Liham sa mga Hebreo
9 Noon, ang naunang tipan ay may mga batas para sa sagradong paglilingkod at may banal na lugar sa lupa. 2 Ang toldang ito ay itinayo na may dalawang silid. Nasa unang silid ang kandelero at ang mesa at ang tinapay na panghandog;* at tinatawag itong Banal na Lugar. 3 Nasa likod naman ng ikalawang kurtina ang silid na tinatawag na Kabanal-banalan. 4 Naroon ang isang gintong insensaryo at ang kaban ng tipan na nababalutan ng ginto, kung saan nakalagay ang gintong lalagyan na may manna at ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng mga usbong at ang mga tapyas ng tipan; 5 at sa ibabaw nito ay may maluwalhating mga kerubin na nakalukob sa panakip na pampalubag-loob.* Pero hindi ngayon ang panahon para pag-usapan nang detalyado ang mga bagay na ito.
6 Pagkatapos itayo ang mga ito sa ganitong paraan, ang mga saserdote ay regular na pumapasok sa unang silid ng tolda para gampanan ang mga tungkulin sa sagradong paglilingkod; 7 pero ang mataas na saserdote lang ang pumapasok sa ikalawang silid minsan sa isang taon, na laging may dalang dugo, na inihahandog niya para sa sarili niya at para sa mga kasalanang nagawa ng bayan nang di-sinasadya. 8 Sa gayon ay nililinaw ng banal na espiritu na ang daan papunta sa banal na lugar ay hindi pa naihahayag habang nakatayo pa ang unang tolda. 9 Ang toldang ito ay isang ilustrasyon para sa kasalukuyan, at kaayon ng kaayusang ito, parehong inihahandog ang mga kaloob at mga hain. Pero hindi kaya ng mga ito na gawing lubos na malinis ang konsensiya* ng taong gumagawa ng sagradong paglilingkod. 10 Ang mga ito ay may kaugnayan lang sa mga pagkain at mga inumin at sa iba’t ibang seremonyal na paghuhugas.* Ang mga ito ay mga kahilingan ng batas may kinalaman sa katawan at ipinatupad hanggang sa dumating ang takdang panahon para ituwid ang mga bagay-bagay.
11 Pero nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na naganap na, pumasok siya sa mas dakila at mas perpektong tolda na hindi gawa ng mga kamay, hindi makikita sa lupa. 12 Pumasok siya sa banal na lugar para iharap, hindi ang dugo ng mga kambing at ng mga batang toro,* kundi ang sarili niyang dugo, at ginawa niya ito nang minsanan; at dahil sa kaniya, nagkaroon tayo ng walang-hanggang kaligtasan.* 13 Dahil kung ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang abo ng dumalagang baka* na iwinisik sa mga nadungisan ay nakapagpapabanal para sa ikalilinis ng laman, 14 gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo, na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng sarili niya nang walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating mga konsensiya mula sa walang-saysay* na mga gawa para makapaghandog tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?
15 Iyan ang dahilan kung bakit siya ay tagapamagitan ng isang bagong tipan, nang sa gayon, dahil namatay siya para palayain sila sa pamamagitan ng pantubos mula sa mga pagkakasala sa ilalim ng naunang tipan, matanggap ng mga tinawag ang pangako ng walang-hanggang mana. 16 Dahil kapag nakikipagtipan ang tao sa Diyos, kailangang mamatay ang taong nakikipagtipan, 17 dahil magkakabisa lang ang tipan kapag namatay ang isa; wala itong bisa kung buháy pa ang taong nakikipagtipan. 18 Dahil dito, ang naunang tipan ay hindi rin naman nagkabisa* nang walang dugo. 19 Nang masabi na ni Moises sa buong bayan ang bawat utos sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga batang toro at mga kambing at ng tubig, at iwinisik ang mga ito sa aklat* at sa buong bayan gamit ang pulang lana at isopo, 20 at sinabi niya: “Ito ang dugo para sa tipan na iniutos ng Diyos na tuparin ninyo.” 21 Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang lahat ng sisidlan para sa banal na paglilingkod.* 22 Oo, ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo, at malibang magbuhos ng dugo ay hindi mapatatawad ang mga kasalanan.
23 Kaya ang mga lumalarawan sa mga bagay na nasa langit ay kinailangang linisin sa ganitong paraan, pero ang makalangit na mga bagay ay nangangailangan ng nakahihigit na mga handog. 24 Dahil si Kristo ay pumasok, hindi sa isang banal na lugar na gawa ng mga kamay, na isang kopya ng tunay na banal na lugar, kundi sa langit mismo, kaya nasa harap siya ngayon ng Diyos para sa atin. 25 Hindi ito para ihandog ang sarili niya nang madalas, gaya ng pagpasok ng mataas na saserdote sa banal na lugar taon-taon na may dugong hindi sa kaniya. 26 Kung hindi gayon, kailangan niyang magdusa nang madalas mula nang itatag ang sanlibutan. Pero ngayon ay naihayag na niya ang sarili niya nang minsanan sa katapusan ng mga sistemang ito* para alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili niya. 27 At kung paanong ang tao ay namamatay nang minsanan, pero pagkatapos ay tumatanggap ng hatol, 28 ang Kristo ay inihandog din nang minsanan para dalhin ang kasalanan ng marami; at sa ikalawang pagkakataon na magpapakita siya, iyon ay hindi dahil sa kasalanan, at makikita siya ng mga taimtim na naghahanap sa kaniya para sa kaligtasan nila.