ABADON
[mula sa Heb., nangangahulugang “Pagkapuksa”].
Sa Apocalipsis 9:11, ang salitang Hebreong ito ay tinumbasan ng transliterasyon sa tekstong Tagalog. Hinggil sa makasagisag na salot ng mga balang, mababasa natin sa tekstong iyon na mayroon silang “hari, ang anghel ng kalaliman. Sa Hebreo ang kaniyang pangalan ay Abadon, ngunit sa Griego ay may pangalan siyang Apolyon.”
Sa Hebreo ang salitang ʼavad·dohnʹ ay nangangahulugang “pagkapuksa” at maaari ring tumukoy sa “dako ng pagkapuksa.” Lumilitaw ito sa orihinal na tekstong Hebreo nang limang ulit, at sa apat na paglitaw nito ay iniuugnay ito sa “dakong libingan,” “Sheol,” at “kamatayan.” (Aw 88:11; Job 26:6; 28:22; Kaw 15:11) Maliwanag na ang salitang ʼavad·dohnʹ sa mga tekstong ito ay tumutukoy sa mga proseso ng pagkasira ng katawan kasunod ng pagkamatay ng tao, at ipinahihiwatig ng mga kasulatang ito na ang pagkabulok o pagkapuksa ay nagaganap sa Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. Sa Job 31:12, ang ʼavad·dohnʹ ay tumutukoy sa mapaminsalang epekto ng isang mapangalunyang landasin. Ipinahayag ni Job: “Iyon [ang mapangalunyang landasin] ay isang apoy na lalamon hanggang sa pagkapuksa [ʽadh-ʼavad·dohnʹ], at sa gitna ng lahat ng aking ani ay mag-uugat iyon.”—Ihambing ang Kaw 6:26-28, 32; 7:26, 27.
Abadon, ang anghel ng kalaliman—sino siya?
Gayunman, sa Apocalipsis 9:11, ang salitang “Abadon” ay ginagamit bilang pangalan ng “anghel ng kalaliman.” Ang katumbas nitong pangalang Griego na Apolyon ay nangangahulugang “Tagapuksa.” Noong ika-19 na siglo, sinikap ng ilan na ipakitang ang tekstong ito ay makahulang tumutukoy sa mga indibiduwal na gaya nina Emperador Vespasian, Muhammad, at maging ni Napoleon, at itinuring ng karamihan na ang nabanggit na anghel ay “sataniko.” Ngunit dapat pansinin na sa Apocalipsis 20:1-3, ang anghel na may taglay ng “susi ng kalaliman” ay inilalarawan bilang kinatawan ng Diyos mula sa langit, at sa halip na “sataniko,” iginapos at inihagis nito si Satanas sa kalaliman. Bilang komento sa Apocalipsis 9:11, ganito ang sabi ng The Interpreter’s Bible: “Gayunman, si Abadon ay anghel hindi ni Satanas kundi ng Diyos anupat nagsasagawa ng kaniyang gawaing pagpuksa sa utos ng Diyos.”
Sa Hebreong mga kasulatan na katatalakay pa lamang, maliwanag na ang ʼavad·dohnʹ ay iniuugnay sa Sheol at kamatayan. Sa Apocalipsis 1:18, sinabi ni Kristo Jesus: “Ako ay nabubuhay magpakailan-kailanman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.” Ipinakikita sa Lucas 8:31 na may kapangyarihan siya sa kalaliman. Ang kaniyang kapangyarihang pumuksa, maging kay Satanas, ay inilalarawan naman sa Hebreo 2:14, kung saan sinasabing nakibahagi si Jesus sa dugo at laman upang “sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapawi niya ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo.” Sa Apocalipsis 19:11-16 ay malinaw na ipinakikitang inatasan siya ng Diyos bilang Tagapuksa o Tagapaglapat ng Hatol.—Tingnan ang APOLYON.