Isaias
52 Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong lakas,+ O Sion! Magsuot ka ng iyong magagandang kasuutan,+ O Jerusalem, na banal na lunsod!+ Sapagkat hindi na muling papasok sa iyo ang di-tuli at marumi.+ 2 Pagpagan mo ng alabok ang iyong sarili,+ bumangon ka, umupo ka, O Jerusalem. Kalagin mo ang mga panali na nasa iyong leeg, O bihag na anak na babae ng Sion.+
3 Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova: “Ipinagbili kayo nang walang kapalit,+ at tutubusin kayo nang walang salapi.”+
4 Sapagkat ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Sa Ehipto lumusong ang aking bayan noong unang pagkakataon upang manirahan doon bilang mga dayuhan;+ at siniil naman sila ng Asirya nang walang dahilan.”
5 “At ngayon, ano ang interes ko rito?” ang sabi ni Jehova. “Sapagkat ang aking bayan ay kinuha nang walang kapalit.+ Mismong ang mga namamahala sa kanila ay patuloy na nagpapalahaw,”+ ang sabi ni Jehova, “at lagi na, sa buong araw, ang aking pangalan ay pinakikitunguhan nang walang galang.+ 6 Sa dahilang iyon ay makikilala ng aking bayan ang aking pangalan,+ sa dahilang iyon nga sa araw na iyon, sapagkat ako ang Isa na nagsasalita.+ Narito! Ako nga.”
7 Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa+ niyaong nagdadala ng mabuting balita,+ na naghahayag ng kapayapaan,+ na nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti,+ na naghahayag ng kaligtasan,+ na nagsasabi sa Sion: “Ang iyong Diyos ay naging hari!”+
8 Pakinggan mo! Ang iyong mga bantay+ ay naglakas ng kanilang tinig.+ Sabay-sabay silang humihiyaw nang may kagalakan; sapagkat magkikita sila nang mata sa mata+ kapag muling tinipon ni Jehova ang Sion.+
9 Magsaya kayo, sabay-sabay kayong humiyaw nang may kagalakan, kayong mga wasak na dako ng Jerusalem,+ sapagkat inaliw ni Jehova ang kaniyang bayan;+ tinubos niya ang Jerusalem.+ 10 Hinubdan ni Jehova ang kaniyang banal na bisig sa paningin ng lahat ng mga bansa;+ at makikita ng lahat ng mga dulo ng lupa ang pagliligtas ng ating Diyos.+
11 Lumayo kayo, lumayo kayo, lumabas kayo riyan,+ huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi;+ lumabas kayo mula sa gitna niya,+ manatili kayong malinis, kayong mga nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova.+ 12 Sapagkat lalabas kayo nang walang takot, at yayaon kayo na hindi parang tumatakas.+ Sapagkat si Jehova ay yayaon sa unahan ninyo,+ at ang Diyos ng Israel ang magiging inyong bantay sa likuran.+
13 Narito! Ang aking lingkod+ ay kikilos nang may kaunawaan.+ Siya ay mapapasa mataas na katayuan at tiyak na itataas at dadakilain nang lubha.+ 14 Kung paanong marami ang tumitig sa kaniya sa pagkamangha+—gayon na lamang ang pagkasira kung tungkol sa kaniyang kaanyuan+ na higit kaysa kanino pa mang lalaki at kung tungkol sa kaniyang matikas na anyo+ na higit kaysa roon sa mga anak ng sangkatauhan— 15 sa gayunding paraan ay gugulatin niya ang maraming bansa.+ Sa kaniya ay ititikom ng mga hari ang kanilang bibig,+ sapagkat ang hindi pa naisasalaysay sa kanila ay makikita nga nila, at ang hindi pa nila naririnig ay pag-iisipan nila.+