Exodo
30 “Gagawa ka ng isang altar na pagsusunugan ng insenso;+ gagawin mo iyon mula sa kahoy ng akasya.+ 2 Iyon ay dapat na parisukat, isang siko* ang haba, isang siko ang lapad, at dalawang siko ang taas. Ang mga sungay at ang altar ay walang dugtong.+ 3 Babalutan mo iyon ng purong ginto: ang pinakaibabaw, ang lahat ng panig, at ang mga sungay nito; at papalibutan mo ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito. 4 Gagawa ka rin para dito ng dalawang gintong argolya* sa ibaba ng gintong dekorasyon nito sa magkabilang panig, at sa mga iyon mo ipapasok ang mga pingga* na ipambubuhat sa altar. 5 Gagawa ka ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya at babalutan mo ng ginto ang mga iyon. 6 Ilalagay mo ang altar sa harap ng kurtina na malapit sa kaban ng Patotoo+ at sa pantakip nito, kung saan ako magpapakita sa iyo.+
7 “Magsusunog dito si Aaron+ ng mabangong insenso+ para umusok ito sa ibabaw ng altar+ kapag inihahanda niya ang mga ilawan+ tuwing umaga. 8 Gayundin, magsusunog si Aaron ng insenso kapag sinisindihan niya ang mga ilawan sa takipsilim.* Regular na ihahandog ang insensong ito sa harap ni Jehova sa lahat ng henerasyon ninyo. 9 Huwag kayong maghahandog sa ibabaw nito ng ipinagbabawal na insenso,+ handog na sinusunog, o handog na mga butil, at huwag kayong magbubuhos ng handog na inumin sa ibabaw nito. 10 Dapat magbayad-sala si Aaron sa mga sungay nito nang minsan sa isang taon.+ Gamit ang kaunting dugo ng handog para sa kasalanan,+ magbabayad-sala siya para sa altar minsan sa isang taon sa lahat ng henerasyon ninyo. Ito ay napakabanal para kay Jehova.”
11 At sinabi ni Jehova kay Moises: 12 “Sa tuwing magsasagawa ka ng sensus at bibilangin mo ang mga lalaking Israelita,+ ang bawat isa ay dapat magbigay kay Jehova ng pantubos para sa buhay niya sa panahon ng sensus. Kailangan ito para walang salot na dumating sa kanila kapag nairehistro sila. 13 Ito ang ibibigay ng lahat ng nairehistro: kalahating siklo* ayon sa siklo ng banal na lugar.*+ Ang 20 gerah* ay katumbas ng isang siklo. Ang kalahating siklo ay ang abuloy para kay Jehova.+ 14 Ang lahat ng nairehistrong 20 taóng gulang pataas ay magbibigay ng abuloy kay Jehova.+ 15 Ang mayaman ay hindi dapat magbigay ng higit at ang mahirap ay hindi dapat magbigay ng kulang sa kalahating siklo* na abuloy kay Jehova para matubos ang* inyong buhay. 16 Kukunin mo sa mga Israelita ang ipantutubos* na perang pilak at ibibigay mo iyon bilang suporta sa paglilingkod sa tolda ng pagpupulong, at iyon ay magsisilbing alaala sa harap ni Jehova para sa mga Israelita, para matubos ang* inyong buhay.”
17 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 18 “Gumawa ka ng tansong tipunan ng tubig para sa paghuhugas at ng patungan nito;+ at ilagay mo iyon sa pagitan ng tolda ng pagpupulong at ng altar, at lagyan mo iyon ng tubig.+ 19 Doon maghuhugas ng mga kamay at paa si Aaron at ang mga anak niya.+ 20 Kapag pumapasok sila sa tolda ng pagpupulong o kapag lumalapit sila sa altar para maglingkod at maghain ng handog na pinaraan sa apoy para kay Jehova, maghuhugas sila sa tubig para hindi sila mamatay. 21 Dapat silang maghugas ng kanilang mga kamay at paa para hindi sila mamatay, at mananatili ang tuntuning ito na kailangan nilang sundin sa lahat ng henerasyon nila, siya at ang mga supling niya.”+
22 Patuloy pang nakipag-usap si Jehova kay Moises: 23 “Pagkatapos, kumuha ka ng pinakapiling mga pabango: 500 yunit ng tumigas na mira, 250 yunit ng mabangong kanela,* 250 yunit ng mabangong kalamo, 24 at 500 yunit ng kasia ayon sa siklo ng banal na lugar,*+ kasama ang isang hin* ng langis ng olibo. 25 Pagkatapos, gamitin mo ang mga ito sa paggawa ng banal na langis para sa pag-aatas; dapat na mahusay ang pagkakatimpla sa mga ito.*+ Ito ay magiging isang banal na langis para sa pag-aatas.
26 “Pahiran* mo ang tolda ng pagpupulong+ kasama ang kaban ng Patotoo, 27 pati ang mesa at lahat ng kagamitan nito, ang kandelero at mga kagamitan nito, ang altar ng insenso, 28 ang altar ng handog na sinusunog at lahat ng kagamitan nito, at ang tipunan ng tubig at patungan nito. 29 Dapat mong pabanalin ang mga iyon para maging napakabanal ng mga iyon.+ Dapat na banal ang sinumang hihipo sa mga iyon.+ 30 At papahiran mo si Aaron+ at ang mga anak niya,+ at pababanalin mo sila para makapaglingkod sila sa akin bilang mga saserdote.+
31 “Sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Sa lahat ng henerasyon ninyo, patuloy itong gagamitin bilang aking banal na langis para sa pag-aatas.+ 32 Hindi ito ipapahid sa ibang tao, at huwag ninyong gagayahin ang paggawa nito. Ito ay banal. Mananatili itong banal para sa inyo. 33 Ang sinumang gagawa ng mabangong langis na tulad nito at magpapahid nito sa ibang tao* ay dapat patayin.’”+
34 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Kumuha ka ng magkakaparehong dami ng mga pabangong ito:+ mga patak ng estacte, onica, mabangong galbano, at purong olibano. 35 Iyon ay gawin mong insenso;+ dapat na mahusay ang pagkakatimpla ng mga sangkap*—inasnan,+ puro, at banal. 36 Didikdikin mo ang ilang bahagi nito hanggang sa maging pinong pulbos, at maglalagay ka nito sa harap ng Patotoo sa tolda ng pagpupulong, kung saan ako magpapakita sa iyo. Iyon ay dapat na maging napakabanal para sa inyo. 37 Huwag kayong gagawa ng insenso para sa sarili ninyo gamit ang mga sangkap na ito.+ Ituturing ninyo itong banal sa paningin ni Jehova. 38 Ang sinumang gagawa ng tulad nito para langhapin ang bango nito ay dapat patayin.”