PAGSISISI
Ang pandiwang “magsisi” ay nangangahulugang “magbago ng isip may kinalaman sa nakalipas (o nilayon) na pagkilos, o paggawi, dahil iyon ay ikinalungkot ng isa o hindi naging kasiya-siya sa kaniya,” o “malungkot, mamighati, o mabagbag, dahil sa nagawa ng isa o hindi niya nagawa.” Sa maraming teksto, ito ang diwa ng Hebreong na·chamʹ. Ang na·chamʹ ay maaaring mangahulugang “magbago ng isip, magsagawa ng yugto ng pagdadalamhati, magsisi” (Exo 13:17; Gen 38:12; Job 42:6), at gayundin “aliwin ang sarili” (2Sa 13:39; Eze 5:13), “paginhawahin ang sarili (halimbawa, mula sa mga kaaway).” (Isa 1:24) Nagpapahiwatig man ng pagkalungkot o ng kaaliwan, makikita na ito’y nagsasangkot ng pagbabago ng isip o damdamin.
Sa Griego, dalawang pandiwa ang ginagamit may kaugnayan sa pagsisisi: ang me·ta·no·eʹo at ang me·ta·meʹlo·mai. Ang una ay binubuo ng me·taʹ, na nangangahulugang “pagkatapos,” at ng no·eʹo (nauugnay sa nous, pag-iisip, disposisyon, o moral na kamalayan), na nangangahulugan namang “matalos, mapag-unawa, maintindihan, o mabatid.” Kaya, ang me·ta·no·eʹo ay literal na nangangahulugang malaman pagkatapos (na kabaligtaran ng malaman nang patiuna) at nagpapahiwatig ng pagbabago ng isip, saloobin, o layunin. Sa kabilang dako naman, ang me·ta·meʹlo·mai ay nagmula sa meʹlo, na nangangahulugang “magmalasakit o maging interesado sa.” Dahil sa unlaping me·taʹ (pagkatapos) ang pandiwang ito ay nagkakaroon ng diwang ‘nagsisisi.’—Mat 21:29; 2Co 7:8.
Samakatuwid, ang me·ta·no·eʹo ay nagdiriin ng nagbagong pangmalas o disposisyon, isang pagtatakwil sa nakalipas o nilayong landasin o pagkilos bilang di-kanais-nais (Apo 2:5; 3:3), samantalang ang me·ta·meʹlo·mai naman ay nagdiriin ng damdamin o pagkadama ng pagsisisi ng indibiduwal. (Mat 21:29) Ganito ang komento ng Theological Dictionary of the New Testament (inedit ni G. Kittel, Tomo IV, p. 629): “Kaya kapag pinagbubukod ng B[agong] T[ipan] ang mga kahulugan ng [mga terminong ito], nagpapakita ito ng malinaw na kabatiran sa di-mababagong diwa ng dalawang konseptong ito. Sa kabaligtaran naman, kadalasang hindi ipinakikita sa Helenistikong paggamit ang pagkakaiba ng dalawang salitang ito.”—Isinalin ni G. Bromiley, 1969.
Sabihin pa, kapag nagbago ang pangmalas ng isa, kadalasan nang nagbabago rin ang kaniyang damdamin, o maaaring mauna ang pagkadama ng pagsisisi at pagkatapos ay hahantong ito sa isang tiyak na pagbabago ng pangmalas o kalooban. (1Sa 24:5-7) Kaya naman ang dalawang terminong ito, bagaman may magkaibang kahulugan, ay may malapit na kaugnayan sa isa’t isa.
Pagsisisi ng Tao sa mga Kasalanan. Ang pagsisisi ay kailangan dahil sa kasalanan, ang pagkabigong makaabot sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos. (1Ju 5:17) Yamang ang buong sangkatauhan ay ipinagbili ni Adan sa kasalanan, ang lahat ng kaniyang mga inapo ay kailangang magsisi. (Aw 51:5; Ro 3:23; 5:12) Gaya ng ipinakikita sa artikulong PAKIKIPAGKASUNDO, ang pagsisisi (na sinusundan ng pagkakumberte) ay isang kahilingan upang ang tao ay maipagkasundo sa Diyos.
Ang pagsisisi ng isa ay maaaring may kinalaman sa kaniyang buong landasin ng pamumuhay, isang landasin na salungat sa layunin at kalooban ng Diyos, at sa halip ay kasuwato ng sanlibutang nasa ilalim ng kontrol ng Kalaban ng Diyos. (1Pe 4:3; 1Ju 2:15-17; 5:19) O maaaring iyon ay may kinalaman sa isang partikular na aspekto ng kaniyang buhay, isang maling gawain na dahil doo’y nadungisan at namantsahan ang kaniyang mahusay na landasin. Maaaring iyon ay pagsisisi sa iisa lamang masamang gawa o kaya’y isang maling tendensiya, hilig, o saloobin. (Aw 141:3, 4; Kaw 6:16-19; San 2:9; 4:13-17; 1Ju 2:1) Samakatuwid, ang saklaw ng mga pagkakamali ay maaaring napakalawak o espesipiko.
Sa katulad na paraan, maaaring ang paglihis ng isang tao mula sa katuwiran ay malaki o maliit lamang, at makatuwiran lamang na ang antas ng kaniyang pagsisisi ay dapat na katumbas ng antas ng kaniyang paglihis. Ang mga Israelita ay “nagpakatalamak . . . sa kanilang paghihimagsik” laban kay Jehova at ‘nabulok’ sila sa kanilang mga pagsalansang. (Isa 31:6; 64:5, 6; Eze 33:10) Sa kabilang dako naman, binabanggit ng apostol na si Pablo ang ‘isang tao na nakagawa ng maling hakbang bago niya mabatid ito,’ at ipinapayo niya na yaong may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay “magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.” (Gal 6:1) Yamang maawaing isinasaalang-alang ni Jehova ang kahinaan ng laman ng kaniyang mga lingkod, hindi nila kailangang palagiang magdalamhati nang matindi dahil sa kanilang mga kamalian na bunga ng kanilang likas na di-kasakdalan. (Aw 103:8-14; 130:3) Kung buong-katapatan silang lumalakad sa mga daan ng Diyos, maaari silang magalak.—Fil 4:4-6; 1Ju 3:19-22.
Yaong mga nagsisisi ay maaaring dati nang nagtatamasa ng isang kaayaayang kaugnayan sa Diyos subalit naligaw at nawalan ng pagsang-ayon at pagpapala mula sa Diyos. (1Pe 2:25) Ang Israel noon ay may pakikipagtipan sa Diyos—sila ay “isang banal na bayan” na pinili mula sa gitna ng lahat ng mga bansa (Deu 7:6; Exo 19:5, 6); ang mga Kristiyano rin ay napasa isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng bagong tipan na si Kristo ang tagapamagitan. (1Co 11:25; 1Pe 2:9, 10) Sa kalagayan niyaong mga naligaw, ang pagsisisi ay umaakay sa muling pagkakaroon ng tamang kaugnayan sa Diyos at sa muling pagtatamasa ng mga pakinabang at mga pagpapalang nagmumula sa kaugnayang iyon. (Jer 15:19-21; San 4:8-10) Para naman sa mga hindi dating nagtatamasa ng gayong kaugnayan sa Diyos, gaya ng mga taong pagano sa di-Israelitang mga bansa noong panahong may bisa pa ang tipan ng Diyos sa Israel (Efe 2:11, 12) at gaya rin ng mga taong mula sa anumang lahi o nasyonalidad na hindi kabilang sa kongregasyong Kristiyano, ang pagsisisi ay isang pangunahin at napakahalagang hakbang upang sila’y mapasa isang tamang katayuan sa harap ng Diyos, tungo sa walang-hanggang buhay.—Gaw 11:18; 17:30; 20:21.
Ang pagsisisi ay maaaring gawin bilang isang grupo o bilang isang indibiduwal. Kaayon nito, dahil sa pangangaral ni Jonas ang buong lunsod ng Nineve, mula sa hari hanggang sa “pinakamababa sa kanila,” ay nagsisi sapagkat sa paningin ng Diyos, silang lahat ay mga kabahagi sa kamalian. (Jon 3:5-9; ihambing ang Jer 18:7, 8.) Nang pakilusin ni Ezra ang buong kongregasyon ng pinabalik na mga Israelita, kinilala nilang nagkasala sila bilang isang komunidad sa harap ng Diyos, anupat nagpahayag sila ng pagsisisi sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawang prinsipe. (Ezr 10:7-14; ihambing ang 2Cr 29:1, 10; 30:1-15; 31:1, 2.) Ang kongregasyon sa Corinto ay nagpahayag ng pagsisisi dahil kanilang pinahintulutan sa gitna nila ang isang manggagawa ng malubhang pagkakasala. (Ihambing ang 2Co 7:8-11; 1Co 5:1-5.) Hindi lubusang pinawalang-sala maging ng mga propetang sina Jeremias at Daniel ang kanilang sarili noong ipinagtatapat nila ang masasamang gawa ng Juda na umakay tungo sa kaniyang pagbagsak.—Pan 3:40-42; Dan 9:4, 5.
Kung ano ang kailangan sa tunay na pagsisisi. Kasangkot sa pagsisisi kapuwa ang isip at ang puso. Dapat aminin ng isa ang pagiging mali ng kaniyang landasin o pagkilos, at dito’y kailangan niyang kilalanin na matuwid ang mga pamantayan at kalooban ng Diyos. Ang pagiging walang-alam o pagiging nakalilimot sa kaniyang kalooban at mga pamantayan ay isang hadlang sa pagsisisi. (2Ha 22:10, 11, 18, 19; Jon 1:1, 2; 4:11; Ro 10:2, 3) Dahil dito, si Jehova ay maawaing nagsusugo ng mga propeta at mga mangangaral upang himukin ang mga tao na magsisi. (Jer 7:13; 25:4-6; Mar 1:14, 15; 6:12; Luc 24:27) Sa pagpapahayag ng mabuting balita sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano, at partikular na mula noong panahong makumberte si Cornelio, “sinasabi [ng Diyos] sa sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi.” (Gaw 17:22, 23, 29-31; 13:38, 39) Ang Salita ng Diyos—nasusulat man o binibigkas—ang ginagamit sa ‘paghikayat’ sa kanila, anupat kinukumbinsi sila sa pagiging tama ng daan ng Diyos at sa pagiging mali ng kanilang sariling mga daan. (Ihambing ang Luc 16:30, 31; 1Co 14:24, 25; Heb 4:12, 13.) Ang kautusan ng Diyos ay “sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa.”—Aw 19:7.
Binanggit ni Haring David ang tungkol sa ‘pagtuturo ng mga daan ng Diyos sa mga mananalansang upang manumbalik sila sa kaniya’ (Aw 51:13), anupat walang alinlangan na ang mga makasalanang ito ay mga kapuwa niya Israelita. Si Timoteo ay tinagubilinang huwag makipag-away kapag nakikitungo sa mga Kristiyano sa mga kongregasyong pinaglilingkuran niya, kundi ‘magturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa mabuti’ dahil baka ang Diyos ay magbigay sa kanila ng “pagsisisi na umaakay sa isang tumpak na kaalaman sa katotohanan, at makabalik sila sa kanilang wastong katinuan mula sa silo ng Diyablo.” (2Ti 2:23-26) Samakatuwid, ang panawagan na magsisi ay maaaring ibigay sa loob ng kongregasyon ng bayan ng Diyos, at gayundin sa labas nito.
Dapat maunawaan ng isang tao na nagkasala siya laban sa Diyos. (Aw 51:3, 4; Jer 3:25) Madali itong maiintindihan kung ang nasasangkot ay hayagan o tuwirang pamumusong, berbal na pang-aabuso sa pangalan ng Diyos, o pagsamba sa ibang mga diyos, halimbawa ay paggamit ng mga imaheng idolo. (Exo 20:2-7) Subalit kahit sa mga bagay na itinuturing ng isa na “pribado” o sa pagitan lamang niya at ng kaniyang kapuwa, ang mga kamaliang nagawa ay dapat kilalaning mga pagkakasala laban sa Diyos, anupat pagpapakita ng kawalang-galang kay Jehova. (Ihambing ang 2Sa 12:7-14; Aw 51:4; Luc 15:21.) Kahit ang mga kamaliang nagawa dahil sa kawalang-alam o nang di-sinasadya ay dapat na kilalaning nagpapangyari sa isa na maging may-sala sa harap ng Soberanong Tagapamahala, ang Diyos na Jehova.—Ihambing ang Lev 5:17-19; Aw 51:5, 6; 119:67; 1Ti 1:13-16.
Ang pangunahing naging gawain ng mga propeta ay kumbinsihin ang Israel sa pagkakasala nito (Isa 58:1, 2; Mik 3:8-11), iyon ma’y idolatriya (Eze 14:6), kawalang-katarungan, paniniil sa kapuwa (Jer 34:14-16; Isa 1:16, 17), imoralidad (Jer 5:7-9), o hindi pagtitiwala sa Diyos na Jehova, at, sa halip, pagtitiwala sa mga tao at sa kapangyarihang militar ng mga bansa (1Sa 12:19-21; Jer 2:35-37; Os 12:6; 14:1-3). Ang mensahe ni Juan na Tagapagbautismo at yaong kay Jesu-Kristo ay mga panawagan upang magsisi ang mga Judio. (Mat 3:1, 2, 7, 8; 4:17) Hinubad ni Juan at ni Jesus mula sa bayan at mula sa kanilang mga lider ng relihiyon ang balabal ng pagmamatuwid sa sarili at ng pagsunod sa gawang-taong mga tradisyon at pagpapaimbabaw, anupat inilantad nila ang pagkamakasalanan ng bansa.—Luc 3:7, 8; Mat 15:1-9; 23:1-39; Ju 8:31-47; 9:40, 41.
Dapat na makuha ng puso ang diwa. Samakatuwid, upang magsisi ang isa, dapat muna siyang makarinig at makakita nang may pagkaunawa, udyok ng isang pusong handang tumugon. (Ihambing ang Isa 6:9, 10; Mat 13:13-15; Gaw 28:26, 27.) Hindi lamang napag-uunawa at naiintindihan ng isip ang naririnig ng tainga at ang nakikita ng mata, kundi mas mahalaga rito, ‘nakukuha ng kanilang mga puso [niyaong mga nagsisisi] ang diwa nito.’ (Mat 13:15; Gaw 28:27) Samakatuwid, hindi lamang dapat na basta kinikilala ng kanilang isip na mali ang kanilang mga daan kundi dapat na nauunawaan din ng kanilang puso ang bagay na ito. Sa mga may kaalaman na sa Diyos, maaaring nangangahulugan ito na kailangan nilang ‘alalahanin sa kanilang mga puso’ ang gayong kaalaman sa kaniya at sa kaniyang mga utos (Deu 4:39; ihambing ang Kaw 24:32; Isa 44:18-20) upang ‘matauhan sila.’ (1Ha 8:47) Taglay ang tamang motibo ng puso, magagawa nilang ‘baguhin ang kanilang pag-iisip, upang mapatunayan nila sa kanilang sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’—Ro 12:2.
Kung ang puso ng isang tao ay may pananampalataya at pag-ibig sa Diyos, taimtim niyang pagsisisihan at ikalulungkot ang kaniyang maling landasin. Ang pagkaunawa sa kabutihan at kadakilaan ng Diyos ay magpapangyari sa mga nagkakasala na makadama ng matinding pagdadalamhati dahil sa pagdudulot nila ng kadustaan sa kaniyang pangalan. (Ihambing ang Job 42:1-6.) Ang pag-ibig sa kapuwa ay magpapangyari ring ikalungkot nila ang pinsalang idinulot nila sa iba, ang kanilang masamang halimbawa, marahil ay kung paano nila dinungisan ang reputasyon ng bayan ng Diyos sa gitna ng hindi nila mga kapananampalataya. Naghahangad sila ng kapatawaran dahil nais nilang parangalan ang pangalan ng Diyos at magpagal para sa kapakanan ng kanilang kapuwa. (1Ha 8:33, 34; Aw 25:7-11; 51:11-15; Dan 9:18, 19) Samantalang nagsisisi, nadarama nilang sila ay may ‘wasak na puso,’ “nasisiil at may mapagpakumbabang espiritu” (Aw 34:18; 51:17; Isa 57:15), sila’y ‘may espiritu ng pagsisisi at nanginginig sa salita’ ng Diyos, na nangangailangan ng pagsisisi (Isa 66:2), at sa diwa, sila’y ‘nanginginig na pumaparoon kay Jehova at sa kaniyang kabutihan.’ (Os 3:5) Nang may-kamangmangang kumilos si David dahil sa pagkuha niya ng sensus, siya’y “pinasimulang bagabagin ng kaniyang puso.”—2Sa 24:10.
Samakatuwid, dapat na lubusang itakwil ng isa ang masamang landasin, buong-puso niya itong kapootan, at marimarim siya rito (Aw 97:10; 101:3; 119:104; Ro 12:9; ihambing ang Heb 1:9; Jud 23), dahil “ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama,” kabilang na rito ang pagtataas sa sarili, ang pagmamapuri, ang masamang lakad, at ang tiwaling bibig. (Kaw 8:13; 4:24) Kalakip nito, dapat niyang ibigin ang katuwiran at matatag na ipasiyang patuloy na manghawakan sa matuwid na landasin pasimula sa panahong iyon. Kung wala ang pagkapoot na ito sa masama at pag-ibig sa katuwiran, walang tunay na puwersang aakay sa kaniya sa pagsisisi, anupat hindi ito hahantong sa tunay na pagkakumberte. Kaayon nito, si Haring Rehoboam ay nagpakumbaba sa ilalim ng kapahayagan ng galit ni Jehova, subalit nang maglaon, si Rehoboam ay ‘gumawa ng masama, sapagkat hindi niya lubusang pinagtibay ang kaniyang puso upang hanapin si Jehova.’—2Cr 12:12-14; ihambing ang Os 6:4-6.
Kalungkutan sa makadiyos na paraan, hindi ang kalungkutan ng sanlibutan. Sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto, tinukoy ng apostol na si Pablo ang “kalungkutan sa makadiyos na paraan” na ipinamalas ng mga ito bilang resulta ng pagsaway niya sa kanila sa kaniyang unang liham. (2Co 7:8-13) “Pinagsisihan” (me·ta·meʹlo·mai) niya ang pagsulat sa kanila nang may labis na kahigpitan at ang pagdudulot sa kanila ng kirot, ngunit napawi sa kaniya ang gayong pagsisisi nang makita niyang ang kalungkutang ibinunga ng kaniyang pagsaway ay isang makadiyos na kalungkutan, anupat umakay sa marubdob na pagsisisi (me·taʹnoi·a) sa kanilang maling saloobin at landasin. Batid niyang ang kirot na idinulot niya sa kanila ay nakatutulong sa ikabubuti nila at hindi magdudulot sa kanila ng “anumang pinsala.” Ang kalungkutan na umaakay sa pagsisisi ay hindi rin naman nila dapat pagsisihan, sapagkat pinanatili sila nito sa daan ng kaligtasan; iniligtas sila nito mula sa pagtalikod sa tunay na pagsamba o mula sa pag-aapostata at binigyan sila nito ng pag-asa na walang-hanggang buhay. Ipinakita niya ang pagkakaiba ng kalungkutang ito sa “kalungkutan ng sanlibutan [na] nagbubunga ng kamatayan.” Ang gayong kalungkutan ay hindi nagmumula sa pananampalataya at pag-ibig sa Diyos at sa katuwiran. Ang kalungkutan ng sanlibutan, bunga ng pagkabigo, pagkasiphayo, kawalan, kaparusahan dahil sa paggawa ng masama, at kahihiyan (ihambing ang Kaw 5:3-14, 22, 23; 25:8-10), ay kadalasan nang may kaakibat o dulot na kapaitan, hinanakit, at inggit; hindi ito humahantong sa namamalaging kapakinabangan, pagbabago sa ikabubuti, at tunay na pag-asa. (Ihambing ang Kaw 1:24-32; 1Te 4:13, 14.) Ipinagdadalamhati ng makasanlibutang kalungkutan ang di-kaayaayang mga bunga ng kasalanan, ngunit hindi nito ipinagdadalamhati ang kasalanan mismo at ang idinudulot nitong kadustaan sa pangalan ng Diyos.—Isa 65:13-15; Jer 6:13-15, 22-26; Apo 18:9-11, 15, 17-19; ihambing ang pagkakaiba sa Eze 9:4.
Inilalarawan ito ng kaso ni Cain, anupat siya ang unang tao na hayagang sinabihan ng Diyos na magsisi. Binabalaan ng Diyos si Cain na ‘gumawa ng mabuti’ upang hindi magwagi sa kaniya ang kasalanan. Subalit sa halip na magsisi sa kaniyang mapamaslang na pagkapoot, hinayaan niyang pakilusin siya nito na patayin ang kaniyang kapatid. Nang tanungin siya ng Diyos, maligoy siyang tumugon, at noon lamang patawan siya ng sentensiya at saka siya nagpakita ng pagsisisi—pagsisisi dahil sa bigat ng kaparusahan sa kaniya at hindi dahil sa kamaliang ginawa niya. (Gen 4:5-14) Sa gayo’y ipinakita niyang siya ay “nagmula sa isa na balakyot.”—1Ju 3:12.
Nagpamalas din ng makasanlibutang kalungkutan si Esau nang malaman niyang tinanggap na ng kaniyang kapatid na si Jacob ang pagpapala ng pagkapanganay (isang karapatan na walang-pagpapahalagang ipinagbili ni Esau kay Jacob). (Gen 25:29-34) Sumigaw si Esau “nang lubhang malakas at mapait,” at may pagluha anupat hinangad niya ang “pagsisisi” (me·taʹnoi·a)—hindi sarili niyang pagsisisi, kundi “pagbabago ng isip” ng kaniyang ama. (Gen 27:34; Heb 12:17, Int) Pinagsisihan niya ang kaniyang naging kawalan at hindi ang materyalistiko niyang saloobin na nagpangyaring kaniyang ‘hamakin ang pagkapanganay.’—Gen 25:34.
Pagkatapos niyang ipagkanulo si Jesus, si Hudas ay “nakadama ng matinding dalamhati [isang anyo ng me·ta·meʹlo·mai],” sinikap niyang isauli ang suhol na ipinakipagkasundo niya, at pagkatapos ay nagpatiwakal siya sa pamamagitan ng pagbibigti. (Mat 27:3-5) Maliwanag na nalipos siya ng takot dahil sa bigat ng kaniyang ginawang krimen at, malamang, dahil sa kakila-kilabot na katiyakang hahatulan siya ng Diyos. (Ihambing ang Heb 10:26, 27, 31; San 2:19.) Nakadama siya ng matinding dalamhati bunga ng pagkakasala, kawalan ng pag-asa, o pagiging desperado pa nga, ngunit walang anumang katibayan na nagpamalas siya ng makadiyos na kalungkutan na umaakay sa pagsisisi (me·taʹnoi·a). Hinanap niya, hindi ang Diyos, kundi ang mga Judiong lider upang ipagtapat sa kanila ang kaniyang pagkakasala, at isinauli niya ang salapi anupat maliwanag na taglay ang maling kaisipan na sa pamamagitan nito sa paanuman ay mapagagaan niya ang kaniyang ginawang krimen. (Ihambing ang San 5:3, 4; Eze 7:19.) Sa kaniyang krimeng kataksilan at pagkakaroon ng bahagi sa kamatayan ng isang taong walang-sala, idinagdag niya ang pagpaslang sa sarili. Ang kaniyang landasin ay kabaligtaran niyaong kay Pedro, na ang mapait na pagtangis pagkatapos niyang ikaila ang kaniyang Panginoon ay udyok ng taos-pusong pagsisisi, na umakay sa kaniyang pagkakasauli.—Mat 26:75; ihambing ang Luc 22:31, 32.
Samakatuwid, ang pagkalungkot, matinding dalamhati, at pagluha, ay hindi maaasahang mga sukatan ng tunay na pagsisisi. Matitiyak lamang ito batay sa kung ano ang motibo ng puso. Nagpahayag si Oseas ng pagtuligsa ni Jehova sa Israel, sapagkat sa kanilang kabagabagan ay “hindi sila humingi sa [kaniya] ng saklolo mula sa kanilang puso, bagaman patuloy silang nagpapalahaw sa kanilang mga higaan. Dahil sa kanilang butil at matamis na alak ay patuloy silang naglilimayon . . . At bumalik sila, hindi sa anumang mas mataas.” Ang pagdaing nila para sa tulong sa panahon ng kapahamakan ay udyok ng kasakiman, at kapag pinagkakalooban sila ng tulong, hindi nila ginagamit ang pagkakataong iyon upang pahusayin ang kanilang kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagsunod sa kaniyang matataas na pamantayan (ihambing ang Isa 55:8-11); sila ay gaya ng “isang maluwag na busog” na hindi tumatama sa tudlaan. (Os 7:14-16; ihambing ang Aw 78:57; San 4:3.) Ang pag-aayuno, pagtangis, at paghagulhol ay wasto—ngunit tanging kung ‘hinahapak’ ng mga nagsisisi ‘ang kanilang mga puso’ at hindi lamang ang kanilang mga kasuutan.—Joe 2:12, 13; tingnan ang PAG-AAYUNO; PAGDADALAMHATI.
Pagtatapat ng masamang gawa. Samakatuwid, ang taong nagsisisi ay magpapakumbaba at hahanapin niya ang mukha ng Diyos (2Cr 7:13, 14; 33:10-13; San 4:6-10), anupat magsusumamo ukol sa kaniyang kapatawaran. (Mat 6:12) Hindi siya katulad ng mapagmatuwid-sa-sariling Pariseo sa ilustrasyon ni Jesus kundi katulad ng maniningil ng buwis na inilarawan ni Jesus bilang dumadagok sa sarili niyang dibdib at nagsasabi, “O Diyos, magmagandang-loob ka sa akin na isang makasalanan.” (Luc 18:9-14) Sinasabi ng apostol na si Juan: “Kung sasabihin natin: ‘Wala tayong kasalanan,’ inililigaw natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.” (1Ju 1:8, 9) “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.”—Kaw 28:13; ihambing ang Aw 32:3-5; Jos 7:19-26; 1Ti 5:24.
Ang panalangin ni Daniel sa Daniel 9:15-19 ay isang huwaran ng taimtim na pagtatapat, anupat nagpapahayag ng pagkabahala pangunahin na para sa pangalan ni Jehova at ang pamamanhik nito ay nakasalig ‘hindi sa aming matuwid na mga gawa, kundi sa iyong maraming kaawaan.’ Ihambing din ang mapagpakumbabang pananalita ng alibughang anak. (Luc 15:17-21) Yaong mga nagsisisi ay may-kataimtimang ‘nagtataas ng kanilang puso pati ng kanilang mga palad sa Diyos,’ anupat nagtatapat ng kanilang pagsalansang at naghahangad ng kapatawaran.—Pan 3:40-42.
Pagtatapat ng mga kasalanan sa isa’t isa. Ang alagad na si Santiago ay nagpapayo: “Hayagang ipagtapat ang inyong mga kasalanan sa isa’t isa at ipanalangin ang isa’t isa, upang kayo ay mapagaling.” (San 5:16) Ang gayong pagtatapat ay wasto lamang hindi dahil ang sinumang tao ay nagsisilbing “katulong [“tagapagtanggol,” RS]” ng tao sa Diyos, yamang tanging si Kristo lamang ang makagaganap sa papel na iyan sa bisa ng kaniyang pampalubag-loob na hain. (1Ju 2:1, 2) Sa ganang sarili nila, ang mga tao ay hindi talaga makapagtatama ng mali sa harap ng Diyos, para sa kanilang sarili o para sa iba, yamang hindi nila mailalaan ang kinakailangang pambayad-sala. (Aw 49:7, 8) Gayunman, matutulungan ng mga Kristiyano ang isa’t isa, at ang mga panalangin nila para sa kanilang mga kapatid, bagaman hindi naman nakaaapekto sa pagpapairal ng Diyos ng katarungan (yamang tanging ang pantubos ni Kristo ang nagdudulot ng kapatawaran ng mga kasalanan), ay mahalaga sa Diyos kapag pinakikiusapan siyang magkaloob ng kinakailangang tulong at lakas sa isa na nagkasala at naghahangad ng saklolo.—Tingnan ang PANALANGIN (Ang Pagsagot sa mga Panalangin).
Pagkakumberte—Isang Pagtalikod. Pinuputol ng pagsisisi ang maling landasin ng isang tao, anupat itinatakwil niya iyon, at ipinapasiya niyang tumahak sa isang tamang landasin. Kung tunay ang pagsisisi, masusundan ito ng “pagkakumberte.” (Gaw 15:3) Kapuwa sa Hebreo at sa Griego ang mga pandiwang nauugnay sa pagkakumberte (sa Heb., shuv; sa Gr., streʹpho; e·pi·streʹpho) ay nangangahulugan lamang ng “bumaling, manumbalik, o bumalik.” (Gen 18:10; Kaw 15:1; Jer 18:4; Ju 12:40; 21:20; Gaw 15:36) Kapag ginagamit sa espirituwal na diwa, maaari itong tumukoy alinman sa pagtalikod sa Diyos (samakatuwid nga, pagtalikod tungo sa isang makasalanang landasin [Bil 14:43; Deu 30:17]) o sa pagbaling sa Diyos mula sa isang maling lakad.—1Ha 8:33.
Ang pagkakumberte ay nagpapahiwatig ng higit pa kaysa basta isang saloobin o berbal na kapahayagan lamang; nagsasangkot ito ng “mga gawang angkop sa pagsisisi.” (Gaw 26:20; Mat 3:8) Ito’y isang aktibong ‘paghahanap,’ ‘pagsasaliksik,’ ‘pag-uusisa’ kay Jehova nang buong puso at kaluluwa. (Deu 4:29; 1Ha 8:48; Jer 29:12-14) Nangangahulugan ito ng pagsisikap na matamo ang lingap ng Diyos sa pamamagitan ng ‘pakikinig sa kaniyang tinig’ gaya ng ipinapahayag sa kaniyang Salita (Deu 4:30; 30:2, 8), ‘pagpapakita ng kaunawaan sa kaniyang katapatan’ sa pamamagitan ng pagkakaroon ng higit na unawa at kabatiran sa kaniyang mga daan at kalooban (Dan 9:13), pagtupad sa kaniyang mga utos at ‘pagsasagawa’ ng mga iyon (Ne 1:9; Deu 30:10; 2Ha 23:24, 25), ‘pag-iingat ng maibiging-kabaitan at katarungan’ at ‘palagiang pag-asa sa Diyos’ (Os 12:6), pag-iwan sa paggamit ng relihiyosong mga imahen o sa pagsamba sa mga nilalang upang ‘ituon ang puso kay Jehova at maglingkod tangi lamang sa kaniya’ (1Sa 7:3; Gaw 14:11-15; 1Te 1:9, 10), at paglakad sa kaniyang mga daan at hindi sa daan ng mga bansa (Lev 20:23) o sa sariling daan (Isa 55:6-8). Ang mga panalangin, hain, pag-aayuno, at pangingilin ng sagradong mga kapistahan ay walang kabuluhan at walang halaga sa Diyos malibang ang mga ito ay nilalakipan ng mabubuting gawa, katarungan, pagwawaksi sa paniniil at karahasan, at pagpapakita ng awa.—Isa 1:10-19; 58:3-7; Jer 18:11.
Kailangan dito ang “isang bagong puso at isang bagong espiritu” (Eze 18:31); kapag ang isa ay nagbago ng kaisipan, motibo, at tunguhin sa buhay, nagkakaroon siya ng isang bagong takbo ng pag-iisip, disposisyon, at lakas na gawin kung ano ang tama. Para sa isa na nagbago na ng landasin sa buhay, ang resulta nito ay isang “bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat” (Efe 4:17-24), anupat malaya mula sa imoralidad, kaimbutan, at gayundin sa mararahas na pananalita at paggawi. (Col 3:5-10; ihambing ang pagkakaiba sa Os 5:4-6.) Sa gayong mga tao ay pinangyayari ng Diyos na ‘bumukal’ ang espiritu ng karunungan, anupat ipinaaalam sa kanila ang kaniyang mga salita.—Kaw 1:23; ihambing ang 2Ti 2:25.
Samakatuwid, ang tunay na pagsisisi ay may tunay na epekto, nagluluwal ng puwersa, at nagpapakilos sa isang tao na “manumbalik.” (Gaw 3:19) Kaya naman maaaring sabihin ni Jesus sa mga nasa Laodicea: “Maging masigasig ka at magsisi.” (Apo 3:19; ihambing ang Apo 2:5; 3:2, 3.) Kakikitaan ito ng ‘malaking kasigasigan, pagpapawalang-sala sa sarili, makadiyos na takot, pananabik, at pagtatama ng mali.’ (2Co 7:10, 11) Ang kawalan ng pagkabahala na ituwid ang mga kamaliang nagawa ay nagpapakita ng kawalan ng tunay na pagsisisi.—Ihambing ang Eze 33:14, 15; Luc 19:8.
Ang pananalitang “bagong kumberteng lalaki,” “bago lamang kumberte” (RS), sa Griego (ne·oʹphy·tos) ay literal na nangangahulugang “bagong tanim” o “bagong sibol.” (1Ti 3:6) Ang gayong lalaki ay hindi dapat atasan ng ministeryal na mga tungkulin sa kongregasyon dahil baka “magmalaki siya at mahulog sa hatol na ipinataw sa Diyablo.”
Anu-ano ang “patay na mga gawa” na dapat pagsisihan ng mga Kristiyano?
Ipinakikita ng Hebreo 6:1, 2 na kabilang sa “pang-unang doktrina” ang “pagsisisi mula sa patay na mga gawa, at pananampalataya sa Diyos,” na sinusundan ng turo tungkol sa mga bautismo, ng pagpapatong ng mga kamay, ng pagkabuhay-muli at walang-hanggang hatol. Ang “patay na mga gawa” (isang pananalita na tanging sa Heb 9:14 lamang muling lumilitaw) ay maliwanag na nangangahulugan ng hindi lamang basta makasalanang mga gawa ng kamalian, o mga gawa ng makasalanang laman na umaakay sa isa sa kamatayan (Ro 8:6; Gal 6:8), kundi lahat ng mga gawa na sa ganang sarili ay patay, walang kabuluhan, at walang bunga sa espirituwal na paraan.
Kabilang dito ang mga gawa ng pagbibigay-katuwiran sa sarili, ang mga pagsisikap ng mga tao na itatag ang sarili nilang katuwiran nang hiwalay kay Kristo Jesus at sa kaniyang haing pantubos. Samakatuwid, ang pormal na pagtupad ng mga Judiong lider ng relihiyon at ng iba pa, sa Kautusan, ay “patay na mga gawa” dahil salat ito sa pananampalataya. (Ro 9:30-33; 10:2-4) Dahil dito, sa halip na magsisi ay natisod sila kay Kristo Jesus, ang “Punong Ahente” ng Diyos “upang magbigay ng pagsisisi sa Israel at ng kapatawaran ng mga kasalanan.” (Gaw 5:31-33; 10:43; 20:21) Gayundin naman, ang pagtupad sa Kautusan na para bang ito’y may bisa pa ay naging “patay na mga gawa” pagkatapos itong tuparin ni Kristo Jesus. (Gal 2:16) Sa katulad na paraan, ang lahat ng mga gawang maituturing sanang makabuluhan ay nagiging “patay na mga gawa” kung ang motibo sa paggawa nito ay hindi pag-ibig, pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapuwa. (1Co 13:1-3) Ang pag-ibig na ito naman ay dapat na “sa gawa at katotohanan,” anupat kaayon ng kalooban at mga daan ng Diyos na ipinababatid sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Salita. (1Ju 3:18; 5:2, 3; Mat 7:21-23; 15:6-9; Heb 4:12) Yaong bumabaling sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus taglay ang pananampalataya ay nagsisisi sa lahat ng mga gawang maituturing na “patay na mga gawa,” at pagkatapos ay iniiwasan na niya ang mga iyon, sa gayo’y nagiging malinis ang kaniyang budhi.—Heb 9:14.
Ang bautismo (paglulubog sa tubig), maliban sa kaso ni Jesus, ay isang sagisag na itinakda ng Diyos kaugnay ng pagsisisi, kapuwa para sa mga kabilang sa bansang Judio (na hindi nakatupad sa tipan ng Diyos noong may bisa pa ito) at para sa mga tao ng mga bansa na ‘nanumbalik’ upang mag-ukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos.—Mat 3:11; Gaw 2:38; 10:45-48; 13:23, 24; 19:4; tingnan ang BAUTISMO.
Di-nagsisisi. Dahil sa kawalan ng tunay na pagsisisi ay naging tapon ang Israel at ang Juda, dalawang ulit na winasak ang Jerusalem, at nang dakong huli, lubusang itinakwil ng Diyos ang bansa. Kapag sinasaway sila, hindi naman sila talaga bumabalik sa Diyos kundi patuloy silang “bumabalik sa landasin ng karamihan, gaya ng kabayong dumadaluhong sa pagbabaka.” (Jer 8:4-6; 2Ha 17:12-23; 2Cr 36:11-21; Luc 19:41-44; Mat 21:33-43; 23:37, 38) Sapagkat sa kanilang mga puso ay ayaw nilang magsisi at ‘manumbalik,’ ang mga bagay na narinig at nakita nila ay hindi nagdulot sa kanila ng kaunawaan at kaalaman; isang “talukbong” ang nakatakip sa kanilang mga puso. (Isa 6:9, 10; 2Co 3:12-18; 4:3, 4) May bahagi rito ang di-tapat na mga lider ng relihiyon at mga propeta, gayundin ang mga bulaang propetisa, anupat pinalakas nila ang bayan sa kanilang paggawa ng masama. (Jer 23:14; Eze 13:17, 22, 23; Mat 23:13, 15) Patiunang sinabi ng mga hulang Kristiyano na ang pagkilos ng Diyos sa hinaharap, anupat kaniyang sasawayin ang mga tao at tatawagin ang mga ito upang magsisi, ay sa katulad na paraan tatanggihan din ng marami. Inihula nito na ang mga bagay na kanilang daranasin ay magpapatigas at magpapapait lamang sa kanila hanggang sa mamusong sila sa Diyos, bagaman ang pagtatakwil nila sa kaniyang matuwid na mga daan ang ugat at sanhi ng lahat ng kanilang kabagabagan at kapahamakan. (Apo 9:20, 21; 16:9, 11) Ang gayong mga tao ay ‘nag-iimbak ng poot para sa kanilang sarili sa araw ng pagsisiwalat sa matuwid na paghatol ng Diyos.’—Ro 2:5.
Kawalang-pagsisisi. Yaong mga ‘namimihasa nang sinasadya sa kasalanan’ pagkatapos matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan ay umabot na sa kawalang-pagsisisi, sapagkat itinakwil nila ang pinakalayunin ng kamatayan ng Anak ng Diyos at sa gayo’y napapabilang sa mga humatol sa kaniya ng kamatayan, anupat sa diwa ay “ibinabayubay nilang muli ang Anak ng Diyos sa ganang kanila at inilalantad siya sa hayag na kahihiyan.” (Heb 6:4-8; 10:26-29) Dahil dito, ang kasalanang ito ay walang kapatawaran. (Mar 3:28, 29) Mas mabuti pa sana na “hindi nila nalaman nang may katumpakan ang landas ng katuwiran kaysa pagkatapos na malaman ito nang may katumpakan ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.”—2Pe 2:20-22.
Yamang sina Adan at Eva ay sakdal na mga nilalang, at yamang ang utos sa kanila ng Diyos ay malinaw at kapuwa nila nauunawaan, maliwanag na ang kanilang pagkakasala ay sinasadya at hindi ito mapagpapaumanhinan salig sa anumang kahinaan o di-kasakdalan ng tao. Kaya naman, ang mga salita sa kanila ng Diyos kasunod nito ay walang inialok na paanyayang magsisi sila. (Gen 3:16-24) Gayundin ang kaso ng espiritung nilalang na humikayat sa kanila sa paghihimagsik. Ang wakas niya at ang wakas ng iba pang mga anghelikong nilalang na sumama sa kaniya ay walang-hanggang pagkapuksa. (Gen 3:14, 15; Mat 25:41) Si Hudas, bagaman di-sakdal, ay namuhay nang may matalik na pakikipagsamahan sa sariling Anak ng Diyos, subalit siya’y naging traidor. Tinukoy siya mismo ni Jesus bilang “anak ng pagkapuksa.” (Ju 17:12) Ang apostatang “taong tampalasan” ay tinatawag ding “anak ng pagkapuksa.” (2Te 2:3; tingnan ang ANTIKRISTO; APOSTASYA; TAONG TAMPALASAN.) Sa katulad na paraan, ang lahat niyaong magiging kabilang sa makasagisag na “kambing” sa panahon ng makaharing paghatol ni Jesus sa sangkatauhan ay “magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol,” anupat hindi sila aanyayahang magsisi.—Mat 25:33, 41-46.
Naglalaan ng Pagkakataon ang Pagkabuhay-Muli. Sa kabaligtaran naman, may kinalaman sa ilang Judiong lunsod noong unang siglo, binanggit ni Jesus ang isang panghinaharap na araw ng paghuhukom na doo’y magiging kasangkot ang mga ito. (Mat 10:14, 15; 11:20-24) Ipinahihiwatig niyaon na sa paanuman ay may mga taong bubuhaying muli mula sa mga lunsod na iyon, at bagaman dahil sa kanilang dating di-nagsisising saloobin ay magiging napakahirap para sa kanila na magsisi, sila’y magkakaroon ng pagkakataong magpamalas ng pagpapakumbaba at pagsisisi at “manumbalik” sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Yaong mga hindi gagawa ng gayon ay tatanggap ng walang-hanggang pagkapuksa. (Ihambing ang Apo 20:11-15; tingnan ang ARAW NG PAGHUHUKOM.) Gayunman, yaong mga sumusunod sa isang landasin na gaya niyaong sa mga eskriba at mga Pariseo, na sadya at kusang lumaban sa paghahayag ng espiritu ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ay hindi bubuhaying muli, at sa gayo’y hindi sila “makatatakas mula sa kahatulan ng Gehenna.”—Mat 23:13, 33; Mar 3:22-30.
Ang manggagawa ng kasamaan na nakabitin sa tulos. Ang magnanakaw na nakabayubay sa tabi ni Jesus at nagpakita ng pananampalataya sa kaniya ay pinangakuang mapapasa Paraiso. (Luc 23:39-43; tingnan ang PARAISO.) Bagaman sinisikap ipaliwanag ng iba na ang pangakong ito ay nagpapahiwatig na tiniyak sa manggagawa ng kasamaan na siya ay magtatamo ng walang-hanggang buhay, hindi naman ito kaayon ng mga katibayan mula sa maraming kasulatan na natalakay na. Bagaman inamin niya ang pagiging mali ng kaniyang gawaing kriminal na kabaligtaran ng kawalang-sala ni Jesus (Luc 23:41), walang anumang nagpapakita na kaniya nang ‘kinapootan ang kasamaan at inibig ang katuwiran’; palibhasa’y malapit nang mamatay maliwanag na wala siya sa kalagayan na ‘makapanumbalik’ at makapagluwal ng “mga gawang angkop sa pagsisisi”; hindi siya nabautismuhan. (Gaw 3:19; 26:20) Samakatuwid, lumilitaw na sa kaniyang pagkabuhay-muli mula sa mga patay bibigyan siya ng pagkakataong gawin ang mga pagkilos na ito.—Ihambing ang Apo 20:12, 13.
Yamang sakdal ang Diyos, paano niya maaaring ‘ikalungkot’ ang isang bagay?
Sa karamihan ng mga kaso kung saan ang Hebreong na·chamʹ ay ginagamit sa diwa ng “pagkalungkot,” ang tinutukoy ay ang Diyos na Jehova. Sinasabi ng Genesis 6:6, 7 na “ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at siya ay nasaktan sa kaniyang puso”; gayon na lamang kalubha ang kanilang naging kabalakyutan anupat ipinasiya ng Diyos na papawiin niya sila mula sa ibabaw ng lupa sa pamamagitan ng pangglobong Baha. Hindi ito maaaring mangahulugan na ang Diyos ay nalungkot sa diwa na nagkamali siya sa ginawa niyang paglalang, sapagkat “sakdal ang kaniyang gawa.” (Deu 32:4, 5) Ang pagkalungkot ay kabaligtaran ng kalugud-lugod na kasiyahan at pagsasaya. Kaya, maaaring ang Diyos ay nalungkot dahil pagkatapos niyang lalangin ang sangkatauhan, naging napakasama ng paggawi ng mga ito anupat naobliga siya noon (at makatuwiran lamang) na puksain ang buong sangkatauhan maliban kay Noe at sa kaniyang pamilya. Sapagkat ang Diyos ay ‘hindi nalulugod sa kamatayan ng balakyot.’—Eze 33:11.
Ganito ang komento ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong: “Ang Diyos mismo ay binabanggit na nagsisisi [na·chamʹ, nalulungkot]; subalit maaaring ang kahulugan lamang nito ay ang pagbabago niya ng kaniyang paggawi sa kaniyang mga nilalang, sa paggagawad man niya ng kabutihan o sa pagpapasapit niya ng kasamaan—ang pagbabagong iyon ng paggawi ng Diyos ay salig sa pagbabago ng kaniyang mga nilalang; at sa gayon, ayon sa pananalita ng mga tao, sinasabi na ang Diyos ay nagsisisi.” (1894, Tomo VIII, p. 1042) Ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos ay nananatiling matatag, hindi nagbabago, at hindi paiba-iba. (Mal 3:6; San 1:17) Walang mga kalagayan ang makapagpapabago ng kaniyang isip tungkol sa mga ito, ang makapagtatalikod sa kaniya sa mga ito, o ang makapagpapangyaring iwan niya ang mga ito. Gayunman, ang saloobin at mga pagtugon ng kaniyang matatalinong nilalang sa sakdal na mga pamantayang iyon at sa pagpapairal ng Diyos sa mga iyon ay maaaring mabuti o masama. Kung mabuti, kalugud-lugod ito sa Diyos, at kung masama naman ay nagdudulot ito sa kaniya ng pagkalungkot. Bukod diyan, ang saloobin ng mga nilalang ay maaaring magbago mula sa mabuti tungo sa masama o mula sa masama tungo sa mabuti, at yamang hindi binabago ng Diyos ang kaniyang mga pamantayan para pagbigyan lamang sila, ang pagkalugod niya (at ang kaakibat nitong mga pagpapala) ay maaaring magbago kaayon niyaon tungo sa pagkalungkot (at sa kaakibat nitong disiplina o kaparusahan) o kabaligtaran nito. Samakatuwid, ang kaniyang mga kahatulan at mga kapasiyahan ay lubusang malaya mula sa kapritso, pagbabagu-bago, pagka-di-maaasahan, o kamalian; sa gayo’y malaya siya mula sa anumang paiba-iba o kakatwang pagkilos.—Eze 18:21-30; 33:7-20.
Ang isang magpapalayok ay maaaring magsimulang gumawa ng isang uri ng sisidlan at pagkatapos ay baguhin ang istilo niyaon kung ang sisidlan ay “nasira ng kamay ng magpapalayok.” (Jer 18:3, 4) Sa paghahalimbawang ito, hindi ipinakikita ni Jehova na siya ay gaya ng isang taong magpapalayok na ‘ang kamay ay nakasisira,’ kundi sa halip, na siya ay may awtoridad sa sangkatauhan bilang Diyos, awtoridad na magbago ng kaniyang pakikitungo sa kanila ayon sa kung paano sila tumutugon o hindi tumutugon sa kaniyang katuwiran at awa. (Ihambing ang Isa 45:9; Ro 9:19-21.) Maaari nga niyang ‘ikalungkot ang kapahamakan na inisip niyang ilapat’ sa isang bansa, o ‘ikalungkot ang mabuti na sinabi niya sa kaniyang sarili na gawin sa ikabubuti nito,’ anupat ang lahat ay depende sa pagtugon ng bansa sa kaniyang naunang pakikitungo sa kanila. (Jer 18:5-10) Samakatuwid, hindi sa ang Dakilang Magpapalayok, si Jehova, ay nagkakamali, kundi sa halip, ang tao na “luwad,” ay dumaranas ng “metamorposis” (pagbabago ng anyo o kayarian) may kinalaman sa kalagayan ng kaniyang puso, anupat nagbubunga ito ng pagkalungkot, o ng pagbabago ng damdamin, sa bahagi ni Jehova.
Totoo ito may kaugnayan sa mga indibiduwal at gayundin sa mga bansa, at yamang ang Diyos na Jehova ay may binabanggit na ‘ikinalungkot’ niya ang ilan sa kaniyang mga lingkod, gaya ni Haring Saul, na tumalikod sa katuwiran, ipinakikita nito na hindi itinatadhana ng Diyos ang kinabukasan ng gayong mga indibiduwal. (Tingnan ang PATIUNANG KAALAMAN, PATIUNANG PAGTATALAGA.) Nang ikalungkot ng Diyos ang paglihis ni Saul, hindi ito nangangahulugan na nagkamali ang Diyos sa pagpili sa kaniya bilang hari anupat dapat lamang Niyang ikalungkot ang bagay na iyon. Sa halip, malamang na nalungkot ang Diyos dahil, bagaman may kakayahan at kalayaan si Saul na magpasiya, hindi niya ginamit nang wasto ang kahanga-hangang pribilehiyo at pagkakataon na ibinigay sa kaniya ng Diyos, at dahil kinailangang baguhin ng Diyos ang pakikitungo Niya kay Saul yamang nagbago ang saloobin nito.—1Sa 15:10, 11, 26.
Nang ipinapahayag ng propetang si Samuel ang hatol ng Diyos may kinalaman kay Saul, sinabi niya na “ang Kamahalan ng Israel ay hindi magbubulaan, at hindi Siya magsisisi, sapagkat Siya ay hindi makalupang tao upang magsisi.” (1Sa 15:28, 29) Ang makalupang mga tao ay malimit na napatutunayang di-tapat sa kanilang salita, hindi nakatutupad sa kanilang mga pangako, o hindi nakasusunod sa mga kundisyon ng kanilang mga kasunduan; palibhasa’y di-sakdal, nagkakamali sila sa kanilang paghatol kung kaya’t nagsisisi sila. Hindi ito kailanman nangyayari sa Diyos.—Aw 132:11; Isa 45:23, 24; 55:10, 11.
Halimbawa, tiniyak ng tipan ng Diyos, na ginawa sa pagitan ng Diyos at ng “lahat ng laman” pagkatapos ng Baha, na ang Diyos ay hindi na muling magpapasapit ng baha sa buong lupa. (Gen 9:8-17) Samakatuwid, walang posibilidad na magbabago ang Diyos may kinalaman sa tipang iyon, o na kaniyang ‘pagsisisihan iyon.’ Sa katulad na paraan, sa kaniyang pakikipagtipan kay Abraham, ang Diyos ay “pumasok taglay ang isang sumpa” bilang “isang legal na garantiya” upang “ipakita nang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalang-pagbabago ng kaniyang layunin,” anupat ang kaniyang pangako at ang kaniyang sumpa ay “dalawang bagay na di-mababago na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Heb 6:13-18) Ang ipinanatang tipan ng Diyos sa kaniyang Anak ukol sa isang pagkasaserdote na gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec ay isa ring bagay na hinggil dito ay ‘hindi magsisisi’ ang Diyos.—Heb 7:20, 21; Aw 110:4; ihambing ang Ro 11:29.
Gayunman, kapag siya ay nangangako o nakikipagtipan, ang Diyos ay maaaring gumawa ng mga kahilingan, o mga kundisyon na kailangang tuparin niyaong kaniyang mga pinangakuan o mga katipan. Ipinangako niya sa Israel na sila ay magiging kaniyang “pantanging pag-aari” at magiging ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa,’ kung mahigpit nilang susundin ang kaniyang tinig at iingatan ang kaniyang tipan. (Exo 19:5, 6) Tinupad ng Diyos ang kaniyang bahagi sa tipan, ngunit hindi nakatupad ang Israel; paulit-ulit nilang nilapastangan ang tipang iyon. (Mal 3:6, 7; ihambing ang Ne 9:16-19, 26-31.) Kaya nang pawalang-bisa ng Diyos ang tipang iyon nang dakong huli, nagpakita siya ng lubos na katarungan, anupat tanging ang nagkasalang mga Israelita ang masisisi kung kaya hindi natupad ang kaniyang pangako.—Mat 21:43; Heb 8:7-9.
Sa katulad na paraan, maaaring “ikalungkot” at “talikuran” ng Diyos ang paglalapat niya ng isang kaparusahan kapag ang pagbababala niya hinggil sa gayong pagkilos ay nagbunga ng pagbabago ng saloobin at paggawi ng mga manlalabag. (Deu 13:17; Aw 90:13) Kapag bumalik sila sa kaniya, “babalik” siya sa kanila. (Zac 8:3; Mal 3:7) Sa halip na manatiling ‘nasasaktan,’ magsasaya na siya, sapagkat hindi siya nalulugod sa pagpapasapit ng kamatayan sa mga makasalanan. (Luc 15:10; Eze 18:32) Samantalang hindi lumilihis kailanman mula sa kaniyang matuwid na mga pamantayan, naglalaan ng tulong ang Diyos upang makabalik ang mga tao sa kaniya; hinihimok silang gawin ang gayon. May-kabaitan niya silang inaanyayahan na bumalik, anupat ‘iniuunat niya ang kaniyang mga kamay’ at sinasabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga kinatawan, “Manumbalik kayo, pakisuyo, . . . upang hindi ako magpangyari ng kapahamakan sa inyo,” “Pakisuyo, huwag ninyong gawin ang ganitong uri ng karima-rimarim na bagay na kinapopootan ko.” (Isa 65:1, 2; Jer 25:5, 6; 44:4, 5) Nagbibigay siya ng sapat na panahon para ang isa ay makapagbago (Ne 9:30; ihambing ang Apo 2:20-23) at nagpapakita siya ng malaking pagtitiis at pagtitimpi, yamang “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2Pe 3:8, 9; Ro 2:4, 5) Noon, may mga pagkakataon na may-kabaitan niyang tinitiyak na ang kaniyang mensahe ay may kalakip na makapangyarihang mga gawa, o mga himala, na nagpapatunay na ang kaniyang mga mensahero ay inatasan ng Diyos at tumutulong upang tumibay ang pananampalataya ng mga nakikinig. (Gaw 9:32-35) Kapag walang tumutugon sa kaniyang mensahe, naggagawad siya ng disiplina; iniuurong niya ang kaniyang lingap at proteksiyon, anupat sa gayon yaong mga di-nagsisisi ay pinahihintulutan niyang dumanas ng mga kakapusan, taggutom, at paniniil mula sa kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan nito ay maaari silang matauhan, maaaring manumbalik ang kanilang wastong pagkatakot sa Diyos, o maaari nilang matanto na hangal ang kanilang landasin at mali ang kanilang mga simulain.—2Cr 33:10-13; Ne 9:28, 29; Am 4:6-11.
Gayunman, ang kaniyang pagtitiis ay may mga hangganan, at kapag naabot na ang mga ito, siya’y ‘nagsasawa na sa panghihinayang’; pagkatapos nito ang kaniyang kapasiyahan na maglapat ng kaparusahan ay hindi na magbabago. (Jer 15:6, 7; 23:19, 20; Lev 26:14-33) Siya’y hindi na “nag-iisip” o “bumubuo” lamang ng isang kapahamakan para sa gayong mga tao (Jer 18:11; 26:3-6) kundi sumapit na sa isang kapasiyahang hindi na mababago pa.—2Ha 23:24-27; Isa 43:13; Jer 4:28; Zef 3:8; Apo 11:17, 18.
Ang pagiging handang magpatawad ng Diyos sa mga nagsisisi, gayundin ang maawaing pagbubukas niya ng daan para sa gayong pagpapatawad kahit sa harap ng paulit-ulit na pagkakasala, ay nagsisilbing halimbawa para sa lahat ng kaniyang mga lingkod.—Mat 18:21, 22; Mar 3:28; Luc 17:3, 4; 1Ju 1:9; tingnan ang KAPATAWARAN, PAGPAPATAWAD.