni David (Aw 95:7, 8, 11) at ang Genesis 2:2 at humimok siya: “Samakatuwid ay gawin natin ang ating buong makakaya na pumasok sa kapahingahang iyon.” Noong panahon ng apostol na si Pablo, ang ikapitong araw ay libu-libong taon nang nagpapatuloy at hindi pa natatapos. Maliwanag na ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, na “Panginoon ng sabbath” (Mat 12:8), ay bahagi ng dakilang sabbath, samakatuwid nga, ang araw ng kapahingahan ng Diyos. (Apo 20:1-6) Ipinahihiwatig nito na libu-libong taon ang lilipas mula sa pasimula ng araw ng kapahingahan ng Diyos hanggang sa katapusan nito. Waring ang sanlinggo ng mga araw na nakasaad sa Genesis 1:3 hanggang 2:3, na ang huling araw ay isang sabbath, ay katulad ng paghahati-hati ng mga Israelita sa kanilang panahon, anupat nangingilin sila ng sabbath tuwing ikapitong araw ng sanlinggo, alinsunod sa kalooban ng Diyos. (Exo 20:8-11) At, yamang libu-libong taon nang nagpapatuloy ang ikapitong araw, makatuwirang isipin na ang haba ng bawat isa sa anim na yugto, o araw, ng paglalang ay di-bababa sa libu-libong taon.
Ang isang araw ay maaaring mas mahaba kaysa sa 24 na oras, gaya ng ipinakikita sa Genesis 2:4, kung saan tinutukoy ang lahat ng mga yugto ng paglalang bilang isang “araw.” Ipinahihiwatig din ito ng kinasihang pananalita ni Pedro na “ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.” (2Pe 3:8) Mas katugma ng katibayang natagpuan sa lupa ang pagtatakda ng mas mahabang yugto ng panahon, hindi lamang 24 na oras kundi libu-libong taon, sa bawat araw ng paglalang.
Nauna sa mga Imbensiyon ng Tao ang mga Bagay na Nilalang. Libu-libong taon bago lumitaw ang mga imbensiyon ng tao, naglaan na si Jehova sa kaniyang mga nilalang ng mga bersiyon ng mga iyon. Halimbawa, ang paglipad ng mga ibon ay mile-milenyong nauna sa paggawa ng mga eroplano. Ang chambered nautilus at ang pugita ay gumagamit ng mga flotation tank upang pumailalim at pumaitaas sa karagatan gaya ng ginagawa ng mga submarino. Ang oktopus at pusit ay gumagamit ng jet propulsion. Ang mga paniki at mga dolphin ay mga eksperto sa sonar. Ang ilang reptilya at ibong-dagat ay may kani-kaniyang likas na “desalination plant” para makainom sila ng tubig-dagat.
Sa pamamagitan ng malikhaing pagdidisenyo ng kanilang mga pugad at paggamit nila ng tubig, ini-air-condition ng mga anay ang kanilang mga bahay. Ang mga mikroskopikong halaman, mga insekto, mga isda, at mga punungkahoy ay gumagamit ng sarili nilang “antifreeze.” Nahahalata ng ilang ahas, lamok, ibong mallee, at brush turkey ang bahagyang pagbabago sa temperatura dahil sa kanilang likas na termometro. Gumagawa naman ng papel ang mga putakting hornet, wasp, at yellow jacket.
Kinikilalang si Thomas Edison ang nakaimbento ng de-kuryenteng bombilya ng ilaw, ngunit maaksaya ito sa enerhiya dahil nag-iinit ito. Samantala, ang mga nilalang ni Jehova—mga espongha, halamang-singaw, baktirya, glowworm, insekto, isda—ay lumilikha ng malamig na liwanag at may iba’t ibang kulay pa.
Bukod sa mga kompas sa kanilang utak, maraming nandarayuhang ibon ang mayroon ding mga biyolohikal na orasan. Ang ilang mikroskopikong baktirya ay may mga rotary motor na mapaaandar nila nang atras-abante.
Makatuwiran nga ang sinabi ng Awit 104:24: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”
Sinisikap ng ilang tao na pag-ugnayin ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang at ang mitolohikal at paganong mga ulat, gaya ng kilaláng Babilonyong Epiko ng Paglalang. Ang totoo, may iba’t ibang kuwento ng paglalang sa sinaunang Babilonya, ngunit ang isa na kilalang-kilala ay ang mito tungkol kay Marduk, ang pambansang diyos ng Babilonya. Sa maikli, inilalahad nito ang pag-iral ng diyosang si Tiamat at ng diyos na si Apsu, na naging mga magulang ng iba pang mga bathala. Lubhang napighati si Apsu sa ginagawa ng mga diyos na ito kung kaya ipinasiya niyang puksain sila. Gayunman, si Apsu ay pinatay ni Ea, isa sa mga diyos na ito, at nang tangkain ni Tiamat na ipaghiganti si Apsu, pinatay naman siya ng anak ni Ea na si Marduk. Hinati ni Marduk ang katawan ni Tiamat at ginamit ang kalahati nito upang gawin ang kalangitan at ang kalahati naman para itatag ang lupa. Pagkatapos, nilalang ni Marduk ang sangkatauhan (sa tulong ni Ea), anupat ginamit niya ang dugo ng isa pang diyos, si Kingu, na tagapamahala ng mga hukbo ni Tiamat.
Humiram ba ang Bibliya sa mga Babilonyong kuwento ng paglalang?
Sa kaniyang aklat, binanggit ni P. J. Wiseman na, nang unang matuklasan ang mga Babilonyong tapyas tungkol sa paglalang, umaasa ang ilang iskolar na magkakaroon ng karagdagang tuklas at pagsasaliksik na magpapakitang may pagkakatulad ang mga iyon at ang ulat ng paglalang sa Genesis. Inakala ng ilan na magiging malinaw na ang ulat ng Genesis ay hiniram sa mga Babilonyo. Gayunman, lalo lamang luminaw ang malaking pagkakaiba ng dalawang ulat dahil sa karagdagang tuklas at pagsasaliksik. Walang pagkakatulad ang mga iyon. Sinipi ni Wiseman ang The Babylonian Legends of the Creation and the Fight Between Bel and the Dragon, inilabas ng Trustees of the British Museum, na naniniwalang “magkaibang-magkaiba ang pangunahing mga konsepto ng mga ulat ng mga Babilonyo at ng mga Hebreo.” Ganito mismo ang kaniyang komento: “Nakalulungkot na sa halip na umalinsabay sa makabagong arkeolohikal na pagsasaliksik, patuloy na inuulit ng maraming teologo ang teoriyang napabulaanan na ngayon hinggil sa ‘mga paghiram’ ng mga Hebreo sa mga Babilonyo.”—Creation Revealed in Six Days, London, 1949, p. 58.
Bagaman binabanggit ng ilan ang mga tila pagkakahawig ng Babilonyong epiko at ng ulat ng paglalang sa Genesis, kitang-kita sa naunang pagtalakay sa salaysay ng paglalang sa Bibliya at sa nabanggit na buod ng Babilonyong mito na talagang hindi magkahawig ang mga iyon. Samakatuwid, hindi na kailangang pakasuriin at paghambingin ang mga iyon. Gayunman, nang isaalang-alang niya ang waring mga pagkakahawig at mga pagkakaiba (gaya ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari) ng mga ulat na ito, ganito ang puna ni Propesor George A. Barton: “Ang mas mahalagang pagkakaiba ay nasa relihiyosong mga konsepto ng dalawang ito. Ang tulang Babilonyo ay mitolohikal at politeistiko. Mababa ang konsepto nito tungkol sa pagkabathala. Ang mga diyos nito ay umiibig at napopoot, nakikipagsabuwatan at nagpapakana, nakikipaglaban at pumupuksa. Si Marduk, ang kampeon, ay nakapanlulupig lamang pagkatapos ng mabangis na pakikipaglaban, na halos sumasaid sa kaniyang kapangyarihan. Samantala, mababanaag sa Genesis ang pinakamarangal na monoteismo. Ang Diyos ay sukdulang panginoon ng lahat ng elemento ng sansinukob, anupat sinusunod ng mga ito ang bawat sabihin niya. Nakokontrol niya nang walang kahirap-hirap ang lahat ng bagay. Anumang salitain niya ay natutupad. Ipagpalagay natin, gaya ng karamihan sa mga iskolar, na may kaugnayan ang dalawang salaysay; ang pinakamahusay na panukat ng pagiging kinasihan ng ulat ng Bibliya ay ang ihambing ito sa ulat ng mga Babilonyo. Habang binabasa natin sa ngayon ang kabanata sa Genesis, isinisiwalat pa rin nito sa atin ang karingalan at kapangyarihan ng iisang Diyos, at pinupukaw nito sa makabagong tao, gaya rin sa sinaunang Hebreo, ang isang mapagpitagang saloobin sa Maylalang.”—Archaeology and the Bible, 1949, p. 297, 298.
Sa pangkalahatan ay ganito ang sinabi tungkol sa sinaunang mga mito ng paglalang: “Wala pang natuklasang mito na tuwirang tumutukoy sa paglalang ng sansinukob, at yaong mga may kinalaman sa pagkakaorganisa ng sansinukob at sa pangkulturang mga proseso nito, sa paglalang sa tao at sa pagtatatag ng sibilisasyon ay kakikitaan ng politeismo at ng paglalabanan ng mga bathala na ibang-iba sa monoteismong Heb. ng Gn. 1-2.”—New Bible Dictionary, inedit ni J. Douglas, 1985, p. 247.
“Isang Bagong Nilalang.” Pagkatapos ng ikaanim na yugto, o “araw,” ng paglalang, huminto na si Jehova sa gawaing paglalang sa lupa. (Gen 2:2) Ngunit nagsagawa siya ng dakilang espirituwal na mga bagay. Halimbawa, sumulat ang apostol na si Pablo: “Kung ang sinuman ay kaisa ni Kristo, siya ay isang bagong nilalang.” (2Co 5:17) Dito, ang pagiging “kaisa” ni Kristo ay nangangahulugan ng pakikiisa kay Kristo bilang miyembro ng kaniyang katawan, ang kaniyang kasintahang babae. (Ju 17:21; 1Co 12:27) Para umiral ang kaugnayang ito, inilalapit ng Diyos na Jehova sa kaniyang Anak ang indibiduwal at iniaanak siya sa pamamagitan ng banal na espiritu. Bilang isang inianak-sa-espiritung anak ng Diyos, siya’y “isang bagong nilalang,” na may pag-asang makibahagi kay Jesu-Kristo sa makalangit na Kaharian.—Ju 3:3-8; 6:44.
Muling-Paglalang. Binanggit din ni Jesus sa kaniyang mga apostol ang tungkol sa “muling-paglalang” at iniugnay niya iyon sa panahon “kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono.” (Mat 19:28; Luc 22:28-30) Ang salitang Griego na isinaling “muling-paglalang” ay ang pa·lin·ge·ne·siʹa, na binubuo ng mga elementong nangangahulugang “muli; panibago; minsan pa” at “kapanganakan; pinagmulan.” Ginamit ni Philo ang terminong ito tungkol sa pagsasauli ng daigdig sa dati pagkatapos ng Baha. Ginamit ito ni Josephus may kinalaman sa muling pagtatatag ng Israel pagkatapos ng pagkatapon. Sinasabi ng Theological Dictionary of the New Testament, inedit ni G. Kittel, na ang paggamit ng pa·lin·ge·ne·siʹa sa Mateo 19:28 “ay lubusang kasuwato ng paggamit nina Philo at Josephus.” (Isinalin ni G. Bromiley, 1964, Tomo I, p. 688) Kaya ang tinutukoy ay hindi ang bagong paglalang kundi ang pagpapanauli, o pagpapanibago, na sa pamamagitan niyao’y lubusang matutupad ang layunin ni Jehova para sa lupa.—Tingnan ang TRIBO (‘Paghatol sa Labindalawang Tribo ng Israel’).
Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, saganang pagpapala ang tatamasahin ng masunuring sangkatauhan, ang “sangnilalang” na “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Ro 8:19-21; tingnan ang ANAK NG DIYOS, (MGA) [Maluwalhating Kalayaan ng mga Anak ng Diyos].) Sa sistema ng mga bagay na ipinangako at nilalang ng Diyos, “tatahan ang katuwiran.” (2Pe 3:13) Ang katiyakan nito ay idiniriin ng apokaliptikong pangitain ni Juan at ng kaniyang sinabi: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa.”—Apo 21:1-5.