Mateo
22 Bilang karagdagang tugon ay muling naglahad si Jesus sa kanila ng mga ilustrasyon, na sinasabi:+ 2 “Ang kaharian ng langit ay naging tulad ng isang tao, isang hari, na naghanda ng isang piging ng kasalan+ para sa kaniyang anak na lalaki. 3 At isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin yaong mga inanyayahan sa piging ng kasalan,+ ngunit ayaw nilang pumaroon.+ 4 Muli ay nagsugo siya ng iba pang mga alipin,+ na sinasabi, ‘Sabihin ninyo roon sa mga inanyayahan: “Narito! Inihanda ko na ang aking tanghalian,+ ang aking mga toro at mga pinatabang hayop ay pinatay na, at ang lahat ng mga bagay ay nakahanda na. Halikayo sa piging ng kasalan.” ’+ 5 Ngunit walang pagkabahala silang umalis, ang isa sa kaniyang sariling bukid, ang isa pa sa kaniyang pangangalakal;+ 6 ngunit ang iba, pagkasunggab sa kaniyang mga alipin, ay nakitungo sa kanila nang walang pakundangan at pinatay sila.+
7 “Ngunit napoot ang hari, at isinugo ang kaniyang mga hukbo at pinuksa ang mga mamamaslang na iyon at sinunog ang kanilang lunsod.+ 8 Nang magkagayon ay sinabi niya sa kaniyang mga alipin, ‘Ang piging ng kasalan ay talagang nakahanda na, ngunit yaong mga inanyayahan ay hindi karapat-dapat.+ 9 Kaya pumaroon kayo sa mga daan na papalabas ng lunsod, at sinumang masumpungan ninyo ay anyayahan ninyo sa piging ng kasalan.’+ 10 Alinsunod dito ay lumabas ang mga aliping iyon sa mga daan at tinipon ang lahat ng kanilang nasumpungan, kapuwa ang balakyot at ang mabuti;+ at ang silid para sa mga seremonya ng kasal ay napuno niyaong mga nakahilig+ sa mesa.
11 “Nang pumasok ang hari upang siyasatin ang mga panauhin ay nakita niya roon ang isang taong hindi nadaramtan ng kasuutang pangkasal.+ 12 Kaya sinabi niya sa kaniya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakagayak ng kasuutang pangkasal?’+ Hindi siya nakapagsalita. 13 Nang magkagayon ay sinabi ng hari sa kaniyang mga lingkod, ‘Gapusin ninyo siya sa kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doon mangyayari ang kaniyang pagtangis at ang pagngangalit ng kaniyang mga ngipin.’+
14 “Sapagkat marami ang inanyayahan, ngunit kakaunti ang pinili.”+
15 Nang magkagayon ang mga Pariseo ay humayo at nagsanggunian upang hulihin siya sa kaniyang pananalita.+ 16 Kaya isinugo nila sa kaniya ang kanilang mga alagad, kasama ang mga tagasunod sa partido ni Herodes,+ na sinasabi: “Guro, alam naming ikaw ay tapat at nagtuturo ng daan ng Diyos sa katotohanan, at hindi ka nangingimi kaninuman, sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na kaanyuan ng tao.+ 17 Kaya nga, sabihin mo sa amin, Ano sa palagay mo? Kaayon ba ng kautusan na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi?”+ 18 Ngunit si Jesus, sa pagkaalam sa kanilang kabalakyutan, ay nagsabi: “Bakit ninyo ako inilalagay sa pagsubok, mga mapagpaimbabaw?+ 19 Ipakita ninyo sa akin ang barya ng pangulong buwis.” Dinalhan nila siya ng isang denario. 20 At sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at sulat ito?”+ 21 Sinabi nila: “Kay Cesar.” Nang magkagayon ay sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ 22 Buweno, nang marinig nila iyon, sila ay namangha, at pagkaiwan sa kaniya ay umalis sila.+
23 Nang araw na iyon ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli, ay lumapit sa kaniya at nagtanong sa kaniya:+ 24 “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung ang sinumang lalaki ay mamatay nang hindi nagkaroon ng anak, kukunin ng kaniyang kapatid na lalaki ang kaniyang asawa upang maging asawa at magbabangon ng supling para sa kaniyang kapatid.’+ 25 Ngayon ay may pitong magkakapatid na lalaki sa amin; at ang una ay nag-asawa at namatay, at, sa hindi pagkakaroon ng supling, naiwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalaki.+ 26 Gayundin ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa lahat ng pito.+ 27 Kahuli-hulihan sa lahat ay namatay ang babae. 28 Dahil dito, sa pagkabuhay-muli, kanino sa pito siya magiging asawa? Sapagkat kinuha siya nilang lahat.”+
29 Bilang tugon ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos;+ 30 sapagkat sa pagkabuhay-muli ay hindi mag-aasawa ang mga lalaki ni ibibigay man sa pag-aasawa ang mga babae,+ kundi sila ay gaya ng mga anghel sa langit. 31 Kung tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa kung ano ang sinalita sa inyo ng Diyos, na nagsasabi,+ 32 ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’?+ Siya ang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.”+ 33 Sa pagkarinig niyaon, ang mga pulutong ay lubhang namangha sa kaniyang turo.+
34 Pagkatapos na marinig ng mga Pariseo na napatahimik niya ang mga Saduceo, sila ay sama-samang pumaroon bilang isang pangkat. 35 At ang isa sa kanila, na bihasa sa Kautusan,+ ay nagtanong, na sinusubukan siya: 36 “Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?”+ 37 Sinabi niya sa kaniya: “ ‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’+ 38 Ito ang pinakadakila at unang utos. 39 Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’+ 40 Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.”+
41 Ngayon samantalang natitipon ang mga Pariseo ay tinanong sila ni Jesus:+ 42 “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Kristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kaniya: “Kay David.”+ 43 Sinabi niya sa kanila: “Paano nga, kung gayon, na si David sa ilalim ng pagkasi+ ay tinatawag siyang ‘Panginoon,’ na sinasabi, 44 ‘Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: “Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa” ’?+ 45 Samakatuwid, kung si David ay tumatawag sa kaniya na ‘Panginoon,’ paanong siya ay kaniyang anak?”+ 46 At walang sinuman ang nakapagsabi ng isa mang salita bilang tugon sa kaniya, ni may sinumang nangahas mula nang araw na iyon na magtanong pa sa kaniya.+