Isaias
“Makinig kayo! Ang Damasco ay hindi na magiging lunsod;
Magiging bunton ito ng mga guho.+
2 Ang mga lunsod ng Aroer+ ay iiwan;
Ang mga ito ay magiging pahingahan ng mga kawan,
At walang sinumang tatakot sa mga iyon.
3 Ang mga napapaderang* lunsod ay maglalaho mula sa Efraim,+
At ang kaharian mula sa Damasco;+
At ang mga natitira sa Sirya
Ay magiging gaya ng kaluwalhatian ng mga Israelita,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
4 “Sa araw na iyon ay mababawasan ang kaluwalhatian ng Jacob,
At ang malusog niyang katawan* ay mangangayayat.
5 Magiging gaya iyon ng pagtitipon ng mang-aani sa mga butil sa bukid
At ng paggapas niya ng uhay,
6 Kaunti na lang ang matitira,
Gaya ng punong olibo matapos itong yugyugin:
Dalawa o tatlong hinog na olibo na lang ang naiiwan sa pinakamataas na sanga,
Apat o lima na lang sa namumungang mga sanga,”+ ang sabi ni Jehova na Diyos ng Israel.
7 Sa araw na iyon ay titingala ang tao sa kaniyang Maylikha, at ang mga mata niya ay titingin sa Banal ng Israel. 8 Hindi siya titingin sa mga altar,+ na gawa ng mga kamay niya;+ at hindi siya titingin sa ginawa ng mga daliri niya, sa mga sagradong poste* man o sa mga patungan ng insenso.
9 Sa araw na iyon, ang mga napapaderan niyang lunsod ay magiging gaya ng pinabayaang lugar sa kakahuyan,+
Gaya ng sangang pinabayaan sa harap ng mga Israelita;
Iyon ay magiging walang-silbing lupain.
10 Dahil nilimot mo ang Diyos+ na iyong tagapagligtas;
Hindi mo inalaala ang Bato,+ ang iyong tanggulan.
11 Sa araw ay maingat mong binabakuran ang iyong taniman,
At sa umaga ay pinasisibol mo ang iyong binhi,
Pero ang ani ay mawawala sa araw ng sakit at di-malunasang kirot.+
12 Pakinggan ninyo! Nagkakagulo ang maraming bayan,
Maingay na gaya ng karagatan!
Nagkakagulo ang mga bansa,
Ang ingay ay gaya ng dagundong ng malalaking alon!
13 Ang mga bansa ay gagawa ng ingay na gaya ng dagundong ng maraming alon.
Sasawayin Niya sila, at tatakas sila sa malayo,
Gaya ng ipa sa kabundukan na tinatangay ng hangin,
Gaya ng dawag na gumugulong dahil sa malakas na hangin.
14 Sa gabi ay may kapahamakan.
Bago mag-umaga ay wala na sila.
Ito ang mangyayari sa mga nananamsam sa atin
At ang kahihinatnan ng mga nandarambong sa atin.