Unang Samuel
17 At tinipon ng mga Filisteo+ ang kanilang mga hukbo* para sa pakikipagdigma. Nagtipon sila sa Socoh,+ na sakop ng Juda, at nagkampo sila sa pagitan ng Socoh at Azeka,+ sa Epes-damim.+ 2 Si Saul at ang mga lalaki ng Israel ay nagtipon at nagkampo sa Lambak* ng Elah,+ at humanay sila sa kanilang mga puwesto para makipagdigma sa mga Filisteo. 3 Ang mga Filisteo ay nasa isang bundok, at ang mga Israelita ay nasa kabilang bundok, at nasa pagitan nila ang lambak.
4 At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang mandirigmang panlaban nila; ang pangalan niya ay Goliat,+ mula sa Gat,+ at ang taas niya ay anim na siko at isang dangkal.* 5 May suot siyang helmet na tanso at kutamaya* na gawa sa magkakadikit na piraso ng metal na parang kaliskis. Ang tansong kutamaya+ ay may bigat na 5,000 siklo.* 6 May baluting tanso ang mga binti niya at may diyabelin*+ na tanso sa likod niya. 7 Ang kahoy na hawakan ng kaniyang sibat ay kasinlaki ng baras ng habihan,+ at ang bakal na pinakatulis nito ay 600 siklo;* at ang tagapagdala niya ng kalasag ay nauuna sa kaniya. 8 Pagkatapos, humarap siya sa hukbo ng Israel+ at sumigaw: “Bakit kayo lumabas at humanay para makipagdigma? Hindi ba ako ang Filisteo, at kayo ay mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki, at paharapin ninyo siya sa akin. 9 Kung malalabanan niya ako at mapababagsak, magiging mga alipin ninyo kami. Pero kung matatalo ko siya at mapababagsak, kayo ang magiging mga alipin namin at paglilingkuran ninyo kami.” 10 Sinabi pa ng Filisteo: “Hinahamon ko ang hukbo ng Israel+ sa araw na ito. Magharap kayo ng isang lalaki, at maglalaban kami!”
11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga sinabi ng Filisteo, takot na takot sila.
12 Si David ay anak ng Eprateo+ mula sa Betlehem+ ng Juda na ang pangalan ay Jesse.+ Si Jesse ay may walong anak na lalaki,+ at matanda na siya noong panahon ni Saul. 13 Ang tatlong pinakamatatandang anak na lalaki ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan.+ Ang mga pangalan ng tatlo niyang anak na sumama sa digmaan ay Eliab,+ ang panganay; Abinadab,+ ang kaniyang ikalawang anak; at Shamah, ang ikatlo.+ 14 Si David ang bunso,+ at ang tatlong pinakamatatanda ay sumunod kay Saul.
15 Si David ay nagpapabalik-balik sa paglilingkod kay Saul at sa pag-aalaga ng mga tupa+ ng kaniyang ama sa Betlehem. 16 Samantala, ang Filisteo ay lumalabas at humaharap sa mga Israelita tuwing umaga at tuwing gabi sa loob ng 40 araw.
17 At sinabi ni Jesse sa anak niyang si David: “Pakisuyo, dalhin mo sa mga kapatid mo sa kampo itong isang epa* ng binusang butil at 10 tinapay. Magmadali ka. 18 At dalhin mo itong 10 keso* sa pinuno ng sanlibo; tingnan mo rin ang lagay ng mga kapatid mo, at mag-uwi ka ng katibayan na nasa mabuti silang kalagayan.” 19 Kasama sila ni Saul at ng lahat ng iba pang lalaki ng Israel sa Lambak* ng Elah,+ na nakikipaglaban sa mga Filisteo.+
20 Kaya kinabukasan, maagang gumising si David at ipinagbilin niya sa iba ang mga tupa; pagkatapos, naghanda siya at umalis gaya ng iniutos sa kaniya ni Jesse. Pagdating niya sa kampo, lumalabas ang hukbo papunta sa labanan, at humihiyaw sila ng isang sigaw ng pakikipagdigma. 21 Nagharap ang hukbo ng Israel at ang hukbo ng mga Filisteo. 22 Iniwan agad ni David ang mga dala niya sa tagapag-ingat ng bagahe at tumakbo sa hanay ng hukbo. Pagdating doon, nagtanong siya tungkol sa kalagayan ng mga kapatid niya.+
23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang mandirigmang panlaban ng mga Filisteo na si Goliat+ na mula sa Gat. Lumabas siya mula sa hanay ng hukbo ng mga Filisteo, at inulit niya ang mga sinabi niya dati,+ at narinig siya ni David. 24 Nang makita siya ng lahat ng lalaki ng Israel, nag-atrasan sila sa takot.+ 25 Sinasabi ng mga lalaki ng Israel: “Nakita ba ninyo ang lalaking iyon na lumalabas? Iniinsulto* niya ang Israel.+ Magbibigay ang hari ng malaking kayamanan sa makapagpapabagsak sa lalaking iyon, ibibigay sa kaniya ng hari ang sarili niyang anak,+ at ang sambahayan ng ama niya ay hindi na kailangang magbayad ng buwis at magserbisyo sa Israel.”
26 Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo malapit sa kaniya: “Ano ang gagawin para sa lalaking makapagpapabagsak sa Filisteong iyon at makapag-aalis ng kahihiyan sa Israel? Sino ba ang di-tuling Filisteong ito para insultuhin* ang hukbo ng Diyos na buháy?”+ 27 Sinabi sa kaniya ng bayan ang sinabi nila noong una: “Ganito ang gagawin para sa lalaking makapagpapabagsak sa kaniya.” 28 Nang marinig ng panganay niyang kapatid na si Eliab+ na nakikipag-usap siya sa mga lalaki, nagalit siya kay David at sinabi niya: “Bakit ka pumunta rito? At kanino mo iniwan ang kaunting tupang iyon sa ilang?+ Alam kong pangahas ka at masama ang intensiyon mo; pumunta ka lang dito para panoorin ang labanan.” 29 Sumagot si David: “Ano ba ang ginawa ko? Nagtatanong lang naman ako!” 30 Kaya tumalikod siya at inulit sa iba ang tanong niya,+ at ganoon din ang isinagot sa kaniya.+
31 May nakarinig sa sinabi ni David at iniulat iyon kay Saul. Kaya ipinasundo siya ni Saul. 32 Sinabi ni David kay Saul: “Wala pong dapat masiraan ng loob dahil sa kaniya. Ang inyong lingkod ang lalaban sa Filisteong iyon.”+ 33 Pero sinabi ni Saul kay David: “Hindi mo kayang labanan ang Filisteong iyon, dahil bata ka lang,+ at siya ay mandirigma na mula pa noong kabataan niya.” 34 Sinabi ni David kay Saul: “Ang inyong lingkod ay naging isang pastol ng kawan ng kaniyang ama, at may dumating na leon,+ pati oso, at bawat isa ay tumangay ng tupa mula sa kawan. 35 Hinabol ko po iyon at pinabagsak at iniligtas ko ang tupa mula sa bibig nito. Nang bumangon iyon para labanan ako, sinunggaban ko ang balahibo* nito at pinabagsak ito at pinatay. 36 Parehong pinabagsak ng inyong lingkod ang leon at ang oso, at ang di-tuling Filisteong ito ay magiging gaya ng isa sa mga iyon, dahil ininsulto* niya ang hukbo ng Diyos na buháy.”+ 37 Sinabi pa ni David: “Si Jehova, na nagligtas sa akin mula sa kuko ng leon at ng oso, siya ang magliligtas sa akin mula sa kamay ng Filisteong iyon.”+ Kaya sinabi ni Saul kay David: “Sige, lumaban ka, at sumaiyo nawa si Jehova.”
38 Pagkatapos, dinamtan ni Saul si David ng mga kasuotan niya. Sinuotan niya ito ng helmet na tanso at ng kutamaya. 39 Pagkatapos, isinakbat ni David ang kaniyang espada at sinubukan niyang lumakad pero hindi siya makahakbang, dahil hindi siya sanay sa ganoon. Sinabi ni David kay Saul: “Hindi ko kayang lumaban na suot ang mga ito. Hindi po ako sanay.” Kaya hinubad ni David ang mga iyon. 40 Pagkatapos, dinala niya ang kaniyang baston at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sahig ng batis* at inilagay ang mga iyon sa bulsa ng kaniyang bag na pampastol, at hawak niya ang kaniyang panghilagpos.+ Nagsimula siya ngayong lumapit sa Filisteo.
41 Ang Filisteo ay papalapit din nang papalapit kay David, at nasa unahan niya ang tagapagdala niya ng kalasag. 42 Nang makita ng Filisteo si David, hinamak niya ito dahil isa lang itong batang guwapo na mamula-mula ang kutis.+ 43 Kaya sinabi ng Filisteo kay David: “Aso ba ako,+ kaya patpat ang dala mong panlaban sa akin?” Pagkatapos, isinumpa ng Filisteo si David sa ngalan ng kaniyang mga diyos. 44 Sinabi ng Filisteo kay David: “Lumapit ka lang sa akin, at ipakakain ko ang laman mo sa mga ibon sa langit at sa mga hayop sa parang.”
45 Sinabi naman ni David sa Filisteo: “Lalabanan mo ako gamit ang isang espada at isang sibat at isang diyabelin,+ pero lalabanan kita sa ngalan ni Jehova ng mga hukbo,+ ang Diyos ng hukbo ng Israel, na ininsulto* mo.+ 46 Sa mismong araw na ito ay isusuko ka ni Jehova sa kamay ko,+ at pababagsakin kita at pupugutan ng ulo; at sa araw na ito ay ipakakain ko ang bangkay ng mga sundalong Filisteo sa mga ibon sa langit at sa mababangis na hayop sa lupa; at malalaman ng mga tao sa buong lupa na may Diyos sa Israel.+ 47 At malalaman ng lahat ng narito* na hindi sa pamamagitan ng espada o sibat nagliligtas si Jehova,+ dahil kay Jehova ang labanan,+ at kayong lahat ay ibibigay niya sa aming kamay.”+
48 Pagkatapos, habang papalapit ang Filisteo kay David, mabilis na tumakbo si David papunta sa hanay ng mga kaaway para salubungin ang Filisteo. 49 Kumuha si David ng bato sa bag niya at pinahilagpos iyon. Tinamaan niya ang Filisteo sa noo, at bumaon ang bato sa noo nito at bumagsak ito nang pasubsob sa lupa.+ 50 Kaya natalo ni David ang Filisteo gamit ang isang panghilagpos at isang bato; pinabagsak ni David ang Filisteo at pinatay ito, kahit na wala siyang hawak na espada.+ 51 Patuloy na tumakbo si David, at tumayo siya sa ibabaw ng Filisteo. Pagkatapos, hinawakan niya ang espada nito+ at binunot iyon sa lalagyan. Pinugutan niya ito ng ulo para siguraduhing patay ito. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang malakas na mandirigma, tumakas sila.+
52 Kaya ang mga lalaki ng Israel at ng Juda ay sumigaw, at tinugis nila ang mga Filisteo mula sa lambak+ hanggang sa mga pintuang-daan ng Ekron,+ at ang mga napatay na Filisteo ay nakahandusay sa daan ng Saaraim+ hanggang sa Gat at Ekron. 53 Pagbalik ng mga Israelita mula sa mainitang pagtugis sa mga Filisteo, sinamsaman nila ang mga kampo ng mga ito.
54 Pagkatapos, kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala sa Jerusalem, pero ang mga sandata ng Filisteo ay inilagay niya sa sarili niyang tolda.+
55 Noong makita ni Saul si David na sumusugod sa Filisteo, sinabi niya kay Abner,+ ang pinuno ng hukbo: “Kaninong anak ang batang iyon,+ Abner?” Sumagot si Abner: “Mahal na hari, isinusumpa ko,* hindi ko alam!” 56 Sinabi ng hari: “Alamin mo kung kaninong anak ang bata.” 57 Pagbalik ni David mula sa pagpapabagsak sa Filisteo, isinama siya ni Abner at iniharap kay Saul, at dala niya ang ulo ng Filisteo.+ 58 Sinabi ngayon ni Saul sa kaniya: “Anak, sino ang ama mo?” Sumagot si David: “Anak po ako ng inyong lingkod na si Jesse+ na Betlehemita.”+