Zacarias
11 “Buksan mo ang iyong mga pinto, O Lebanon,
Para matupok ng apoy ang iyong mga punong sedro.
2 Humagulgol ka, puno ng enebro, dahil ang sedro ay nabuwal;
Ang naglalakihang mga puno ay bumagsak!
Humagulgol kayo, mga punong ensina ng Basan,
Dahil ang makapal na kagubatan ay nasira!
3 Pakinggan ninyo! Humahagulgol ang mga pastol,
Dahil ang kaluwalhatian nila ay naglaho.
Pakinggan ninyo! Umuungal ang mga leon,
Dahil ang makakapal na palumpong* sa kahabaan ng Jordan ay nasira.
4 “Ito ang sinabi ni Jehova na aking Diyos, ‘Pastulan mo ang kawan na nakatakdang patayin,+ 5 na pinapatay ng mga bumibili sa kanila+ pero hindi pinananagot ang mga ito. At ang mga nagbebenta sa kanila+ ay nagsasabi: “Purihin nawa si Jehova, dahil yayaman ako.” At ang mga pastol nila ay hindi naaawa sa kanila.’+
6 “‘Dahil hindi na ako maaawa sa mga naninirahan sa lupain,’ ang sabi ni Jehova. ‘Kaya hahayaan kong mahulog ang bawat isa sa kamay ng kaniyang kapuwa at ng kaniyang hari; at wawasakin nila ang lupain, at hindi ko sila ililigtas mula sa kamay ng mga ito.’”
7 At pinastulan ko ang kawan na nakatakdang patayin,+ alang-alang sa inyo, O mga pinipighati sa kawan. Kaya kumuha ako ng dalawang baston, at tinawag ko ang isa na Kagandahang-Loob, at ang isa pa ay Pagkakaisa,+ at pinastulan ko ang kawan. 8 At nagpalayas ako ng tatlong pastol sa loob ng isang buwan, dahil naubos na ang pasensiya ko sa kanila, at kinamuhian din nila ako. 9 At sinabi ko: “Hindi ko na kayo papastulan. Ang mamamatay na ay hayaang mamatay, at ang nawawala ay hayaan nang tuluyang mawala. Ang mga natira naman, hayaang lamunin nila ang isa’t isa.” 10 Kaya kinuha ko ang baston kong Kagandahang-Loob+ at pinagputol-putol iyon, para sirain ang pakikipagtipan ko sa buong bayan. 11 Kaya nasira ito nang araw na iyon, at ang mga napipighati sa kawan na nagmamasid sa akin ay nakaunawa na salita iyon ni Jehova.
12 Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila: “Kung mabuti sa inyong paningin, ibigay ninyo sa akin ang aking kabayaran; pero kung hindi, huwag ninyong ibigay.” At ibinigay* nila ang aking kabayaran, 30 pirasong pilak.+
13 Pagkatapos, sinabi ni Jehova sa akin: “Ihagis mo iyon sa kabang-yaman—ang napakalaking halagang itinumbas nila sa akin.”+ Kaya kinuha ko ang 30 pirasong pilak at inihagis iyon sa kabang-yaman sa bahay ni Jehova.+
14 Pagkatapos ay pinagputol-putol ko ang ikalawa kong baston, ang Pagkakaisa,+ para putulin ang pagkakapatiran ng Juda at Israel.+
15 At sinabi ni Jehova sa akin: “Ngayon ay kunin mo ang kagamitan ng walang-silbing pastol.+ 16 Dahil hahayaan kong isang pastol ang mamahala sa lupain. Hindi niya iintindihin ang nawawalang mga tupa;+ hindi niya hahanapin ang mga batang tupa o pagagalingin ang mga nasaktan+ o pakakainin ang mga nakatatayo. Sa halip, lalamunin niya ang laman ng matataba+ at bubunutin ang mga kuko ng mga tupa.+
17 Kaawa-awa ang pastol kong walang silbi,+ na nagpapabaya sa kawan!+
Tatamaan ng espada ang kaniyang bisig at kanang mata.
Matutuyo nang husto ang bisig niya,
At mabubulag* ang kanang mata niya.”