Levitico
27 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung ang isang tao ay gumawa ng isang pantanging panata+ na ihandog kay Jehova ang tinatayang halaga ng isang tao,* 3 ang tinatayang halaga ng isang lalaki mula 20 hanggang 60 taóng gulang ay 50 siklong* pilak ayon sa siklo ng banal na lugar.* 4 Pero kung ito ay isang babae, ang tinatayang halaga ay 30 siklo. 5 Kung ito ay 5 hanggang 20 taóng gulang, ang tinatayang halaga para sa lalaki ay 20 siklo at 10 siklo naman para sa babae. 6 Kung ito ay isang buwan hanggang limang taóng gulang, ang tinatayang halaga para sa lalaki ay limang siklong pilak at tatlong siklong pilak naman para sa babae.
7 “‘Kung ito ay 60 taóng gulang pataas, ang tinatayang halaga ay 15 siklo para sa lalaki at 10 siklo naman para sa babae. 8 Pero kung napakahirap niya para bayaran ang tinatayang halaga,+ tatayo ang tao sa harap ng saserdote, at ang saserdote ay magtatakda ng halaga para dito. Ang itatakdang halaga ng saserdote ay ayon sa kayang ibigay ng nananata.+
9 “‘Kung ang ipinanata ng isang tao ay isang hayop na puwedeng ihandog kay Jehova, anumang ibigay kay Jehova ay magiging banal. 10 Hindi niya ito puwedeng palitan, mas mabuti man ang ipapalit niya o mas masama. Pero kung sakaling palitan niya ito ng ibang hayop, ang ipinanata niya at ang ipinalit niya ay parehong magiging banal. 11 Kung ito ay isang maruming hayop+ na hindi puwedeng ibigay bilang handog kay Jehova, dadalhin niya ang hayop sa harap ng saserdote. 12 Itatakda ng saserdote ang halaga nito, depende sa kalidad nito.* Hindi puwedeng baguhin ang itinakdang halaga ng saserdote. 13 Pero kung sakaling gusto niya itong bilhing muli, dapat siyang magbigay ng sangkalima* ng halaga nito, bukod pa sa buong tinatayang halaga.+
14 “‘Kung iaalay* ng isang tao ang bahay niya bilang isang banal na bagay para kay Jehova, itatakda ng saserdote ang halaga nito, depende sa kalidad nito.* Ang magiging halaga nito ay ang halagang itinakda ng saserdote.+ 15 Pero kung gusto niyang bilhing muli ang bahay na inialay* niya, dapat siyang magbigay ng sangkalima* ng tinatayang halaga nito, bukod pa sa buong halaga, at ito ay magiging kaniya.
16 “‘Kung iaalay* ng isang tao kay Jehova ang isang bahagi ng bukid na pag-aari niya, ang halaga nito ay tatayahin ayon sa dami ng binhi na kailangan para matamnan ito: ang isang homer* ng binhi ng sebada ay 50 siklong pilak. 17 Kung iaalay* niya ang kaniyang bukid sa taon ng Jubileo,+ hindi magbabago ang tinatayang halaga nito. 18 Kung iaalay* niya ang kaniyang bukid pagkatapos ng Jubileo, dapat magtakda ang saserdote ng mas mababang halaga, depende sa bilang ng natitirang taon bago ang susunod na taon ng Jubileo.+ 19 Pero kung sakaling bilhin niyang muli ang bukid na inialay* niya, dapat siyang magbigay ng sangkalima* ng tinatayang halaga nito, bukod pa sa buong halaga, at ito ay muling magiging kaniya. 20 Kung hindi niya bilhing muli ang bukid at binili ito ng ibang tao, hindi na niya ito mabibiling muli. 21 Sa Jubileo, ang bukid ay magiging isang banal na bagay para kay Jehova, isang bukid na nakaalay sa kaniya. Magiging pag-aari ito ng mga saserdote.+
22 “‘Kung iaalay* ng isang tao kay Jehova ang isang bukid na hindi niya minana kundi binili niya,+ 23 tutuosin ng saserdote para sa kaniya ang halaga nito, ayon sa bilang ng natitirang taon bago ang susunod na taon ng Jubileo, at ibibigay niya ang tinatayang halaga sa araw na iyon.+ Ito ay banal para kay Jehova. 24 Sa taon ng Jubileo, ibabalik ang bukid sa pinagbilhan niya nito, sa may-ari ng lupain.+
25 “‘Ang bawat halaga ay tatayahin ayon sa siklo ng banal na lugar. Ang isang siklo ay 20 gerah.*
26 “‘Pero walang sinuman ang dapat mag-alay* ng panganay ng mga hayop, dahil kay Jehova na ang mga panganay mula nang ipanganak ang mga ito.+ Toro* man o tupa, pag-aari na ito ni Jehova.+ 27 Kung kabilang ito sa maruruming hayop at tubusin niya ito ayon sa tinatayang halaga, dapat siyang magdagdag ng sangkalima* ng halaga nito.+ Pero kung hindi ito tutubusin, ibebenta ito ayon sa tinatayang halaga.
28 “‘Pero kung ang isang bagay na pag-aari ng isang tao ay inialay niya kay Jehova magpakailanman,* hindi ito puwedeng ibenta o tubusin, ito man ay tao, hayop, o pag-aari niyang bukid. Bawat bagay na inialay ay kabanal-banalang bagay para kay Jehova.+ 29 Gayundin, ang taong nahatulan ng kamatayan* ay hindi puwedeng tubusin.+ Dapat siyang patayin.+
30 “‘Bawat ikasampung bahagi*+ ng lupain ay kay Jehova, ito man ay bunga ng bukid o ng mga puno. Ito ay banal para kay Jehova. 31 Kung sakaling gustong bilhing muli ng isang tao ang alinman sa ikasampung bahagi niya, dapat siyang magbigay ng sangkalima* ng halaga nito, bukod pa sa buong halaga. 32 Kung tungkol sa ikasampung bahagi ng bakahan at kawan, bawat ika-10 hayop* na dumadaan sa ilalim ng tungkod ng pastol ay magiging banal para kay Jehova. 33 Hindi niya dapat suriin ang kalidad nito,* at huwag niya itong papalitan. Pero kung subukan niyang palitan ito, ang ipinanata niya at ang ipinalit niya ay parehong magiging banal.+ Hindi ito puwedeng bilhing muli.’”
34 Ito ang mga utos na ibinigay ni Jehova kay Moises sa Bundok Sinai para sa mga Israelita.+