“Ang Sinumang Walang-Karanasan ay Nananampalataya sa Bawat Salita”
“Mangmang ang taong hindi kailanman nagbabasa ng diyaryo; at mas mangmang ang taong naniniwala sa binabasa niya dahil lamang sa nasa diyaryo ito.”—August von Schlözer, istoryador at publisistang Aleman (1735-1809).
KUNG hindi mapagkakatiwalaan ang lahat ng nakasulat sa diyaryo mahigit 200 taon na ang nakalilipas, ganiyan din ang karamihan sa mababasa sa Internet sa ika-21 siglo. Dahil sa modernong teknolohiya, napakaraming makukuhang impormasyon ngayon—totoo at hindi, kapaki-pakinabang at mapanganib. Kaya dapat tayong maging mapamili sa binabasa at pinanonood natin. Baka isipin, lalo na ng mga baguhang gumagamit ng Internet, na totoo ang isang report o balita, kahit kakatwa ito o di-pangkaraniwan, dahil lang sa nasa Internet ito o ipinasa sa e-mail ng isang kaibigan. Nagbababala ang Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kaw. 14:15.
Paano tayo magiging “matalino”? Paano natin makikita kung ang mga impormasyon ay hoax o gawa-gawa lang, kuwentong di-totoo, panggagantso, at iba pang gaya nito? Una, tanungin ang sarili: ‘Ang impormasyon bang ito ay galing sa maaasahan at opisyal na website o sa isang blog o sa di-matukoy na pinagmulan? Inilantad na ba ito sa mga anti-hoax na website?’a Pagkatapos, gamitin ang kakayahan na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Heb. 5:14) Kung parang hindi kapani-paniwala ang impormasyon, malamang na ganoon nga iyon. Kung paninira naman iyon sa iba, isipin kung sino ang makikinabang kapag ikinalat iyon at kung ano ang motibo ng gustong magpakalat nito.
MAHILIG KA BANG MAGPASA NG IMPORMASYON?
Para mapansin, may mga taong gustong-gustong sila ang unang makapagpasa ng balita sa lahat ng kontak nila nang hindi man lang tinitiyak kung totoo iyon o kung ano ang magiging epekto nito. (2 Sam. 13:28-33) Pero kung “matalino” tayo, iisipin natin kung makapipinsala ba ito, marahil sa reputasyon ng isang tao o organisasyon.
Hindi madaling tiyakin kung totoo ang isang balita. Kaya naman iniisip ng ilan na bahala na ang makatatanggap nito na gawin iyon. Pero hindi ba’t uubos din ito ng panahon ng makatatanggap? Tandaan, mahalaga ang panahon. (Efe. 5:15, 16) Kaya imbes na isipin, “Kung duda ka, ipadala mo,” mas magandang isipin, “Kung duda ka, itapon mo!”
Tanungin ang sarili: ‘Mahilig ba akong magpasa ng mga e-mail? Kinailangan ko na bang magsori sa mga kontak ko dahil nakapagpasa ako ng impormasyon na mali pala o hindi totoo? May nagsabi na ba sa akin na itigil ko na ang pagpapasa ng mga e-mail sa kanila?’ Tandaan na nakakapag-Internet din ang mga kontak mo kaya mahahanap nila ang mga bagay na gusto nila kahit wala ang tulong mo. Hindi mo sila kailangang padalhan nang padalhan ng nakakatawang mga kuwento, video clip, o slide show. Hindi rin katalinuhan na magpadala ng mga rekording o detalyadong nota ng pahayag sa Bibliya.b At kung magpapasa ka ng mga reperensiya, mga teksto para sa pag-aaral ng Bibliya, o mga sagot na magagamit sa pulong, maaaring hindi na makita ng mga indibiduwal na mas makikinabang sila kung sila mismo ang maghahanda.
Ano naman ang dapat mong gawin kapag may nakita kang mapanirang impormasyon sa Internet tungkol sa organisasyon ni Jehova? Dapat na agad mong iwasan iyon. Iniisip ng ilan na dapat nilang sabihin iyon sa iba para malaman ang kanilang opinyon. Pero hindi ba’t maikakalat lang nito ang impormasyon? Kung nababahala tayo dahil sa nakita natin sa Internet, dapat tayong humingi ng karunungan kay Jehova at ipakipag-usap ito sa may-gulang na mga brother. (Sant. 1:5, 6; Jud. 22, 23) Si Jesus, na naging puntirya ng paninira, ay nagbabala sa kaniyang mga tagasunod na pag-uusigin sila ng mga kaaway at ‘may-kasinungalingang magsasalita ang mga ito ng bawat uri ng balakyot na bagay laban sa kanila.’ (Mat. 5:11; 11:19; Juan 10:19-21) Gamitin natin ang ating “kakayahang mag-isip” at “kaunawaan” para makilala kung sino ang “nagsasalita ng tiwaling mga bagay” at ang mga “mapanlinlang sa kanilang buong landasin.”—Kaw. 2:10-16.
IGALANG ANG KARAPATAN NG IBA
Dapat din tayong maging maingat sa pagbabahagi ng narinig nating mga karanasan o balita tungkol sa ating mga kapatid. Kahit na totoo iyon, hindi naman nangangahulugang dapat nang ipagkalat iyon. May mga pagkakataon na hindi tama o hindi maibigin na ipasa ang gayong mga impormasyon. (Mat. 7:12) Halimbawa, hindi maibigin o nakapagpapatibay man na magkalat ng tsismis, kahit pa totoo ito. (2 Tes. 3:11; 1 Tim. 5:13) May mga balita na kompidensiyal, at dapat nating igalang ang karapatan ng iba na sila ang magsabi ng impormasyong iyon sa tamang panahon at sa tamang paraan. Kung uunahan mo sila, maaaring makasamâ iyon.
Sa ngayon, napakabilis kumalat ng balita, totoo man o hindi, kapaki-pakinabang man o mapanganib. Kahit sa isang tao mo lang ipasa ang isang e-mail o text, makakarating na ito sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa isang iglap. Kaya labanan ang tukso na basta-basta at agad-agad na magpasa ng impormasyon. Kapag nakabasa tayo ng di-pangkaraniwang balita, tandaan na kahit hindi mapaghinala ang pag-ibig, hindi rin naman ito masyadong mapaniwalain. At lalo nang hindi pinaniniwalaan ng pag-ibig ang mga paninira sa organisasyon ni Jehova at sa mga kapatid natin na ipinagkakalat ng mga alipin ng “ama ng kasinungalingan,” si Satanas na Diyablo. (Juan 8:44; 1 Cor. 13:7) Matutulungan tayo ng kakayahang mag-isip at ng kaunawaan na maging “matalino” sa paggamit ng napakaraming impormasyong makukuha natin sa araw-araw. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang mga walang-karanasan ay tiyak na magmamay-ari ng kamangmangan, ngunit ang matatalino ay magpuputong ng kaalaman.”—Kaw. 14:18.
a Tandaan na ang mga nailantad nang hoax at kuwentong di-totoo ay puwedeng magpabalik-balik, at binabago lang nang kaunti kung minsan para magmukhang totoo.