KASAMA
Nang babalaan ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano hinggil sa panganib na dulot ng masasamang “kasama,” ginamit niya ang pangngalang Griego na ho·mi·liʹa. (1Co 15:33) Ang salitang Griegong ito ay nauugnay sa pandiwang ho·mi·leʹo, na nangangahulugang “makipag-usap.” (Gaw 20:11) Nagpapahiwatig ito ng pakikipagsamahan o pakikipag-ugnayan sa iba, kadalasa’y sa pamamagitan ng pakikipag-usap subalit kung minsa’y sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Ginamit ng Griegong Septuagint ang salitang ito upang isalin ang mga salitang Hebreo para sa “panghihikayat” sa Kawikaan 7:21 at “kaukulan bilang asawa” sa Exodo 21:10.
Ang mga nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos ay pumipili ng mga taong maibigin sa katuwiran at katotohanan bilang kanilang mga kasama. (2Ti 2:22) Hindi na rin sila ‘nakikisama [sa literal, nakikihalubilo]’ sa mga miyembro ng kongregasyon na ang paraan ng pamumuhay ay humantong sa opisyal na pagsaway dahil sa paggawi nang walang kaayusan. Bagaman patuloy silang nagpapamalas ng pag-ibig sa gayong mga indibiduwal, ipinakikita nila na hindi nila sinasang-ayunan ang walang-kaayusang paggawi ng mga ito. (2Te 3:6-15) Kung paanong ang mabubuting kasama ay makatutulong sa isa upang patuloy na lumakad kaayon ng karunungan ng Diyos, tiyak na makapipinsala naman sa kaniya ang masasamang kasama. Sinasabi ng kinasihang kawikaan: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kaw 13:20; ihambing ang Kaw 22:24, 25; 28:7; 29:3.) Ang salitang Hebreo na ra·ʽahʹ, na isinalin sa Kawikaan 13:20 bilang “nakikipag-ugnayan,” ay isinasalin din bilang “nakikisama” at nauugnay sa salitang Hebreo na reʹaʽ, na nangangahulugang “kapuwa; kasamahan.”—Huk 14:20; Lev 19:18; Aw 15:3.
Ipinakikita ng maraming halimbawa sa Kasulatan na ang di-kanais-nais na mga kasama ay talagang makapipinsala sa isa. May-kamangmangang nakisama ang anak ni Jacob na si Dina sa mga babaing Canaanita, at humantong ito sa panghahalay sa kaniya ni Sikem, na anak ng isang Hivitang pinuno. (Gen 34:1, 2) Nakinig ang anak ni David na si Amnon sa masamang payo ng kaniyang kaibigang si Jehonadab at ginahasa niya ang kaniyang kapatid sa ama na si Tamar. Dahil dito’y napoot sa kaniya ang tunay na kapatid ni Tamar na si Absalom, na nagpapatay sa kaniya nang maglaon. (2Sa 13:3-29) Salungat sa mga utos ni Jehova, ang mga Israelita ay nakisama sa mga Canaanita, nakipag-alyansa sa mga ito ukol sa pag-aasawa, at tinularan ang mahalay na pagsamba ng mga ito, anupat nagalit sa kanila si Jehova at pinabayaan sila. (Deu 7:3, 4; Huk 3:5-8) Maging si Solomon ay tumalikod sa pagsamba kay Jehova nang kumuha siya ng mga asawang sumasamba sa huwad na mga diyos. (Ne 13:26) Dahil sa impluwensiya ni Jezebel na isang mananamba ni Baal, si Ahab ay naging mas masama kaysa sa lahat ng mga haring Israelita na nauna sa kaniya. (1Ha 21:25) Muntik nang mamatay ang makadiyos na si Jehosapat dahil sa malapít na pakikipagsamahan sa maharlikang sambahayan ni Ahab, at muntik na ring malipol ang maharlikang sambahayan ni David dahil sa pakikipag-alyansa ni Jehosapat kay Ahab ukol sa pag-aasawa.—2Cr 18:1-3, 29-31; 22:10, 11.
Ang nagkakaisang kalipunan ng mga tunay na Kristiyano, bagaman binubuo ng maliliit na grupo, mga kongregasyon, o nakapangalat na mga indibiduwal, ay isang “samahan ng mga kapatid,” o isang kapatiran, na tinutukoy ng pananalitang Griego na a·del·phoʹtes. (1Pe 2:17; 5:9) Upang manatiling bahagi ng kapatirang ito, iniiwasan ng mga tunay na Kristiyano ang anumang pakikipagsamahan sa sinumang nasa gitna nila na nagtataguyod ng huwad na mga turong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi. (Ro 16:17, 18) Tinagubilinan ng Kristiyanong apostol na si Juan ang kaniyang mga kapananampalataya na huwag tanggapin sa kanilang mga tahanan o batiin ang gayong bulaang guro, yamang magbibigay iyon sa kaniya ng pagkakataon na maiharap ang kaniyang pilipit at maling doktrina. Kung babatiin ng isa ang gayong tao, magpapahiwatig ito ng pag-ayon sa kaniya at nagiging kabahagi siya sa “balakyot na mga gawa” nito. (2Ju 10, 11) Sa kabila ng napakaraming katibayan hinggil sa pagiging tiyak ng pagkabuhay-muli ng mga patay, alam ng apostol na si Pablo na ang pakikipagsamahan sa mga tumatanggi sa turong Kristiyanong ito ay makasisira sa pananampalataya ng isa. Kaya naman isinulat niya: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1Co 15:12-22, 33; tingnan ang APOSTASYA.