Jeremias
22 Ito ang sinabi ni Jehova: “Lumusong ka sa bahay ng hari ng Juda, at salitain mo roon ang salitang ito. 2 At sabihin mo, ‘Dinggin mo ang salita ni Jehova, O hari ng Juda na nakaupo sa trono ni David,+ ikaw kasama ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, yaong mga pumapasok sa mga pintuang-daang ito.+ 3 Ito ang sinabi ni Jehova: “Maglapat kayo ng katarungan at katuwiran, at iligtas ninyo ang ninanakawan mula sa kamay ng mandaraya; at huwag ninyong pagmalupitan ang naninirahang dayuhan, ang batang lalaking walang ama o ang babaing balo.+ Huwag ninyo silang gawan ng karahasan.+ At huwag kayong magbubo ng dugong walang-sala sa dakong ito.+ 4 Sapagkat kung tunay na isasagawa ninyo ang salitang ito, tiyak na papasok din sa mga pintuang-daan ng bahay na ito ang mga haring nakaupo para kay David sa kaniyang trono,+ nakasakay sa mga karo at sa mga kabayo, siya kasama ang kaniyang mga lingkod at ang kaniyang bayan.” ’+
5 “ ‘Ngunit kung hindi ninyo susundin ang mga salitang ito, sa aking sarili ay sumusumpa ako,’+ ang sabi ni Jehova, ‘na ang bahay na ito ay magiging isang wasak na dako.’+
6 “Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova may kinalaman sa bahay ng hari ng Juda, ‘Ikaw ay gaya ng Gilead sa akin, ang ulo ng Lebanon.+ Tiyak na gagawin nga kitang ilang;+ kung tungkol sa mga lunsod, isa man ay hindi tatahanan.+ 7 At pababanalin ko laban sa iyo yaong mga manlilipol,+ ang bawat isa at ang kaniyang mga sandata;+ at puputulin nila ang pinakapili sa iyong mga sedro+ at ibubuwal ang mga iyon sa apoy.+ 8 At maraming bansa ang daraan nga sa tabi ng lunsod na ito at magsasabi sa isa’t isa: “Sa anong dahilan ginawa ni Jehova ang ganito sa dakilang lunsod na ito?”+ 9 At sasabihin nila: “Sa dahilang iniwan nila ang tipan ni Jehova na kanilang Diyos+ at yumukod sa ibang mga diyos at naglingkod sa kanila.” ’+
10 “Huwag ninyong tangisan ang patay,+ at huwag kayong makiramay sa kaniya. Tangisan ninyo nang labis-labis yaong umaalis, sapagkat hindi na siya babalik pa at hindi nga niya makikita ang lupain ng kaniyang mga kamag-anak. 11 Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova may kinalaman kay Salum+ na anak ni Josias, na hari ng Juda na naghaharing kahalili ni Josias na kaniyang ama,+ na yumaon mula sa dakong ito, ‘Hindi na siya babalik pa roon. 12 Sapagkat sa dakong pinagdalhan nila sa kaniya sa pagkatapon ay mamamatay siya, at ang lupaing ito ay hindi na niya makikita pa.’+
13 “Sa aba niyaong nagtatayo ng kaniyang bahay,+ ngunit hindi sa pamamagitan ng katuwiran, at ng kaniyang mga pang-itaas na silid, ngunit hindi sa pamamagitan ng katarungan, na ginagamit ang kaniyang kapuwa na naglilingkod nang walang bayad, at ang kaniyang kabayaran ay hindi niya ibinibigay sa kaniya;+ 14 yaong nagsasabi, ‘Magtatayo ako sa ganang akin ng isang maluwang na bahay at ng maaalwang pang-itaas na silid;+ at ang aking mga bintana ay palalaparin para rito, at ang magiging pinakaentrepanyo ay may sedro+ at papahiran ng matingkad na pula.’+ 15 Patuloy ka bang maghahari dahil nakikipagpaligsahan ka sa paggamit ng sedro? Kung tungkol sa iyong ama, hindi ba siya kumain at uminom at naglapat ng katarungan at katuwiran?+ Dahil dito ay napabuti siya.+ 16 Ipinagtanggol niya ang pag-aangkin sa batas ng napipighati at ng dukha.+ Dahil dito ay napabuti nga. ‘Hindi ba iyon isang halimbawa ng pagkilala sa akin?’ ang sabi ni Jehova. 17 ‘Tunay nga na ang iyong mga mata at ang iyong puso ay naroon lamang sa iyong di-tapat na pakinabang,+ at nasa dugo ng walang-sala upang ibubo iyon,+ at nasa pandaraya at nasa pangingikil upang isagawa ang mga iyon.’
18 “Kaya ito ang sinabi ni Jehova may kinalaman kay Jehoiakim+ na anak ni Josias, na hari ng Juda, ‘Hindi nila siya hahagulhulan: “Ay, kapatid kong lalaki! At ay, kapatid kong babae!” Hindi nila siya hahagulhulan: “Ay, O panginoon! At ay, ang kaniyang dangal!”+ 19 Ililibing siyang gaya ng paglilibing sa asnong lalaki,+ na kinakaladkad at itinatapon, sa labas ng mga pintuang-daan ng Jerusalem.’+
20 “Umahon ka sa Lebanon+ at sumigaw ka, at sa Basan+ ay ilakas mo ang iyong tinig. At sumigaw ka mula sa Abarim,+ sapagkat silang lahat na masidhing umiibig sa iyo ay winasak.+ 21 Nagsalita ako sa iyo noong malaya ka sa alalahanin.+ Sinabi mo, ‘Hindi ako susunod.’+ Ito na ang naging paraan mo mula nang iyong kabataan, sapagkat hindi mo sinunod ang aking tinig.+ 22 Isang hangin ang magpapastol sa lahat ng iyong mga pastol;+ at kung tungkol sa mga masidhing umiibig sa iyo, yayaon sila sa pagkabihag.+ Sapagkat sa panahong iyon ay mapapahiya ka at tiyak na maaaba dahil sa lahat ng iyong kapahamakan.+ 23 O ikaw na nananahanan sa Lebanon,+ na namumugad sa mga sedro,+ tiyak na magbubuntunghininga ka nang gayon na lamang kapag dumating sa iyo ang mga hapdi ng panganganak,+ ang mga kirot ng pagdaramdam na gaya ng sa babaing nanganganak!”+
24 “ ‘Buháy ako,’ ang sabi ni Jehova, ‘kahit si Conias+ man na anak ni Jehoiakim,+ na hari ng Juda, ang siyang maging singsing na pantatak+ sa aking kanang kamay, mula roon ay huhugutin kita!+ 25 At ikaw ay ibibigay ko sa kamay niyaong mga naghahanap sa iyong kaluluwa+ at sa kamay niyaong mga kinatatakutan mo at sa kamay ni Nabucodorosor na hari ng Babilonya at sa kamay ng mga Caldeo.+ 26 At ikaw at ang iyong ina+ na nagsilang sa iyo ay ihahagis ko sa ibang lupain na hindi ninyo kinapanganakan, at doon kayo mamamatay.+ 27 At sa lupain na nanasaing balikan ng kanilang kaluluwa, doon ay hindi sila babalik.+ 28 Ito bang lalaking si Conias+ ay isa lamang anyo na hinamak, na dinurog,+ o sisidlang hindi kinalulugdan?+ Bakit nga siya at ang kaniyang supling ay ibabagsak at itatapon sa lupain na hindi pa nila nakikilala?’+
29 “O lupa, lupa, lupa, dinggin mo ang salita ni Jehova.+ 30 Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Itala ninyo ang lalaking ito bilang walang anak,+ bilang matipunong lalaki na hindi magtatagumpay sa kaniyang mga araw; sapagkat mula sa kaniyang supling ay wala ni isa man ang magtatagumpay,+ na uupo sa trono ni David+ at mamamahala pa sa Juda.’ ”