Liham sa mga Hebreo
6 Kaya ngayong nalampasan na natin ang unang mga doktrina+ tungkol sa Kristo, sumulong tayo sa pagiging maygulang+ at huwag na tayong magpabalik-balik sa panimulang mga bagay—ang pagsisisi sa walang-saysay na mga gawa at pananampalataya sa Diyos, 2 ang turo tungkol sa mga bautismo at ang pagpapatong ng mga kamay,+ ang pagkabuhay-muli ng mga patay+ at ang walang-hanggang hatol. 3 At gagawin natin ito, kung ipapahintulot ng Diyos.
4 Dahil tungkol sa mga naliwanagan noon+ at nakatikim ng walang-bayad na kaloob mula sa langit at naging kabahagi sa banal na espiritu 5 at nakatikim ng mabuting salita ng Diyos at mga pagpapala ng darating na sistema, 6 pero tumalikod sa pananampalataya,+ imposibleng mapanumbalik sila para magsisi,+ dahil muli nilang ipinapako sa tulos ang Anak ng Diyos at inilalagay siya sa kahihiyan sa harap ng mga tao.+ 7 Dahil ang lupa ay tumatanggap ng pagpapala mula sa Diyos kapag iniinom nito ang ulan na madalas na bumubuhos dito at pagkatapos ay nagsisibol ng pananim na mapapakinabangan ng mga nagsasaka nito. 8 Pero kung magsibol ito ng matitinik na halaman, pababayaan ito at di-magtatagal ay susumpain, at sa bandang huli, ito ay susunugin.
9 Pero kayo, mga minamahal, kumbinsido kami na nasa mas mabuting kalagayan kayo, kalagayang aakay sa kaligtasan, kahit na nagsasalita kami nang ganito. 10 Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya+ sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal. 11 Pero gusto namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayon ding kasipagan para maging tiyak ang pag-asa+ ninyo hanggang sa wakas,+ 12 para hindi kayo maging tamad,+ kundi maging mga tagatulad kayo ng mga nagmamana ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.
13 Dahil nang mangako ang Diyos kay Abraham, wala siyang maipanumpang mas dakila, kaya ipinanumpa niya ang sarili niya+ 14 at sinabi: “Tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang supling mo.”+ 15 Kaya pagkatapos magpakita ni Abraham ng pagtitiis, ipinangako ito sa kaniya. 16 Dahil ipinanunumpa ng mga tao ang mas dakila sa kanila, at ang panunumpa nila ang tumatapos sa bawat pagtatalo, dahil iyon ay isang legal na garantiya sa kanila.+ 17 Sa katulad na paraan, nang ipasiya ng Diyos na ipakita nang mas malinaw sa mga tagapagmana ng pangako+ na hindi mababago ang layunin niya, ginarantiyahan niya iyon sa pamamagitan ng pagsumpa, 18 para sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi mababago, na sa mga ito ay imposibleng magsinungaling ang Diyos,+ tayo na tumakas papunta sa kanlungan ay magkaroon ng malakas na pampatibay na manghawakan sa pag-asang inilagay sa harap natin. 19 Ang pag-asa nating ito+ ay nagsisilbing angkla ng buhay natin; ito ay tiyak at matatag, at pumapasok ito sa loob ng kurtina,+ 20 kung saan pumasok alang-alang sa atin ang nauna, si Jesus,+ na naging isang mataas na saserdote na gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec magpakailanman.+