Ikalabinlimang Kabanata
Ang Pasiya ni Jehova Laban sa mga Bansa
1. Anong kapahayagan ng kahatulan laban sa Asirya ang itinala ni Isaias?
MAAARING gamitin ni Jehova ang mga bansa upang disiplinahin ang kaniyang bayan dahilan sa kanilang kabalakyutan. Magkagayunman, hindi niya pinatatawad ang mga bansang iyon sa kanilang mapagmalabis na kalupitan, sa kanilang kahambugan, at sa kanilang matinding pagkapoot sa tunay na pagsamba. Kaya, matagal nang panahong patiuna ay kinasihan niya si Isaias upang itala “ang kapahayagan laban sa Babilonya.” (Isaias 13:1) Gayunman, ang Babilonya ay magiging banta sa hinaharap pa. Noong kaarawan ni Isaias, sinisiil ng Asirya ang tipang bayan ng Diyos. Pinuksa ng Asirya ang kaharian ng Israel sa hilaga at winasak ang malaking bahagi ng Juda. Subalit ang tagumpay ng Asirya ay panandalian lamang. Sumulat si Isaias: “Si Jehova ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsasabi: ‘Tiyak na kung ano ang aking inisip, gayon ang mangyayari . . . upang lansagin ang Asiryano sa aking lupain at upang mayurakan ko siya sa aking mga bundok; at upang ang kaniyang pamatok ay mahiwalay mula sa kanila at upang ang kaniya mismong pasan ay mahiwalay mula sa kanilang balikat.’” (Isaias 14:24, 25) Hindi natagalan matapos bigkasin ni Isaias ang hulang ito, ang banta ng Asirya ay inalis sa Juda.
2, 3. (a) Noong sinaunang panahon, laban kanino iniunat ni Jehova ang kaniyang kamay? (b) Ano ang kahulugan ng pag-uunat ni Jehova ng kaniyang kamay laban sa “lahat ng mga bansa”?
2 Subalit kumusta naman ang iba pang mga bansa na kaaway ng tipang bayan ng Diyos? Sila ay kailangan ding hatulan. Si Isaias ay nagpahayag: “Ito ang pasiya na ipinapasiya laban sa buong lupa, at ito ang kamay na nakaunat laban sa lahat ng mga bansa. Sapagkat si Jehova ng mga hukbo ang nagpasiya, at sino ang makasisira nito? At ang kaniyang kamay ang nakaunat, at sino ang makapipigil nito?” (Isaias 14:26, 27) Ang “pasiya” ni Jehova ay higit pa kaysa sa payo lamang. Ito ang kaniyang matatag na determinasyon, ang kaniyang batas. (Jeremias 49:20, 30) Ang “kamay” ng Diyos ay ang kaniyang aktibong kapangyarihan. Sa pangwakas na mga talata ng Isaias kabanata 14 tal 29-32 at sa Isa kabanata 15 hanggang 19, ang pasiya ni Jehova ay laban sa Filistia, Moab, Damasco, Etiopia, at Ehipto.
3 Gayunman, sinabi ni Isaias na ang kamay ni Jehova ay nakaunat laban sa “lahat ng mga bansa.” Kaya, bagaman ang mga hulang ito ni Isaias ay unang natupad noong sinaunang panahon, ang simulain ng mga ito ay kumakapit din sa “panahon ng kawakasan” kapag iniunat na ni Jehova ang kaniyang kamay laban sa lahat ng mga kaharian sa lupa. (Daniel 2:44; 12:9; Roma 15:4; Apocalipsis 19:11, 19-21) Matagal nang panahong patiuna, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ay buong-katiyakang nagsiwalat ng kaniyang pasiya. Walang sinuman ang makapipigil sa kaniyang nakaunat na kamay.—Awit 33:11; Isaias 46:10.
“Isang Malaapoy na Ahas na Lumilipad” Laban sa Filistia
4. Ano ang ilan sa mga detalye ng kapahayagan ni Jehova laban sa Filistia?
4 Ang mga Filisteo ang unang binigyan ng pansin. “Nang taóng mamatay si Haring Ahaz ay dumating ang kapahayagang ito: ‘Huwag kang magsaya, O Filistia, sinuman sa iyo, dahil lamang sa pagkabali ng baston ng nananakit sa iyo. Sapagkat mula sa ugat ng serpiyente ay may lalabas na makamandag na ahas, at ang magiging bunga nito ay isang malaapoy na ahas na lumilipad.’”—Isaias 14:28, 29.
5, 6. (a) Sa paanong paraan si Uzias ay tulad ng isang serpiyente sa Filisteo? (b) Si Hezekias ay napatunayang ano laban sa Filistia?
5 Nagkaroon ng sapat na lakas si Haring Uzias upang mahadlangan ang ginawang pagbabanta ng Filistia. (2 Cronica 26:6-8) Para sa kanila, siya’y gaya ng isang serpiyente, at ang kaniyang baston ay patuloy na nananakit sa masungit na kalapit-bayang iyon. Pagkamatay ni Uzias—‘ang kaniyang baston ay nabali’—ang tapat na si Jotam ang namahala, subalit “ang bayan ay gumagawi pa nang kapaha-pahamak.” Pagkatapos, si Ahaz ang naging hari. Ang mga kalagayan ay nagbago, at ang mga Filisteo ay nagsagawa ng matagumpay na mga pananalakay-militar sa Juda. (2 Cronica 27:2; 28:17, 18) Gayunman, ang mga kalagayan ngayon ay muli na namang nagbabago. Noong 746 B.C.E., si Haring Ahaz ay namatay at ang kabataang si Hezekias ang umupo sa trono. Kung inaakala ng mga Filisteo na ang mga kalagayan ay patuloy na magiging pabor sa kanila, sila’y lubos na nagkakamali. Napatunayang si Hezekias ay isang mabagsik na kaaway. Isang inapo ni Uzias (ang “bunga” mula sa kaniyang “ugat”), si Hezekias ay katulad ng “isang malaapoy na ahas na lumilipad”—matuling sumusugod sa pagsalakay, na simbilis ng kidlat, at lumilikha ng nag-aapoy na kirot, na waring nagsasaksak ng kamandag sa kaniyang mga biktima.
6 Ito’y isang angkop na paglalarawan sa bagong hari. “Siya [si Hezekias] yaong nanakit sa mga Filisteo hanggang sa Gaza at gayundin sa mga teritoryo nito.” (2 Hari 18:8) Alinsunod sa mga rekord ni Haring Senakerib ng Asirya, ang mga Filisteo ay naging mga sakop ni Hezekias. Ang “mga maralita”—ang nanghinang kaharian ng Juda—ay nagtamasa ng katiwasayan at materyal na kasaganaan, samantalang ang Filistia ay dumanas ng gutom.—Basahin ang Isaias 14:30, 31.
7. Anong kapahayagan ng pananampalataya ang dapat gawin ni Hezekias sa mga embahador na naroroon sa Jerusalem?
7 Waring may mga embahador noon sa Juda—marahil ay humahanap ng kaalyado laban sa Asirya. Ano ang dapat sabihin sa kanila? “Ano ang sasabihin ninuman bilang sagot sa mga mensahero ng bansa?” Dapat bang humanap si Hezekias ng kasiguruhan sa mga kaalyadong banyaga? Hindi! Dapat niyang sabihin sa mga mensahero: “Si Jehova mismo ang naglatag ng pundasyon ng Sion, at doon manganganlong ang mga napipighati sa kaniyang bayan.” (Isaias 14:32) Ang hari ay kailangang lubos na magtiwala kay Jehova. Ang pundasyon ng Sion ay matatag. Ang lunsod ay mananatili bilang isang ligtas na kanlungan mula sa pagbabanta ng Asirya.—Awit 46:1-7.
8. (a) Paanong ang ilang mga bansa sa ngayon ay gaya ng Filistia? (b) Gaya ng ginawa niya noong sinaunang panahon, ano ang ginawa ni Jehova upang suportahan ang kaniyang bayan sa ngayon?
8 Katulad ng Filistia, ang ilang mga bansa sa ngayon ay may-kabangisang sumasalansang sa mga sumasamba sa Diyos. Ang Kristiyanong mga Saksi ni Jehova ay nakulong sa mga bilangguan at sa mga kampong piitan. Sila’y pinagbawalan. Marami sa kanila ang pinatay. Ang mga kalaban ay patuloy na ‘gumagawa ng matitinding pagdaluhong sa kaluluwa ng matuwid.’ (Awit 94:21) Sa tingin ng kanilang mga kaaway, ang grupong ito ng mga Kristiyano ay waring mga “maralita” at “dukha.” Gayunman, sa tulong ni Jehova, nagtatamasa sila ng espirituwal na kasaganaan, samantalang ang kanilang mga kaaway ay dumaranas ng gutom. (Isaias 65:13, 14; Amos 8:11) Kapag iniunat ni Jehova ang kaniyang kamay laban sa makabagong-panahong mga Filisteo, ang ‘mga maralitang’ ito ay magiging tiwasay. Saan? Sa pakikisama sa “sambahayan ng Diyos,” na doon si Jesus ang matatag na pundasyong batong-panulok. (Efeso 2:19, 20) At sila’y mapapasailalim ng proteksiyon ng “makalangit na Jerusalem,” ang Kaharian ni Jehova sa langit, na si Jesu-Kristo ang Hari.—Hebreo 12:22; Apocalipsis 14:1.
Pinatahimik ang Moab
9. Laban kanino ginawa ang sumunod na kapahayagan, at paano napatunayang ang bayang ito ay isang kaaway ng bayan ng Diyos?
9 Sa silangan ng Dagat na Patay ay may isa pang kalapit-bayan ang Israel—ang Moab. Di-tulad ng mga Filisteo, ang mga Moabita ay kamag-anak ng Israel, dahil sa pagiging inapo ng pamangkin ni Abraham na si Lot. (Genesis 19:37) Sa kabila ng pagiging magkakamag-anak, ang Moab ay may mahabang rekord ng pakikipag-alit sa Israel. Halimbawa, noon pang kaarawan ni Moises, inupahan ng hari ng Moab ang propetang si Balaam, sa pag-asang susumpain nito ang mga Israelita. Nang mabigo iyon, ginamit ng Moab ang imoralidad at ang pagsamba kay Baal upang mabitag ang Israel. (Bilang 22:4-6; 25:1-5) Hindi kataka-taka, kung gayon, na kinasihan ni Jehova si Isaias na itala “ang kapahayagan laban sa Moab”!—Isaias 15:1a.
10, 11. Ano ang mangyayari sa Moab?
10 Ang hula ni Isaias ay ipinatungkol laban sa maraming lunsod at lugar sa Moab, lakip na ang Ar, Kir (o Kir-hareset), at ang Dibon. (Isaias 15:1b, 2a) Ang mga Moabita ay magdadalamhati para sa mga kakaning pasas ng Kir-hareset, marahil ang pangunahing produkto ng lunsod. (Isaias 16:6, 7) Ang Sibma at Jazer, mga bantog sa pag-uubasan, ay sasaktan. (Isaias 16:8-10) Ang Eglat-selisiya, na ang pangalan ay maaaring mangahulugang “Isang Tatlong-Taóng-Gulang na Dumalagang Baka,” ay magiging gaya ng isang malakas na guya na dumaraing dahil sa panggigipuspos. (Isaias 15:5) Ang damo ng lupain ay matutuyo habang ang “tubig ng Dimon” ay magiging punô ng dugo dahilan sa maramihang pagpatay sa mga Moabita. Ang “tubig ng Nimrim” ay magiging “lubusang tiwangwang,” alinman sa makasagisag na diwa o sa literal na diwa—kaypala’y dahil sa binarahan ng mga puwersa ng kaaway ang mga agusan nito.—Isaias 15:6-9.
11 Bibigkisan ng mga Moabita ang kanilang sarili ng telang-sako, ang kasuutan ng pagdadalamhati. Kanilang aahitin ang kanilang mga ulo upang maging kalbo bilang sagisag ng kahihiyan at pananaghoy. Ang kanilang mga balbas ay ‘gugupitan,’ na magpapakita ng matinding dalamhati at kahihiyan. (Isaias 15:2b-4) Si Isaias mismo, na nakatitiyak sa katuparan ng mga kahatulang ito, ay inantig ng matinding damdamin. Kagaya ng nanginginig na mga kuwerdas ng isang alpa, ang kaniyang panloob na bahagi ay naantig ng habag dahilan sa mensahe ng kaabahan laban sa Moab.—Isaias 16:11, 12.
12. Paano natupad ang mga salita ni Isaias laban sa Moab?
12 Kailan matutupad ang hulang ito? Malapit na. “Ito ang salita na sinalita ni Jehova may kinalaman sa Moab noong una. At ngayon ay nagsalita si Jehova, na sinasabi: ‘Sa loob ng tatlong taon, ayon sa mga taon ng upahang trabahador, ang kaluwalhatian ng Moab ay madudusta rin na may bawat uri ng malaking kaguluhan, at ang mga malalabi ay kaunting-kaunti, hindi makapangyarihan.’” (Isaias 16:13, 14) Kasuwato nito, may patotoo ang arkeolohiya na noong ikawalong siglo B.C.E., ang Moab ay nakaranas ng matinding pagdurusa at ang marami sa mga lugar nito ay nawalan ng mga nananahan. Binanggit ni Tiglat-pileser III si Salamanu ng Moab bilang isa sa mga tagapamahala na nagbayad sa kaniya ng tributo. Si Senakerib ay tumanggap ng tributo mula kay Kammusunadbi, hari ng Moab. Tinukoy ng mga Asiryanong monarka na sina Esar-hadon at Ashurbanipal sina Haring Musuri at Kamasaltu ng Moab bilang kanilang mga sakop. Mga ilang siglo ang nakararaan, ang mga Moabita ay naglaho na bilang isang bayan. May nasumpungang mga lunsod na nasa kagibaan na ipinalalagay na sa mga Moabita, subalit kakaunti ang pisikal na katibayan ng dating makapangyarihang kaaway na ito ng Israel ang nahuhukay hanggang sa kasalukuyan.
Ang Makabagong-Panahong “Moab” ay Malilipol
13. Anong organisasyon sa ngayon ang maihahambing sa Moab?
13 Ngayon ay may pambuong daigdig na organisasyon na kahawig ng sinaunang Moab. Ito ang Sangkakristiyanuhan, ang pangunahing bahagi ng “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5) Kapuwa ang Moab at ang Israel ay nagmula sa ama ni Abraham, si Tera. Kahawig nito, ang Sangkakristiyanuhan, gaya ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano sa ngayon, ay nag-aangkin na nagmula sa unang-siglong Kristiyanong kongregasyon. (Galacia 6:16) Gayunman, ang Sangkakristiyanuhan—kagaya ng Moab—ay masama, nagtataguyod ng espirituwal na imoralidad at pagsamba sa ibang mga diyos sa halip na sa tanging tunay na Diyos, si Jehova. (Santiago 4:4; 1 Juan 5:21) Bilang isang kalipunan, ang mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan ay sumasalansang sa mga nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:9, 14.
14. Sa kabila ng pasiya ni Jehova laban sa modernong-panahong “Moab,” anong pag-asa mayroon ang indibiduwal na mga miyembro ng organisasyong iyon?
14 Ang Moab ay pinatahimik sa wakas. Gayundin ang mangyayari sa Sangkakristiyanuhan. Si Jehova, na gumagamit ng isang makabagong-panahong katumbas ng Asirya, ay magpapangyari sa kaniyang pagkatiwangwang. (Apocalipsis 17:16, 17) Gayunman, may pag-asa ang mga tao na nasa makabagong-panahong “Moab” na ito. Sa kalagitnaan ng kaniyang hula laban sa Moab, si Isaias ay nagsabi: “Sa maibiging-kabaitan ay tiyak na isang trono ang matatatag nang matibay; at ang isa ay uupo roon sa katapatan sa tolda ni David, na humahatol at humahanap ng katarungan at maagap sa katuwiran.” (Isaias 16:5) Noong 1914, matibay na itinatag ni Jehova ang trono ni Jesus, isang Tagapamahala sa linya ni Haring David. Ang paghahari ni Jesus ay isang kapahayagan ng maibiging-kabaitan ni Jehova at, bilang katuparan ng tipan ng Diyos kay Haring David, ito’y mamamalagi magpakailanman. (Awit 72:2; 85:10, 11; 89:3, 4; Lucas 1:32) Maraming maaamo ang umalis na sa makabagong-panahong “Moab” at nagpasakop kay Jesus upang magtamo ng buhay. (Apocalipsis 18:4) Kay laking kaaliwan para sa mga ito na malaman na ‘lilinawin [ni Jesus] sa mga bansa kung ano ang katarungan’!—Mateo 12:18; Jeremias 33:15.
Ang Damasco ay Magiging Isang Wasak na Kagibaan
15, 16. (a) Anong mapusok na hakbangin ang ginawa ng Damasco at Israel laban sa Juda, at ano ang ibinunga nito sa Damasco? (b) Sino ang kalakip sa kapahayagan laban sa Damasco? (c) Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano sa ngayon mula sa halimbawa ng Israel?
15 Sumunod, itinala ni Isaias “ang kapahayagan laban sa Damasco.” (Basahin ang Isaias 17:1-6.) Ang Damasco, sa hilaga ng Israel, ay “ang ulo ng Sirya.” (Isaias 7:8) Sa paghahari ni Haring Ahaz ng Juda, si Resin ng Damasco na kaalyansa ni Peka ng Israel ay sumalakay sa Juda. Gayunman, sa kahilingan ni Ahaz, nakipagdigma si Tiglat-pileser III ng Asirya laban sa Damasco, sinakop iyon at ipinatapon ang marami sa mga naninirahan dito. Pagkatapos nito, ang Damasco ay hindi na naging isang banta sa Juda.—2 Hari 16:5-9; 2 Cronica 28:5, 16.
16 Malamang na dahilan sa kaalyansa ng Israel ang Damasco, ang kapahayagan ni Jehova laban sa Damasco ay naglalakip din ng mga pananalita ng kahatulan laban sa taksil na kaharian sa hilaga. (Isaias 17:3-6) Ang Israel ay magiging gaya ng isang bukid sa panahon ng pag-aani na kakaunti lamang ang butil o tulad ng isang puno ng olibo kung saan ang karamihan sa mga olibo ay naliglig na mula sa mga sanga. (Isaias 17:4-6) Tunay na isang pumupukaw na halimbawa para sa mga nakaalay kay Jehova! Inaasahan niya ang bukod-tanging debosyon at tinatanggap niya yaon lamang sagradong paglilingkod na taos sa puso. At kinapopootan niya yaong mga napopoot sa kanilang mga kapatid.—Exodo 20:5; Isaias 17:10, 11; Mateo 24:48-50.
Lubos na Pagtitiwala kay Jehova
17, 18. (a) Paano tumugon ang ilan sa Israel hinggil sa kapahayagan ni Jehova, subalit ano ang naging tugon ng nakararami? (b) Paanong ang mga pangyayari ngayon ay nakakatulad niyaong sa kaarawan ni Hezekias?
17 Si Isaias ngayon ay nagsabi: “Sa araw na iyon ay titingin ang makalupang tao sa kaniyang Maylikha, at ang kaniyang mga mata ay tititig sa Banal ng Israel. At hindi siya titingin sa mga altar, na gawa ng kaniyang mga kamay; at sa ginawa ng kaniyang mga daliri ay hindi siya tititig, sa mga sagradong poste man o sa mga patungan ng insenso.” (Isaias 17:7, 8) Oo, ang ilan sa Israel ay sumunod sa babalang kapahayagan ni Jehova. Halimbawa, nang magpadala ng paanyaya si Hezekias sa mga naninirahan sa Israel upang sumama sa Juda sa isang pagdiriwang ng Paskuwa, ang ilang Israelita ay tumugon at naglakbay patimog upang sumali sa kanilang mga kapatid sa dalisay na pagsamba. (2 Cronica 30:1-12) Magkagayunman, tinuya ng karamihan sa mga naninirahan sa Israel ang mga mensahero na nagdala ng paanyaya. Ang bansa ay naging di na mapagbabagong apostata. Kaya, ang pasiya ni Jehova laban sa kaniya ay natupad. Winasak ng Asirya ang mga lunsod ng Israel, ang lupain ay naging tiwangwang, ang mga pastulan ay hindi na nanagana.—Basahin ang Isaias 17:9-11.
18 Kumusta naman sa ngayon? Ang Israel noon ay isang apostatang bansa. Kaya, ang pagsisikap ni Hezekias na tulungan ang mga indibiduwal sa bansang iyon na manumbalik sa tunay na pagsamba ay nagpapagunita sa atin kung paanong ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nagsisikap na tumulong sa mga indibiduwal sa apostatang organisasyon ng Sangkakristiyanuhan. Mula noong 1919, ang mga mensahero mula sa “Israel ng Diyos” ay naglilibot sa buong Sangkakristiyanuhan, na nag-aanyaya sa mga tao na makisama sa tunay na pagsamba. (Galacia 6:16) Tumanggi ang karamihan. Marami ang tumuya sa mga mensahero. Gayunman, may ilan na tumugon. Sila ngayon ay bumibilang na ng milyun-milyon, at sila ay nalulugod na ‘tumitig sa Banal ng Israel,’ na nagtuturo sa kanila. (Isaias 54:13) Kanilang iniiwan ang pagsamba sa ipinagbabawal na mga altar—debosyon at pagtitiwala sa gawang-taong mga diyos—at may pananabik na bumabaling kay Jehova. (Awit 146:3, 4) Tulad ng kapanahon ni Isaias na si Mikas, bawat isa sa kanila ay nagsabi: “Sa ganang akin, si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.”—Mikas 7:7.
19. Sino ang sasawayin ni Jehova, at ano ang magiging kahulugan nito para sa kanila?
19 Kay laking kaibahan nito sa mga naglalagak ng kanilang pagtitiwala sa namamatay na tao! Ang mga daluyong ng karahasan at kabagabagan ay humahampas sa sangkatauhan sa mga huling araw na ito. Ang maligalig, mapaghimagsik na “dagat” ng sangkatauhan ay umaalimbukay at lumilikha ng kawalang-kasiyahan at paghihimagsik. (Isaias 57:20; Apocalipsis 8:8, 9; 13:1) “Sasawayin” ni Jehova ang maingay na pulutong na ito. Pupuksain ng kaniyang makalangit na Kaharian ang bawat organisasyon at indibiduwal na lumilikha ng kaguluhan, at ang mga ito’y “tatakas sa malayo . . . gaya ng gumugulong na dawag sa harap ng bagyong hangin.”—Isaias 17:12, 13; Apocalipsis 16:14, 16.
20. Kahit sila’y ‘dinarambong’ ng mga bansa, anong pagtitiwala ang taglay ng mga Kristiyano?
20 Ano ang resulta? Sinabi ni Isaias: “Sa oras ng gabi, aba, narito! may biglaang kakilabutan. Bago mag-umaga—iyon ay wala na. Ito ang bahagi ng mga nananamsam sa atin, at ang kahinatnan na nauukol sa mga nandarambong sa atin.” (Isaias 17:14) Marami ang nandarambong sa bayan ni Jehova, na nakikitungo sa kanila nang may kabagsikan at kawalang-galang. Sapagkat sila’y hindi—at hindi nagnanais na maging—bahagi ng pangunahing mga relihiyon sa daigdig, ang mga tunay na Kristiyano ay minamalas ng may kinikilingang mga kritiko at panatikong mga kaaway bilang mga biktimang walang kalaban-laban. Subalit ang bayan ng Diyos ay nagtitiwala na ang ‘umaga’ ng pagtatapos ng kanilang mga kapighatian ay mabilis na dumarating.—2 Tesalonica 1:6-9; 1 Pedro 5:6-11.
Ang Etiopia ay Nagdala ng Isang Kaloob kay Jehova
21, 22. Anong bansa ang sumunod na tumanggap ng kapahayagan ng kahatulan, at paano natupad ang kinasihang mga salita ni Isaias?
21 Hindi kukulangin sa dalawang pagkakataon, ang Etiopia, sa may timog ng Ehipto, ay nasangkot sa aksiyong militar laban sa Juda. (2 Cronica 12:2, 3; 14:1, 9-15; 16:8) Ngayo’y inihula ni Isaias ang kahatulan sa bansang iyon: “Aha dahil sa lupain ng mga humihiging na kulisap na may mga pakpak, na nasa pook ng mga ilog ng Etiopia!” (Basahin ang Isaias 18:1-6.)a Ipinag-utos ni Jehova na ang Etiopia ay ‘puputulin, aalisin, at tatagpasin.’
22 Ang sekular na kasaysayan ay nagsasabi sa atin na sa huling bahagi ng ikawalong siglo B.C.E., sinakop ng Etiopia ang Ehipto at pinamahalaan ito sa loob ng mga 60 taon. Pagkatapos nito, magkasunod na lumusob din sina Emperador Esar-hadon at Ashurbanipal ng Asirya. Sa pagkawasak ng Tebes sa pamamagitan ni Ashurbanipal, sinakop ng Asirya ang Ehipto, anupat winakasan ang pangingibabaw ng Etiopia sa Libis ng Nilo. (Tingnan din ang Isaias 20:3-6.) Kumusta naman sa makabagong panahon?
23. Anong papel ang ginagampanan ng makabagong-panahong “Etiopia,” at bakit ito ay magwawakas?
23 Sa hula ni Daniel tungkol sa “panahon ng kawakasan,” ang agresibong “hari ng hilaga” ay inilarawan bilang ang Etiopia at Libya na sumusunod “sa kaniyang mga hakbang,” na ang ibig sabihin, sumusunod sa kaniyang direksiyon. (Daniel 11:40-43) Ang Etiopia ay binanggit din na kabilang sa puwersa ng hukbo ng “Gog ng lupain ng Magog.” (Ezekiel 38:2-5, 8) Ang puwersa ni Gog, lakip na ang hari ng hilaga, ay mapupuksa kapag kanilang sinalakay ang banal na bansa ni Jehova. Kaya, ang kamay ni Jehova ay iuunat din laban sa makabagong-panahong “Etiopia” dahilan sa pagsalansang nito sa soberanya ni Jehova.—Ezekiel 38:21-23; Daniel 11:45.
24. Sa anong mga paraan tumanggap si Jehova ng “mga kaloob” mula sa mga bansa?
24 Subalit, ang hula ay nagsasabi rin: “Sa panahong iyon ay may kaloob na dadalhin kay Jehova ng mga hukbo, mula sa isang bayan na banát at kinís, mula nga sa isang bayan na kakila-kilabot sa lahat ng dako . . . tungo sa dako ng pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Bundok Sion.” (Isaias 18:7) Bagaman ayaw kilalanin ng mga bansa ang soberanya ni Jehova, sila kung minsan ay kumikilos sa paraang kapaki-pakinabang sa bayan ni Jehova. Sa ilang lupain ang mga awtoridad ay gumawa ng mga batas at naggawad ng mga kapasiyahan ng hukuman na nagbibigay ng legal na mga karapatan sa tapat na mga sumasamba kay Jehova. (Gawa 5:29; Apocalipsis 12:15, 16) At mayroon pang ibang mga kaloob. “Ang mga hari ay magdadala ng mga kaloob sa iyo. . . . Mga bagay na yaring-bronse ay manggagaling sa Ehipto; Ang Cus [Etiopia] ay mabilis na mag-uunat ng mga kamay nito na may mga kaloob para sa Diyos.” (Awit 68:29-31) Sa ngayon, milyun-milyon sa makabagong-panahong “mga Etiope” na natatakot kay Jehova ang nagdadala ng “kaloob” sa pamamagitan ng kanilang pagsamba. (Malakias 1:11) Sila’y nakikibahagi sa pagkalaki-laking gawain ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa. (Mateo 24:14; Apocalipsis 14:6, 7) Kay inam na kaloob na maihahandog kay Jehova!—Hebreo 13:15.
Natunaw ang Puso ng Ehipto
25. Bilang katuparan ng Isaias 19:1-11, ano ang nangyari sa sinaunang Ehipto?
25 Ang karatig-bayan ng Juda sa timog ay ang Ehipto, isang matagal nang kaaway ng tipang bayan ng Diyos. Isinaysay sa kabanata 19 ng Isaias ang magulong kalagayan sa Ehipto noong kapanahunan ni Isaias. May gera sibil sa Ehipto, na “lunsod laban sa lunsod, kaharian laban sa kaharian.” (Isaias 19:2, 13, 14) Ang ebidensiyang inihaharap ng mga istoryador ay nagpapakitang may magkakalabang dinastiya na sabay-sabay na namamahala sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang ipinagyayabang na karunungan ng Ehipto, kasama na ang kaniyang ‘mga walang-silbing diyos at mga engkantador,’ ay hindi nakapagligtas sa kaniya mula “sa kamay ng isang mahigpit na panginoon.” (Isaias 19:3, 4) Ang Ehipto ay sunud-sunod na sinakop ng Asirya, Babilonya, Persia, Gresya, at Roma. Lahat ng mga pangyayaring ito ay tumutupad sa mga hula ng Isaias 19:1-11.
26. Sa mas malaking katuparan, paano tutugon ang mga naninirahan sa makabagong-panahong “Ehipto” sa mga gawa ng kahatulan ni Jehova?
26 Gayunman, sa Bibliya, ang Ehipto ay kadalasang sumasagisag sa sanlibutan ni Satanas. (Ezekiel 29:3; Joel 3:19; Apocalipsis 11:8) Kaya, mayroon bang mas malaking katuparan ang “kapahayagan laban sa Ehipto” ni Isaias? Aba, oo! Ang pambungad na mga salita ng hula ay tiyak na pupukaw ng pansin ng lahat: “Narito! Si Jehova ay nakasakay sa isang ulap na matulin at paparating sa Ehipto. At ang mga walang-silbing diyos ng Ehipto ay tiyak na manginginig dahil sa kaniya, at ang mismong puso ng Ehipto ay matutunaw sa gitna nito.” (Isaias 19:1) Ang pagkilos ni Jehova laban sa organisasyon ni Satanas ay di na magtatagal. Sa panahong iyon, mapatutunayang walang halaga ang mga diyos ng sistemang ito ng mga bagay. (Awit 96:5; 97:7) “Ang mismong puso ng Ehipto ay matutunaw” sa takot. Inihula ni Jesus ang panahong iyon: “Magkakaroon ng . . . panggigipuspos ng mga bansa, na hindi malaman ang gagawin dahil sa pag-ugong ng dagat at sa pagdaluyong nito, samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:25, 26.
27. Anong panloob na mga pagkakabaha-bahagi ang inihula para sa “Ehipto,” at paano ito natutupad sa ngayon?
27 Tungkol sa panahon bago sumapit ang pagsasakatuparan ng kaniyang kahatulan, si Jehova ay nagsabi sa makahulang paraan: “Uudyukan ko ang mga Ehipsiyo laban sa mga Ehipsiyo, at tiyak na makikipagdigma sila bawat isa laban sa kaniyang kapatid, at bawat isa laban sa kaniyang kasama, lunsod laban sa lunsod, kaharian laban sa kaharian.” (Isaias 19:2) Mula nang itatag ang Kaharian ng Diyos noong 1914, ‘ang tanda ng pagkanaririto’ ni Jesus ay kinakitaan ng pagtindig ng bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian. Ang lansakang pagpaslang sa mga tribo, ang madugo at maramihang pagpatay sa mga tao, at ang paglipol sa etnikong minorya ay kumitil ng milyun-milyong buhay sa mga huling araw na ito. Ang gayong “mga hapdi ng kabagabagan” ay lulubha pa habang papalapit na ang wakas.—Mateo 24:3, 7, 8.
28. Sa araw ng paghuhukom, ano ang magagawa ng huwad na relihiyon upang iligtas ang sistemang ito ng mga bagay?
28 “Ang espiritu ng Ehipto ay matitilihan sa gitna nito, at guguluhin ko ang sarili nitong panukala. At tiyak na babaling sila sa mga walang-silbing diyos at sa mga engkantador at sa mga espiritista at sa mga manghuhula ng mga pangyayari.” (Isaias 19:3) Nang humarap si Moises kay Paraon, ang mga saserdote ng Ehipto ay napahiya, sapagkat hindi nila mapantayan si Jehova sa kapangyarihan. (Exodo 8:18, 19; Gawa 13:8; 2 Timoteo 3:8) Kahawig nito, sa araw ng paghuhukom, ang huwad na relihiyon ay hindi makapagliligtas sa masamang sistemang ito. (Ihambing ang Isaias 47:1, 11-13.) Sa wakas, ang Ehipto ay napasailalim ng “isang mahigpit na panginoon,” ang Asirya. (Isaias 19:4) Inilalarawan nito ang madilim na kinabukasang haharapin ng sistemang ito ng mga bagay.
29. Kapag dumating na ang araw ni Jehova, ano pa ang magagawa ng mga pulitiko?
29 Ano naman ang tungkol sa mga pinunong pulitikal? Makatutulong ba sila? “Ang mga prinsipe ng Zoan ay talagang mangmang. Kung tungkol sa marurunong sa mga tagapayo ni Paraon, ang kanilang payo ay di-makatuwiran.” (Basahin ang Isaias 19:5-11.) Tunay na hindi makatuwirang umasa na may magagawa ang mga taong tagapayo sa araw ng paghuhukom! Kahit na taglay nila ang lahat ng kaalaman sa sanlibutan, wala sa kanila ang makadiyos na karunungan. (1 Corinto 3:19) Kanilang tinanggihan si Jehova at bumaling sa diumano’y siyensiya, pilosopiya, salapi, kaluguran, at iba pang kahaliling mga diyos. Bilang resulta, wala silang kaalaman hinggil sa mga layunin ng Diyos. Sila’y nadadaya at nalilito. Ang kanilang mga gawain ay walang kabuluhan. (Basahin ang Isaias 19:12-15.) “Ang marurunong ay napahiya. Sila ay nasindak at mahuhuli. Narito! Itinakwil nila ang mismong salita ni Jehova, at anong karunungan ang taglay nila?”—Jeremias 8:9.
Isang Tanda at Isang Patotoo Para kay Jehova
30. Sa paanong paraan “ang lupain ng Juda ay magiging sanhi ng pagsuray-suray ng Ehipto”?
30 Gayunman, habang mahina ang mga pinuno “ng Ehipto,” “gaya ng mga babae,” mayroon pa ring ilang indibiduwal na humahanap ng makadiyos na karunungan. Ang mga pinahiran ni Jehova at ang kanilang mga kasamahan ay ‘malawakang naghahayag ng kamahalan ng Diyos.’ (Isaias 19:16; 1 Pedro 2:9) Ginagawa nila ang kanilang buong makakaya upang babalaan ang mga tao hinggil sa dumarating na pagpanaw ng organisasyon ni Satanas. Bilang pagtanaw sa situwasyong ito sa hinaharap, sinabi ni Isaias: “Ang lupain ng Juda ay magiging sanhi ng pagsuray-suray ng Ehipto. Ang lahat ng pinagsasabihan nito ay nanghihilakbot dahil sa pasiya ni Jehova ng mga hukbo na ipinapasiya niya laban sa kaniya.” (Isaias 19:17) Ang tapat na mga mensahero ni Jehova ay humahayo na sinasabi sa mga tao ang katotohanan—lakip na ang paghahayag ng mga salot na inihula ni Jehova. (Apocalipsis 8:7-12; 16:2-12) Ito’y nakababalisa sa mga pinunong relihiyoso ng daigdig.
31. Paano nangyaring ang “wika ng Canaan” ay sinalita sa mga lunsod ng Ehipto (a) noong sinaunang panahon? (b) sa makabagong panahon?
31 Ano ang nakagugulat na resulta ng gawaing paghahayag na ito? “Sa araw na iyon ay magkakaroon ng limang lunsod sa lupain ng Ehipto na nagsasalita ng wika ng Canaan at nanunumpa kay Jehova ng mga hukbo. Ang Lunsod ng Pagkagiba ang itatawag sa isang lunsod.” (Isaias 19:18) Noong sinaunang panahon ang hulang ito ay waring natupad nang ang wikang Hebreo ay ginagamit sa mga lunsod ng Ehipto ng mga Judiong nagsilikas na roon. (Jeremias 24:1, 8-10; 41:1-3; 42:9–43:7; 44:1) Sa ngayon, may mga tao sa teritoryo ng makabagong-panahong “Ehipto” na marunong nang magsalita ng “dalisay na wika” ng katotohanan ng Bibliya. (Zefanias 3:9) Ang isa sa limang makasagisag na lunsod ay tinatawag na “Ang Lunsod ng Pagkagiba,” na nagpapahiwatig na ang bahagi ng “dalisay na wika” ay may kaugnayan sa paghahantad at ‘paggigiba’ sa organisasyon ni Satanas.
32. (a) Anong “altar” ang nasa gitna ng lupain ng Ehipto? (b) Paanong ang mga pinahiran ay kagaya ng “isang haligi” sa tabi ng hangganan ng Ehipto?
32 Sa tulong ng gawaing paghahayag ng bayan ni Jehova, ang kaniyang dakilang pangalan ay tiyak na makikilala sa sistemang ito ng mga bagay. “Sa araw na iyon ay magkakaroon ng isang altar para kay Jehova sa gitna ng lupain ng Ehipto, at ng isang haligi para kay Jehova sa tabi ng hangganan nito.” (Isaias 19:19) Ang mga salitang ito ay tumutukoy sa kalagayan ng pinahirang mga Kristiyano, na may pakikipagtipan sa Diyos. (Awit 50:5) Bilang “isang altar” sila’y naghahandog ng kanilang mga hain; bilang “isang haligi at suhay ng katotohanan,” sila’y nagpapatotoo hinggil kay Jehova. (1 Timoteo 3:15; Roma 12:1; Hebreo 13:15, 16) Sila ay nasa “gitna ng lupain,” na masusumpungan—kasama ng kanilang kasamahang “ibang mga tupa”—sa mahigit na 230 bansa at mga pulo sa dagat. Subalit sila’y “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 10:16; 17:15, 16) Sila ay para bang nakatayo sa hangganan sa pagitan ng sanlibutang ito at ng Kaharian ng Diyos, na nakahandang tumawid sa hangganang iyon at tumanggap ng kanilang makalangit na gantimpala.
33. Sa anong mga paraan nagiging “isang tanda” at “isang patotoo” ang nalabi sa “Ehipto”?
33 Si Isaias ay nagpatuloy: “Iyon ay magiging isang tanda at isang patotoo para kay Jehova ng mga hukbo sa lupain ng Ehipto; sapagkat daraing sila kay Jehova dahil sa mga maniniil, at magsusugo siya sa kanila ng tagapagligtas, isa ngang dakila, na siyang magliligtas sa kanila.” (Isaias 19:20) Bilang “isang tanda” at “isang patotoo,” ang pinahiran ay nangunguna sa gawaing pangangaral at dumadakila sa pangalan ni Jehova sa sistemang ito ng mga bagay. (Isaias 8:18; Hebreo 2:13) Sa buong daigdig ang daing ng mga taong inaapi ay maririnig, subalit sa pangkalahatan, ang mga pamahalaan ng tao ay hindi makatulong sa kanila. Gayunman, si Jehova ay magpapadala ng isang Dakilang Tagapagligtas, ang Haring Jesu-Kristo, upang palayain ang lahat ng mga maaamo. Kapag ang mga huling araw na ito ay sumapit na sa kanilang kasukdulan sa digmaan ng Armagedon, siya’y magdadala ng kaginhawahan at walang-hanggang mga pagpapala sa mga taong natatakot sa Diyos.—Awit 72:2, 4, 7, 12-14.
34. (a) Paano makikilala si Jehova ng mga “Ehipsiyo,” at anong hain at kaloob ang ibibigay nila sa kaniya? (b) Kailan sasaktan ni Jehova ang “Ehipto,” at anong pagpapagaling ang susunod?
34 Samantala, kalooban ng Diyos na ang lahat ng uri ng mga tao ay magtamo ng tumpak na kaalaman at maligtas. (1 Timoteo 2:4) Kaya, si Isaias ay sumulat: “Si Jehova ay tiyak na makikilala ng mga Ehipsiyo; at makikilala nga ng mga Ehipsiyo si Jehova sa araw na iyon, at sila ay mag-uukol ng hain at kaloob at mananata kay Jehova at tutuparin nila iyon. At sasaktan nga ni Jehova ang Ehipto. Magkakaroon ng pananakit at pagpapagaling; at manunumbalik sila kay Jehova, at pahihintulutan niyang siya ay mapamanhikan nila at pagagalingin niya sila.” (Isaias 19:21, 22) Ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa ng sanlibutan ni Satanas, o indibiduwal na “mga Ehipsiyo,” ay nakakakilala kay Jehova at nag-uukol sa kaniya ng hain, “ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Sila’y nananata kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanilang sarili sa kaniya, at tinutupad nila ang kanilang panata sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang buhay sa matapat na paglilingkuran. Kasunod ng “pananakit” ni Jehova sa sistemang ito ng mga bagay sa Armagedon, gagamitin niya ang kaniyang Kaharian upang pagalingin ang sangkatauhan. Sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Jesus, ang sangkatauhan ay maiaangat sa espirituwal, mental, moral, at pisikal na kasakdalan—tunay ngang pagpapagaling!—Apocalipsis 22:1, 2.
“Pagpalain ang Aking Bayan”
35, 36. Bilang katuparan ng Isaias 19:23-25, anong ugnayan ang umiral noong sinaunang panahon sa pagitan ng Ehipto, Asirya, at Israel?
35 Pagkatapos ay patiunang nakita ng propeta ang isang kamangha-manghang pagbabago: “Sa araw na iyon ay magkakaroon ng lansangang-bayan mula sa Ehipto hanggang sa Asirya, at ang Asirya ay papasok nga sa Ehipto, at ang Ehipto naman ay sa Asirya; at tiyak na maglilingkod sila, ang Ehipto kasama ng Asirya. Sa araw na iyon ang Israel ay magiging ikatlo sa Ehipto at sa Asirya, samakatuwid nga, isang pagpapala sa gitna ng lupa, sapagkat pagpapalain iyon ni Jehova ng mga hukbo, na sinasabi: ‘Pagpalain ang aking bayan, ang Ehipto, at ang gawa ng aking mga kamay, ang Asirya, at ang aking mana, ang Israel.’” (Isaias 19:23-25) Oo, balang araw ay magiging magkaibigan ang Ehipto at ang Asirya. Paano?
36 Nang iligtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa mga bansa noong unang panahon, siya’y gumawa para sa kanila ng lansangang-bayan patungo sa kalayaan, wika nga. (Isaias 11:16; 35:8-10; 49:11-13; Jeremias 31:21) Ang isang limitadong katuparan ng hulang ito ay naganap noong matalo ang Babilonya, nang ang mga tapon sa Asirya at Ehipto, at gayundin sa Babilonya, ay ibinalik sa Lupang Pangako. (Isaias 11:11) Subalit kumusta naman sa makabagong panahon?
37. Paanong milyun-milyon sa ngayon ang nabubuhay na para bang mayroong lansangang-bayan sa pagitan ng “Asirya” at “Ehipto”?
37 Sa ngayon, ang nalabi ng pinahirang espirituwal na mga Israelita ay “isang pagpapala sa gitna ng lupa.” Sila’y nagtataguyod ng tunay na pagsamba at naghahayag ng mensahe ng Kaharian sa mga tao sa lahat ng mga bansa. Ang ilan sa mga bansang ito ay gaya ng Asirya, na lubhang militaristiko. Ang ibang mga bansa ay higit na liberal, marahil ay gaya ng Ehipto—na minsan ay naging “ang hari ng timog” sa hula ni Daniel. (Daniel 11:5, 8) Milyun-milyong indibiduwal mula sa militaristikong mga bansa at sa mas liberal na mga bansa ang tumatahak na sa daan ng tunay na pagsamba. Kaya, ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa ay nagkakaisa sa ‘paglilingkod.’ Walang nasyonalistikong pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga ito. Kanilang iniibig ang isa’t isa, at tunay na masasabing ang ‘Asirya ay pumapasok sa Ehipto at ang Ehipto sa Asirya.’ Iyo’y para bang may lansangang-bayan mula sa isa tungo sa kabila.—1 Pedro 2:17.
38. (a) Paanong ang Israel ay “magiging ikatlo sa Ehipto at sa Asirya”? (b) Bakit sinasabi ni Jehova na “Pagpalain ang aking bayan”?
38 Ngunit, paanong ang Israel ay “magiging ikatlo sa Ehipto at sa Asirya”? Sa pasimula ng “panahon ng kawakasan,” ang karamihan sa mga naglilingkod kay Jehova sa lupa ay miyembro ng “Israel ng Diyos.” (Daniel 12:9; Galacia 6:16) Mula noong mga taon ng 1930, isang malaking pulutong ng “ibang mga tupa,” na may makalupang pag-asa, ang lumitaw. (Juan 10:16a; Apocalipsis 7:9) Sa paglabas sa mga bansa—na inilarawan ng Ehipto at Asirya—sila’y humuhugos sa bahay ng pagsamba kay Jehova at nag-aanyaya sa iba na sumama sa kanila. (Isaias 2:2-4) Sila’y nagsasagawa ng gayunding gawaing pangangaral katulad ng kanilang pinahirang mga kapatid, nagtitiis ng gayunding mga pagsubok, nagpapakita ng gayunding katapatan at integridad, at kumakain sa gayunding espirituwal na mesa. Tunay, ang pinahiran at ang “ibang mga tupa” ay “isang kawan, isang pastol.” (Juan 10:16b) Mapag-aalinlanganan pa ba ng sinuman na si Jehova, sa pagkakita sa kanilang sigasig at pagbabata, ay nalulugod sa kanilang gawain? Hindi nakapagtataka na siya’y nagpahayag ng pagpapala sa kanila, sa pagsasabing: “Pagpalain ang aking bayan”!
[Mga talababa]
a Sinasabi ng ilang iskolar na ang pananalitang “lupain ng mga humihiging na kulisap na may mga pakpak” ay tumutukoy sa mga balang na sa pana-panahon ay namumutiktik sa Etiopia. Ipinakikita ng iba na ang salitang Hebreo para sa “humihiging,” tsela·tsalʹ, ay nakakatulad ng tunog ng pangalang ibinigay sa langaw na tsetse, tsaltsalya, ng mga Galla, mga taong Hamitiko na naninirahan sa makabagong Etiopia.
[Larawan sa pahina 191]
Nilulusob ng mga mandirigmang Filisteo ang kanilang mga kaaway (lilok mula sa Ehipto noong ika-12 siglo B.C.E.)
[Larawan sa pahina 192]
Batong iskultura ng isang Moabitang mandirigma o diyos (sa pagitan ng ika-11 at ika-8 siglo B.C.E.)
[Larawan sa pahina 196]
Siryanong mandirigma na nakasakay sa isang kamelyo (ikasiyam na siglo B.C.E.)
[Larawan sa pahina 198]
Ang “dagat” ng mapaghimagsik na sangkatauhan ay umaalimbukay at lumilikha ng kawalang-kasiyahan at paghihimagsik
[Larawan sa pahina 203]
Hindi mapantayan ng mga saserdote ngEhipto si Jehova sa kapangyarihan