Unang Liham sa mga Taga-Corinto
16 Kung tungkol sa paglikom para sa mga banal,+ puwede ninyong sundin ang tagubiling ibinigay ko sa mga kongregasyon sa Galacia.+ 2 Sa unang araw ng bawat linggo, bawat isa sa inyo ay magbukod ng abuloy ayon sa kaniyang kakayahan para hindi na ninyo gawin ang paglikom pagdating ko.+ 3 Pagdating ko diyan, isusugo ko ang mga lalaking inaprobahan ninyo sa inyong mga liham+ para magdala sa Jerusalem ng inyong kusang-loob na abuloy. 4 Pero kung makakabuting sumama ako sa pagpunta nila roon, sasama ako.
5 Pero pupuntahan ko kayo pagkagaling ko sa Macedonia, dahil dadaan din ako sa Macedonia;+ 6 at baka magtagal ako diyan nang kaunti, o hanggang taglamig pa nga, para maalalayan ninyo ako sa simula ng paglalakbay ko, saanman ako pupunta. 7 Dahil ayoko sanang saglit lang tayong magkita; gusto kong makasama kayo nang matagal-tagal,+ kung ipapahintulot ni Jehova. 8 Pero mananatili ako sa Efeso+ hanggang sa Kapistahan ng Pentecostes, 9 dahil isang malaking pinto na umaakay sa gawain ang binuksan para sa akin,+ pero maraming humahadlang.
10 Kung darating diyan si Timoteo,+ tiyakin ninyo na wala siyang anumang ikakatakot, dahil gawain ni Jehova ang ginagawa niya,+ gaya ko rin naman. 11 Kaya walang sinuman ang dapat humamak sa kaniya. Samahan ninyo siya sa simula ng paglalakbay para makarating siya sa akin nang ligtas, dahil hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.
12 Kung tungkol sa kapatid nating si Apolos,+ pinakiusapan ko siya na samahan ang mga kapatid sa pagpunta sa inyo. Wala pa siyang balak pumunta ngayon, pero pupunta rin siya kapag may pagkakataon.
13 Manatili kayong gisíng,+ manghawakan kayong mahigpit sa pananampalataya,+ maging matapang kayo,+ magpakalakas kayo.+ 14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang may pag-ibig.+
15 Alam ninyo na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang alagad* sa Acaya at na ibinuhos nila ang buo nilang makakaya para maglingkod sa mga banal. Kaya hinihimok ko kayo, mga kapatid: 16 Patuloy rin sana kayong magpasakop sa gayong uri ng mga tao at sa lahat ng nakikipagtulungan at nagpapagal.+ 17 Pero masaya ako na nandito sina Estefanas,+ Fortunato, at Acaico, dahil naging malaking tulong sila sa akin noong wala kayo. 18 Dahil pinaginhawa nila ako at kayo. Kaya pahalagahan ninyo ang gayong uri ng mga tao.
19 Binabati kayo ng mga kongregasyon sa Asia. Sina Aquila at Prisca+ at ang kongregasyong nagtitipon sa bahay nila+ ay taos-pusong bumabati sa inyo sa Panginoon. 20 Binabati kayo ng lahat ng kapatid. Malugod ninyong batiin ang isa’t isa.*
21 Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo.
22 Kung ang sinuman ay walang pagmamahal sa Panginoon, sumpain siya. O aming Panginoon, pumarito ka! 23 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesus. 24 Sumainyo nawang lahat na kaisa ni Kristo Jesus ang aking pag-ibig.