Ikalawang Liham ni Juan
1 Mula sa isang matandang lalaki para sa piniling ginang at sa mga anak niya, na talagang mahal ko, at hindi lang ako, kundi ng lahat din ng nakaaalam ng katotohanan, 2 dahil sa katotohanan na nasa atin at mananatili sa atin magpakailanman. 3 Mula sa Diyos na Ama at kay Jesu-Kristo, na Anak ng Ama, ay tatanggap tayo ng walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan, kasama ang katotohanan at pag-ibig.
4 Masayang-masaya ako dahil nakita ko ang ilan sa mga anak mo na lumalakad sa katotohanan,+ gaya ng tinanggap nating utos mula sa Ama. 5 Kaya hinihiling ko sa iyo ngayon, ginang, na ibigin natin ang isa’t isa. (Sumusulat ako sa iyo, hindi ng isang bagong utos, kundi ng isang utos na ibinigay na sa atin mula pa sa pasimula.)+ 6 At ito ang kahulugan ng pag-ibig: Patuloy tayong lumakad ayon sa mga utos niya.+ At ang utos, gaya ng narinig na ninyo mula pa sa pasimula, ay patuloy kayong lumakad dito. 7 Dahil maraming manlilinlang ang lumitaw sa sanlibutan,+ mga taong hindi kumikilala na si Jesu-Kristo ay dumating bilang tao.*+ Ito ang manlilinlang at ang antikristo.+
8 Mag-ingat kayo, para hindi ninyo maiwala ang mga bagay na pinaghirapan namin, kundi makuha ninyo ang buong gantimpala.+ 9 Ang bawat isa na lumalayo sa turo ng Kristo at hindi nananatili rito ay hindi kaisa ng Diyos.+ Ang nananatili sa turong ito ay kaisa ng Ama at ng Anak.+ 10 Kung may magpunta sa inyo at hindi niya dala ang turong ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa tahanan ninyo+ at huwag ninyo siyang batiin. 11 Dahil ang babati sa kaniya ay magiging kasangkot sa masasamang ginagawa niya.
12 Marami akong gustong sabihin sa inyo, pero hindi ko gustong isulat iyon, kundi umaasa akong makapunta sa inyo at makausap kayo nang personal, para malubos ang kagalakan ninyo.
13 Ang mga anak ng kapatid mong babae, ang pinili, ay nangungumusta sa iyo.