Jeremias
36 Nang ikaapat na taon ng hari ng Juda na si Jehoiakim+ na anak ni Josias, ang salitang ito ni Jehova ay dumating kay Jeremias: 2 “Kumuha ka ng balumbon* at isulat mo roon ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Israel at sa Juda+ at sa lahat ng bansa,+ mula nang araw na magsalita ako sa iyo noong panahon ni Josias hanggang sa araw na ito.+ 3 Baka sakaling kapag narinig ng mga nasa sambahayan ng Juda ang lahat ng kapahamakang iniisip kong pasapitin sa kanila, talikuran nila ang masama nilang landasin at mapatawad ko sila sa kanilang pagkakamali at kasalanan.”+
4 At tinawag ni Jeremias si Baruc+ na anak ni Nerias; idinikta ni Jeremias kay Baruc ang lahat ng sinabi ni Jehova sa kaniya, at isinulat iyon ni Baruc sa balumbon.*+ 5 Pagkatapos, inutusan ni Jeremias si Baruc: “Pinagbabawalan akong pumasok sa bahay ni Jehova. 6 Kaya ikaw ang pumasok doon, at basahin mo nang malakas ang mga salita ni Jehova mula sa balumbon, ang mga salitang idinikta ko sa iyo para isulat mo. Basahin mo iyon sa harap ng bayan sa bahay ni Jehova sa araw ng pag-aayuno; sa gayon ay mababasa mo iyon sa lahat ng taga-Juda na darating mula sa mga lunsod nila. 7 Baka sakaling makarating kay Jehova ang pagsusumamo nila, at talikuran ng bawat isa sa kanila ang masama niyang landasin, dahil matindi ang galit at poot na ipinahayag ni Jehova laban sa bayang ito.”
8 Kaya ginawa ni Baruc na anak ni Nerias ang lahat ng iniutos sa kaniya ng propetang si Jeremias; binasa niya nang malakas mula sa balumbon* ang mga salita ni Jehova sa bahay ni Jehova.+
9 Nang ikalimang taon ng hari ng Juda na si Jehoiakim+ na anak ni Josias, noong ikasiyam na buwan, nag-ayuno sa harap ni Jehova ang buong bayan+ na nasa Jerusalem at ang buong bayan na dumating sa Jerusalem mula sa mga lunsod ng Juda. 10 At binasa ni Baruc nang malakas mula sa balumbon* ang mga salita ni Jeremias sa bahay ni Jehova, sa silid* ni Gemarias+ na anak ng tagakopyang* si Sapan,+ sa mataas na looban, sa may pasukan ng bagong pintuang-daan ng bahay ni Jehova,+ sa harap ng buong bayan.
11 Nang marinig ni Micaias na anak ni Gemarias na anak ni Sapan ang lahat ng salita ni Jehova sa balumbon,* 12 pumunta siya sa bahay* ng hari, sa silid ng kalihim. Nakaupo roon ang lahat ng matataas na opisyal: ang kalihim na si Elisama,+ si Delaias na anak ni Semaias, si Elnatan+ na anak ni Acbor,+ si Gemarias na anak ni Sapan, si Zedekias na anak ni Hananias, at ang lahat ng iba pang matataas na opisyal. 13 Sinabi ni Micaias sa kanila ang lahat ng salitang narinig niya nang basahin ni Baruc sa bayan ang laman ng balumbon.*
14 Pagkatapos, pinapunta kay Baruc ng lahat ng matataas na opisyal si Jehudi na anak ni Netanias na anak ni Selemias na anak ni Cusi para sabihin: “Pumunta ka rito at dalhin mo ang balumbon na binasa mo sa bayan.” Kinuha ni Baruc na anak ni Nerias ang balumbon at pumunta siya sa kanila. 15 Sinabi nila sa kaniya: “Pakisuyo, umupo ka at basahin mo iyan sa amin nang malakas.” Kaya binasa iyon ni Baruc sa kanila.
16 Nang marinig nila ang lahat ng salita, nagkatinginan sila sa takot, at sinabi nila kay Baruc: “Dapat naming sabihin sa hari ang lahat ng salitang ito.” 17 At tinanong nila si Baruc: “Pakisuyo, sabihin mo sa amin kung paano mo naisulat ang lahat ng salitang ito. Idinikta ba niya sa iyo?” 18 Sumagot si Baruc: “Idinikta niya sa akin ang lahat ng salitang ito, at isinulat ko ang mga ito sa balumbon* gamit ang tinta.” 19 Sinabi ng matataas na opisyal kay Baruc: “Magtago kayo ni Jeremias, at huwag ninyong sabihin kahit kanino kung nasaan kayo.”+
20 Pagkatapos ay pumunta sila sa hari, sa looban, at inilagay nila ang balumbon sa silid ng kalihim na si Elisama, at sinabi nila sa hari ang lahat ng narinig nila.
21 Kaya ipinakuha ng hari kay Jehudi+ ang balumbon, at kinuha nito ang balumbon sa silid ng kalihim na si Elisama. Binasa iyon ni Jehudi sa hari at sa lahat ng matataas na opisyal na nakatayo sa tabi ng hari. 22 Nakaupo ang hari sa bahay na pantaglamig, nang ikasiyam na buwan,* at may apuyan* na nagniningas sa harap niya. 23 Sa tuwing makakatapos bumasa si Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinipilas ng hari ang bahaging iyon gamit ang kutsilyo ng kalihim at inihahagis sa apuyan, hanggang sa ang buong balumbon ay matupok sa apoy. 24 Hindi sila nakadama ng takot; hindi pinunit ng hari at ng lahat ng lingkod niya na nakarinig sa mga salitang ito ang damit nila. 25 Kahit nakiusap sa hari sina Elnatan,+ Delaias,+ at Gemarias+ na huwag sunugin ang balumbon, hindi siya nakinig sa kanila. 26 Bukod diyan, inutusan ng hari si Jerameel na anak ng hari, si Seraias na anak ni Azriel, at si Selemias na anak ni Abdeel na hulihin ang kalihim na si Baruc at ang propetang si Jeremias, pero itinago sila ni Jehova.+
27 At ang salita ni Jehova ay muling dumating kay Jeremias matapos sunugin ng hari ang balumbon na naglalaman ng mga salitang idinikta ni Jeremias at isinulat ni Baruc:+ 28 “Kumuha ka ng isa pang balumbon at isulat mo roon ang lahat ng salitang nasa unang balumbon, na sinunog ni Haring Jehoiakim ng Juda.+ 29 At sabihin mo kay Haring Jehoiakim ng Juda, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Sinunog mo ang balumbong ito at sinabi, ‘Bakit mo isinulat doon: “Darating ang hari ng Babilonya at wawasakin ang lupaing ito at walang tao at hayop na matitira dito”?’+ 30 Kaya ito ang sinabi ni Jehova laban kay Haring Jehoiakim ng Juda, ‘Walang sinuman sa angkan niya ang uupo sa trono ni David,+ at ang bangkay niya ay iiwang nakahantad sa init ng araw at sa lamig ng gabi.+ 31 Pananagutin ko siya at ang mga inapo* niya at ang mga lingkod niya sa kasalanan nila, at pasasapitin ko sa kanila at sa mga taga-Jerusalem at mga taga-Juda ang lahat ng kapahamakang sinabi kong mangyayari sa kanila+ pero hindi nila pinakinggan.’”’”+
32 At kumuha si Jeremias ng isa pang balumbon at ibinigay iyon sa kalihim na si Baruc na anak ni Nerias,+ at habang idinidikta ni Jeremias, isinulat ni Baruc ang lahat ng salitang nasa balumbon* na sinunog ni Haring Jehoiakim ng Juda.+ At dinagdagan pa iyon ng maraming salitang gaya nito.